ILUSTRASYON, MGA
Mas malawak ang kahulugan ng pananalitang Griego na pa·ra·bo·leʹ (sa literal, isang paglalagay sa tabi o pagsasama) kaysa sa Ingles na “proverb” [kawikaan] o “parable” [talinghaga]. Gayunman, malawak ang saklaw ng “ilustrasyon” at maaaring kabilang dito ang “talinghaga” at, sa maraming kaso, ang “kawikaan.” Ang isang “kawikaan” ay naglalarawan ng isang katotohanan sa pamamagitan ng makahulugang pananalita, kadalasa’y sa pamamagitan ng metapora, at ang isang “talinghaga” naman ay isang paghahambing o similitude, isang maikling salaysay, kadalasa’y kathang-isip, na mapagkukunan ng isang katotohanang moral o espirituwal.
Mas malawak ang kahulugan ng salitang pa·ra·bo·leʹ na ginagamit ng Kasulatan kaysa sa Ingles na “parable”; ipinakikita ito sa Mateo 13:34, 35, kung saan itinawag-pansin ni Mateo na ayon sa hula, si Jesu-Kristo ay magsasalita sa pamamagitan ng “mga ilustrasyon” (NW), “parables” (KJ, RS). Ang Awit 78:2, na sinipi rito ni Mateo, ay tumutukoy sa “isang kasabihan” (sa Heb., ma·shalʹ; sa Ingles, a proverbial saying), at pa·ra·bo·leʹ ang salitang Griego na ginamit ng manunulat ng Ebanghelyo para sa terminong ito. Gaya ng ipinahihiwatig ng literal na kahulugan ng terminong Griego na ito, ang pa·ra·bo·leʹ ay isang paraan ng pagtuturo o pagtatawid ng isang ideya, isang pamamaraan ng pagpapaliwanag sa isang bagay sa pamamagitan ng ‘paglalagay nito sa tabi’ ng isa pang bagay na katulad nito. (Ihambing ang Mar 4:30.) Ginagamit na lamang ng karamihan sa mga saling Ingles ang anyong Ingles na “parable” upang isalin ang terminong Griego na ito. Gayunman, hindi sa bawat pagkakataon ay naitatawid ng pagkakasaling ito ang lubos na kahulugan niyaon.
Halimbawa, sa Hebreo 9:9 at 11:19, nasumpungan ng karamihan sa mga salin na kailangan silang gumamit ng ibang pananalita maliban sa “talinghaga.” Sa naunang teksto, ang tabernakulo, o tolda, na ginamit ng Israel sa ilang, ay tinatawag ng apostol na si Pablo bilang “isang ilustrasyon [pa·ra·bo·leʹ; “figure,” KJ; “similitude,” Ro; “symbolic,” AT, RS] para sa takdang panahon.” Sa ikalawang teksto, si Abraham ay inilalarawan ng apostol bilang tumanggap kay Isaac mula sa mga patay “sa makatalinghagang paraan” (NW; sa Ingles, “in an illustrative way”) (en pa·ra·bo·leiʹ; “figuratively speaking,” JB, RS). Ang pananalitang, “Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili,” ay tinagurian ding isang pa·ra·bo·leʹ. (Luc 4:23) Dahil dito, ang isang mas saligang termino na gaya ng “ilustrasyon” (NW) ay nagsisilbing iisang salin ng pa·ra·bo·leʹ sa lahat ng kaso.
Ang isa pang kaugnay na termino ay ang “alegoriya” (sa Gr., al·le·go·riʹa), na isang pinahabang metapora kung saan ang iba’t ibang pagkilos ay sumasagisag sa iba pang mga pagkilos, samantalang ang mga tauhan ay kadalasang mga sagisag o mga personipikasyon. Ginamit ni Pablo ang pandiwang Griego na al·le·go·reʹo (gawing alegoriya) sa Galacia 4:24 hinggil kina Abraham, Sara, at Hagar. Isinalin ito bilang ‘maging isang alegoriya’ (KJ), ‘maging isang pananalitang alegorikal’ (AT), at ‘magsilbing isang makasagisag na drama’ (NW).
Gumamit din ang apostol na si Juan ng naiibang termino (pa·roi·miʹa) na nagpapahiwatig ng “paghahambing” (Ju 10:6; 16:25, 29); isinalin ito sa iba’t ibang paraan bilang “figure,” “makasagisag na pananalita,” “talinghaga,” “kawikaan,” at “paghahambing” (AT, KJ, NW). Ginamit din ni Pedro ang terminong iyon may kinalaman sa “kawikaan” ng asong nagbalik sa kaniyang suka at ng babaing baboy sa paglulubalob sa lusak.—2Pe 2:22.
Mabisa. Bilang isang mapuwersang kasangkapan sa pagtuturo, ang mga ilustrasyon o mga talinghaga ay mabisa sa di-kukulangin sa limang paraan: (1) Ang mga ito’y nakatatawag at nakabibihag ng pansin; iilang bagay ang nakapupukaw ng interes na gaya ng isang karanasan o kuwento. Sino ang hindi pamilyar sa mga ilustrasyon ng alibughang anak at ng nawawalang tupa? (2) Pinasisigla ng mga ito ang kakayahan sa pag-iisip; ang isa sa pinakamabubuting ehersisyo para sa isip ay ang pagsasaliksik sa kahulugan ng isang paghahambing, upang makuha ang mga abstraktong katotohanan na inihaharap sa gayong paraan. (3) Pinupukaw ng mga ito ang emosyon at, sa pamamagitan ng praktikal na pagkakapit ng mga katotohanan na kadalasa’y maliwanag sa tagapakinig, naaabot ang budhi at ang puso. (4) Ang mga ito’y madaling matandaan; maaaring muling isalaysay ang kuwento at gawan ito ng pagkakapit. (5) Iniingatan ng mga ito ang katotohanan, yamang ang mga ito’y laging naaangkop at nauunawaan sa alinmang panahon at kapanahunan. Ito’y sapagkat tinatalakay ng mga ito ang buhay at ang mga bagay sa kalikasan, samantalang maaaring magbago ang kahulugan ng mga salita lamang. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ang mga katotohanan ng Bibliya ay malinaw na malinaw hanggang sa ngayon, gaya noong panahong salitain o isulat ang mga iyon.
Mga Layunin. Gaya ng nabanggit na, ang pangunahing layunin ng lahat ng mga ilustrasyon ay upang makapagturo. Ngunit may iba pang mga layunin ang mga ilustrasyong ginamit sa Bibliya:
(1) Kung minsan, ang isang tao ay kailangang magsaliksik upang makuha ang lubos, malalim, at tumatagos-sa-pusong kahulugan ng mga iyon. Dahil dito, umaatras yaong mga hindi umiibig sa Diyos ngunit mayroon lamang mababaw na interes at hindi naman talagang naghahangad ng katotohanan sa kanilang mga puso. (Mat 13:13-15) Hindi gayong uri ng mga tao ang tinitipon ng Diyos. Dahil sa mga ilustrasyon, ang mga mapagpakumbaba ay nauudyukang humingi ng karagdagang paliwanag; ayaw namang gawin iyon ng mga mapagmapuri. Sinabi ni Jesus: “Siya na may mga tainga ay makinig,” at bagaman nag-alisan na ang karamihan sa mga pulutong na nakikinig kay Jesus, ang mga alagad ay lumalapit at humihingi ng paliwanag.—Mat 13:9, 36.
(2) Ikinukubli ng mga ilustrasyon ang katotohanan mula roon sa mga gagamit sa mga ito sa maling paraan at sa mga nagnanais na bumitag sa mga lingkod ng Diyos. Sinagot ni Jesus ang mapandayang tanong ng mga Pariseo sa pamamagitan ng ilustrasyon tungkol sa barya ng buwis, anupat nagtapos siya: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” Pinabayaan niya ang kaniyang mga kaaway na gumawa sa ganang sarili nila ng pagkakapit niyaon; ngunit lubusang naunawaan ng mga alagad ni Jesus ang simulain ng neutralidad na inilahad niyaon.—Mat 22:15-21.
(3) Palibhasa ang tagapakinig ay hinahayaang magkapit ng mga simulain ng ilustrasyon sa kaniyang sarili, makapaghahatid ito sa kaniya ng isang malinaw na mensahe ng babala at pagsaway, samantala’y hindi siya makatututol anupat wala siyang maigaganti sa tagapagsalita. Nang punahin ng mga Pariseo si Jesus dahil kumakain siya kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan, tumugon si Jesus: “Ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Humayo kayo, kung gayon, at alamin kung ano ang kahulugan nito, ‘Ang ibig ko ay awa, at hindi hain.’ Sapagkat ako ay pumarito upang tawagin, hindi ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan.”—Mat 9:11-13.
(4) Kahit ginagamit ang mga ito sa pagtutuwid sa isang tao, ang mga ilustrasyon ay magagamit upang pawiin ang maling akala ng tagapakinig, anupat iniingatan ang kaniyang isipan upang huwag itong palabuin ng gayong maling akala, at sa gayo’y mas mabisa ang mga ito kaysa sa isang kapahayagan lamang ng katotohanan. Ganito ang nangyari nang pakinggan ni Haring David si Natan noong sinasaway siya nito dahil sa pagkakasala niya may kaugnayan kina Bat-sheba at Uria. (2Sa 12:1-14) Ganito rin ang kaso nang gamitin ang isang ilustrasyon upang maudyukan ang balakyot na si Haring Ahab na timbangin ang mga simulaing nasasangkot sa kaniyang pagsuway nang paligtasin niya ang buhay ni Haring Ben-hadad ng Sirya, isang kaaway ng Diyos, at upang maudyukan siyang bumigkas ng kahatulang tumutuligsa sa kaniyang sarili.—1Ha 20:34, 38-43.
(5) Ang mga ilustrasyon ay maaaring gumanyak sa mga tao na kumilos sa iba’t ibang paraan, upang ‘ipakita ang kanilang tunay na kulay,’ kung sila ba ay tunay na mga lingkod ng Diyos o hindi. Nang sabihin ni Jesus: “Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan,” “marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik sa mga bagay na nasa likuran at hindi na lumakad na kasama niya.” Sa ganitong paraan, naihiwalay ni Jesus yaong mga hindi naman tunay na naniniwala mula sa puso.—Ju 6:54, 60-66.
Tamang Pangmalas at Pag-unawa. May higit sa isang aspekto ang mga ilustrasyon ng Bibliya. Ang mga ito’y nagsasaad ng mga simulain at nagbibigay-linaw sa mga iyon, at kadalasa’y may makahulang kahulugan at pagkakapit. Karagdagan pa, ang ilan ay may makahulang kahulugang kapit sa panahong sinalita ang mga ito o di-katagalan pagkatapos niyaon, at ang ilan naman ay magkakaroon pa ng katuparan sa malayong hinaharap.
Sa pangkalahatan, may dalawang maling akala na makahahadlang sa pag-unawa sa mga ilustrasyon ng Bibliya. Ang isa ay ang ituring ang lahat ng ilustrasyon bilang magagandang kuwento, ehemplo, o aral lamang. Halimbawa, itinuturing ng ilan ang talinghaga tungkol sa alibughang anak bilang isang mainam na akdang pampanitikan; ang ilustrasyon tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro, bilang halimbawa naman ng gantimpala at kaparusahan pagkatapos ng kamatayan.
Hinggil dito, kapuna-puna rin na ang mga ilustrasyon, bagaman hinalaw sa tunay na buhay at sa mga bagay sa kalikasan, ay hindi naman laging mga aktuwal na pangyayari. Bagaman may mga ilustrasyong nagsisimula sa mga pananalitang gaya ng: “Noong unang panahon,” “Ang isang tao ay may,” “May isang tao,” o katulad na mga parirala, ang mga ito ay kinatha ng tagapagsalita sa ilalim ng impluwensiya ng espiritu ng Diyos at ang mga ito ay mga gayon lamang—mga ilustrasyon, o mga talinghaga. (Huk 9:8; Mat 21:28, 33; Luc 16:1, 19) Ganito ang sabi hinggil kay Jesu-Kristo: “Lahat ng mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus sa mga pulutong sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Sa katunayan, kung walang ilustrasyon ay hindi siya nagsasalita sa kanila.”—Mat 13:34; Mar 4:33, 34.
Ang ikalawang hadlang sa pag-unawa sa mga ito ay ang masyadong detalyadong pagkakapit sa ilustrasyon, anupat sinisikap na itugma sa makasagisag na paraan ang bawat detalye ng salaysay ng literal na mga pangyayari sa pamamagitan ng di-makatuwirang pagkakapit o pagpapakahulugan.
Upang marating ang wastong pag-unawa, una, kailangang basahin ang konteksto, anupat inaalam ang tagpo nang salitain ang ilustrasyon, at itinatanong, Ano ang mga kalagayan at mga pangyayari noon? Bilang halimbawa, nang tawaging “mga diktador ng Sodoma” at “bayan ng Gomorra” ang mga tagapamahala at taong-bayan ng Israel, naiisip natin ang mga taong talamak na mga makasalanan laban kay Jehova. (Isa 1:10; Gen 13:13; 19:13, 24) Nang idalangin ng salmista kay Jehova na gawin sa mga kaaway ng Diyos at ng Kaniyang bayan “ang gaya ng sa Midian,” ipinaaalaala nito ang lubusang paglupig sa mga maniniil na iyon ng bayan ng Diyos, anupat mahigit sa 120,000 ang pinaslang.—Aw 83:2, 3, 9-11; Huk 8:10-12.
Pangalawa, kadalasa’y mahalaga ang kaalaman tungkol sa Kautusan, mga kaugalian at mga gawain, at idyoma ng panahong iyon. Halimbawa, ang kaalaman tungkol sa Kautusan ay makatutulong upang maunawaan ang ilustrasyon tungkol sa lambat na pangubkob. (Mat 13:47-50) Yamang binubuwisan ang mga namumungang punungkahoy sa Palestina noong panahong iyon, at pinuputol ang mga di-mabungang punungkahoy, mauunawaan natin kung bakit pinangyari ni Jesus na malanta ang isang di-mabungang puno ng igos upang magamit niya iyon bilang ilustrasyon.—Mat 21:18-22.
Bilang panghuli, ang mga salik sa isang ilustrasyon ay hindi dapat bigyan ng sariling pagpapakahulugan na mula sa personal na pangmalas o mula sa pilosopiya. Ganito ang alituntuning inilahad para sa mga Kristiyano: “Walang sinumang nakaaalam ng mga bagay ng Diyos, maliban sa espiritu ng Diyos. Ngayon ay tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos, upang malaman natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos. Ang mga bagay na ito ay sinasalita rin natin, hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan niyaong itinuro ng espiritu, habang pinagsasama natin ang espirituwal na mga bagay at espirituwal na mga salita.”—1Co 2:11-13.
Maipakikita ang pagkakapit ng alituntuning ito may kaugnayan sa makahulang ilustrasyong nasa Apocalipsis kabanata 6. Isang kabayong puti ang una sa apat na kabayong binanggit dito. (Apo 6:2) Ano ang isinasagisag nito? Upang makuha ang kahulugan nito, maaari tayong bumaling sa ibang mga bahagi ng Bibliya at gayundin sa konteksto nito. Sinasabi ng Kawikaan 21:31: “Ang kabayo ay inihahanda para sa araw ng pagbabaka.” Kadalasan, ang puti ay ginagamit upang sumagisag sa katuwiran. Puti ang trono ng paghatol ng Diyos; ang mga hukbo sa langit ay nakasakay sa mga kabayong puti at nadaramtan ng mapuputi, malilinis, maiinam na lino. (Apo 20:11; 19:14; ihambing ang Apo 6:11; 19:8.) Kaya naman, masasabi natin na ang kabayong puti ay kumakatawan sa matuwid na pakikipagdigma.
Ang mangangabayong nakasakay sa itim na kabayo ay may isang pares ng timbangan, at ang mga pagkain ay tinitimbang. (Apo 6:5, 6) Maliwanag na taggutom ang inilalarawan dito, yamang sa hula ni Ezekiel hinggil sa taggutom, siya’y sinabihan: “Ang iyong pagkain na kakainin mo ay magiging ayon sa timbang . . . at kakain sila ng tinapay nang ayon sa timbang at may pagkabalisa, at iinom sila ng tubig nang ayon sa takal at may pagkagimbal.” (Eze 4:10, 16) Kadalasan, sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga sagisag na ginamit sa Bibliya, gaya ng mga hayop na binanggit sa mga ilustrasyon, ang isa ay makapagtatamo ng tulong at espirituwal na kaliwanagan.—Tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.
Maraming ilustrasyon ang mauunawaan dahil sa paliwanag mismo ng Bibliya, na kadalasa’y sinusundan ng salaysay ng mga pangyayaring katuparan ng mga ito. Ang dalawa sa mga ito ay: ang pagbutas ni Ezekiel sa pader at paglabas niya nang may takip ang kaniyang mukha (Eze 12:1-16; 2Ha 25:1-7, 11; Jer 52:1-15), gayundin ang pagtatangka ni Abraham na ihandog si Isaac ngunit muli niyang pagtanggap dito dahil namagitan ang Diyos (ang mga ilustrasyong ito ay mga aktuwal na pangyayari rin, anupat isinadulang gaya ng isang drama). (Gen 22:9-13; Heb 11:19) Ang iba naman, partikular na ang maraming ilustrasyong sinalita ni Jesu-Kristo, ay ipinaliwanag din ni Jesus pagkaraan. Sa maraming kaso, nakatutulong sa pag-unawa ng mga ilustrasyon ng Bibliya ang makabagong mga pangyayaring natutupad.
Sa Hebreong Kasulatan. Udyok ng espiritu ni Jehova, ang mga propetang Hebreo at mga manunulat ng Bibliya ay nagtala ng napakaraming angkop na mga ilustrasyon. Makikita ang makatalinghagang pananalita sa Genesis, sa pangako ni Jehova na kaniyang pararamihin ang binhi ni Abraham “tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” (Gen 22:15-18) Upang idiin ang kalunus-lunos na kalagayang kinasadlakan ng kaniyang bayan sa Juda dahil sa kasalanan, inudyukan ni Jehova si Isaias na ihambing ito sa isang karima-rimarim na kalagayan ng pagkakasakit, sa pagsasabing: “Ang buong ulo ay may sakit, at ang buong puso ay mahina. . . . Mga sugat at mga pasa at sariwa pang mga latay—hindi pa napipisil ang mga ito o natatalian, ni napalambot man ng langis.” (Isa 1:4-6) Naghatid naman si Jehova kay Haring Nabucodonosor ng makahulang mga mensaheng kinabibilangan ng mga pangitain tungkol sa isang napakalaking imahen at isang napakataas na punungkahoy, at nakita ni Daniel ang ilang pamahalaan sa lupa na inilarawan bilang mababangis na hayop.—Dan kab 2, 4, 7.
Kalimitan, kapag tinutukoy nila ang isang tao o isang grupo ng mga tao, ang mga propeta ay gumagamit ng isang salita o pananalita upang maikapit, bilang metapora, ang mga katangian niyaon sa indibiduwal o sa grupong iyon. Halimbawa, si Jehova ay inilalarawan bilang “ang Bato ng Israel,” bilang isang “malaking bato,” at bilang isang “moog,” anupat nagtatawid ng ideya na ang Diyos ay isang matatag na pinagmumulan ng katiwasayan. (2Sa 23:3; Aw 18:2) Ang Juda ay sinasabing “isang anak ng leon.” (Gen 49:9) Sinasabi naman na ang mga Asiryano ang “tungkod” ng galit ng Diyos.—Isa 10:5.
Sa maraming pagkakataon, isinadula ng mga propeta ang mensaheng iniatas sa kanila upang ihatid, anupat pinag-iibayo ang tindi ng salitang binigkas. Humula si Jeremias ng kapahamakan para sa Jerusalem at idiniin niya iyon sa pamamagitan ng pagbasag ng isang prasko sa paningin ng nagkakatipong matatandang lalaki ng bayan at ng mga saserdote. Inihula niya ang pagkaalipin sa Babilonya at pinatingkad ito sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga panali at mga pamatok sa iba’t ibang mga hari. (Jer kab 19, 27) Lumakad naman si Isaias nang hubad at nakatapak upang idiin sa mga Israelita na sa ganitong paraan dadalhin sa pagkatapon ang mga Ehipsiyo at ang mga Etiope, na inaasahan nila ukol sa tulong. (Isa 20) Naglilok si Ezekiel ng larawan ng Jerusalem sa isang laryo, nagtayo ng isang muralyang pangubkob laban doon, naglagay ng isang ihawang bakal sa pagitan niya at ng laryo, at humiga sa kaniyang tagiliran kaharap niyaon, upang ilarawan ang dumarating na pagkubkob sa Jerusalem.—Eze 4.
Kung minsan, may mga kuwentong inilalahad upang idiin ang puntong itinatawid. Ginawa ito ni Jotam upang ipakita sa mga may-ari ng lupain sa Sikem ang kahibangan ng pagpili nila sa napakasamang tao na si Abimelec bilang kanilang hari. (Huk 9:7-20) Sa aklat ni Ezekiel, isang salaysay naman ang umiikot sa dalawang agila at isang punong ubas, bilang paglalarawan sa landasin ng Juda may kaugnayan sa Babilonya at Ehipto. (Eze 17) Sa katulad na paraan, ginamit ni Ezekiel ang kuwento ng dalawang magkapatid, sina Ohola at Oholiba, na naging mga patutot, bilang paglalarawan sa landasin ng Samaria (ang sampung-tribong kaharian ng Israel) at ng Jerusalem (Juda).—Eze 23.
Ang mga ilustrasyong nabanggit dito ay ilan lamang sa maraming ilustrasyong matatagpuan sa Hebreong Kasulatan. Halos bawat manunulat ng Bibliya at propeta ay gumamit ng mga ilustrasyon, anupat ang ilan ay ibinigay mismo sa kanila ng Diyos sa anyong mga pangitain, ang ilan ay sa pamamagitan ng mga salita, at ang ilan naman ay sa pamamagitan ng aktuwal na mga realidad, gaya halimbawa ng tabernakulo, na tinatawag na “isang ilustrasyon.”—Heb 9:9.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan din ay punô ng matitingkad na ilustrasyon. Hinggil kay Jesu-Kristo, ganito ang sinabi, “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.” Sa lahat ng taong nabuhay sa lupa kailanman, siya ang may pinakasaganang bangan na mapagkukunan ng kaalaman. (Ju 7:46) Sa pamamagitan niya ay ginawa ng Diyos ang lahat ng bagay. (Ju 1:1-3; Col 1:15-17) Matalik ang pagkakakilala niya sa sangnilalang. Kaya naman, hindi kataka-taka na ang ginawa niyang mga paghahambing ay angkop na angkop at ang kaniyang paglalarawan sa mga damdamin ng tao ay kakikitaan ng malalim na pagkaunawa. Katulad siya ng taong marunong noong sinauna na nagsabi: “At bukod pa sa pagiging marunong ng tagapagtipon, patuluyan din niyang tinuruan ng kaalaman ang mga tao, at siya ay nagmuni-muni at lubusang nagsaliksik, upang makapagsaayos siya ng maraming kawikaan. Ang tagapagtipon ay nagsikap na makasumpong ng nakalulugod na mga salita at makasulat ng wastong mga salita ng katotohanan.”—Ec 12:9, 10.
Angkop na kinilala ni Jesus ang kaniyang mga alagad bilang “ang asin ng lupa” at “ang liwanag ng sanlibutan.” (Mat 5:13, 14) Hinimok niya sila na ‘masdang mabuti ang mga ibon sa langit’ at ‘kumuha ng aral mula sa mga liryo sa parang.’ (Mat 6:26-30) Inihalintulad niya ang kaniyang sarili sa isang pastol na handang mamatay alang-alang sa kaniyang mga tupa. (Ju 10:11-15) Ganito ang sinabi niya patungkol sa Jerusalem: “Kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit hindi ninyo ibig.” (Mat 23:37) Ang mapagpaimbabaw na mga lider ng relihiyon ay tinawag niyang “mga bulag na tagaakay, na sumasala ng niknik ngunit lumululon ng kamelyo!” (Mat 23:24) At may kinalaman sa taong tumitisod sa iba, ipinahayag niya: “Mas makabubuti pa sa kaniya kung ibibitin sa kaniyang leeg ang isang gilingang-bato at ihahagis siya sa dagat.”—Luc 17:1, 2.
Bagaman ang mga ilustrasyong ginamit ni Jesus ay maaaring mga pananalitang maiikli at tuwiran, gaya ng mga kasabihang matatagpuan sa Hebreong Kasulatan, ang mga ito’y kadalasang mas mahahaba at kalimita’y may haba at katangiang gaya ng isang kuwento. Karaniwa’y hinahalaw ni Jesus ang kaniyang mga ilustrasyon sa nakapalibot na sangnilalang, sa pamilyar na mga kaugalian ng pang-araw-araw na buhay, sa paminsan-minsang mga pangyayari o mga situwasyong di-imposible, at sa mga pangyayari kamakailan na alam na alam ng kaniyang mga tagapakinig.
Ilan sa prominenteng mga ilustrasyon ni Jesus. Sa sumusunod na materyal, makasusumpong ka ng kapaki-pakinabang na impormasyon hinggil sa tagpo at konteksto ng 30 sa mga ilustrasyong ginamit ni Jesu-Kristo noong panahon ng ministeryo niya sa lupa at itinala naman ng mga manunulat ng Ebanghelyo:
(1) Ang dalawang taong may utang (Luc 7:41-43). Ang layunin ng talinghaga tungkol sa dalawang taong may utang, anupat ang isa ay nagkautang nang sampung ulit ng utang ng isa pa, at ang pagkakapit ng talinghaga, ay matatagpuan sa konteksto nito, sa Lucas 7:36-40, 44-50.
Inilahad ang ilustrasyong ito udyok ng saloobin ng punong-abala ni Jesus na si Simon sa isang babae na pumasok at nagpahid ng mabangong langis sa mga paa ni Jesus. Hindi naman itinuring na kakaiba ang pagkanaroroon ng taong iyon na di-inanyayahan, sapagkat sa mga kainan, waring may mga pagkakataon na nakapapasok sa silid ang mga taong di-inanyayahan at nauupo ang mga ito sa kahabaan ng dingding, at mula roo’y nakikipag-usap sila sa mga nakaupo sa mesang nasa gitna ng silid. Angkop na ikinapit ni Jesus ang kalagayan ng dalawang taong may utang, anupat itinawag-pansin niya na hindi naglaan si Simon ng tubig para sa kaniyang mga paa, hindi siya binati sa pamamagitan ng isang halik, at hindi nito pinahiran ng langis ang kaniyang ulo; ang mga gawang ito ng pagbibigay-galang ay kaugaliang ipinakikita sa isang panauhin. Ngunit nagpakita ng higit na pag-ibig at pagkamapagpatuloy kay Jesus ang babaing makasalanan, bagaman hindi siya ang kaniyang punong-abala. Nang magkagayo’y sinabi niya sa babae: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na.”
(2) Ang manghahasik (Mat 13:3-8; Mar 4:3-8; Luc 8:5-8). Sa mismong ilustrasyon, walang mga pahiwatig hinggil sa pagpapakahulugan nito, ngunit ang paliwanag ay malinaw na ibinigay sa Mateo 13:18-23; Marcos 4:14-20; at Lucas 8:11-15. Pinagtuunan ng pansin ang mga kalagayang nakaaapekto sa lupa, o puso, at ang mga impluwensiyang makahahadlang sa paglaki ng binhi, o ng salita ng Kaharian.
Noong mga araw na iyon, sari-saring pamamaraan ng paghahasik ng binhi ang ginagamit. Ang isang karaniwang paraan ay ang pagdadala ng manghahasik ng isang supot ng mga binhi na nakatali sa kaniyang balikat at sa palibot ng kaniyang baywang; ang iba naman ay gumagawa ng isang lalagyan para sa mga binhi mula sa isang bahagi ng kanilang panlabas na kasuutan. Ikinakalat nila ang binhi sa pamamagitan ng pagsasaboy nito gamit ang kanilang kamay habang sila’y naglalakad. Hangga’t maaari, kaagad na tinatakpan ang binhi upang hindi ito tukain ng mga uwak. Kapag ang mang-aararo ay nag-iwan ng landas sa pagitan ng mga bukid na hindi inararo, o kung may mga binhing mahulog sa matigas na lupa sa tabi ng daan, kinakain ng mga ibon ang mga binhing nahulog doon. Ang “mga dakong mabato” ay hindi mga lugar kung saan nagkalat lamang ang mga bato sa lupa; kundi, gaya ng ipinakikita ng Lucas 8:6, ang binhi ay nahulog sa “batong-limpak,” o isang nakukubling batuhan, kung saan kaunting-kaunti ang lupa. Ang mga halamang tutubo mula sa mga binhing ito ay kaagad na malalanta sa sikat ng araw. Maliwanag na inararo naman ang lupang dating may mga tinik, ngunit hindi ito naalisan ng mga panirang-damo, anupat ang mga iyon ay tumubo at sinakal ang bagong-tanim na mga binhi. Ang nabanggit na ani ng mga binhing mabunga—isang daang ulit, animnapung ulit, at tatlumpung ulit—ay pawang makatuwiran. Pamilyar ang mga tagapakinig ni Jesus sa paghahasik ng binhi at sa iba’t ibang uri ng lupa.
(3) Mga panirang-damo sa gitna ng trigo (Mat 13:24-30). Nagbigay si Jesus ng paliwanag, gaya ng nakaulat sa Mateo 13:36-43, anupat pinaghambing niya ang “trigo” o “ang mga anak ng kaharian” at “ang mga panirang-damo,” “ang mga anak ng isa na balakyot.”
Ang paghahasik ng mga panirang-damo sa isang bukid ng trigo ay ginagawa ng mga kaaway sa Gitnang Silangan. Karaniwang pinaniniwalaan na ang “mga panirang-damo” na tinutukoy rito ay ang nakalalasong bearded darnel (Lolium temulentum), anupat ang nakalalasong sangkap nito ay karaniwang inaakalang nagmumula sa fungus na tumutubo sa loob ng mga binhing ito. Kahawig na kahawig ito ng trigo hanggang sa gumulang ito, ngunit sa panahong iyon ay madali na itong makilala. Kapag kinain, maaari itong magdulot ng pagkahilo at, sa ilang kalagayan, pati ng kamatayan. Yamang madaling magkasala-salabid ang mga ugat ng mga panirang-damong ito at ang mga ugat ng trigo, ang pagbunot sa mga ito bago ang pag-aani, kahit maaari nang kilalanin ang mga ito, ay hahantong sa pagkasira ng trigo.
(4) Ang butil ng mustasa (Mat 13:31, 32; Mar 4:30-32; Luc 13:18, 19). Ang paksa nito ay “ang kaharian ng langit.” Gaya ng ipinakikita sa ibang mga teksto, maaaring tumutukoy ito sa ilang pitak may kaugnayan sa Kaharian. Sa kasong ito, dalawang bagay ang itinatampok ng ilustrasyon: una, ang kamangha-manghang pagsulong ng mensahe ng Kaharian; ikalawa, ang proteksiyong ibinibigay sa mga tumatanggap sa mensahe nito.
Ang butil ng mustasa ay napakaliit kung kaya maaari itong gamitin upang tumukoy sa anumang bagay na pagkaliit-liit. (Luc 17:6) Kapag husto na ang laki, may ilang halamang mustasa na umaabot sa taas na 3 hanggang 4.5 m (10 hanggang 15 piye) at nagkakaroon ng matitibay na sanga, anupat halos nagiging “isang punungkahoy,” gaya ng sabi ni Jesus. Sa kahawig na paraan, ang kongregasyong Kristiyano ay napakaliit lamang nang magsimula ito noong Pentecostes, 33 C.E. Ngunit noong unang siglo, naging mabilis ang paglaki nito, at sa makabagong panahon, ang mga sanga ng “punungkahoy” ng mustasa ay lumago nang higit pa sa inaasahan.—Isa 60:22.
(5) Ang lebadura (Mat 13:33). Muli, ang paksa nito ay “ang kaharian ng langit.” Ang “tatlong malalaking takal” ay tatlong saʹta, samakatuwid nga, tatlong seah, na katumbas ng mga 22 L (20 tuyong qt) ng harina. Kaunti lamang ang lebadura kung ihahambing, ngunit nakaaapekto ito sa buong limpak. Anong aspekto ng Kaharian ang inilalarawan ng ilustrasyong ito? Tulad ng lebadura, ang espirituwal na paglago may kaugnayan sa Kaharian ay kadalasang lingid sa paningin ng tao, ngunit ito’y patuluyan at laganap. Tulad ng lebadura sa malaking takal ng harina, ang pangangaral ng Kaharian na siyang dahilan ng espirituwal na paglago ay lumawak anupat ipinangangaral na sa ngayon ang Kaharian ‘hanggang sa pinakamalalayong bahagi ng lupa.’—Gaw 1:8.
(6) Ang nakatagong kayamanan (Mat 13:44). Sinalita ni Jesus, hindi sa mga pulutong, kundi sa kaniyang mga alagad. (Mat 13:36) Gaya ng sinabi sa teksto, ang paksa ay “ang kaharian ng langit,” na nagdudulot ng kagalakan sa isa na nakasusumpong niyaon; hinihiling nito na gumawa siya ng mga pagbabago sa kaniyang buhay at hanapin muna ang Kaharian, anupat isinusuko ang lahat alang-alang dito.
(7) Ang mangangalakal na naghahanap ng mga perlas (Mat 13:45, 46). Sinalita ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Inihalintulad niya ang Kaharian ng langit sa isang mainam na perlas na gayon na lamang ang halaga anupat ipinagbili ng isang tao ang lahat ng kaniyang pag-aari upang matamo iyon.
Ang mga perlas ay mahahalagang hiyas na matatagpuan sa mga kabibi ng mga talaba at ng iba pang mga mulusko. Gayunman, hindi lahat ng perlas ay “maiinam”; maaaring ang iba ay hindi malinaw na puti, kundi dilaw, o baka medyo maitim pa nga, o maaaring hindi makinis. Sa sinaunang mga tao sa Gitnang Silangan, ang perlas ay lubhang pinahahalagahan at nakapagdudulot ng kaluguran sa may-ari nito. Sa ilustrasyong ito, ang mangangalakal ay naghahanap ng mga perlas; naunawaan niya ang nakahihigit na halaga ng perlas na ito at handa siyang magpakahirap na gawin at ibigay ang lahat upang matamo iyon.—Ihambing ang Luc 14:33; Fil 3:8.
(8) Ang lambat na pangubkob (Mat 13:47-50). Sa ilustrasyong ito, inilalarawan ni Jesus ang pagbubukod, o pagpili, sa mga hindi karapat-dapat sa kaharian ng langit. Tinutukoy ng talata 49 ang “katapusan ng sistema ng mga bagay” bilang panahon kung kailan aabot sa kasukdulan ang katuparan nito.
Ang lambat na pangubkob ay isang lambat na yari sa mga lubid o mga panaling lino at dinisenyong hilahin sa sahig ng katubigan. Sa pamamagitan nito, lahat ng uri ng isda ay matitipon. Angkop na angkop ang ilustrasyong ito sa mga alagad ni Jesus yamang ang ilan sa kanila ay mga mangingisda. Alam na alam nila na may mga isdang di-karapat-dapat at kailangang itapon yamang, palibhasa’y walang mga palikpik at kaliskis, ang mga ito’y marumi at hindi maaaring kainin, ayon sa Kautusang Mosaiko.—Lev 11:9-12; Deu 14:9, 10.
(9) Ang walang-awang alipin (Mat 18:23-35). Inilalahad sa Mateo 18:21, 22 ang kalagayang nag-udyok kay Jesus upang gamitin ang ilustrasyong ito, at sinasabi sa talata 35 ang pagkakapit nito. Pinatitingkad nito kung gaano kaliit ang mga utang sa atin ng ating kapuwa kung ihahambing sa pagkakautang natin sa Diyos. Bilang mga taong makasalanan na ang napakalaking pagkakautang ay pinatatawad ng Diyos sa pamamagitan ng hain ni Kristo, idiniriin sa atin ng ilustrasyong ito ang pangangailangang magpatawad sa maituturing na maliliit na pagkakasala sa atin ng ating kapuwa.
Ang isang denario ay katumbas ng kabayaran sa maghapong paggawa; kaya ang 100 denario, ang mas maliit na utang, ay katumbas ng mga isang katlo ng isang-taóng kabayaran. Ang sampung libong talentong pilak, ang mas malaking utang, ay katumbas ng 60 milyong denario, o kabayarang mangangailangan ng libu-libong haba ng buhay upang maipon. Makikita kung gaano kalaki ang pagkakautang na ito sa hari sa bagay na, ayon kay Josephus, noong kaniyang mga araw, ang mga teritoryo ng Judea, Idumea, at Samaria at ang ilang lunsod ay sama-samang nagbabayad ng mga buwis na nagkakahalaga ng 600 talento bawat taon; ang Galilea at Perea naman ay nagbabayad ng 200. Sinabi mismo ni Jesus (sa talata 35) ang simulaing ipinahayag sa talinghaga: “Sa katulad na paraan din makikitungo sa inyo ang aking makalangit na Ama kung hindi kayo magpapatawad mula sa inyong mga puso, ang bawat isa sa kaniyang kapatid.”
(10) Ang madamaying Samaritano (Luc 10:30-37). Ipinakikita ng tagpong nakaulat sa Lucas 10:25-29 na ibinigay ang ilustrasyong ito bilang tugon sa tanong na, “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Makikita naman sa mga talata 36 at 37 ang wastong konklusyon na dapat makuha sa ilustrasyong ito.
Ang daan mula sa Jerusalem patungong Jerico ay bumabagtas sa kalupaang ilang at liblib na malimit pangyarihan ng mga nakawan. Napakasama ng kalagayan doon anupat nang maglaon, isang garison ang inilagay roon upang ipagsanggalang ang mga manlalakbay. Ang unang-siglong Jerico ay mga 21 km (13 mi) sa SHS ng Jerusalem. Upang matukoy kung sino ang “kapuwa” na ayon sa Kautusan ay dapat pagpakitaan ng pag-ibig, binanggit ni Jesus ang naging reaksiyon ng isang saserdote at ng isang Levita sa isang tao na ninakawan at iniwang halos patay na. Ang mga saserdote ay mga lalaking inatasang maghandog ng mga hain sa templo sa Jerusalem, at ang mga Levita ang tumutulong sa kanila. Kinikilala ng mga Samaritano ang Kautusan gaya ng pagkakasaad nito sa Pentateuch, ngunit hindi mabait ang pakikitungo sa kanila ng mga Judio, sa katunayan, ang mga Judio ay walang pakikipag-ugnayan sa mga Samaritano. (Ju 4:9) Labis-labis ang paghamak nila sa mga Samaritano (Ju 8:48), at may mga Judio na hayagang sumusumpa sa kanila sa kanilang mga sinagoga at araw-araw na nananalangin sa Diyos na huwag maging mga kabahagi sa walang-hanggang buhay ang mga Samaritano. Noon, ang langis at alak, na ibinuhos sa mga sugat ng taong sugatán, ay kadalasang ginagamit sa pagpapagaling. Ang dalawang denario na iniwan ng Samaritano sa may-ari ng bahay-tuluyan para sa pag-aalaga sa taong sugatán ay halos katumbas ng kabayaran para sa dalawang-araw na paggawa.—Mat 20:2.
(11) Ang kaibigang mapilit (Luc 11:5-8). Ang ilustrasyong ito ay bahagi ng tugon ni Jesus sa kahilingan ng kaniyang mga alagad hinggil sa tagubilin kung paano mananalangin. (Luc 11:1-4) Gaya ng ipinakikita sa mga talata 9 at 10, ang puntong matututuhan mula rito ay hindi sa nagagambala ang Diyos dahil sa ating mga kahilingan kundi inaasahan niyang tayo’y patuloy na hihingi.
Ang pagkamapagpatuloy ay tungkuling kinagigiliwang paghusayin ng mga taong taga-Gitnang Silangan. Kahit dumating pa ang panauhin nang di-inaasahan sa hatinggabi, marahil dulot ng mga suliranin sa paglalakbay noon, mapipilitang maglaan ng pagkain ang kaniyang punong-abala. Yamang kadalasa’y mahirap tayahin nang eksakto kung gaano karaming tinapay ang kailangang iluto ng isang sambahayan, kung minsan ay naghihiraman ang magkakapitbahay. Sa kasong ito, nakahiga na ang kapitbahay. Yamang ang ilang tahanan, lalo na yaong sa mga dukha, ay maaaring mayroon lamang iisang malaking silid, ang kaniyang pagtayo ay makagagambala sa buong pamilya, kaya naman atubili ang tao na pagbigyan ang kahilingan.
(12) Ang di-makatuwirang taong mayaman (Luc 12:16-21). Ang ilustrasyong ito ay bahagi ng tugon ni Jesus sa isang tao na humiling sa kaniya na mamagitan sa isang usapin tungkol sa mana. Gaya ng ipinakikita sa talata 15, idiniriin ang punto na “kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” Ihambing iyan sa sinabi pa ni Jesus sa kaniyang mga alagad, pasimula sa talata 22.
Hinihiling ng Kautusan na dalawang bahagi ng lahat ng pag-aari ng ama ang mamanahin ng kaniyang pinakamatandang anak na lalaki. (Deu 21:17) Lumilitaw na bumangon ang pagtatalong ito dahil sa hindi paggalang sa kautusang ito; kaya naman ibinigay ang babala laban sa kaimbutan.
(13) Ang di-mabungang puno ng igos (Luc 13:6-9). Sinalita noong huling bahagi ng 32 C.E., eksaktong tatlong taon pagkatapos ng bautismo ni Jesus. Napabalita ang pagpatay ni Pilato sa ilang mga taga-Galilea. Binanggit din ni Jesus ang kaso ng pagkamatay ng 18 na nabagsakan ng tore sa Siloam at sinabi niya sa mga tao na, malibang sila’y magsisi, mapupuksa silang lahat. (Luc 13:1-5) Pagkatapos ay ginamit niya ang ilustrasyong ito.
Noon, karaniwang itinatanim ang mga puno ng igos at ng olibo nang ilang distansiya sa mga ubasan, upang, kung hindi maganda ang ani ng mga ubasan, mayroon pang ibang mapagkakakitaan. Kadalasan, ang mga bagong puno na pinatubo mula sa mga pasanga ay namumunga na ng ilang igos sa loob lamang ng dalawa o tatlong taon. Maliwanag na makahulugan ang pagkakatulad ng tatlong taon na binanggit sa ilustrasyon at ng tatlong taóng lumipas sa ministeryo ni Jesus. Bilang bagay na binubuwisan, naging pabigat ito, kaya naman marapat lamang itong patayin.
(14) Ang malaking hapunan (Luc 14:16-24). Ibinibigay ng mga talata 1-15 ang tagpo; sa isang kainan, ang ilustrasyong ito ay inilahad sa isang kapuwa panauhin na nagsabi: “Maligaya siya na kumakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.”
Noon, kaugaliang ipagbigay-alam sa mga patiunang inanyayahan sa isang piging kung nakahanda na ang kainan. Mas pinili niyaong mga tumanggi sa malaking hapunan na ito ang magtaguyod ng ibang mga interes na karaniwa’y waring makatuwiran. Gayunman, ipinakikita ng kanilang pagtugon na talagang hindi nila gustong pumaroon, ni mayroon man silang wastong pagpapakundangan para sa punong-abala. Karamihan niyaong mga inanyayahan nang maglaon—ang mga dukha, mga lumpo, mga pilay, mga bulag, at ang iba pa na dinala roon noong bandang huli—ay mga taong itinuturing ng sanlibutan sa pangkalahatan bilang mga di-karapat-dapat.—Ihambing ang talata 13.
(15) Ang nawawalang tupa (Luc 15:3-7). Ipinakikita ng Lucas 15:1, 2 na ibinigay ang ilustrasyong ito udyok ng pagbubulung-bulungan ng mga Pariseo at mga eskriba dahil tinanggap ni Jesus ang mga makasalanan at mga maniningil ng buwis. Iniuulat din ng Mateo 18:12-14 ang isang katulad na ilustrasyong ginamit naman sa ibang pagkakataon.
Ang mga maniningil ng buwis, partikular na yaong mga Judio, ay kinapootan dahil hanapbuhay nila ang mangolekta ng buwis para sa kinapopootang mga Romano. Pinakitunguhan sila nang may panlilibak. Ang ilustrasyon ni Jesus may kinalaman sa nawawalang tupa ay ilustrasyong madaling makikilala ng kaniyang mga tagapakinig sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Walang kalaban-laban ang isang nawawalang tupa; ang pastol ang siyang kailangang maghanap upang makuha itong muli. Ang kagalakan sa langit dahil sa makasalanan na nagsisisi ay kabaligtarang-kabaligtaran ng pagbubulung-bulungan ng mga eskriba at mga Pariseo dahil sa pagmamalasakit na ipinakita ni Jesus para sa gayong mga tao.
(16) Ang nawawalang baryang drakma (Luc 15:8-10). Ang tagpo ay makikita sa Lucas 15:1, 2, at ang ilustrasyong ito ay karaka-rakang kasunod ng ilustrasyon hinggil sa nawawalang tupa. Ipinakikita ng talata 10 ang pagkakapit.
Ang isang drakma ay nagkakahalaga ng 65 sentimo [U.S.], halos isang-araw na kabayaran. Gayunman, maaaring may espesyal na halaga ang nawawalang baryang ito bilang isa sa sampu na bumubuo sa isang set, anupat marahil ay minana pa ito o bahagi ng isang minamahalagang tuhog ng mga baryang ginagamit bilang kagayakan. Kailangang magsindi ng lampara upang maghanap, sapagkat kadalasa’y maliit lamang ang pasukan ng liwanag sa mga tahanan, kung mayroon man; at mapadadali ang paghahanap kung magwawalis, yamang ang sahig ay karaniwan nang yari sa luwad.
(17) Ang alibughang anak (Luc 15:11-32). Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga eskriba dahil tinanggap ni Jesus ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan at kumain siyang kasama nila. Tumugon si Jesus sa pamamagitan ng paglalahad ng mga ilustrasyon ng nawawalang tupa at ng nawawalang barya, na sinundan naman ng talinghagang ito.
Sang-ayon sa kautusang Judio, ang mana ng nakababatang anak ay kalahati ng mana ng nakatatandang kapatid. (Deu 21:17) Kung paanong ang nakababatang anak ay pumaroon sa isang malayong lupain, gayundin naman sa pangmalas ng mga Judio ay iniwan sila ng mga maniningil ng buwis upang maglingkod para sa Roma. Kasuklam-suklam para sa isang Judio ang mapilitang mag-alaga ng baboy, yamang ayon sa Kautusan, ang mga hayop na ito ay marurumi. (Lev 11:7) Nang siya’y umuwi, hiniling ng nakababatang anak na tanggapin siya, hindi bilang anak, kundi gaya ng isang taong upahan. Ang gayong tao ay hindi man lamang sakop ng lupaing ari-arian ng panginoon na gaya ng mga alipin, kundi isang tagalabas na inupahang magtrabaho, kadalasa’y nang arawan lamang. (Mat 20:1, 2, 8) Ang ama ay nagpakuha ng isang mahabang damit, ang pinakamainam, para sa nakababatang anak. Hindi ito basta isang simpleng piraso ng pananamit, kundi malamang na isang uri ng kasuutang may magagarbong burda na ibinibigay sa isang panauhing pandangal. Posibleng ang singsing at mga sandalyas ay palatandaan ng dignidad at ng isang taong malaya.
(18) Ang di-matuwid na katiwala (Luc 16:1-8). Sinasabi sa mga talata 9-13 ang aral na mapupulot sa ilustrasyong ito. Pinapurihan ang katiwala, hindi dahil sa siya’y di-matuwid, kundi dahil sa kaniyang praktikal na karunungan.
Ang katiwala ay inatasang mangasiwa sa mga gawain ng kaniyang panginoon; iyon ay isang posisyong lubhang pinagkakatiwalaan. (Gen 24:2; 39:4) Sa ilustrasyon ni Jesus, ang pagpapatalsik sa katiwala ay nangangahulugang pinaaalis na siya sa bahay na iyon, anupat wala na siyang ikabubuhay. Hindi naman siya nagkasalapi nang bawasan niya ang mga utang ng mga may utang sa kaniyang panginoon, ngunit ginawa niya iyon upang magtamo siya ng mga kaibigang makapagbibigay sa kaniya ng pabor sa hinaharap. Ang 100 takal na bat ng langis ay katumbas ng 2,200 L (581 gal), at ang 100 takal na kor ng trigo ay umabot sa 22,000 L (625 bushel).
(19) Ang taong mayaman at si Lazaro (Luc 16:19-31). Ipinakikita ng tagpo, sa Lucas 16:14, 15, na nang panahong iyon ay nakikinig at nangungutya ang mga Pariseong maibigin sa salapi. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus: “Kayo ang mga nag-aaring matuwid sa inyong sarili sa harap ng mga tao, ngunit nakikilala ng Diyos ang inyong mga puso; sapagkat ang matayog sa mga tao ay kasuklam-suklam na bagay sa paningin ng Diyos.”
Ang “purpura at lino” na nakagayak sa taong mayaman ay maihahambing sa kagayakang isinusuot lamang ng mga prinsipe, mga taong mahal at mga saserdote. (Es 8:15; Gen 41:42; Exo 28:4, 5) Napakamamahalin ng mga ito. Ang Hades, na sinasabing pinaroonan ng taong mayaman na ito, ay ang karaniwang libingan ng patay na sangkatauhan. Hindi dapat ipasiya batay sa talinghagang ito na ang Hades mismo ay isang dako ng lumagablab na apoy; nililinaw ito sa Apocalipsis 20:14, kung saan ang kamatayan at ang Hades ay inilalarawang inihagis sa “lawa ng apoy.” Kung gayon, tiyak na ang pagkamatay ng taong mayaman at ang kaniyang pagiging nasa Hades ay makasagisag lamang, yamang binabanggit ang makasagisag na kamatayan sa ibang bahagi ng Kasulatan. (Luc 9:60; Col 2:13; 1Ti 5:6) Kaya naranasan niya ang maapoy na pagpapahirap samantalang siya’y patay sa makasagisag na paraan, ngunit aktuwal na nabubuhay bilang isang tao. Sa Salita ng Diyos, ginagamit ang apoy upang lumarawan sa kaniyang maaapoy na mensahe ng kahatulan (Jer 5:14; 23:29), at ang gawaing isinasagawa ng mga propeta ng Diyos sa pagpapahayag nila ng kaniyang mga kahatulan ay sinasabing ‘nagpapahirap’ sa mga sumasalansang sa Diyos at sa kaniyang mga lingkod.—Apo 11:7, 10.
Ang Lazaro ay isang anyong Griego ng pangalang Hebreo na Eleazar, na nangangahulugang “Ang Diyos ay Tumulong.” Lumilitaw na ang mga asong humimod sa kaniyang mga sugat ay mga asong ligáw na pagala-gala sa mga lansangan at itinuturing na marurumi. Ang kaniyang pagiging nasa dakong dibdib ni Abraham ay nagpapahiwatig na si Lazaro ay nasa isang pinapaborang posisyon (ihambing ang Ju 1:18), anupat ang tayutay na ito ay hinalaw sa kaugalian sa mga kainan na paghilig sa paraang makasasandig ang isa sa dibdib ng kaniyang kaibigan.—Ju 13:23-25.
(20) Ang walang-kabuluhang mga alipin (Luc 17:7-10). Ipinakikita ng talata 10 ang aral na mapupulot sa ilustrasyong ito.
Kalimitan, ang mga aliping nagtatrabaho rin sa mga bukid ng kanilang panginoon ang naghahain ng kaniyang hapunan. Bukod sa nakasanayan nilang maghintay hanggang sa makakain ang kanilang panginoon bago sila kumain, kadalasan, pinag-aagawan pa nila kung sino sa kanila ang magkakaroon ng karangalang magsilbi sa kaniya. Hindi iyon itinuring na isang karagdagang pasanin kundi isang bagay na karapatan ng kanilang panginoon.
(21) Ang babaing balo at ang hukom (Luc 18:1-8). Gaya ng nabanggit sa talata 1, ang ilustrasyon ay “may kinalaman sa pangangailangan na lagi silang manalangin at huwag manghimagod.” Ipinakikita rin ng mga talata 7 at 8 ang pagkakapit. Lubhang naaangkop ang ilustrasyong ito na nagdiriin sa pananalangin dahil sa sinabi sa naunang kabanata, mga talata 20 hanggang 37.
Lumilitaw na ang hukom ay hindi kaugnay ng isang Judiong tribunal. Noong unang siglo, may apat na hukumang Judio: (1) ang hukuman ng nayon, binubuo ng tatlong lalaki; (2) isang hukumang binubuo ng pitong matatandang lalaki ng nayon; (3) sa Jerusalem, may mabababang hukumang binubuo ng tig-23 katao, at ang mga korteng iyon ay itinatag sa mga lunsod na may sapat na laki sa ibang mga lugar sa buong Palestina; at (4) ang pangunahing korte, ang Dakilang Sanedrin, binubuo ng 71 miyembro, na ang sentro ay nasa Jerusalem at may awtoridad sa buong bansa. (Tingnan ang HUKUMAN.) Ngunit ang hukom na ito sa ilustrasyon ay hindi tumutugma sa kaayusang hudisyal ng mga Judio kung saan isang hukuman na binubuo ng di-kukulangin sa tatlo katao ang nanunungkulan; kaya malamang na siya’y isa sa mga hukom o mga tagapagpatupad-batas na inatasan ng mga Romano. Malinaw ang pagkakasabi na hindi siya natatakot sa Diyos ni nababahala man siya sa opinyon ng mga tao. Hindi sinasabi ng ilustrasyon na ang Diyos ay tulad ng di-matuwid na hukom; sa halip, ipinakikita nito ang kaibahan ng Diyos sa hukom. Kung sa bandang huli ay gagawin din ng hukom kung ano ang tama, lalo pa nga ang Diyos! Dahil sa pagpupumilit ng babaing balo, naudyukang kumilos ang di-matuwid na hukom; sa katulad na paraan, ang mga lingkod ng Diyos ay dapat magpatuloy sa pananalangin. Ang Diyos, na matuwid, ay tutugon sa kanilang panalangin, anupat pangyayarihin niyang maisakatuparan ang katarungan.
(22) Ang Pariseong mapagmatuwid sa sarili at ang nagsisising maniningil ng buwis (Luc 18:9-14). Ang tagpo ng ilustrasyong ito ay makikita sa talata 9 samantalang ang layunin ay nasa talata 14.
Yaong mga pumaparoon sa templo upang manalangin ay hindi pumapasok sa dakong Banal o sa Kabanal-banalan, ngunit pinahihintulutan silang pumasok sa mga loobang nasa palibot. Malamang na ang mga lalaking ito, mga Judio, ay nakatayo sa looban na nasa dakong labas, ang Looban ng mga Babae, gaya ng tawag dito. Ang mga Pariseo ay mayayabang at mapagmatuwid sa sarili, anupat hinahamak nila ang ibang tao. (Ju 7:47, 49) Nag-aayuno sila nang makalawang ulit sa isang linggo, bagaman hindi ito kahilingan ng Kautusang Mosaiko. Iniuulat na pinipili nila itong gawin kapag ordinaryong mga araw ng palengke kung kailan maraming tao sa bayan, kapag may pantanging mga serbisyo na idinaraos sa mga sinagoga, at kapag nagtitipon ang lokal na Sanedrin; upang mapagmasdan ng iba ang kanilang kabanalan. (Mat 6:16; ihambing ang 10:17, tlb sa Rbi8) Maaaring pumaroon sa templo ang mga Judiong maniningil ng buwis, ngunit kinapopootan sila dahil sa paglilingkod nila sa Roma.
(23) Ang mga manggagawang binayaran ng isang denario (Mat 20:1-16). Ang ilustrasyong ito ay bahagi ng sagot ni Jesus sa tanong ni Pedro na nasa Mateo 19:27: “Narito! Iniwan na namin ang lahat ng mga bagay at sumunod sa iyo; ano nga ba talaga ang mayroon para sa amin?” Pansinin din ang Mateo 19:30 at 20:16.
Labis na ikinababalisa ng mga may-ari ng ubasan ang panahon ng pamimitas ng ubas. May mga manggagawang ginagamit sa buong panahon ng pag-aani; ang iba naman ay inuupahan kapag kinailangan. Ang pagbabayad ng kabayaran sa pagtatapos ng maghapon ay kasuwato ng Kautusang Mosaiko; kailangan ito ng mga dukhang manggagawa. (Lev 19:13; Deu 24:14, 15) Ang isang denario, na kabayaran para sa maghapong paggawa, ay isang pilak na baryang Romano. Ang makabagong-panahong halaga nito ay 74 na sentimo [U.S.]. Noong unang siglo C.E., ang maghapon, mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, ay hinahati ng mga Judio sa 12 bahagi na magkakasinghaba; kaya ang ika-3 oras ay papatak nang mga 8:00 hanggang 9:00 n.u.; ang ika-6 na oras, mga 11:00 n.u. hanggang tanghaling-tapat; ang ika-9 na oras, mga 2:00 hanggang 3:00 n.h.; at ang ika-11 oras, mga 4:00 hanggang 5:00 n.h.
(24) Ang mga mina (Luc 19:11-27). Sinalita habang umaahon si Jesus patungong Jerusalem sa huling pagkakataon, noong 33 C.E. (Luc 19:1, 28) Gaya ng sabi sa talata 11, ibinigay ang ilustrasyon dahil “inaakala nilang kaagad na magpapakita ang kaharian ng Diyos.”
Sa Imperyo ng Roma, pangkaraniwan para sa isang taong ipinanganak na maharlika ang maglakbay patungo sa Roma sa paghahangad ng makaharing kapangyarihan. Ginawa ito ni Arquelao, anak ni Herodes na Dakila, ngunit ang mga Judio ay nagpadala ng 50 embahador sa korte ni Augusto upang magharap ng mga paratang laban sa kaniya at, kung posible, biguin ang paghahangad niya ng kapangyarihan. Ang pilak na mina na unang ibinigay sa bawat alipin ay magkakahalaga sa ngayon ng $65.40 ngunit katumbas noon ng kabayaran para sa 88-araw na paggawa.
(25) Ang dalawang anak (Mat 21:28-31). Ang ilustrasyong ito, na sinalita sa templo sa Jerusalem, ay bahagi ng sagot ni Jesus sa mga tanong na nasa talata 23: “Sa anong awtoridad ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?” Palibhasa’y natugunan ang kanilang mga tanong, gumamit si Jesus ng ilang ilustrasyon upang ipakita sa mga lider ng relihiyon kung anong uri talaga sila ng mga tao.
Sa mga talata 31 at 32, tinukoy ni Jesus ang pagkakapit ng kaniyang ilustrasyon. Ipinahiwatig niya na ang mga punong saserdote at ang maimpluwensiyang matatandang lalaki na kausap niya ay maihahalintulad sa ikalawang anak, anupat nag-aangking naglilingkod sa Diyos ngunit sa totoo’y hindi iyon ginagawa. Sa kabilang dako, ang mga maniningil ng buwis at mga patutot na naniwala kay Juan na Tagapagbautismo ay gaya ng unang anak; sa pasimula ay may-kagaspangan silang tumangging maglingkod sa Diyos ngunit nang maglao’y nagsisi sila at nagbago ng kanilang landasin.
(26) Ang mapamaslang na mga tagapagsaka (Mat 21:33-44; Mar 12:1-11; Luc 20:9-18). Sinalita sa templo sa Jerusalem, tatlong araw na lamang bago patayin si Jesus na Anak ng Diyos. Ang ilustrasyong ito ay bilang sagot din sa tanong hinggil sa pinagmulan ng awtoridad ni Jesus. (Mar 11:27-33) Karaka-raka pagkatapos ng ilustrasyong ito, sinasabi ng mga ulat ng Ebanghelyo na natanto ng mga lider ng relihiyon na siya ay nagsasalita tungkol sa kanila.—Mat 21:45; Mar 12:12; Luc 20:19.
Maaaring ang bakod na nakapalibot sa ubasan ay yari sa bato (Kaw 24:30, 31) o maaaring iyon ay isang halamang-bakod. (Isa 5:5) Kalimitan, ang tangkeng pang-alak ay hinuhukay sa bato at mayroon itong dalawang palapag, anupat umaagos ang katas mula sa isa na nasa itaas patungo sa isa na nasa ibaba. Ang tore naman ay isang dako kung saan nagmamasid ang bantay upang huwag makapasok ang mga magnanakaw at mga hayop. Sa ilang kalagayan, tumatanggap ang mga tagapagsaka ng ilang bahagi sa mga bunga. Sa ibang kaso, nagbabayad ng salapi ang mga tagapagsaka bilang upa o nakikipagkasundo silang magbigay sa may-ari ng isang tiyak na dami ng ani, anupat lumilitaw na ang huling nabanggit ang siyang kalagayang tinutukoy sa ilustrasyon. Sa pamamagitan ng pagpaslang sa anak, ang tagapagmana, baka inisip nilang angkinin ang ubasan, yamang nangibang-bansa ang taong nagtanim nito. Sa Isaias 5:1-7, sinasabing “ang ubasan ni Jehova” ay “ang sambahayan ng Israel.” Gaya ng ipinakikita ng mga manunulat ng Ebanghelyo, sinipi ni Jesus ang Awit 118:22, 23 bilang susi upang maunawaan ang ilustrasyon.
(27) Ang piging ng kasalan para sa anak na lalaki ng hari (Mat 22:1-14). Gaya ng ipinahihiwatig sa talata 1, ang ilustrasyong ito ay karugtong ng talakayang nauuna rito at bahagi ng sagot ni Jesus sa tanong na sa pamamagitan ng anong awtoridad niya ginagawa ang kaniyang gawain. (Mat 21:23-27) Para sa pagkakapit nito, pansinin ang mga talata 2 at 14.
Mga ilang buwan bago nito, gumamit si Jesus ng isang katulad na ilustrasyon hinggil sa isang malaking hapunan na doo’y marami ang inanyayahan; ang mga inanyayahan ay nagpakita ng pagkaabala sa ibang mga bagay at kawalang-galang para sa kanilang magiging punong-abala. (Luc 14:16-24) Ngayon naman, tatlong araw na lamang bago siya mamatay, hindi lamang binabanggit ni Jesus ang pag-aatubiling pumaroon ng mga inanyayahan kundi gayundin ang isang mapamaslang na saloobin ng ilan sa mga ito. Ang pagpaslang nila sa mga kinatawan ng hari ay katumbas ng paghihimagsik; kaya naman pinuksa ng mga hukbo ng hari ang mga mamamaslang at sinunog ang kanilang lunsod. Yamang ito ay isang maharlikang kasalan, malamang na isang espesyal na kasuutan ang inilaan ng maharlikang punong-abala para sa kaniyang mga panauhin sa ganitong okasyon. Kung gayon, ang hindi pagsusuot ng isang panauhin ng kasuutang pangkasal ay nagpapahiwatig na tinanggihan niya ang kasuutang inilaan ng hari nang ialok ito sa kaniya.
(28) Ang sampung dalaga (Mat 25:1-13). Ang ilustrasyong ito hinggil sa “kaharian ng langit” ay bahagi ng sagot ni Jesus sa tanong ng kaniyang mga alagad na nakaulat sa Mateo 24:3. Malinaw na ipinakikita sa Mateo 25:13 ang layunin ng ilustrasyong ito.
Noong mga araw na iyon, isang mahalagang bahagi ng seremonya sa pag-aasawa ang pormal na pagdadala sa kasintahang babae mula sa tahanan ng kaniyang ama patungo sa tahanan ng kaniyang kasintahang lalaki o ng ama ng kasintahang lalaki. Ang kasintahang lalaki, na nagagayakan ng kaniyang pinakamainam na kasuutan, ay aalis sa kaniyang bahay sa gabi patungo sa tahanan ng mga magulang ng kasintahang babae, kasama ang kaniyang mga kaibigan. Mula roon, ang prusisyon, na sinasabayan ng mga manunugtog at mga mang-aawit at kadalasa’y pati ng mga taong may dalang mga lampara, ay humahayo patungo sa tahanan ng kasintahang lalaki. Lubha namang pinananabikan ng mga tao sa kahabaan ng ruta ang prusisyon; ang ilan ay sumasama rito, partikular na ang mga dalagang may dalang mga lampara. (Jer 7:34; 16:9; Isa 62:5) Maaaring maantala at gabihin ang prusisyon, yamang hindi naman ito nagmamadali, anupat ang ilan na naghihintay sa daan ay baka antukin na at makatulog. Malayo pa lamang ay maaaring marinig na ang awitan at pagbubunyi, anupat ang mga nakaririnig niyaon ay sumisigaw: “Narito na ang kasintahang lalaki!” Pagkatapos, kapag nakapasok na sa bahay ang kasintahang lalaki at ang kaniyang mga kasama at naisara na ang pinto, hindi na makapapasok ang mga panauhing nahuli. Ang mga lamparang dinadala sa prusisyon ay pinagniningas ng langis at kailangang laging muling punan.
(29) Ang mga talento (Mat 25:14-30). Ang ilustrasyong ito tungkol sa isang tao na maglalakbay na sa ibang bayan ay sinalita ni Jesus sa apat na mga alagad niya tatlong araw na lamang bago siya mamatay, anupat di-katagalan niyaon ay aakyat naman siya sa langit. Bahagi rin ito ng sagot ni Jesus sa tanong na matatagpuan sa Mateo 24:3.—Mar 13:3, 4.
Di-tulad ng ilustrasyon ng mga mina, kung saan ang bawat alipin ay binigyan ng tig-iisang mina, dito, ang mga talento ay ibinigay “sa bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan.” (Luc 19:11-27) Lumilitaw na ang tinutukoy rito ay ang talentong pilak, na nang mga araw na iyon ay maaaring kitain ng isang trabahador sa loob ng mga 20 taon. Dapat sana’y nagmalasakit ang lahat ng mga alipin sa ari-arian ng kanilang panginoon at dapat sana’y ipinakipagkalakalan nila nang masikap at may katalinuhan ang mga pag-aari ng panginoon na ipinagkatiwala sa kanila. Sana man lamang ay inilagak nila ang salapi sa mga bangkero, upang, kung hindi man nila nais na personal na palaguin ang mga ari-arian ng kanilang panginoon, ang salapi ay hindi lubusang natutulog kundi kumikita ng patubo. Ngunit itinago ng balakyot at makupad na alipin sa lupa ang talentong ipinagkatiwala sa kaniya, anupat dahil dito ay sinalungat niya ang mga kapakanan ng kaniyang panginoon.
(30) Ang mga tupa at ang mga kambing (Mat 25:31-46). Gaya ng sinabi sa mga talata 31, 32, 41, 46, ang ipinakikita rito ay ang pagbubukud-bukod at paghatol sa mga tao ng mga bansa kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian. Ang ilustrasyong ito ay bahagi ng sagot ni Jesus sa tanong ng kaniyang mga alagad may kinalaman sa ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.’—Mat 24:3.
Sa Gitnang Silangan, ang mga tupa at mga kambing ay karaniwang nanginginaing magkakasama, at madaling makilala ng pastol ang dalawang uri ng mga hayop kapag gusto niya silang pagbukud-bukurin. Ang pagbanggit ni Jesus sa mga kambing sa ilustrasyong ito ay hindi upang laitin ang ganitong uri ng mga hayop. (Sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, dugo ng isang kambing ang ginagamit upang magbayad-sala para sa kasalanan ng Israel.) Kaya ang mga kambing ay kumakatawan lamang sa isang grupo ng mga tao, at ang mga tupa naman ay kumakatawan sa ibang grupo. Ang “kanan,” kung saan inilagay ang “mga tupa,” ay isang dakong pandangal. (Gaw 2:33; Efe 1:19, 20) Ang “kaliwa,” na pinaglagyan sa “mga kambing,” ay kumakatawan sa isang dako ng kasiraang-puri. (Ihambing ang Ec 10:2.) Pansinin na ang “mga tupa,” na inilagay sa kanan ng nakaluklok na Anak ng tao, ay ipinakikitang naiiba sa “mga kapatid” ni Jesu-Kristo, na pinagpakitaan nila ng mga gawang kabaitan.—Mat 25:34-40; Heb 2:11, 12.
Ang aklat ng Apocalipsis. Ang Apocalipsis, na huling aklat sa Banal na Kasulatan, ay isa sa mga aklat na naglalaman ng pinakamaraming ilustrasyon sa buong Bibliya. Sinabi mismo ng manunulat na si Juan na iniharap ito sa kaniya “sa mga tanda.” (Apo 1:1) Kaya naman talagang masasabi na mula sa pasimula hanggang sa katapusan, namumukod-tangi ang Bibliya sa paggamit ng angkop na mga ilustrasyon.
Mga ilustrasyon ng mga alagad ni Kristo. Bukod sa pagtatala nila ng mga ilustrasyong sinalita ni Jesu-Kristo, gumamit din ng mga ilustrasyon ang mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya. Sa aklat ng Mga Gawa, itinala ni Lucas ang maiinam na ilustrasyong ginamit ng apostol na si Pablo noong nakikipag-usap ito sa mga di-Judio sa Atenas. Tinukoy ni Pablo ang mga bagay na pinag-uukulan ng debosyon na pamilyar sa kanila at ang mga akda ng kanilang mga makata. (Gaw 17:22-31) Gaya ng makikita kung babasahin ang liham sa mga Hebreo, ang apostol na ito (na karaniwang kinikilala bilang manunulat ng liham na ito) ay saganang gumamit ng mga ilustrasyong halaw sa kasaysayan ng pakikitungo ng Diyos sa Israel. Sa mga nasa Corinto, na pamilyar sa mga isport ng Gresya, inihalintulad niya ang landasing Kristiyano sa isang takbuhan. (1Co 9:24-27) Namumukod-tangi ang ilustrasyon tungkol sa punong olibo, na may kasamang babala laban sa pagiging kampante at payo sa mga Kristiyano na gampanan ang kanilang sagradong paglilingkod sa Diyos taglay ang kanilang kakayahan sa pangangatuwiran.—Ro 11:13-32; 12:1, 2.
Sa kaniyang mga isinulat, may-kahusayang inilakip ng kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago ang karaniwang mga kalagayan sa pang-araw-araw na buhay, anupat tinukoy niya ang isang tao na tumitingin sa salamin, ang renda ng isang kabayo, ang timon ng isang barko, at iba pa, upang maitawid ang espirituwal na mga katotohanan. (San 1:23, 24; 3:3, 4) Humalaw naman sina Pedro at Judas ng mga pangyayari mula sa mas naunang kinasihang mga akda upang ilarawan ang mensaheng inihatid nila udyok ng banal na espiritu. Lahat ng maiinam na ilustrasyong ito, na pinatnubayan ng espiritu ng Diyos, ay kapaki-pakinabang upang ang Bibliya na Salita ng Diyos ay maging isang buháy na aklat.