Mga Pakinabang sa Pag-ibig sa Salita ng Diyos
“Ibigin mo [ang karunungan], at ipagsasanggalang ka nito. . . . Luluwalhatiin ka nito sapagkat yakap mo ito.”—KAWIKAAN 4:6, 8.
1. Ano ang nasasangkot sa tunay na pag-ibig sa Salita ng Diyos?
MAHALAGA sa isang Kristiyano ang pagbabasa ng Bibliya. Gayunman, ang basta pagbabasa lamang nito ay hindi nagpapakita ng pag-ibig sa Salita ng Diyos sa ganang sarili nito. Paano kung ang isa’y nagbabasa nga ng Bibliya subalit gumagawa naman ng mga bagay na hinahatulan ng Bibliya? Maliwanag na hindi niya iniibig ang Salita ng Diyos sa paraan ng pag-ibig na ipinakita ng sumulat ng Awit 119. Ang pag-ibig sa Salita ng Diyos ay umakay sa kaniya na mamuhay ayon sa mga kahilingan nito.—Awit 119:97, 101, 105.
2. Anong mga pakinabang ang makukuha mula sa karunungang salig sa Salita ng Diyos?
2 Ang pamumuhay ayon sa Salita ng Diyos ay humihiling na laging ibagay ang pag-iisip at paraan ng pamumuhay ng isa. Ang gayong landasin ay nagpapaaninag ng makadiyos na karunungan, na nangangahulugan ng pagsasagawa ng praktikal na pagkakapit ng kaalaman at unawa, na natamo sa pag-aaral ng Bibliya. “Ibigin mo [ang karunungan], at ipagsasanggalang ka nito. Pahalagahan mo itong lubha, at itataas ka nito. Luluwalhatiin ka nito sapagkat yakap mo ito. Sa iyong ulo ay magbibigay ito ng putong na panghalina; isang korona ng kagandahan ang igagawad nito sa iyo.” (Kawikaan 4:6, 8, 9) Tunay ngang isang mainam na pampatibay-loob na magkaroon ng pag-ibig sa Salita ng Diyos at mapatnubayan nito! Sino ang aayaw na siya’y ipagsanggalang, itaas, at luwalhatiin?
Sanggalang Mula sa Namamalaging Pinsala
3. Higit kailanman, bakit kailangang ipagsanggalang ang mga Kristiyano, at mula kanino?
3 Sa anong paraan naipagsasanggalang ang isa sa pamamagitan ng karunungang natamo mula sa pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos? Una sa lahat, siya’y naipagsasanggalang kay Satanas na Diyablo. Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ipanalanging sila’y maligtas sa balakyot na isa, si Satanas. (Mateo 6:13) Sa ngayon, kailangang-kailangang ilakip ang kahilingang ito sa ating mga panalangin. Pinalayas si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa langit pagkaraan ng 1914, at dahil dito si Satanas ay may “malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:9, 10, 12) Sa mga huling sandaling ito, tiyak na nag-aapoy na ang kaniyang galit yamang nabigo siya sa pakikidigma laban sa mga “tumutupad sa mga kautusan ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.”—Apocalipsis 12:17.
4. Paano ipinagsasanggalang ang mga Kristiyano mula sa satanikong panggigipit at mga bitag?
4 Dahil sa pagkapoot, patuloy na lumilikha si Satanas ng panliligalig sa mga Kristiyanong ministrong ito at nanunulsol ng mararahas na pag-uusig o gumagawa ng iba pang mga hadlang sa kanilang gawain. Hangad din niyang akitin ang mga tagapaghayag ng Kaharian na magtuon ng pansin sa mga bagay na gaya ng pagkaprominente sa daigdig, pagkahilig sa paglilibang, pagkakamal ng materyal na tinatangkilik, at paghahangad sa kalayawan, sa halip na sa pangangaral ng Kaharian. Ano ang nagsasanggalang sa mga tapat na lingkod ng Diyos upang huwag padaig sa mga panggigipit ni Satanas o huwag mahulog sa kaniyang mga bitag? Mangyari pa, napakahalaga ng panalangin, ng isang malapít na kaugnayan kay Jehova, at ng pananampalataya sa katiyakan ng kaniyang mga pangako. Subalit lahat ng ito ay may kaugnayan sa kaalaman at determinasyon na tumalima sa mga paalaala ng Salita ng Diyos. Ang mga paalaalang ito ay nakukuha mula sa pagbabasa ng Bibliya at ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa Kristiyanong mga pulong, pagtalima sa mga maka-Kasulatang payo mula sa isang kapananampalataya, o sa may-panalanging pagbubulay-bulay man lamang sa mga simulain ng Bibliya na ipinaaalaala ng espiritu ng Diyos.—Isaias 30:21; Juan 14:26; 1 Juan 2:15-17.
5. Sa anong mga paraan naipagsasanggalang tayo ng karunungang salig sa Salita ng Diyos?
5 Yaong umiibig sa Salita ng Diyos ay naipagsasanggalang sa iba pang mga paraan. Halimbawa, naiiwasan nila ang emosyonal na kabagabagan at pisikal na karamdamang bunga ng mga bagay na gaya ng pag-abuso sa droga, paggamit ng tabako, at seksuwal na imoralidad. (1 Corinto 5:11; 2 Corinto 7:1) Hindi sila pinagmumulan ng pagkasira ng pagsasamahan dahil sa tsismis o masasakit na salita. (Efeso 4:31) Ni nagiging biktima sila ng pag-aalinlangan dahil sa pag-uusisa sa mapanlinlang na mga pilosopiya ng karunungan ng sanlibutan. (1 Corinto 3:19) Sa pag-ibig sa Salita ng Diyos, sila’y naipagsasanggalang sa mga bagay na sisira sa kanilang kaugnayan sa Diyos at sa pag-asa ng walang-hanggang buhay. Abala sila sa pagtulong sa kanilang kapuwa na sumampalataya sa mga kahanga-hangang pangako na nasa Bibliya, sa pagkaalam na ‘maililigtas nila kapuwa ang kanilang sarili at yaong mga nakikinig sa kanila.’—1 Timoteo 4:16.
6. Paano tayo naipagsasanggalang ng karunungang salig sa Salita ng Diyos kahit sa mahihirap na kalagayan?
6 Tunay, bawat isa—maging yaong mga umiibig sa Salita ng Diyos—ay apektado ng ‘panahon at di-inaasahang pangyayari.’ (Eclesiastes 9:11) Tiyak na ang ilan sa atin ay daranas ng likas na kasakunaan, malulubhang sakit, aksidente, o wala-sa-panahong pagkamatay. Magkagayunman, ipinagsasanggalang pa rin tayo. Walang kalamidad ang makapagdudulot ng permanenteng pinsala sa isang taong tunay na umiibig sa Salita ng Diyos. Kaya nga, hindi tayo dapat labis na mabahala sa maaaring mangyari sa hinaharap. Matapos nating gawin ang lahat ng makatuwirang pag-iingat, mas makabubuti na ipaubaya na lamang sa mga kamay ni Jehova ang mga bagay-bagay at huwag hayaang agawin ng kawalan ng kapanatagan ng buhay sa ngayon ang ating kapayapaan. (Mateo 6:33, 34; Filipos 4:6, 7) Isaisip ang katiyakan ng pag-asa hinggil sa pagkabuhay-muli at ng isang mas mabuting buhay kapag ‘ginawa nang bago [ng Diyos] ang lahat ng bagay.’—Apocalipsis 21:5; Juan 11:25.
Patunayan ang Iyong Sarili na “Mabuting Lupa”
7. Anong ilustrasyon ang sinabi ni Jesus sa pulutong na dumating upang makinig sa kaniya?
7 Itinampok sa isa sa mga talinghaga ni Jesus ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang pangmalas sa Salita ng Diyos. Habang ipinahahayag ni Jesus ang mabuting balita sa buong Palestina, nagtipon ang pulutong upang makinig sa kaniya. (Lucas 8:1, 4) Gayunman, hindi lahat ay talagang umiibig sa Salita ng Diyos. Walang alinlangan, marami ang dumating upang makinig sa kaniya dahil gusto nilang makakita ng mga himala o dahil sa natutuwa sila sa kahanga-hangang paraan niya ng pagtuturo. Kaya nga, nagbigay si Jesus sa pulutong ng isang ilustrasyon: “Isang manghahasik ang lumabas upang maghasik ng kaniyang binhi. Buweno, habang siya ay naghahasik, ang ilan sa mga iyon ay nahulog sa tabi ng daan at nayurakan, at inubos ito ng mga ibon sa langit. Ang iba ay nahulog sa malaking bato, at, pagkasibol, ito ay natuyo sapagkat walang halumigmig. Ang iba ay nahulog sa gitna ng mga tinik, at ito ay sinakal ng mga tinik na tumubong kasama nito. Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa, at, pagkasibol, ito ay nagluwal ng bunga na isang daang ulit.”—Lucas 8:5-8.
8. Sa ilustrasyon ni Jesus, ano ang binhi?
8 Ipinakita ng talinghaga ni Jesus na magkakaroon ng iba’t ibang pagtugon sa pangangaral ng mabuting balita, depende sa kalagayan ng puso ng nakikinig. Ang binhing inihahasik ay “ang salita ng Diyos.” (Lucas 8:11) O, gaya ng sabi ng isa pang ulat hinggil sa talinghaga, ang binhi ay “ang salita ng kaharian.” (Mateo 13:19) Maaaring gamitin ni Jesus ang alinmang ekspresyon, yamang ang tema ng Salita ng Diyos ay ang makalangit na Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo bilang Hari na sa pamamagitan nito ay ipagbabangong-puri ni Jehova ang kaniyang soberanya at pakababanalin ang kaniyang pangalan. (Mateo 6:9, 10) Kung gayon, sa diwa, ang binhi ay ang mensahe ng mabuting balita na nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Itinatampok ng mga Saksi ni Jehova ang mensaheng ito ng Kaharian habang inihahasik nila ang binhi bilang pagtulad sa orihinal na Manghahasik, si Jesu-Kristo. Anong pagtugon ang kanilang nasumpungan?
9. Ano ang inilalarawan ng binhing nahuhulog (a) sa tabi ng daan? (b) sa malaking bato? (c) sa matinik na lupa?
9 Sinabi ni Jesus na ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nayurakan. Tumutukoy ito sa mga taong lubhang abala upang mag-ugat sa kanilang puso ang binhi ng Kaharian. Bago sila tubuan ng pag-ibig sa Salita ng Diyos, “ang Diyablo ay dumarating at kinukuha ang salita mula sa kanilang mga puso upang sila ay hindi maniwala at maligtas.” (Lucas 8:12) Ang ilang binhi ay nahulog sa malaking bato. Tumutukoy ito sa mga taong naakit sa mensahe ng Bibliya ngunit hindi hinayaang maimpluwensiyahan nito ang kanilang puso. Kapag nagkakaroon ng pagsalansang o nahihirapan silang ikapit ang payo ng Bibliya, sila’y “humihiwalay” sapagkat wala silang ugat. (Lucas 8:13) Mayroon namang mga nakikinig ng salita ngunit nabibigatan sa “mga kabalisahan at mga kayamanan at mga kaluguran sa buhay na ito.” Pagdating ng panahon, gaya ng mga halamang nasalabid sa mga tinik, “sila ay lubusang nasasakal.”—Lucas 8:14.
10, 11. (a) Sino ang inilalarawan ng mabuting lupa? (b) Ano ang dapat nating gawin upang ‘mapanatili’ ang Salita ng Diyos sa ating mga puso?
10 Sa wakas, may binhing nahulog sa mabuting lupa. Tumutukoy ito sa mga taong tumatanggap ng mensahe taglay ang “mainam at mabuting puso.” Mangyari pa, nanaisin ng bawat isa sa atin na isiping siya’y kabilang sa kategoryang ito. Gayunman, sa huling pagsusuri, ang pangmalas ng Diyos ang mahalaga. (Kawikaan 17:3; 1 Corinto 4:4, 5) Sinasabi ng kaniyang Salita na ang ating pagkakaroon ng “mainam at mabuting puso” ay isang bagay na pinatutunayan natin sa ating mga kilos mula ngayon hanggang sa ating kamatayan o hanggang sa wakasan ng Diyos ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Kung sa pasimula pa lamang ay positibo na ang ating pagtugon sa mensahe ng Kaharian, mahusay iyan. Gayunman, tinatanggap niyaong may mainam at mabuting puso ang Salita ng Diyos at “pinananatili ito at nagbubunga na may pagbabata.”—Lucas 8:15.
11 Ang tanging paraan upang mapanatili ang Salita ng Diyos sa ating mga puso ay ang basahin at pag-aralan ito nang sarilinan at sa panahong kasama ang mga kapananampalataya. Kabilang dito ang lubusang pagsasamantala sa espirituwal na pagkaing inilalaan sa pamamagitan ng alulod na inatasang mangalaga sa espirituwal na mga kapakanan ng tunay na mga tagasunod ni Jesus. (Mateo 24:45-47) Sa paraang iyan, yaong nakapagpapanatili ng Salita ng Diyos sa kanilang mga puso ay nauudyukan ng pag-ibig upang ‘magbunga na may pagbabata.’
12. Anong bunga ang dapat nating iluwal na may pagbabata?
12 Anong bunga ang iniluluwal sa mainam na lupa? Sa daigdig ng kalikasan, ang binhi ay tumutubo sa pagiging halaman na ang bunga’y naglalaman ng gayunding binhi na maaaring isabog upang magbunga pa. Sa katulad na paraan, para sa mga may mainam at mabuting puso, ang binhi ng salita ay tumutubo sa kanila, na nagpapangyari upang sila’y lumaki sa espirituwal hanggang sa dumating ang panahon na sila naman ang makapaghasik ng binhi sa puso ng iba. (Mateo 28:19, 20) At ang paghahasik nila ay kakikitaan ng pagbabata. Ipinakita ni Jesus ang kahalagahan ng pagbabata sa paghahasik nang sabihin niya: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas. At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:13, 14.
“Namumunga sa Bawat Mabuting Gawa”
13. Anong panalangin ang sinambit ni Pablo na pinag-uugnay ang bunga at ang kaalaman sa Salita ng Diyos?
13 Si apostol Pablo man ay bumanggit sa pangangailangang magbunga, at iniugnay niya sa Salita ng Diyos ang pamumunga. Idinalangin niya na ang kaniyang mga kapananampalataya ay “mapuspos [sana] ng tumpak na kaalaman ng kalooban [ng Diyos] sa buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa, sa layunin na lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang paluguran siya nang lubos samantalang patuloy kayong namumunga sa bawat mabuting gawa.”—Colosas 1:9, 10; Filipos 1:9-11.
14-16. Kasuwato ng panalangin ni Pablo, anong bunga ang iniluluwal niyaong mga umiibig sa Salita ng Diyos?
14 Ipinakikita kung gayon ni Pablo na ang pagtatamo ng kaalaman sa Bibliya ay hindi siyang katapusan. Sa halip, ang pag-ibig sa Salita ng Diyos ay nag-uudyok sa atin na “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova” sa pamamagitan ng patuloy na ‘pamumunga sa bawat mabuting gawa.’ Anong mabuting gawa? Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ang pinakamahalagang atas sa mga Kristiyano sa mga huling araw na ito. (Marcos 13:10) Karagdagan pa, yaong mga umiibig sa Salita ng Diyos ay gumagawa ng lahat ng makakaya nila upang magbigay ng pinansiyal na suporta sa gawaing ito. Nalulugod sila sa pribilehiyong ito, sa pagkaalam na “iniibig ng Diyos ang isang masayahing nagbibigay.” (2 Corinto 9:7) Ang kanilang kontribusyon ang nagtatakip sa gastusin sa pagpapatakbo ng mahigit sa isandaang pasilidad ng Bethel na siyang nangangasiwa sa gawain ng pangangaral ng Kaharian at ng ilan na nag-iimprenta ng mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya. Nakatutulong din ang kanilang mga kontribusyon sa pagtakip sa gastusin ng malalaking kombensiyon at sa pagpapadala ng mga naglalakbay na tagapangasiwa, mga misyonero, at iba pang buong-panahong mga ebanghelisador.
15 Kabilang din sa mabubuting gawa ang pagtatayo at pangangalaga sa mga sentro ng tunay na pagsamba. Ang pag-ibig sa Salita ng Diyos ay nag-uudyok sa kaniyang mga mananamba na tiyaking hindi napapabayaan ang mga Assembly Hall at Kingdom Hall. (Ihambing ang Nehemias 10:39.) Yamang nakikita sa harapan ng mga gusaling ito ang pangalan ng Diyos, napakahalaga na mapanatiling malinis at kaakit-akit ang loob at labas ng mga ito at na walang maisusumbat sa paggawi niyaong mga sumasamba sa loob ng mga bulwagang ito. (2 Corinto 6:3) Higit pa sa riyan ang nagagawa ng ilang Kristiyano. Ang pag-ibig sa Salita ng Diyos ay nag-uudyok sa kanila na maglakbay nang malalayo upang makibahagi sa pagtatayo ng mga bagong dako ng pagsamba sa mga lugar sa daigdig na nangangailangan dahil sa karalitaan o kawalan ng kasanayan.—2 Corinto 8:14.
16 Kabilang din sa ‘pamumunga sa bawat mabuting gawa’ ang pag-aasikaso sa mga obligasyon sa pamilya at pagmamalasakit sa kapuwa mga Kristiyano. Ang pag-ibig sa Salita ng Diyos ay nag-uudyok sa atin na maging matalas ang pakiramdam sa mga pangangailangan niyaong mga “kaugnay sa atin sa pananampalataya” at “magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa [ating] sariling sambahayan.” (Galacia 6:10; 1 Timoteo 5:4, 8) Hinggil dito, isang mabuting gawa na dalawin ang maysakit at aliwin ang mga nagdadalamhati. Tunay ngang isang mabuting gawa ang isinasakatuparan ng matatanda sa kongregasyon at ng mga Hospital Liaison Committee sa pagtulong sa mga indibiduwal na napapaharap sa mapanghamong mga kalagayan ng pagpapagamot! (Gawa 15:29) Pagkatapos ay nariyan ang dumaraming bilang ng mga sakuna—ilan sa mga ito ay dulot ng kalikasan at ang iba naman ay dahil sa kahibangan ng mga tao. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay nakagawa na ng isang mainam na rekord sa maraming lugar sa lupa sa paglalaan ng mabilisang tulong sa mga kapananampalataya at iba pang mga biktima ng sakuna at mga aksidente. Lahat ng ito ay mabubuting bunga na ipinamamalas niyaong mga umiibig sa Salita ng Diyos.
Mga Pakinabang ng Maluwalhating Kinabukasan
17, 18. (a) Ano ang naisasakatuparan ng paghahasik ng binhi ng Kaharian? (b) Anong nakayayanig na mga pangyayari ang malapit nang masaksihan ng mga umiibig sa Salita ng Diyos?
17 Ang paghahasik ng binhi ng Kaharian ay patuloy na nagdudulot ng malalaking pakinabang sa sangkatauhan. Nitong nakalipas na mga taon, mahigit sa 300,000 katao taun-taon ang nagpapahintulot na mag-ugat sa kanilang mga puso ang mensahe ng Bibliya anupat inialay na nila ang kanilang buhay kay Jehova at sinagisagan ito ng bautismo sa tubig. Isa ngang maluwalhating kinabukasan ang naghihintay sa kanila!
18 Di na magtatagal, batid ng mga umiibig sa Salita ng Diyos na titindig na ang Diyos na Jehova upang dakilain ang kaniyang pangalan. Mawawasak na ang “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:2, 8) Pagkatapos ay papatayin naman ng Haring si Jesu-Kristo, yaong mga tumatangging mamuhay na kasuwato ng Salita ng Diyos. (Awit 2:9-11; Daniel 2:44) Kasunod nito, ang Kaharian ng Diyos ay magdadala ng permanenteng ginhawa mula sa krimen, digmaan, at iba pang mga sakuna. Hindi na kailangang aliwin pa ang mga tao dahil sa kirot, sakit, at kamatayan.—Apocalipsis 21:3, 4.
19, 20. Anong maluwalhating kinabukasan ang naghihintay sa mga tunay na umiibig sa Salita ng Diyos?
19 Tunay ngang maluwalhating mabubuting gawa ang maisasakatuparan niyaong mga umiibig sa Salita ng Diyos! Pasisimulan ng mga nakaligtas sa Armagedon ang maligayang gawain ng pagsasauli sa lupang ito tungo sa isang paraiso. Tataglayin nila ang nakapananabik na pribilehiyo ng paghahanda sa mga pangangailangan ng mga namatay na sa kasalukuyan ay nagpapahinga sa libingan at nasa alaala ng Diyos na may pag-asang mapabilang sa pagbuhay-muli sa mga patay. (Juan 5:28, 29) Sa panahong iyan, aagos ang sakdal na patnubay sa mga naninirahan sa lupa mula sa Soberanong Panginoon, si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang itinaas na Anak, si Jesu-Kristo. ‘Bubuksan ang mga balumbon,’ na magsisiwalat sa mga tagubilin ni Jehova para sa pamumuhay sa bagong sanlibutan.—Apocalipsis 20:12.
20 Sa takdang panahon ni Jehova, ang kabuuang lupon ng tapat na pinahirang mga Kristiyano ay iaangat sa kanilang makalangit na gantimpala bilang “mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” (Roma 8:17) Sa panahon ng Isang Libong Taong Paghahari ni Kristo, lahat ng tao sa lupa na umiibig sa Salita ng Diyos ay itataas sa kasakdalan ng isip at katawan. Matapos mapatunayang tapat sa ilalim ng huling pagsubok, sila ay gagantimpalaan ng walang-hanggang buhay at magtatamasa ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21; Apocalipsis 20:1-3, 7-10) Tunay ngang isang kamangha-manghang panahon iyan! Ang totoo, makalangit man o makalupang pag-asa ang ipagkaloob sa atin ni Jehova, ang di-nagmamaliw na pag-ibig sa kaniyang Salita at ang determinasyong mamuhay ayon sa makadiyos na karunungan ay magsasanggalang sa atin. At sa hinaharap ay ‘luluwalhatiin tayo nito sapagkat niyakap natin ito.’—Kawikaan 4:6, 8.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Paano tayo maipagsasanggalang ng pag-ibig sa Salita ng Diyos?
◻ Ano ang binhi sa ilustrasyon ni Jesus, at paano ito inihahasik?
◻ Paano natin mapatutunayang tayo’y “mabuting lupa”?
◻ Anong mga pakinabang ang maaasahan ng mga umiibig sa Salita ng Diyos?
[Larawan sa pahina 16]
Ang binhi sa ilustrasyon ni Jesus ay lumalarawan sa mensahe ng mabuting balita na nasa Salita ng Diyos
[Credit Line]
Garo Nalbandian
[Larawan sa pahina 17]
Tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang Dakilang Manghahasik
[Mga larawan sa pahina 18]
Tatamasahin ng mga nakaligtas sa Armagedon ang mga bunga ng lupa