KABANATA 40
Isang Aral sa Pagpapatawad
ISANG MAKASALANANG BABAE ANG NAGBUHOS NG LANGIS SA MGA PAA NI JESUS
ILUSTRASYON SA PAGPAPATAWAD
Iba-iba ang pagtugon ng mga tao sa sinasabi at ginagawa ni Jesus, depende sa kondisyon ng kanilang puso. Kitang-kita iyan sa nangyari sa isang bahay sa Galilea. Inanyayahan si Jesus ng Pariseong si Simon sa salusalo. Gusto niya marahil na kilatisin ang isa na gumagawa ng mga himala. Tinanggap ni Jesus ang imbitasyon, malamang na para makapangaral sa mga naroroon, gaya ng ginawa niya noong anyayahan siyang kumain kasama ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.
Pero hindi ginawa kay Jesus ang kaugaliang pagtanggap sa mga bisita. Maalikabok ang mga daan sa Palestina at dahil nakasandalyas ang mga tao, naiinitan at nadudumhan ang mga paa nila. Kaya tanda ng pagtanggap sa mga bisita ang paghuhugas sa mga paa nila. Pero hindi ito ginawa kay Jesus. Hindi rin siya hinalikan bilang pagbati, na karaniwan noon. Kaugalian din ang pagbubuhos ng langis sa buhok ng bisita bilang pagpapakita ng kabaitan at pagkamapagpatuloy. Hindi rin ito ginawa kay Jesus. Kaya bukal ba talaga sa loob nila ang pag-iimbita kay Jesus?
Umupo na ngayon ang mga bisita, at habang kumakain sila, tahimik na pumasok ang isang babae na hindi imbitado. Siya ay “kilalang makasalanan sa lunsod.” (Lucas 7:37) Makasalanan ang lahat ng di-sakdal na tao, pero lumilitaw na ang babaeng ito ay imoral, marahil ay isang bayaran. Posibleng narinig niya ang mga turo ni Jesus, pati na ang paanyayang ‘lumapit ang mga pagod at nabibigatan para maginhawahan.’ (Mateo 11:28, 29) Malamang na naantig ang babae sa mga salita at ginawa ni Jesus kaya hinanap niya si Jesus.
Pumunta ang babae sa paanan ni Jesus at lumuhod. Tumulo ang luha niya sa mga paa ni Jesus, at pinunasan niya ito ng kaniyang buhok. Hinalikan niya ang mga paa ni Jesus at binuhusan ito ng mabangong langis. Nadismaya si Simon sa nakita, at inisip: “Kung talagang propeta ang taong ito, makikilala niya kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kaniyang mga paa, na makasalanan siya.”—Lucas 7:39.
Nabasa ni Jesus ang iniisip ni Simon, kaya sinabi niya: “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot si Simon: “Ano iyon, Guro?” Nagpatuloy si Jesus: “Dalawang tao ang may utang sa isang nagpapahiram; ang utang ng isa ay 500 denario, at ang isa naman ay 50. Nang wala silang maibayad, hindi na niya sila pinagbayad. Sa tingin mo, sino sa kanila ang higit na magmamahal sa nagpahiram?” Malamang na wala sa loob ang sagot na ito ni Simon: “Sa tingin ko, ang isa na mas malaki ang utang.”—Lucas 7:40-43.
Sumang-ayon si Jesus. Tiningnan niya ang babae, at saka sinabi kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay; hindi mo ako binigyan ng tubig para sa mga paa ko. Pero binasâ ng babaeng ito ng mga luha niya ang mga paa ko at pinunasan ng kaniyang buhok. Hindi mo ako hinalikan, pero mula nang pumasok ako, walang tigil ang babaeng ito sa paghalik sa mga paa ko. Hindi mo binuhusan ng langis ang ulo ko, pero binuhusan ng babaeng ito ng mabangong langis ang mga paa ko.” Nakita ni Jesus na taimtim ang pagsisisi ng babae. Kaya sinabi niya kay Simon: “Sinasabi ko sa iyo, kahit marami siyang kasalanan, pinatatawad na ang mga ito. Iyan ang dahilan kaya higit ang pagmamahal niya. Pero siya na pinatatawad nang kaunti ay nagmamahal nang kaunti.”—Lucas 7:44-47.
Hindi kinukunsinti ni Jesus ang imoralidad. Sa halip, nahahabag siya at naiintindihan ang may mabibigat na kasalanan na nagsisisi at humahanap ng kaginhawahan kay Kristo. Tiyak na gumaan ang pakiramdam ng babaeng ito nang sabihin ni Jesus: “Pinatatawad na ang mga kasalanan mo. . . . Iniligtas ka ng pananampalataya mo; umuwi ka na at huwag nang mag-alala.”—Lucas 7:48, 50.