Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bakit nasabi ni Jesus sa isang kilalang makasalanang babae na pinatawad na ang mga kasalanan nito?—Luc. 7:37, 48.
Habang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseong si Simon, isang babae ang “lumagay sa likuran ng kaniyang mga paa.” Matapos basain ng kaniyang mga luha ang mga paa ni Jesus, pinunasan niya ito ng kaniyang buhok, magiliw na hinalikan, at pinahiran ng mabangong langis. Ang babae ay “kilala sa lunsod bilang isang makasalanan,” ayon sa ulat ng Ebanghelyo. Totoo, makasalanan ang lahat ng tao. Pero sa Bibliya, madalas gamitin ang terminong ito bilang pagtukoy sa isa na balitang makasalanan. Malamang na patutot ang babaing iyon. Sa ganitong uri ng tao sinabi ni Jesus: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na.” (Luc. 7:36-38, 48) Ano ang ibig sabihin ni Jesus? Posible ba iyon gayong hindi pa naman naihahandog noon ang pantubos?
Matapos hugasan at langisan ng babae ang mga paa ni Jesus, nagbigay si Jesus ng isang ilustrasyon kay Simon para linawin ang isang mahalagang aral. Inihalintulad niya ang kasalanan sa napakalaking utang na di-kayang bayaran. Sinabi niya kay Simon: “Dalawang tao ang may utang sa isang nagpapahiram; ang isa ay nagkautang ng limang daang denario, ngunit ang isa pa ay limampu. Nang wala silang anumang maibayad, kapuwa niya sila pinatawad nang lubusan. Kung gayon, sino sa kanila ang iibig sa kaniya nang higit?” Sumagot si Simon: “Sa palagay ko ay ang isa na lubusan niyang pinatawad nang higit.” Sinabi ni Jesus: “Wasto ang iyong paghatol.” (Luc. 7:41-43) Lahat tayo ay dapat sumunod sa Diyos, kaya kapag sumusuway tayo sa kaniya at sa gayo’y nagkakasala, hindi natin naibibigay sa Diyos ang nauukol sa kaniya. Dahil dito, nagkakautang tayo. Pero si Jehova ay gaya ng isang nagpapahiram na handang magpatawad ng utang. Kaya naman, hinimok ni Jesus ang mga tagasunod niya na manalangin: “Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin.” (Mat. 6:12) Sa Lucas 11:4, ang mga utang na ito ay tinutukoy bilang mga kasalanan.
Paano pinatatawad noon ng Diyos ang kasalanan ng mga tao? Ayon sa kaniyang sakdal na katarungan, ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. Kaya nang magkasala si Adan, buhay niya ang naging kabayaran. Pero sa ilalim ng Kautusang ibinigay ng Diyos sa bansang Israel, mapapatawad ang mga kasalanan ng isa kung maghahandog siya ng hayop kay Jehova. Sinabi ni apostol Pablo: “Halos lahat ng bagay ay nililinis ng dugo ayon sa Kautusan, at malibang magbuhos ng dugo ay walang kapatawarang magaganap.” (Heb. 9:22) Ito lang ang tanging paraang alam ng mga Judio para mapatawad ng Diyos. Kaya hindi nakapagtatakang tumutol sa sinabi ni Jesus sa babae ang mga kasama niyang kumakain. Inisip nila: “Sino ang taong ito na nagpapatawad nga ng mga kasalanan?” (Luc. 7:49) Kung gayon, paano mapapatawad ang kasalanan ng babae?
Ang kauna-unahang hula matapos maghimagsik ang unang mag-asawa ay tungkol sa layunin ni Jehova na magbangon ng isang “binhi” na susugatan ni Satanas at ng kaniyang “binhi” sa sakong. (Gen. 3:15) Naganap ang pagsugat na ito nang patayin si Jesus ng mga kaaway ng Diyos. (Gal. 3:13, 16) Ang itinigis na dugo ni Kristo ang nagsisilbing pantubos na nagpapalaya sa mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. Para kay Jehova, naibayad na ang pantubos matapos niyang banggitin ang mga salita sa Genesis 3:15, yamang wala namang makahahadlang sa pagsasakatuparan niya ng kaniyang layunin. Maaari na niyang patawarin ang mga nananampalataya sa kaniyang mga pangako.
Bago ang panahong Kristiyano, itinuring ni Jehova na matuwid ang ilang indibiduwal. Kabilang dito sina Enoc, Noe, Abraham, Rahab, at Job. Nanampalataya sila at inasam ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. Sumulat si Santiago: “Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova, at ibinilang itong katuwiran sa kaniya.” Ganito naman ang sinabi niya tungkol kay Rahab: “Sa gayunding paraan hindi ba si Rahab na patutot ay ipinahayag din na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa?”—Sant. 2:21-25.
Si Haring David ay nakagawa ng malulubhang kasalanan, pero matibay ang pananampalataya niya sa tunay na Diyos at taimtim na nagsisisi kapag nagkamali. Bukod diyan, sinasabi ng Kasulatan: “Inilagay siya [si Jesus] ng Diyos bilang isang handog para sa pagpapalubag-loob sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Ito ay upang ipakita ang kaniyang sariling katuwiran, sapagkat pinatatawad niya ang mga kasalanan na naganap noong nakaraan habang ang Diyos ay nagtitimpi; upang ipakita ang kaniyang sariling katuwiran sa kasalukuyang kapanahunang ito, upang siya ay maging matuwid kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong may pananampalataya kay Jesus.” (Roma 3:25, 26) Sa bisa ng haing pantubos na ilalaan ni Jesus, maaari nang patawarin ni Jehova ang mga kasalanan ni David nang hindi nilalabag ang Kaniyang pamantayan sa katarungan.
Ganiyan din ang kalagayan ng babaing binanggit kanina. Siya ay imoral, pero nagsisi naman. Alam niyang kailangan siyang matubos sa kasalanan, at ipinakita niyang talagang pinahahalagahan niya ang isa na gagamitin ni Jehova bilang pantubos. Bagaman hindi pa naihahandog ang pantubos, sigurado na ang bisa nito at puwede nang makinabang ang mga taong tulad niya. Kaya naman sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na.”
Maliwanag na ipinapakita ng ulat na ito na hindi hinamak ni Jesus ang mga makasalanan. Ginawan niya sila ng mabuti. Ipinapakita rin nito na handang magpatawad si Jehova sa mga nagsisising makasalanan. Napakalaki ngang pampatibay-loob nito sa mga tulad nating di-sakdal!
[Larawan sa pahina 7]
Ibinilang itong katuwiran sa kanila