Iniibig ni Jehova ang mga “Nagbubunga Nang May Pagbabata”
“Kung tungkol doon sa nasa mainam na lupa, ito yaong mga . . . nagbubunga nang may pagbabata.”—LUCAS 8:15.
1, 2. (a) Bakit nakapagpapatibay sa atin ang mga kapatid na patuloy na nangangaral sa mga teritoryong walang gaanong tumutugon? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pangangaral niya sa kaniyang “sariling teritoryo”? (Tingnan ang talababa.)
SINA Sergio at Olinda ay mag-asawang payunir na mahigit 80 anyos na, at nakatira sa United States. Nahihirapan na silang maglakad dahil sa pananakit ng mga binti. Pero gaya ng matagal na nilang ginagawa, naglalakad sila tuwing umaga papuntang plaza, at dumarating sila roon ng alas-siyete ng umaga. Pumupuwesto sila malapit sa istasyon ng bus at nag-aalok ng mga literatura sa Bibliya sa mga dumaraan. Hindi sila pinapansin ng karamihan, pero nananatili sila sa kanilang puwesto at ngumingiti sa mga napapatingin sa kanila. Kapag tanghali na, dahan-dahan na silang naglalakad pauwi. Kinabukasan, alas-siyete ng umaga, naroon ulit sila sa plaza. Sa katunayan sa buong taon, anim na araw sa isang linggo silang naroroon at abalang nangangaral ng mensahe ng Kaharian.
2 Gaya nila, maraming tapat na kapatid sa buong daigdig ang matagal nang nangangaral sa kanilang teritoryo kahit walang gaanong tumutugon. Kung ganiyan din ang sitwasyon mo, kinokomendahan ka namin sa iyong pagbabata.a Ang iyong katatagan sa paglilingkod kay Jehova ay nakapagpapatibay sa marami—maging sa makaranasang mga kapatid. Pansinin ang sinabi ng mga tagapangasiwa ng sirkito: “Kapag kasama ko sa ministeryo ang gayong tapat na mga kapatid, napapatibay ako sa kanilang halimbawa.” “Ang kanilang katapatan ay tumutulong sa akin na patuloy na maging matiyaga at malakas ang loob sa ministeryo.” “Naaantig ako sa kanilang halimbawa.”
3. Anong tatlong tanong ang tatalakayin natin, at bakit?
3 Para tumibay ang ating determinasyon na tapusin ang gawaing pangangaral na iniatas sa atin ni Jesus, talakayin natin ang sagot sa tatlong tanong na ito: Bakit tayo nasisiraan ng loob paminsan-minsan? Paano tayo magbubunga? Ano ang tutulong sa atin para patuloy na mamunga nang may pagbabata?
BAKIT POSIBLENG MASIRAAN TAYO NG LOOB?
4. (a) Ano ang naging epekto kay Pablo ng negatibong pagtugon ng karamihan sa mga Judio? (b) Bakit iyan ang nadama ni Pablo?
4 Kung naranasan mo nang masiraan ng loob habang nangangaral sa mga teritoryong walang gaanong tumutugon, maiintindihan mo si apostol Pablo. Sa loob ng mga 30-taóng ministeryo niya, marami siyang natulungan na maging alagad ni Kristo. (Gawa 14:21; 2 Cor. 3:2, 3) Pero hindi niya napakilos ang maraming Judio na maging tunay na mananamba. Hindi nakinig sa kaniya ang karamihan, at pinag-usig pa nga siya ng ilan. (Gawa 14:19; 17:1, 4, 5, 13) Ano ang naging epekto nito kay Pablo? Inamin niya: “Ako ay nagsasabi ng katotohanan may kaugnayan kay Kristo . . . na mayroon akong malaking pamimighati at namamalaging kirot sa aking puso.” (Roma 9:1-3) Bakit iyan ang nadama ni Pablo? Dahil gustong-gusto niyang mangaral at talagang nagmamalasakit siya sa mga Judio. Kaya nasaktan siya nang tanggihan nila ang awa ng Diyos.
5. (a) Ano ang nag-uudyok sa atin na mangaral sa ating kapuwa? (b) Bakit natural lang na masiraan tayo ng loob paminsan-minsan?
5 Gaya ni Pablo, nangangaral tayo dahil nagmamalasakit tayo sa mga tao. (Mat. 22:39; 1 Cor. 11:1) Bakit? Gaya ng nararanasan natin, maraming pagpapala ang naghihintay sa mga nagpapasiyang maglingkod kay Jehova. Kapag iniisip natin ang mga tao sa ating teritoryo, sinasabi natin sa ating sarili, ‘Kung matutulungan lang sana namin silang makita ang mga pagkakataong napapalampas nila!’ Kaya patuloy natin silang pinasisiglang alamin ang katotohanan tungkol kay Jehova at sa kaniyang layunin para sa sangkatauhan. Para bang sinasabi natin sa pinangangaralan natin: ‘May magandang regalo kami para sa iyo. Sana tanggapin mo.’ Kaya kapag hindi ito tinanggap ng mga tao, natural lang na masaktan tayo. Hindi naman ibig sabihin nito na kulang ang pananampalataya natin. Ipinakikita lang nito na gustong-gusto nating mangaral. Kaya kahit nasisiraan tayo ng loob, nagbabata tayo. Marami sa atin ang sasang-ayon sa sinabi ni Elena, na mahigit 25 taon nang payunir: “Hindi madali ang gawaing pangangaral. Pero ito pa rin ang gustong-gusto kong gawin.”
PAANO TAYO MAGBUBUNGA?
6. Anong tanong ang tatalakayin natin, at ano ang gagawin natin para masagot iyan?
6 Bakit tayo nakatitiyak na saanman tayo mangaral, puwede tayong maging mabunga sa ministeryo? Para masagot ang mahalagang tanong na iyan, suriin natin ang dalawang ilustrasyon ni Jesus na nagpapakitang kailangang “nagbubunga” tayo. (Mat. 13:23) Ang una ay tungkol sa punong ubas.
7. (a) Sino ang inilalarawan ng “tagapagsaka,” “punong ubas,” at “mga sanga”? (b) Anong tanong ang kailangan pa nating sagutin?
7 Basahin ang Juan 15:1-5, 8. Pansinin ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Ang aking Ama ay naluluwalhati rito, na patuloy kayong namumunga ng marami at pinatutunayan ninyong kayo ay aking mga alagad.” Inilarawan ni Jesus si Jehova bilang “tagapagsaka,” ang kaniyang sarili bilang “tunay na punong ubas,” at ang mga alagad niya bilang “mga sanga.”b Ano naman ang kailangang ibunga ng mga tagasunod ni Kristo? Sa ilustrasyong ito, hindi direktang sinabi ni Jesus kung anong bunga iyon, pero may binanggit siyang isang mahalagang detalye na tutulong sa atin na malaman ang sagot.
8. (a) Sa ilustrasyong ito, bakit ang bunga ay hindi maaaring tumukoy sa mga bagong alagad? (b) Ano ang masasabi natin sa mga kahilingan ni Jehova?
8 Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang Ama: “Ang bawat sanga sa akin na hindi namumunga ay inaalis niya.” Sa ibang pananalita, ituturing lang tayo ni Jehova na mga lingkod niya kung nagbubunga tayo. (Mat. 13:23; 21:43) Kaya ang ibubunga ng bawat Kristiyano sa ilustrasyon ni Jesus ay hindi maaaring tumukoy sa mga bagong alagad na nagagawa natin. (Mat. 28:19) Dahil kung ito ang tinutukoy, ang mga Saksing hindi nakagawa ng alagad dahil walang tumutugon sa kanilang teritoryo ay maihahalintulad sa mga sangang hindi namumunga ayon sa ilustrasyon ni Jesus. Pero hindi makatuwiran iyan! Bakit? Dahil hindi natin puwedeng pilitin ang mga tao na maging alagad. Maibigin si Jehova at hindi niya itatakwil ang mga lingkod niya dahil lang sa hindi nila nagawa ang isang bagay na hindi nila kaya. Ang hinihiling lang sa atin ni Jehova ay ang kaya nating gawin.—Deut. 30:11-14.
9. (a) Sa anong gawain tayo dapat makibahagi para masabing nagbubunga tayo? (b) Ano namang ilustrasyon ang tatalakayin natin ngayon, at bakit?
9 Kaya ano ang dapat nating ibunga? Malinaw na ang bunga ay tumutukoy sa isang gawain na kayang gawin ng bawat isa sa atin. Anong gawain? Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.c (Mat. 24:14) Pinatutunayan iyan ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa manghahasik. Talakayin naman natin ang ikalawang ilustrasyong ito.
10. (a) Sa ilustrasyong ito, ano ang inilalarawan ng binhi at ng lupa? (b) Ano ang iniluluwal ng tangkay ng trigo?
10 Basahin ang Lucas 8:5-8, 11-15. Sa ilustrasyon tungkol sa manghahasik, ang binhi ay ang “salita ng Diyos,” o mensahe ng Kaharian. Ang lupa ay lumalarawan sa makasagisag na puso ng tao. Ang binhing nahulog sa mainam na lupa ay nagkaugat, sumibol, at lumaking, sabihin na nating, isang tangkay ng trigo. Pagkatapos, ito ay “nagluwal ng bunga na isang daang ulit.” Pero anong uri ng bunga ang iniluluwal ng tangkay ng trigo? Maliliit na tangkay din ba ng trigo? Siyempre hindi! Nagluluwal ito ng bagong binhi, na posibleng lumaki at maging mga tangkay. Sa ilustrasyong ito, ang isang butil ng binhi ay nagbunga ng isang daang butil. Paano kumakapit ang ilustrasyong ito sa ating ministeryo?
11. (a) Paano kumakapit sa ating ministeryo ang ilustrasyon tungkol sa manghahasik? (b) Paano masasabing nagbubunga tayo ng bagong binhi ng Kaharian?
11 Bilang paghahambing, ipagpalagay nang ibinahagi sa atin ng ilang Saksi o ng ating Kristiyanong mga magulang ang tungkol sa Kaharian ilang taon na ang nakararaan. Natuwa sila nang makita nilang tumugon ang puso natin sa tulad-binhing mensahe ng Kaharian. Gaya ng mainam na lupa sa ilustrasyon ni Jesus na natamnan ng binhi, tinanggap natin ang mensahe at tumanim ito sa ating puso. Bilang resulta, ang tulad-binhing mensahe ng Kaharian ay nagkaugat at lumaki, wika nga, na isang tangkay ng trigo hanggang sa puwede na itong mamunga. At kung paanong ang tangkay ng trigo ay hindi nagbubunga ng bagong tangkay kundi ng bagong binhi, hindi rin tayo nagbubunga ng bagong alagad kundi ng bagong binhi ng Kaharian.d Paano masasabing nagbubunga tayo ng bagong binhi ng Kaharian? Sa tuwing inihahayag natin ang mensahe ng Kaharian, dinodoble natin at ikinakalat, wika nga, ang binhing nakatanim sa ating puso. (Luc. 6:45; 8:1) Kaya itinuturo sa atin ng ilustrasyong ito na hangga’t inihahayag natin ang mensahe ng Kaharian, “nagbubunga [tayo] nang may pagbabata.”
12. (a) Anong aral ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa punong ubas at sa manghahasik? (b) Ano ang epekto nito sa iyo?
12 Anong aral ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa punong ubas at sa manghahasik? Naunawaan natin na ang ating pamumunga ay hindi nakadepende sa pagtugon ng mga tao sa ating teritoryo. Sa halip, nakadepende ito sa ating patuloy na pangangaral. Kahawig ito ng sinabi ni Pablo: “Ang bawat tao ay tatanggap ng kaniyang sariling gantimpala ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.” (1 Cor. 3:8) Kaya ang gantimpala ay nakadepende sa pagpapagal, hindi sa resulta ng pagpapagal. Sinabi ni Matilda, na 20 taon nang payunir: “Nakakatuwang malaman na ginagantimpalaan ni Jehova ang ating pagsisikap.”
PAANO TAYO MAGBUBUNGA NANG MAY PAGBABATA?
13, 14. Ayon sa Roma 10:1, 2, bakit hindi huminto si Pablo sa pangangaral sa mga taong negatibo ang pagtugon sa mensahe ng Kaharian?
13 Ano ang tutulong sa atin na patuloy na mamunga nang may pagbabata? Gaya ng tinalakay natin, nasiraan ng loob si Pablo dahil sa negatibong pagtugon ng mga Judio sa mensahe ng Kaharian. Pero hindi siya huminto sa pangangaral sa kanila. Pansinin ang isinulat niya sa mga Kristiyano sa Roma tungkol sa kaniyang nadama sa mga Judiong iyon: “Ang kabutihang-loob ng aking puso at ang aking pagsusumamo sa Diyos para sa kanila ay tunay ngang para sa kanilang kaligtasan. Sapagkat nagpapatotoo ako tungkol sa kanila na may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:1, 2) Anong mga dahilan ang binanggit ni Pablo kung bakit patuloy siyang nangaral?
14 Una, sinabi niyang patuloy siyang nangaral sa mga Judio dahil napakilos siya ng “kabutihang-loob ng [kaniyang] puso.” Gustong-gusto niyang makaligtas sila. (Roma 11:13, 14) Ikalawa, binanggit ni Pablo ang kaniyang “pagsusumamo sa Diyos para sa kanila.” Hiniling niya sa Diyos na tulungan ang bawat Judio na tanggapin ang mensahe ng Kaharian. Ikatlo, idinagdag ni Pablo: “May sigasig sila sa Diyos.” May nakita siyang mabuti sa kanila. Ang sigasig, kapag nagabayan nang tama, ay makapagpapabago sa mga taong taimtim na maging masisigasig na alagad ni Kristo, at alam na alam iyan ni Pablo.
15. Paano masasabing tinutularan natin si Pablo? Magbigay ng mga halimbawa.
15 Paano masasabing tinutularan natin si Pablo? Una, sinisikap nating mapanatili sa ating puso ang kagustuhang maghanap ng sinumang “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.” Ikalawa, nagsusumamo tayo kay Jehova na buksan ang puso ng mga taong taimtim. (Gawa 13:48; 16:14) Sinabi ni Silvana, na halos 30 taon nang payunir: “Bago ako pumunta sa isang bahay sa aming teritoryo, nananalangin muna ako kay Jehova na tulungan niya akong maging positibo.” Nananalangin din tayo sa Diyos na akayin sana tayo ng mga anghel sa mga tapat-puso. (Mat. 10:11-13; Apoc. 14:6) Sinabi naman ni Robert, na mahigit 30 taon nang payunir: “Napakasayang gumawa kasama ng mga anghel dahil alam nila ang nangyayari sa buhay ng mga tao.” Ikatlo, sinisikap nating hanapin ang mabuti sa mga tao. Sinabi ni Carl, isang elder na mahigit 50 taon nang bautisado: “Naghahanap ako ng kahit maliit na senyales na nagpapakitang taimtim ang isang tao, marahil ay isang ngiti, maaliwalas na mukha, o isang taimtim na tanong.” Oo, gaya ni Pablo, puwede rin tayong magbunga nang may pagbabata.
“HUWAG MONG PAGPAHINGAHIN ANG IYONG KAMAY”
16, 17. (a) Ano ang matututuhan natin sa tagubiling nasa Eclesiastes 11:6? (b) Ilarawan kung paano maaaring makaapekto sa mga nagmamasid ang ating paghahasik.
16 Kahit parang hindi naaabot ng mensahe ng Kaharian ang puso ng mga tao, hindi natin dapat maliitin ang epekto ng ating gawaing paghahasik. (Basahin ang Eclesiastes 11:6.) Totoo, maraming tao ang hindi nakikinig sa atin, pero pinagmamasdan nila tayo. Napapansin nila ang ating maayos na pananamit, pagiging magalang, at palakaibigang ngiti. Sa bandang huli, dahil sa ating mabuting paggawi, baka makita nilang mali ang pagkakilala nila sa atin. Ganiyan ang napansin nina Sergio at Olinda, na binanggit kanina.
17 Sinabi ni Sergio: “Dahil sa pagkakasakit, matagal kaming hindi nakapunta sa plaza. Nang bumalik kami, nagtanong ang mga dumaraan, ‘Ano po’ng nangyari? Na-miss namin kayo.’” Nakangiting idinagdag ni Olinda: “Kinakawayan kami ng mga drayber ng bus at ilan sa kanila ay sumisigaw, ‘Okey po ’yan!’ Humingi pa nga sila ng mga magasin.” At nasorpresa ang mag-asawa nang bigyan sila ng isang lalaki ng mga bulaklak at pasalamatan sa kanilang ginagawa.
18. Bakit determinado kang ‘magbunga nang may pagbabata’?
18 Oo, hangga’t hindi natin ‘pinagpapahinga ang ating kamay’ sa paghahasik ng binhi ng Kaharian, may mahalaga tayong bahagi sa ‘pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa.’ (Mat. 24:14) Higit sa lahat, masayang-masaya tayo kasi alam nating sinasang-ayunan tayo ni Jehova, dahil iniibig niya ang lahat ng “nagbubunga nang may pagbabata”!
a Kahit si Jesus, alam niyang isang hamon ang pangangaral sa “sariling teritoryo”—iniulat iyan ng apat na manunulat ng Ebanghelyo.—Mat. 13:57; Mar. 6:4; Luc. 4:24; Juan 4:44.
b Ang mga sanga sa ilustrasyong ito ay tumutukoy sa mga tatanggap ng buhay sa langit, pero may mga aral dito na mapapakinabangan ng lahat ng lingkod ng Diyos.
c Ang ‘pamumunga’ ay kumakapit din sa pagluluwal ng “bunga ng espiritu,” pero sa artikulong ito at sa susunod, magpopokus tayo sa pagluluwal ng “bunga ng mga labi,” o pangangaral ng Kaharian.—Gal. 5:22, 23; Heb. 13:15.
d Sa ibang pagkakataon, ginamit ni Jesus ang halimbawa ng paghahasik at paggapas para ilarawan ang paggawa ng alagad.—Mat. 9:37; Juan 4:35-38.