Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Bang Gamitin ng mga Kristiyano ang Rosaryo?
“SI Maria at ang Rosaryo ang pinakamahuhusay na paraan ng paglapit sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa pamamagitan ng panalangin.”—Jean.
“Kung kailangan mo ng anumang tulong mula kay Maria, pinakaepektibo itong makakamit sa paggamit ng Rosaryo. Hindi ako pupunta saanman nang hindi ito dala-dala!”—Kevin.
“Kami’y tinuruan na dapat manalangin sa Diyos sa pamamagitan ni Maria.”—Jeannine, isang dating madreng Katoliko.
Mayroon bang tunay na saligan para sa gayong matatag na pagtitiwala sa Rosaryo? Ang Diyos ba, si Kristo, o si Maria ay nagpayo sa paggamit nito? Ano ang sinasabi ng kasaysayan at ng Banal na Salita ng Diyos tungkol dito?
Karamihan ng mga gumagamit ng Rosaryo ay naniniwalang ito ay nagmula sa Kristiyanismo. Gayumpaman, isinisiwalat ng patotoo ng kasaysayan na ang kaugalian ng pagbigkas ng mga dasal at pagbilang ng mga ito sa mga butil ay nauna pa sa Kristiyanismo. Bilang komento sa pasimula ng Rosaryo, nag-uulat ang The World Book Encyclopedia: “Ang mga butil ng panalangin ay may sinaunang pinagmulan, at marahil ay unang ginamit ng mga Budista. Kapuwa mga Budista at mga Muslim ay gumagamit ng mga ito sa kanilang mga panalangin.” Inaamin ng The Catholic Encyclopedia na ang mga butil sa panalangin ay pamilyar sa lahat ng mga di-Kristiyano sa loob ng maraming siglo at matagal nang ginagamit bago ito tinanggap ng Simbahang Katoliko ang Rosaryo.
Si Maria at ang Rosaryo
Si Maria ay tinatawag na “Reyna ng Banal na Rosaryo.” Sa kaniya sinasabing nagmula ang pagpapayo sa mga Katoliko na “Idalangin ang Rosaryo.” Ang pinakakaraniwang Rosaryo, “Ang Rosaryo ng Pinagpalang Birheng Maria,” ay natunton mula sa ika-12 siglo C.E. at nakaabot sa buong anyo nito noong ika-15 siglo. Ang Rosaryo at si Maria ay magkasama, yamang siya ang itinuturing na tagapagpasimuno ng Rosaryo at ang pinag-uukulan ng pinakadakilang pagpapahalaga sa pananalangin.
Bakit labis ang pagdiriin kay Maria at sa Rosaryo? Bilang tugon itinuturo ng Katolikong mga autoridad ang sinabi ng anghel Gabriel kay Maria: “Magalak ka, Oh babaing pinagpala sa lahat! Ang Panginoon ay sumasaiyo.” (Lucas 1:28, The New American Bible) Batid ni Maria na bagaman mahalaga, ang kaniyang bahagi sa paglilihi at kapanganakan ni Jesus ay hindi kasinghalaga kung ihahambing sa matayog na katayuang tatanggapin ng Anak na lalaking kaniyang isisilang. Tungkol sa kaniya [kay Jesus], nagpatuloy ang anghel Gabriel sa pagsasabi: “Siya’y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kaniya ng Panginoong Diyos ang trono ni David na kaniyang ama. . . . Ang kaniyang paghahari ay walang wakas.”—Lucas 1:32, 33, NAB.
Pansinin na ang pagdiriin ay nakasentro, hindi kay Maria, kundi sa Anak na kaniyang ipaglilihi—si Jesus. Ito ang magiging dakila at magpupuno bilang Hari. (Filipos 2:9, 10) Walang sinasabi tungkol sa pagtatalaga kay Maria bilang “Reyna ng Banal na Rosaryo.” Gayumpaman, si Maria ay tumanggap ng isang pagpapala; siya’y naging ina ni Jesus.—Lucas 1:42.
Si Maria ay hindi isang babaing ambisyosa, na naghahangad ng katanyagan. Siya’y maligaya at kontento na maging mapagpakumbabang mananamba ng Diyos na Kataas-taasan. Ang kaniyang maamo, mapagpasakop na saloobin ay isinisiwalat ng kaniyang tugon sa anghel Gabriel nang kaniyang sabihin: “Ako’y isang alipin [lingkod] ng Panginoon.” (Lucas 1:38, The Jerusalem Bible) Sa buong buhay niya, pinatunayan ni Maria na siya’y isang tapat na babae ng pananampalataya, isang mangingibig ng katuwiran, isang tapat at may-pananampalatayang tagasunod ni Jesu-Kristo na nakiisa sa mga kapuwa mananamba na mapagpakumbabang nanalangin sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ang sinaunang mga Kristiyano ay nanalanging kasama ni Maria, hindi sa kaniya.—Gawa 1:13, 14.
Panalangin at ang Rosaryo
Minamalas ng mga Kristiyano ang panalangin bilang isang napakahalagang paglalaan ng Maylikha—isang tunay na kaloob na dapat bigyan ng mataas na pagpapahalaga. Ang panalangin ay may pagpipitagang pakikipag-usap sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Dapat nitong ipahayag ang ating kaloob-loobang mga damdamin at malalalim na mga pag-iisip. “Ang panalangin ay nararapat maging kapahayagan ng pakikipagkaibigan ng isa sa Diyos,” sabi ng New Catholic Encyclopedia. Ang pagsusumamo sa Diyos ay hindi dapat na maging isang walang-kabuluhang rutina, ni ng panghahawakan sa isang istriktong paboritong set ng isinaulong mga salita.—Mateo 6:7, 8.
Nakatutulong ba ang Rosaryo sa gayong makahulugang mga panalangin? Napuna ni Jeannine na ang pagbigkas ng mga “Aba Ginoong Maria” sa Rosaryo “ay naging di-namamalayang pag-uulit-ulit.” Ang pag-uulit-ulit ng gayu’t-gayunding mga salita sa Rosaryo ay hindi naglapit sa kaniya sa Diyos. Sinabi ng isa pang dating madreng Katoliko, si Lydia: “Hindi ako nakasumpong ng anumang nakapagtuturo sa pagbigkas ng Rosaryo. Mas ibig ko pa sanang magbasa ng mga aklat tungkol sa relihiyon.” Ang paulit-ulit na mga panalangin ay walang nakatutulong na layunin, yamang ipinangangako ng Diyos: “Bago sila tumawag, ako’y sasagot.” (Isaias 65:24, NAB; Mateo 6:7, 8, 32) Pinahahalagahan at sinasagot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang mga pagsusumamo nang may wastong motibo at nagmumula sa isang tapat at taimtim na puso. Hindi tinutulungan ng Rosaryo ang isang tao na lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng makabuluhan, taos-pusong mga panalangin.—Awit 119:145; Hebreo 10:22.
Kung Paano Makalalapit sa Diyos
Ang tanging paraan upang makalapit sa “Dumirinig ng panalangin” ay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Awit 65:2) Payak na itinuro ni Jesus: “Ako ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6, JB) Si Maria ay hindi inanyayahan upang makibahagi sa pananagutang ito at maglingkod bilang isang tagapamagitan. Kung ipinagkaloob kay Maria ang pantanging pribilehiyong ito, tiyak na ipinaalam sana ito ni Jehova.—Hebreo 4:14-16; 1 Juan 2:1, 2.
Ang Rosaryo at ang pagbigkas ng isinaulong mga panalangin ay nagmula sa labas ng mga di-umano’y lupaing Kristiyano. Ang pananalangin kay Maria ay pagwawalang-bahala sa itinuro ni Jesus, na “walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan [niya].” Samakatuwid, ang Rosaryo at si Maria ay hindi siyang paraan ng Diyos nang paglapit sa Kaniya sa panalangin.