Natatandaan Mo Ba?
Nabasa mo bang mabuti ang nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
Bakit sinang-ayunan ni Jehova ang mga digmaan ng sinaunang Israel?
Si Jehova ay maibigin. Pero may mga pagkakataong pinapayagan niya ang pakikipagdigma kapag may nagbabantang kasamaan at paniniil sa kaniyang bayan. Ang Diyos lang ang nagpapasiya kung sino ang makikipagdigma at kung kailan.—w15 11/1, p. 4-5.
Anong mahahalagang bagay ang puwedeng gawin ng mga magulang para sanayin ang kanilang tin-edyer na maglingkod kay Jehova?
Mahalagang mahalin ng mga magulang ang kanilang mga tin-edyer at magpakita ng kapakumbabaan sa pamamagitan ng kanilang halimbawa. Mahalaga ring magpakita sila ng kaunawaan at sikaping unawain ang kanilang anak na tin-edyer.—w15 11/15, p. 9-11.
Bakit hindi dapat ituring na kahalili ni Pedro ang papa?
Hindi sinasabi ng Mateo 16:17, 18 na si apostol Pedro ang magiging ulo ng kongregasyong Kristiyano. Ipinakikita ng Bibliya na hindi binigyan si Pedro ng nakahihigit na posisyon kundi si Jesus ang magiging batong-panulok ng kongregasyon. (1 Ped. 2:4-8)—w15 12/1, p. 12-14.
Anong mga bagay ang dapat nating tandaan bago magsalita?
Para magamit nang tama ang ating dila, dapat nating tandaan (1) kung kailan magsasalita (Ecles. 3:7), (2) kung ano ang sasabihin (Kaw. 12:18), at (3) kung paano magsasalita (Kaw. 25:15).—w15 12/15, p. 19-22.
Anong iba’t ibang uri ng kawalang-katapatan ang dapat iwasan ng mga Kristiyano?
Iniiwasan ng mga tunay na Kristiyano ang pagsisinungaling at paninirang-puri. Hindi sila nagsasabi ng huwad at mapaminsalang impormasyon na nakasisira sa reputasyon ng iba, at hindi rin sila nandaraya o nagnanakaw.—wp16.1, p. 5.
Sino ang “mga punong saserdote” na binabanggit sa Bibliya?
Ang salitang “mga punong saserdote” ay tumutukoy sa pangunahing mga miyembro ng pagkasaserdote, kabilang na ang dating mga mataas na saserdote na inalis sa tungkulin.—wp16.1, p. 10.
Paano natin dapat pakitunguhan ang mga nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal?
Hindi itinataas ng mga Kristiyano ang mga nakikibahaging iyon. Hindi nanaisin ng isang tunay na pinahiran na siya ay itaas; hindi rin niya nanaising isapubliko ang kaniyang katayuan sa Diyos. (Mat. 23:8-12)—w16.01, p. 23-24.
Paano naging kaibigan ng Diyos si Abraham?
Kumuha si Abraham ng kaalaman tungkol sa Diyos, marahil mula kay Sem. At nagkaroon ng karanasan si Abraham mula sa pakikitungo ng Diyos sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Maaari din nating gawin iyon.—w16.02, p. 9-10.
Paano nagkaroon ng numero ng mga kabanata at talata ang Bibliya?
Ang klerigong si Stephen Langton ang naglagay ng mga kabanata sa Bibliya noong ika-13 siglo. Mga tagakopyang Judio ang unang naglagay ng mga talata sa Bibliyang Hebreo, at noong ika-16 na siglo, ginawa naman ito ng iskolar na si Robert Estienne para sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.—wp16.2, p. 14-15.
Aktuwal bang dinala ni Satanas si Jesus sa templo para tuksuhin siya?
Hindi natin matitiyak. Ang ulat sa Mateo 4:5 at Lucas 4:9 ay maaaring mangahulugang dinala roon si Jesus sa pamamagitan ng isang pangitain o na tumayo siya sa isang mataas na dako sa lugar ng templo.—w16.03, p. 31-32.
Paano nagiging tulad ng hamog ang ating ministeryong Kristiyano?
Unti-unting nabubuo ang hamog at ito ay nakagiginhawa at nagbibigay-buhay. Ang hamog ay pagpapala mula sa Diyos. (Deut. 33:13) Ang sama-samang pagsisikap ng bayan ng Diyos sa ministeryo ay katulad ng hamog.—w16.04, p. 4.