ALAGAD
Isa na naturuan, isang mag-aarál. Ang salitang Hebreo para sa alagad (lim·mudhʹ) ay pangunahin nang tumutukoy sa isa na natututo, tinuturuan, o sinasanay. (Ihambing ang Isa 8:16, tlb sa Rbi8.) Ang kaugnay nitong salita na mal·madhʹ ay tumutukoy sa isang “tungkod na pantaboy” na ginagamit sa pagsasanay sa mga baka. (Huk 3:31; ihambing ang Os 10:11.) Ang salitang Griego naman na ma·the·tesʹ (alagad) ay pangunahing tumutukoy sa isa na nagtutuon ng kaniyang isipan sa isang bagay.
Sa Griegong Kasulatan, mababasa natin na may mga alagad si Jesus, si Juan na Tagapagbautismo, ang mga Pariseo, at si Moises. (Mat 9:14; Luc 5:33; Ju 9:28) Ang unang mga alagad ni Jesus ay dating mga alagad ni Juan. (Ju 1:35-42) Sa Mateo 10:1 at 11:1, ang 12 pinili bilang mga apostol ay tinatawag na mga alagad. Sa malawak na kahulugan nito, ang salitang “alagad” ay tumutukoy sa mga naniniwala sa turo ni Jesus, at ang isa sa mga ito ay isang lihim na alagad. (Luc 6:17; Ju 19:38) Gayunman, sa mga ulat ng Ebanghelyo, ang salitang ito ay kadalasang tumutukoy sa grupo ng malalapít na tagasunod ni Jesus na nakasama niya sa mga paglalakbay para sa pangangaral at kaniyang tinuruan at tinagubilinan. Ang terminong ito ay pangunahing tumutukoy sa lahat niyaong naniniwala sa mga turo ni Kristo at maingat ding sumusunod sa mga iyon. Dapat silang turuan na “tuparin ang lahat ng mga bagay” na iniutos ni Jesus.—Mat 28:19, 20.
Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad upang sila’y maging tulad niya, samakatuwid nga, mga mangangaral at mga guro ng mabuting balita ng Kaharian. Sinabi ni Jesus: “Ang isang mag-aarál ay hindi nakahihigit sa kaniyang guro, kundi ang bawat isa na sakdal na naturuan ay magiging tulad ng kaniyang guro.” (Luc 6:40) Pinatunayan ng sumunod na mga pangyayari na mabisa ang pagtuturo ni Kristo. Ipinagpatuloy ng kaniyang mga alagad ang gawaing itinuro niya sa kanila at gumawa sila ng mga alagad sa buong Imperyo ng Roma, sa Asia, Europa, at Aprika, bago nagwakas ang unang siglo. Ito ang naging pangunahing gawain nila, kaayon ng utos ni Jesu-Kristo sa Mateo 28:19, 20.
Hanggang sa ngayon, obligado ang mga Kristiyano na gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa. Nilinaw iyan ng pansarang mga salita ng utos ni Jesus: “At, narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” Hindi sila gumagawa ng mga alagad para sa kanilang sarili, dahil ang totoo, ang mga naturuan nila ay mga alagad ni Jesu-Kristo, sapagkat ang sinusunod ng mga iyon ay mga turo ni Kristo, hindi ng mga tao. Sa dahilang ito, ang mga alagad ay tinawag na mga Kristiyano sa pamamagitan ng patnubay mula sa Diyos. (Gaw 11:26) Sa katulad na paraan, ang propetang si Isaias ay nagkaroon ng mga alagad, ngunit hindi para sa kaniyang sarili. Alam ng mga alagad ni Isaias ang kautusan ni Jehova, at nanghawakan sila sa patotoo ng kautusan.—Isa 8:16.
Ang pagiging alagad ni Jesus ay hindi nangangahulugan ng maalwang pamumuhay. Hindi pinalugdan ni Jesus ang kaniyang sarili, sa halip ay tumahak siya sa isang landasin na doo’y ubod-tindi siyang sinalansang ng Diyablo at ng mga alipores nito. (Ro 15:3) Sinabi niya na dapat siyang ibigin ng kaniyang mga alagad nang higit kaysa sa kanilang pinakamalalapit na kamag-anak sa lupa, at higit pa nga kaysa sa kanilang sariling kaluluwa. Dapat nilang ibigin ang kanilang mga kapuwa alagad na Kristiyano. Dapat silang magluwal ng espirituwal na bunga. Kung nais ng isang tao na maging alagad ni Jesus, kailangan niyang pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at sundan ang landasing tinahak ni Kristo. Sa paggawa nito, kailangan niyang ‘magpaalam sa lahat ng kaniyang mga pag-aari,’ ngunit tatanggap naman siya ng mas maraming mahahalagang bagay ngayon, kasama ng mga pag-uusig, at ng buhay na walang hanggan sa hinaharap.—Luc 14:26, 27, 33; Ju 13:35; 15:8; Mar 10:29, 30; tingnan ang KRISTIYANO.