Kapag Nagtatalo ang Mag-asawa
WALANG matinong mag-asawa ang gustong mag-away, subalit laganap ito. Karaniwan nang may nasasabi ang isang kabiyak na ikinaiinis naman ng isa. Tumataas ang boses, at umiinit ang ulo, na nauuwi sa pagbabatuhan ng masasakit na salita. Kasunod nito’y nakabibinging katahimikan, anupat pareho na nilang pinanindigan ang di-pag-uusap. Sa kalaunan, humuhupa naman ang galit at nagpapatawaran sila. Sa paanuman, payapang muli—hanggang sa susunod na namang pagtatalo.
Ang tampuhan ng mag-asawa ay paksa ng walang-katapusang biruan at ng istorya sa mga programa sa telebisyon, subalit sa totoo lamang, hindi na ito katawa-tawa. Sa katunayan, sinabi ng kawikaan sa Bibliya: “Ang mga salitang walang pakundangan ay tulad ng isang tabak.” (Kawikaan 12:18, Ang Bibliya—Bagong Salin sa Pilipino) Oo, ang masasakit na salita ay maaaring mag-iwan ng pilat sa damdamin na hindi mawala-wala kahit tapos na ang pag-aaway. Posible pa ngang humantong sa karahasan ang pagtatalo.—Exodo 21:18.
Mangyari pa, dahil sa di-kasakdalan ng tao, hindi maiwasang magkaproblema kung minsan ang mag-asawa. (Genesis 3:16; 1 Corinto 7:28) Subalit hindi naman dapat ituring na normal lamang ang madalas at matinding pag-aaway. Napansin ng mga eksperto na ang madalas na pag-aaway ay malamang na mauwi sa pagdidiborsiyo ng mag-asawa. Kaya nga, napakahalagang matutuhan ninyong mag-asawa kung paano haharapin ang pagtatalo sa mapayapang paraan.
Pag-aralan ang Situwasyon
Kung sinasalot ng mga pagtatalo ang inyong pagsasama, subuking alamin kung ano ang paulit-ulit ninyong pinag-aawayan. Ano ba ang karaniwang nangyayari kapag hindi kayo nagkakasundong mag-asawa sa isang bagay? Agad bang umiinit ang diskusyon at nauuwi sa batuhan ng pang-iinsulto at mga akusasyon? Kung oo, ano ang puwede mong gawin?
Una, tingnan mong mabuti bilang indibiduwal kung paano ka nakadaragdag sa problema. Madali ka bang magalit? Mahilig ka bang makipagtalo? Ano kaya ang masasabi ng asawa mo tungkol sa iyo may kinalaman dito? Mahalagang isaalang-alang ang huling tanong na ito, dahil maaaring magkaiba ang pangmalas ninyong mag-asawa tungkol sa ibig sabihin ng pagiging mahilig makipagtalo.
Halimbawa, ipagpalagay nang hindi palakibo ang iyong asawa, samantalang ikaw naman ay prangka at masyadong emosyonal sa iyong pagsasalita. Baka sabihin mo: “Kinalakihan na naming lahat iyan sa aming pamilya at talagang ganiyan kaming makipag-usap. Hindi iyan pakikipagtalo!” At maaaring para sa iyo ay hindi nga. Kung gayon, posibleng ang sa tingin mong prangkang pagsasalita ay ituring naman ng iyong kabiyak bilang nakasasakit at palabáng pakikipagtalo. Kung uunawain lamang ninyong mag-asawa na magkaiba ang inyong paraan ng pakikipag-usap, maiiwasan sana ang di-pagkakaunawaan.
Tandaan din na ang pakikipagtalo ay hindi palaging pasigaw. Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano: “Ang . . . hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.” (Efeso 4:31) Ang “hiyawan” ay nagpapahiwatig ng mataas na boses, samantalang ang “mapang-abusong pananalita” naman ay tumutukoy sa kung ano ang sinasabi. Dahil dito, kahit ang pabulong na mga salita ay masasabing pakikipagtalo kung ito’y nakayayamot o nanghahamak.
Habang nasa isip ang mga nabanggit, tingnan mong muli kung paano mo hinaharap ang pagtatalo ninyong mag-asawa. Mahilig ka bang makipagtalo? Gaya ng naunawaan natin, ang tunay na sagot sa tanong na iyan ay may malaking kaugnayan sa pangmalas ng iyong kabiyak. Sa halip na ituring na sobrang maramdamin ang iyong kabiyak, subuking tingnan ang iyong sarili gaya ng tingin niya sa iyo, at gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. Sumulat si Pablo: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.”—1 Corinto 10:24.
“Bigyang-Pansin Ninyo Kung Paano Kayo Nakikinig”
Ang isa pang aspekto ng pagharap sa pagtatalo ay masusumpungan sa mga salita ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.” (Lucas 8:18) Hindi naman talaga tungkol sa pag-uusap ng mag-asawa ang sinasabi rito ni Jesus. Subalit kapit pa rin ang simulain. Gaano ka kahusay makinig sa iyong kabiyak? Nakikinig ka nga ba? O bigla mo na lamang isinisingit ang mabababaw na solusyon sa mga problemang hindi mo pa naman lubusang nauunawaan? “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 18:13) Kung gayon, kapag bumangon ang pagtatalo, dapat ninyong pag-usapang mag-asawa ang mga bagay-bagay at pakinggang mabuti ang isa’t isa.
Sa halip na maliitin ang pangmalas ng iyong kabiyak, sikaping magpakita ng “pakikipagkapuwa-tao.” (1 Pedro 3:8) Sa orihinal na Griego, ang terminong ito ay karaniwan nang nangangahulugang pakikiramay sa pagdurusa ng ibang tao. Kung may ikinababahala ang iyong kabiyak, dapat kang makisimpatiya. Sikaping tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang pananaw.
Maliwanag na iyan ang ginawa ng makadiyos na lalaking si Isaac. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang kaniyang asawang si Rebeka ay lubhang nababahala tungkol sa isang isyu sa pamilya may kinalaman sa kaniyang anak na si Jacob. “Namumuhi na ako sa buhay kong ito dahil sa mga anak ni Het,” ang sabi niya kay Isaac. “Kung si Jacob ay kukuha rin ng asawa mula sa mga anak ni Het na tulad ng mga ito mula sa mga anak na babae ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?”—Genesis 27:46.
Ipagpalagay na ngang dahil sa pagkabalisa, napasobra naman ang pagsasalita ni Rebeka. Kung tutuusin, talaga nga kayang namumuhi na siya sa kaniyang buhay? Literal nga kayang gugustuhin pa niyang mamatay kung makapag-aasawa ang kaniyang anak ng isa sa mga anak na babae ni Het? Malamang na hindi. Gayunman, hindi minaliit ni Isaac ang damdamin ni Rebeka. Sa halip, nakita ni Isaac na may katuwirang mabahala si Rebeka, at kumilos siya ayon doon. (Genesis 28:1) Gayundin sana ang gawin mo kapag may ikinabahala uli ang iyong kabiyak. Sa halip na ituring itong maliit na bagay lamang, pakinggan mo ang iyong kabiyak, igalang mo ang kaniyang pangmalas, at tugunin ito sa maawaing paraan.
Pakikinig at Kaunawaan
Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsabi: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.” (Kawikaan 19:11) Sa kainitan ng isang pagtatalo, napakadaling magsilakbo ang damdamin sa bawat masakit na salitang binibitiwan ng iyong asawa. Ngunit madalas na lalo lamang itong nagpapalubha sa pagtatalo. Kaya kapag pinakikinggan mo ang iyong asawa, tiyakin mong hindi lamang ang sinasabi niya ang iyong naririnig kundi pati ang damdaming nasa likod ng mga salitang iyon. Tutulungan ka ng kaunawaang iyan na mapalampas ang iyong pagkayamot at maunawaan ang ugat ng problema.
Halimbawa, kapag sinabi sa iyo ng iyong asawang babae, “Wala ka nang panahon sa akin!” Baka sa inis mo ay itanggi mo ang paratang at magdahilan. “Hindi ba buong araw tayong magkasama noong nakaraang buwan?” baka isagot mo. Subalit kung nakinig ka lamang sanang mabuti, baka naunawaan mong hindi naman dagdag na minuto o oras ang hinihingi ng iyong asawa. Sa halip, baka gusto lamang niyang makatiyak at masabi sa iyo na nadarama niyang hindi mo na siya pinapansin at hindi mo na siya mahal.
Ipagpalagay nang isa kang asawang babae at nagpakita ng pagkabahala ang iyong asawa dahil sa iyong binili kamakailan. “Bakit sobrang laki naman yata ng gastos mo?” tanong niya na di-makapaniwala. Baka ikatuwiran mo agad ang mga gastusin ng pamilya o ihambing ang iyong binili sa kaniyang binili. Gayunman, tutulungan ka ng kaunawaan na makitang hindi naman tungkol sa gastos ang ibig niyang sabihin. Sa halip, baka nababahala lamang siya dahil hindi mo man lamang siya kinonsulta bago ka gumastos ng malaking halaga.
Mangyari pa, may kani-kaniyang paraan ng pagpapasiya ang bawat mag-asawa kung gaano karaming panahon ang iuukol nila sa isa’t isa at kung ano ang bibilhin nila. Ang punto ay na kung magkakaroon ng pagtatalo, ang kaunawaan ay magpapahupa ng iyong galit at tutulong sa iyong maunawaan ang tunay na problema. Sa halip na magpadalus-dalos, sundin ang payo ng manunulat ng Bibliya na si Santiago na maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.”—Santiago 1:19.
Kapag nakikipag-usap ka, tandaan na ang mahalaga ay kung paano ka nakikipag-usap sa iyong asawa. Sinasabi ng Bibliya na “ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18) Kapag nagtatalo kayong mag-asawa, ang mga salita mo ba ay nakasasakit o nagpapagaling? Naglalagay ba ito ng hadlang, o nagbibigay ng daan para sa pakikipagkasundo? Gaya ng naunawaan na natin, ang pagalit o padalus-dalos na reaksiyon ay pupukaw lamang ng pagtatalo.—Kawikaan 29:22.
Kung ang pagtatalo ay nauuwi na sa mainitang pagsasagutan, sikaping tutukan mismo ang problema. Magtuon ng pansin sa dahilan ng pagtatalo, hindi sa tao. Higit na bigyang-pansin kung ano ang tama at hindi kung sino ang tama. Mag-ingat na huwag palubhain ng iyong mga salita ang pagtatalo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kawikaan 15:1) Oo, ang iyong sinasabi at ang paraan ng iyong pagsasabi ay posibleng maging sukatan kung makakamit mo ang pakikipagtulungan ng iyong kabiyak o hindi.
Gawing Tunguhin na Lumutas, Hindi Manalo
Sa ating pagharap sa mga pagtatalo, ang tunguhin natin ay ang makamit ang kalutasan at hindi ang tagumpay. Paano mo kaya makakamit ang kalutasan? Ang pinakatiyak na paraan ay ang paghahanap at pagkakapit sa payo ng Bibliya, at ang mga asawang lalaki ang dapat na kusang gumawa nito. Sa halip na magpadalus-dalos sa paggigiit ng mga opinyon tungkol sa mga isyu o problema, bakit hindi tingnan ang mga ito ayon sa pangmalas ni Jehova? Manalangin ka sa kaniya, at hanapin ang kapayapaan ng Diyos na magbabantay sa iyong puso at kakayahang pangkaisipan. (Efeso 6:18; Filipos 4:6, 7) Gumawa ng marubdob na pagsisikap na bigyang-pansin hindi lamang ang iyong personal na kapakanan kundi ang personal na kapakanan din naman ng iyong asawa.—Filipos 2:4.
Madalas na lalong lumalala ang situwasyon kapag nadaraig ng sama ng loob at mapusok na damdamin ang iyong isip at paggawi. Sa kabilang dako naman, kapag handa kang maibalik sa ayos sa pamamagitan ng payo ng Salita ng Diyos, aakay ito sa kapayapaan, pagkakasuwato, at pagpapala ni Jehova. (2 Corinto 13:11) Kung gayon, gabayan ka sana ng “karunungan mula sa itaas,” magpakita ng makadiyos na mga katangian, at umani ng mga kapakinabangan bilang “mga nakikipagpayapaan.”—Santiago 3:17, 18.
Ang totoo, dapat harapin ng lahat ang pagtatalo sa mapayapang paraan, mangahulugan man ito ng pagsasaisantabi ng sariling mga kagustuhan. (1 Corinto 6:7) Oo, ikapit ang payo ni Pablo na alisin ang “poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita mula sa inyong bibig. . . . Hubarin ninyo ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad.”—Colosas 3:8-10.
Mangyari pa, nakapagsasalita ka kung minsan ng mga bagay na pinagsisisihan mo pagkatapos. (Santiago 3:8) Kapag nangyari ito, humingi ka ng paumanhin sa iyong asawa. Patuloy na magsikap. Darating ang panahon, makikita ninyong mag-asawa ang malaking pagsulong sa inyong pagharap sa mga pagtatalo.
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
Tatlong Hakbang sa Pagpapahupa ng Pagtatalo
• Pakinggan ang iyong asawa. Kawikaan 10:19
• Igalang ang kaniyang pangmalas. Filipos 2:4
• Tumugon sa maibiging paraan. 1 Corinto 13:4-7
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Kung Ano ang Magagawa Mo Ngayon
Itanong sa asawa ang mga tanong na nasa ibaba, at pakinggan ang mga sagot nang hindi sumasabad. Pagkatapos, puwede ring gawin ito ng iyong asawa.
• Mahilig ba akong makipagtalo?
• Talaga bang nakikinig ako kapag nagpapaliwanag ka, o bigla akong sumasabad bago ka pa man matapos sa pagsasalita?
• Ang mga salita ko ba sa iyong pandinig ay walang pagmamalasakit o pagalít?
• Ano ang puwede nating gawin upang mapasulong ang ating paraan ng pag-uusap—lalo na kung hindi tayo nagkakasundo sa isang bagay?
[Larawan sa pahina 21]
Nakikinig ka ba?
[Larawan sa pahina 22]
“Hindi mo na ako pinapansin at hindi mo na ako mahal”
[Larawan sa pahina 22]
“Wala ka nang panahon sa akin!”
[Larawan sa pahina 22]
“Hindi ba buong araw tayong magkasama noong nakaraang buwan?”