Ang Sinagoga—Kung Saan Nangaral si Jesus at ang Kaniyang mga Alagad
“Nang magkagayon ay lumibot siya sa buong Galilea, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian.”—MATEO 4:23.
MARAMING beses na iniulat sa Ebanghelyo na si Jesus ay nasa sinagoga. Sa Nazaret man, ang bayan kung saan siya lumaki, o sa Capernaum, ang lunsod na naging tirahan niya, o sa iba pang mga bayan at nayon na dinalaw niya sa loob ng tatlo at kalahating taon ng magawain niyang ministeryo, madalas mangaral at magturo si Jesus sa sinagoga tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sa katunayan, ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang ministeryo: “Lagi akong nagtuturo sa sinagoga at sa templo, kung saan nagtitipon ang lahat ng mga Judio.”—Juan 18:20.
Gayundin ang mga apostol ni Jesus at ang iba pang unang mga Kristiyano, madalas silang magturo sa mga sinagoga ng Judio. Kung gayon, paano naging bahay ng pagsamba ng mga Judio ang mga sinagoga? At ano ang hitsura ng mga iyon noong panahon ni Jesus? Suriin natin.
Isang Napakahalagang Bahagi sa Buhay ng mga Judio Tatlong beses sa isang taon, ang mga lalaking Judio ay naglalakbay patungo sa Jerusalem para sa mga kapistahan na idinaraos sa sagradong templo roon. Pero sa kanilang araw-araw na pagsamba, nagtutungo sila sa sinagoga sa kanilang lugar, sila man ay nasa Palestina o isa sa maraming kolonyang Judio na naitatag sa ibang bansa.
Kailan nagsimulang gamitin ang sinagoga? Naniniwala ang ilan na ito ay noong panahon pagkatapos itapon ang mga Judio sa Babilonya (607-537 B.C.E.), isang yugto ng panahon nang giba pa ang templo ni Jehova. O maaari namang ito ay noong makabalik ang mga Judio mula sa pagkatapon, nang himukin ng saserdoteng si Ezra ang bayan na magkaroon ng higit na kaalaman at pagkaunawa sa Kautusan ng Diyos.—Ezra 7:10; 8:1-8; 10:3.
Ang sinagoga ay mula sa salitang Griego na orihinal na nangangahulugang “kapulungan” o “kongregasyon.” Ganito ang pagkakagamit dito ng Septuagint, isang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan. Pero nang maglaon, ito ay tumukoy na sa gusali kung saan nagtitipon ang mga tao upang sumamba. Noong unang siglo C.E., halos lahat ng bayan na dinalaw ni Jesus ay may sinagoga; sa mga lunsod naman ay higit pa sa isa; sa Jerusalem ay maraming sinagoga. Ano ang hitsura ng mga gusaling iyon?
Isang Simpleng Bahay ng Pagsamba Kapag nagtatayo ng isang sinagoga, karaniwan nang humahanap ang mga Judio ng isang mataas na lugar at saka gagawa ng plano para ang pasukan nito ay (1) nakaharap sa Jerusalem. Gayunman, waring ang gayong mga pamantayan ay hindi laging nasusunod.
Kapag natapos na, ang sinagoga ay kadalasang simple at iilan lamang ang kagamitan. Pero ang mahalagang bahagi nito ay ang kaban (2), o ang pinaglalagyan ng pinakamahalagang pag-aari ng pamayanan—ang mga balumbon ng Sagradong Kasulatan. Inilalabas ang kaban kapag nagtitipon, at kapag tapos na, ibinabalik ito sa isang ligtas na silid (3).
Malapit sa kaban ay may mga upuan na nakaharap sa kongregasyon (4). Ito ay para sa nangangasiwang mga opisyal ng sinagoga at sa sinumang kilalang panauhin. (Mateo 23:5, 6) Malapit sa gitna ng bulwagan ay isang plataporma na may patungan at upuan para sa tagapagsalita (5). May mga bangko para sa kongregasyon sa tatlong panig ng gusali na nakaharap sa plataporma (6).
Karaniwan nang ang sinagoga ay pinangangasiwaan at sinusuportahan ng lokal na kongregasyon. Namamantini at kinukumpuni ang gusali mula sa kusang-loob na kontribusyon ng lahat, mayaman at mahirap. Ano ang ginagawa sa mga pagpupulong sa sinagoga?
Pagsamba sa Sinagoga Kabilang sa programa ng pagsamba sa sinagoga ang pagpuri, panalangin, pagbasa ng Kasulatan, gayundin ang pagtuturo at pangangaral. Nagsisimula ang kongregasyon sa pamamagitan ng pagbigkas sa Shema, na katumbas ng pagpapahayag ng pananampalataya ng mga Judio. Galing ang salitang ito sa unang salita ng unang binibigkas na teksto: “Pakinggan [Shema] mo, O Israel: Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.”—Deuteronomio 6:4.
Pagkatapos, may binabasa at ipinaliliwanag mula sa Torah, ang unang limang aklat ng Bibliya na isinulat ni Moises. (Gawa 15:21) Susundan ito ng isa pang pagbasa na hinalaw sa akda ng mga propeta (mga haftarah), at pagpapaliwanag at pagkakapit. Kung minsan, ang mga dumadalaw na tagapagsalita ang gumaganap ng bahaging ito, gaya ng ginawa ni Jesus sa isang pagkakataon na nakaulat sa Lucas 4:16-21.
Sabihin pa, ang balumbon na iniabot kay Jesus sa pulong na iyon ay walang mga kabanata o talata na gaya ng modernong mga Bibliya ngayon. Kaya maiisip-isip natin kung paano inilaladlad ng kaliwang kamay ni Jesus ang balumbon habang inirorolyo naman ito ng kaniyang kanang kamay hanggang sa masumpungan niya ang tekstong hinahanap niya. Pagkatapos magbasa, ang balumbon ay inirorolyo ulit nang maayos.
Kadalasan nang ginagawa ang pagbasa sa wikang Hebreo at saka isinasalin sa wikang Aramaiko. Sa mga kongregasyong nagsasalita ng Griego, ginagamit nila ang Septuagint.
Mahalagang Bahagi ng Araw-araw na Buhay Napakahalaga sa araw-araw na buhay ng mga Judio ang sinagoga pati na ang ibang karugtong o katabing mga gusali nito, na ginagamit nila sa iba’t ibang layunin. Kung minsan, doon ginaganap ang mga paglilitis, gayundin ang mga pagtitipon ng pamayanan kung saan may mga pagkain sa karugtong na mga silid-kainan. Kung minsan, ang mga manlalakbay ay pinatutuloy sa mga silid sa katabing mga gusali ng sinagoga.
May paaralan din sa halos lahat ng sinagoga sa mga bayan, na kadalasan nang nasa loob ng gusali ring iyon. Maguguniguni natin ang isang silid na punô ng mga estudyante na nag-aaral bumasa ng malalaking titik na isinulat ng guro sa wax tablet. Dahil sa mga paaralang iyon, natutong bumasa at sumulat ang sinaunang mga Judio anupat kahit karaniwang mga tao ay pamilyar sa Kasulatan.
Gayunman, ang sinagoga ay pangunahin nang para sa araw-araw na pagsamba. Kaya hindi kataka-taka na ang mga pulong ng mga Kristiyano noong unang siglo ay nahahawig sa mga pulong sa sinagoga ng mga Judio. Kapag nagtitipon ang mga Kristiyano, sinasamba rin nila si Jehova sa pamamagitan ng panalangin, mga awit ng papuri, at pagbasa at pagtalakay sa Salita ng Diyos. Hindi lamang iyan ang mga pagkakatulad. Sa mga dakong ito ng pagsamba, tinutustusan ng kusang-loob na mga kontribusyon ang iba’t ibang pangangailangan at gastusin. Ang pagbasa at pagtalakay ng Salita ng Diyos ay hindi lamang para sa mga may katungkulan. At ang mga pulong ay inoorganisa at pinangangasiwaan ng responsableng matatandang lalaki.
Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon na sundin ang halimbawa ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod noong unang siglo. Kaya ang mga pulong sa kanilang mga Kingdom Hall ay halos kapareho ng mga pagtitipon sa sinagoga noon. Higit sa lahat, tulad ng lahat ng umiibig sa katotohanan, nagtitipon din ang mga Saksi upang maging ‘malapít sa Diyos.’—Santiago 4:8.
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang pagtatayong-muling ito ay ibinatay sa plano ng Sinagoga sa Gamla noong unang siglo
[Larawan sa pahina 18]
Tinuturuan sa mga paaralan sa sinagoga ang mga batang lalaki na edad 6 hanggang 13