PAGTAWA
Ayon kay Gesenius, ang mga salitang Hebreo para sa pagtawa (tsechoqʹ at ang katulad na anyong sechoqʹ) ay onomatopoeic, samakatuwid nga, tinutularan ng mga ito ang tunog ng pagtawa (gaya ng isinusulat na mga bulalas sa Tagalog na “he he” at “ha ha”). Ang pangalan ni Isaac, Yits·chaqʹ, na nangangahulugan ding “Pagtawa,” ay may gayunding paggaya sa tunog.
Sina Abraham at Sara ay tumawa nang sabihin sa kanila ng anghel na magkakaanak sila sa kanilang katandaan. Hindi sinaway si Abraham dahil sa kaniyang pagtawa, ngunit sinaway si Sara at ikinaila pa nga niya ang kaniyang pagtawa. Samakatuwid, waring ang pagtawa ni Abraham ay dahil sa kaniyang kagalakan sa kahanga-hangang pag-asa na siya’y magkaanak kay Sara sa kaniyang katandaan. Ngunit maliwanag na tumawa si Sara dahil naging waring katawa-tawa sa kaniya ang kahanga-hangang pag-asang iyon; para sa kaniya, waring kakatwang isipin na magkakaanak pa ang isang babaing katulad niya, na matanda na at matagal nang baog. (Gen 17:17; 18:9-15) Gayunman, sa dalawang kasong ito, ang pagtawa ay hindi nangangahulugan ng paghamak o sinasadyang panlilibak, at iniuulat na kapuwa sila nagpakita ng pananampalataya sa pangako ng Diyos. (Ro 4:18-22; Heb 11:1, 8-12) Nang maipanganak ang batang ito, walang alinlangan na nalugod ang mag-asawa, sapagkat maraming taon na itong hinahangad ng kanilang mga puso. Pinangalanan ni Abraham ang kanilang anak, at pagkatapos ay sinabi ni Sara: “Ang Diyos ay naghanda ng katatawanan sa akin: pagtatawanan ako ng lahat ng makaririnig niyaon.” (Gen 21:1-7) Walang alinlangang namangha at nalugod ang iba nang marinig ang mabuting balita tungkol sa tinamong pagpapala nina Abraham at Sara mula kay Jehova.
Kung Kailan Angkop. Si Jehova ang “maligayang Diyos” at ibig niyang maging maligaya ang kaniyang mga lingkod. (1Ti 1:11) Gayunman, ipinakikita ng Kasulatan na mayroon lamang partikular na mga panahon kung kailan angkop ang pagtawa. May “panahon ng pagtangis at panahon ng pagtawa.” (Ec 3:1, 4) Pinapayuhan tayo ng taong marunong na si Haring Solomon: “Yumaon ka, kainin mo ang iyong pagkain nang may pagsasaya at inumin mo ang iyong alak nang may mabuting puso, sapagkat ang tunay na Diyos ay nakasumpong na ng kaluguran sa iyong mga gawa.” Gayunman, walang makatuwirang dahilan para magsaya kung ang gawain ng isa ay nagwawalang-bahala sa matuwid na mga daan ng Diyos.—Ec 9:7.
Kung Kailan Di-angkop. Mahalaga na mamuhay ang isa sa paraan na makapagtatamo siya ng mabuting pangalan kay Jehova. Kung gayon, sa sistemang ito ng mga bagay, may mga panahon na ang pagtawa ay sadyang di-angkop, baka nakapipinsala pa nga. Sa kaniyang eksperimento “upang hawakan nga ang kahibangan hanggang sa makita ko kung anong kabutihan ang mayroon sa mga anak ng sangkatauhan sa ginawa nila,” sinabi ni Solomon sa kaniyang puso: “Pumarito ka ngayon, susubukan kita sa kasayahan. Gayundin, magtamasa ka ng kabutihan.” Ngunit natuklasan niyang ito’y walang-kabuluhan. Nasumpungan niya na ang pagkakasayahan at pagtawa sa ganang sarili ay hindi tunay na nakapagbibigay-kasiyahan, sapagkat hindi nakapagdudulot ng tunay at namamalaging kaligayahan ang mga ito. Tiyak na kailangan ang tunay na pundasyon para sa namamalagi at nakapagpapatibay na kagalakan. Ibinulalas ni Solomon ang kaniyang damdamin: “Sinabi ko sa pagtawa: ‘Kabaliwan!’ at sa kasayahan: ‘Ano ang ginagawa nito?’”—Ec 2:1-3.
Ipinakita ni Solomon na isang katalinuhan ang pamumuhay hindi lamang para sa paghahanap ng kasiyahan. Sinabi niya: “Mas mabuti ang pumaroon sa bahay ng pagdadalamhati kaysa pumaroon sa bahay ng pigingan, sapagkat iyon ang wakas ng lahat ng mga tao; at dapat itong isapuso niyaong buháy.” Hindi ito nangangahulugan na nakahihigit ang kalungkutan kaysa sa pagsasaya. Tumutukoy ito sa isang espesipikong panahon, sa panahong may taong namatay at ang bahay ay nagdadalamhati. Pumaroon upang aliwin ang mga naulila sa halip na kalimutan na lamang sila at magpiging at magkasayahan. Ang pagdalaw sa mga nagdadalamhati ay hindi lamang makaaaliw sa mga naulila kundi makapag-uudyok din sa dumadalaw na maalaala ang kaiklian ng buhay, upang matanto niya na ang kamatayang sumapit sa bahay na iyon ay sasapit sa lahat sa di-katagalan at na dapat itong isaisip niyaong mga nabubuhay. Makagagawa lamang ang isang tao ng mabuting pangalan habang siya’y nabubuhay, hindi kapag malapit na siyang mamatay. At tanging ang isang mabuting pangalan sa Diyos ang bagay na tunay na mahalaga sa isa na mamamatay na.—Ec 7:2; Gen 50:10; Ju 11:31.
Sinabi pa ni Solomon: “Mas mabuti ang kaligaligan kaysa sa pagtawa, sapagkat sa pagsimangot ng mukha ay bumubuti ang puso.” (Ec 7:3) Ang pagtawa ay mabuting kagamutan, ngunit may mga panahong kailangan nating seryosong pag-isipan ang ating buhay at kung paano natin ito ginagamit. Kung makita natin na masyadong maraming panahon ang ating sinasayang sa walang-saysay na pagpipiging at na hindi tayo gumagawa ng mabuting pangalan sa pamamagitan ng mabubuting gawa, dapat tayong maligalig sa ating sarili, magsisi, at magbago; mapabubuti nito ang ating puso. Tutulungan tayo nitong gumawa ng mabuting pangalan upang ang araw ng ating kamatayan o ang panahon ng huling pagsisiyasat sa atin ng Diyos at ni Kristo ay maging mas mabuti para sa atin kaysa sa araw ng ating kapanganakan.—Ec 7:1.
“Ang puso ng marurunong ay nasa bahay ng pagdadalamhati, ngunit ang puso ng mga hangal ay nasa bahay ng kasayahan,” ang sabi pa ni Solomon. “Mas mabuti ang makinig sa saway ng marunong kaysa maging taong nakikinig sa awit ng mga hangal.” (Ec 7:4, 5) Kapag ang isa na may pusong marunong ay nasa bahay ng namatayan, nadarama niya ang pagkaseryoso ng kalagayan sa gayong lugar, at inuudyukan nito ang kaniyang puso na mag-ingat sa kung paano niya ginagamit ang kaniyang buhay. Ngunit ang mapagwalang-bahalang espiritu sa isang dako ng walang-taros na pagsasaya ay nakaaakit sa puso ng mangmang at dahil dito’y namumuhay siya taglay ang isang mababaw at mapagpabayang saloobin. Kung ang isang tao ay lumilihis sa tamang landas, ang saway ng isang taong marunong ang magbabalik sa kaniya sa daan ng buhay sa pamamagitan ng pagtutuwid sa kaniya at pagtulong sa kaniya na makagawa ng isang mabuting pangalan para sa kaniyang sarili. Ngunit paano makatutulong ang pakikinig sa awit ng isang mangmang o sa pambobola na nagkukubli ng mga pagkakamali at nagpapatigas sa atin sa isang maling landasin? Uudyukan tayo nito na patuloy na gumawa ng masamang pangalan, anupat hindi tayo itutuwid nito tungo sa mga daang aakay sa isang mabuting pangalan kay Jehova.
“Sapagkat gaya ng lagitik ng mga tinik sa ilalim ng palayok, gayon ang tawa ng hangal; at ito rin ay walang kabuluhan.” (Ec 7:6) Ang mga tinik ay madaling magliyab ngunit madali ring maging abo. Baka hindi tumagal ang mga ito upang maluto ang pagkaing nasa palayok, anupat kung magkagayon ay hindi nito matatapos ang gawaing nilayon kung bakit pinagningas ang apoy. Kaya naman, ang nakikita, maingay, at nagliliyab na paglagitik ng mga ito ay walang saysay at walang kabuluhan. Ganiyan din ang mabababaw na halakhak at kahibangan ng mangmang. Karagdagan pa, ang mismong tunog ng pagtawa ng isang mangmang ay masakit sa tainga, palibhasa’y di-angkop sa panahon o sa okasyon, at maaaring makapagpahina ng loob sa halip na makapagpatibay. Hindi nito tinutulungan ang sinuman sa seryosong gawain ng pagkakaroon ng isang mabuting pangalan na maaalaala ng Diyos at ng sa gayo’y ‘maging mas mabuti ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan.’
Pagtawang Pinalitan ng Pagdadalamhati. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya kayo na tumatangis ngayon, sapagkat kayo ay tatawa,” at, “Sa aba, kayo na tumatawa ngayon, sapagkat kayo ay magdadalamhati at tatangis.” (Luc 6:21, 25) Maliwanag na idiniriin ni Jesus na ang pagtangis niyaong mga nalulungkot dahil sa masasamang kalagayan sa relihiyon na umiiral noon sa Israel ay maaaring mapalitan ng pagtawa sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kaniya. Samantala, kung tungkol naman sa mga nasisiyahan sa pagtawa at sa buhay, nang hindi nababahala sa kanilang kinabukasan, ang kanilang pagtawa ay mapapalitan ng pagdadalamhati. (Ihambing ang Luc 16:19-31.) Noong sumusulat siya sa mga Kristiyano, hinimok ng kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago ang mga Kristiyanong may makasanlibutang pag-iisip: “Magbigay-daan kayo sa kahapisan at magdalamhati at tumangis. Palitan ninyo ng pagdadalamhati ang inyong pagtawa, at ng kalumbayan ang inyong kagalakan. Magpakababa kayo sa paningin ni Jehova, at itataas niya kayo.” (San 4:4, 9, 10) Ang gayong pagkakataas ay magdudulot ng tunay na kaligayahan.
Upang Magpahayag ng Pag-alipusta. Sa Kasulatan, ang pagtawa ay madalas tukuyin bilang isang kapahayagan ng pag-alipusta. Ang pandiwang Hebreo na tsa·chaqʹ (tumawa) ay nangangahulugan ding “manukso; gawing katatawanan.”—Gen 21:9; 39:14.
Maging ang mga hayop ay inilalarawang tumatawa bilang panlilibak. Mababasa rin na pinagtatawanan ng babaing avestruz ang humahabol na kabayo at ang nakasakay rito (dahil sa kaniyang bilis), at pinagtatawanan naman ng kabayo ang panghihilakbot kapag humahayo ito sa pagbabaka (dahil sa lakas at kawalang-takot nito). (Job 39:13, 18, 19, 22) Sinasabing pinagtatawanan ng Leviatan (buwaya) ang pagkalampag ng diyabelin, dahil sa kaniyang makapal na baluti.—Job 41:1, 29.
Kinailangang batahin ng mga lingkod ng Diyos ang maraming mapang-alipustang pagtawa laban sa kanila. Sinabi ni Job: “Ako ay naging isang katatawanan sa kaniyang kapuwa.” (Job 12:4; 30:1) Si Jeremias ay naging katatawanan sa buong araw sa gitna ng kaniyang mga kapanahon. (Jer 20:7) Si Jesu-Kristo mismo ay pinagtawanan nang may panlilibak bago niya ibangon ang anak na babae ni Jairo mula sa kamatayan. (Mat 9:24; Mar 5:40; Luc 8:41-53) Gayunman, lahat niyaong nakababatid ng lakas at karunungan ng Diyos at masunurin sa kaniya ay may mabuting dahilan upang maging maligaya.—Mat 5:11, 12.
Ang Diyos na Jehova ay inilalarawang tumatawa nang may pang-aalipusta sa mga bansa, sa kanilang mapaghambog na mga salita, na nauuwi sa wala, at sa kalituhang dulot ng kanilang mangmang na landasin laban sa kaniya. (Aw 59:8) Alam niya ang kaniyang sariling kapangyarihan at mga layunin, at pinagtatawanan niya ang mahina at walang-saysay na pagsalansang nila sa kaniya at sa kaniyang bayan. (Aw 2:1-4) Tiyak na ayaw ng isang taong marunong na pagtawanan siya ni Jehova. (Kaw 1:26) Bagaman hindi nalulugod si Jehova sa pagkamatay ng balakyot (Eze 18:23, 32), hindi siya nababahala sa kanilang mga pakana laban sa kaniyang bayan at tumatawa siya dahil nakikita niya ang araw ng pagliligtas para sa mga matuwid, kung kailan mabibigo ang mga pakana ng mga balakyot at ang kabalakyutan ay wawakasan magpakailanman.—Aw 37:12, 13, 20.