Buhay at Ministeryo ni Jesus
Sa Sinagoga sa Kaniyang Bayan
NANG bumalik na si Jesus sa sariling bayan, maguguniguni natin ang alingawngaw na likha nito sa Nazaret. Bago siya lumisan upang pabautismo kay Juan mahigit na isang taon na ang nakaraan, si Jesus ay nakilala na isang karpintero. Subalit ngayon siya ay kilalang-kilala na bilang isang manggagawa ng himala. Ang kaniyang mga kababayan ay sabik na makita siya na gumawa ng ilan sa mga himalang ito sa gitna nila.
Ang kanilang pananabik ay lalong nag-iibayo habang si Jesus, ayon sa kaniyang kinaugalian, ay patungo sa sinagoga roon. Sa panahon ng serbisyo, siya’y tumindig upang bumasa, at ang balumbon ng aklat ni propeta Isaias ay iniabot sa kaniya. Nasumpungan niya roon kung saan sinasabi ang tungkol sa Isa na pinahiran ng espiritu ni Jehova, na sa ating Bibliya ngayon ay nasa kabanata 61.
Pagkatapos na basahin tungkol sa kung paanong ang Isang ito ay mangangaral ng paglaya sa mga bihag, ng pagsasauli ng paningin ng bulag, at tungkol sa kaaya-ayang taon ni Jehova, ang balumbon ay isinauli ni Jesus sa atendant at siya’y naupo na. Lahat ng mata ay nakapako sa kaniya. Pagkatapos ay nagsalita siya sa kanila, marahil ay medyo matagal, at sinabi niya: “Sa araw na ito ang kasulatan na karirinig lamang ninyo ay natupad.”
Ang mga tao ay nanggilalas sa kaniyang “kabigha-bighaning pananalita” at nagsang-usapan: “Ito ay anak ni Jose, di ba?” Subalit sa pagkaalam niya na ibig nilang makita siya na gumawa ng mga himala, sinabi ni Jesus: “Tiyak na ikakapit ninyo ang halimbawang ito sa akin, ‘Doktor, pagalingin mo ang iyong sarili; ang mga bagay na aming napakinggan na nangyari sa Capernaum ay gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan.’” Marahil ang mga dating kapitbahay ni Jesus ay naniniwala na ang pagpapagaling ay dapat magsimula sa sariling bayan, upang ang unang makinabang ay ang kaniyang sariling mga kababayan. Kaya’t inaakala nilang sila’y minaliit ni Jesus.
Yamang natarok ni Jesus ang kanilang iniisip, siya ay naglahad ng mga ilang pangyayari noong nakaraan. Mayroong maraming babaing balo sa Israel noong mga kaarawan ni Elias, sabi niya, ngunit si Elias ay hindi sinugo sa isa man sa mga ito. Bagkus, siya’y naparoon sa isang di-Israelitang babaing balo sa Sidon, at doo’y gumawa siya ng isang himalang nagliligtas-buhay. At noong mga kaarawan ni Eliseo, mayroong maraming ketongin, subalit walang pinagaling si Eliseo kundi si Naaman lamang na taga-Siria.
Palibhasa’y nagalit sila dahilan sa ganitong mga paghahambing ng mga pangyayari na nagbilad sa kanila bilang mga mapag-imbot at walang pananampalataya, yaong mga nasa sinagoga ay dumaluhong kay Jesus at itinapon siya sa labas ng lunsod. Doon, sa taluktok ng bundok na kinaroroonan ng Nazaret, sinubok nila na ihagis siya nang patiwarik. Subalit si Jesus ay nakatakas sa kanilang mga kamay at lumisan na ligtas. Lucas 4:16-30; 1 Hari 17:8-16; 2 Hari 5:8-14.
◆ Bakit gayon na lamang ang alingawngaw sa Nazaret?
◆ Ano ang palagay ng mga tao sa pananalita ni Jesus, subalit ano ang nagpagalit sa kanila nang husto?
◆ Ano ang sinubok ng mga tao na gawin kay Jesus?