Tularan ang Kanilang Pananampalataya
“Narito! Ang Aliping Babae ni Jehova!”
NAPATINGIN si Maria at makikita sa kaniyang mga mata na gulat na gulat siya nang pumasok sa bahay nila ang isang bisita. Hindi nito hinanap ang kaniyang ama o ina. Siya ang sadya nito! Sigurado siyang hindi ito taga-Nazaret. Maliit lang ang kanilang bayan kaya mapapansin agad kapag may dayuhan. Ang isang ito ay mapapansin kahit saan ito pumunta. Binati nito si Maria sa paraang bago sa kaniyang pandinig, na nagsasabi: “Magandang araw, isa na lubhang kinalulugdan, si Jehova ay sumasaiyo.”—Lucas 1:28.
Sa ganitong paraan ipinakilala sa atin ng Bibliya si Maria na anak ni Heli, na mula sa bayan ng Nazaret sa Galilea. Ipinakilala siya sa atin ng Bibliya sa panahong kailangan niyang gumawa ng mahahalagang desisyon sa kaniyang buhay. Nakatakda na siyang ikasal sa karpinterong si Jose—isang lalaking hindi mayaman pero tapat. Kaya tila planadung-planado na ang buhay niya—isang simpleng buhay bilang matulunging asawa ni Jose at kasama nito sa pagbuo ng isang pamilya. Pero narito ngayon ang isang bisita na may dalang atas para sa kaniya mula sa kaniyang Diyos, isang pananagutang magpapabago sa kaniyang buhay.
Baka magulat ka kapag nalaman mo na walang masyadong binabanggit ang Bibliya tungkol kay Maria. Kaunti lang ang sinasabi nito tungkol sa kaniyang pinagmulan at personalidad, at wala itong binabanggit tungkol sa kaniyang hitsura. Pero kaunti man ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa kaniya, napakarami naman nitong isinisiwalat hinggil sa kaniyang pagkatao.
Para makilala si Maria, kailangan nating isaisantabi ang maraming pala-palagay tungkol sa kaniya na itinuturo ng iba’t ibang relihiyon. Kaya hindi natin pag-uusapan ang maraming larawang ipininta o mga imaheng gawa sa marmol, o sa eskayola na kawangis daw niya. Isaisantabi rin natin ang masalimuot na teolohiya at doktrina na nagbigay sa mapagpakumbabang babaing ito ng matatayog na titulong gaya ng “Ina ng Diyos” at “Reyna ng Langit.” Sa halip, tingnan natin ang sinasabi mismo ng Bibliya tungkol sa kaniya. Matutulungan tayo nitong maunawaan ang ipinakita niyang pananampalataya at kung paano natin ito matutularan.
Bumisita ang Isang Anghel
Gaya ng maaaring alam mo na, hindi tao ang bisita ni Maria. Ito ay ang anghel na si Gabriel. Nang tawagin nito si Maria na “isa na lubhang kinalulugdan,” ‘lubhang nagulumihanan’ si Maria sa mga sinabi nito at nagtaka siya kung bakit ganoon ang pagbati ng bisita. (Lucas 1:29) Lubhang kinalulugdan nino? Hindi inaasahan ni Maria na lubha siyang kalulugdan ng mga tao. Pero ang tinutukoy ng anghel ay ang pagsang-ayon ng Diyos na Jehova. Mahalaga ito sa kaniya. Pero hindi siya nangahas na isiping kinalulugdan siya ng Diyos. Kung magsisikap tayong maging kalugud-lugod sa Diyos, at hindi mangangahas na isiping sinasang-ayunan na niya tayo, matututo tayo ng isang mahalagang aral na lubusang naunawaan ni Maria. Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, pero iniibig at tinutulungan niya ang mga mapagpakumbaba.—Santiago 4:6.
Kailangan ni Maria ng gayong kapakumbabaan dahil may dalang pambihirang pribilehiyo ang anghel para sa kaniya. Ipinaliwanag nito sa kaniya na siya ay magsisilang ng isang sanggol na magiging pinakaimportante sa lahat ng tao. Sinabi ni Gabriel: “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Tiyak na alam ni Maria ang pangako ng Diyos kay David mahigit isang libong taon na ang nakalilipas—na isa sa mga inapo ni David ang mamamahala magpakailanman. (2 Samuel 7:12, 13) Kaya ang anak ni Maria ang magiging Mesiyas na ilang siglo nang hinihintay ng bayan ng Diyos!
Bukod diyan, sinabi sa kaniya ng anghel na ang kaniyang anak ay “tatawaging Anak ng Kataas-taasan.” Paano maisisilang ng isang babae ang Anak ng Diyos? Sa totoo lang, paano magsisilang si Maria ng isang anak na lalaki gayong nakatakda pa lamang silang ikasal ni Jose? Kaya prangkahang nagtanong si Maria: “Paano ito mangyayari, yamang wala akong pakikipagtalik sa lalaki?” (Lucas 1:34) Pansinin na hindi ikinahiya ni Maria na sabihing siya’y isang birhen. Sa katunayan, iningatan niya ang kaniyang kalinisan sa moral. Sa ngayon, maraming kabataan ang gustung-gustong maiwala ang kanilang pagkabirhen at tinutuya naman ang mga birhen pa. Nagbago na talaga ang daigdig. Pero si Jehova ay hindi nagbabago. (Malakias 3:6) Gaya noong panahon ni Maria, pinahahalagahan pa rin niya ang mga namumuhay ayon sa kaniyang mga pamantayang moral.—Hebreo 13:4.
Bagaman si Maria ay isang tapat na lingkod ng Diyos, hindi siya isang sakdal na tao. Kaya paano siya magsisilang ng isang sakdal na supling, ang Anak ng Diyos? Ipinaliwanag ni Gabriel: “Ang banal na espiritu ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan kung kaya ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.” (Lucas 1:35) Ang banal ay nangangahulugang “malinis,” “dalisay,” “sagrado.” Karaniwan nang namamana ng mga anak ang pagiging marumi at makasalanan ng kanilang mga magulang. Pero sa kasong ito, magsasagawa si Jehova ng kakaibang himala. Ililipat niya ang buhay ng kaniyang Anak mula sa langit tungo sa sinapupunan ni Maria at saka niya gagamitin ang kaniyang aktibong puwersa, o banal na espiritu, para ‘liliman’ si Maria, anupat iniingatan ang sanggol upang hindi ito mabahiran ng anumang kasalanan. Naniwala ba si Maria sa pangako ng anghel? Paano siya tumugon?
Ang Sagot ni Maria kay Gabriel
Ang mga nagdududa sa himalang ito, kabilang na ang ilang teologo ng Sangkakristiyanuhan, ay hindi makapaniwala na puwedeng manganak ang isang birhen. Sa kabila ng kanilang pag-aaral, hindi nila maunawaan ang isang simpleng katotohanan. Gaya ng sinabi ni Gabriel, “sa Diyos ay walang kapahayagan ang imposible.” (Lucas 1:37) Palibhasa’y may malaking pananampalataya, naniwala si Maria na totoo ang mga sinabi ni Gabriel. Pero hindi siya basta-basta na lamang naniwala. Katulad ng sinumang makatuwirang tao, kailangan ni Maria ng ebidensiya bilang saligan ng kaniyang pananampalataya. Nakahanda naman si Gabriel na magbigay ng higit pang ebidensiya bukod sa dati nang alam ni Maria. Sinabi ng anghel sa kaniya ang tungkol sa kaniyang may-edad nang kamag-anak na si Elisabet, na matagal nang kilaláng baog. Ginawang posible ng Diyos na maglihi ito!
Ano ngayon ang gagawin ni Maria? Nasa harap niya ang isang atas at may katibayan pa na gagawin ng Diyos ang lahat ng sinabi ni Gabriel. Hindi natin dapat isiping hindi man lamang nangamba o nahirapan si Maria sa pribilehiyong ibinigay sa kaniya. Halimbawa, kailangan niyang isaalang-alang ang nakatakda nilang pagpapakasal ni Jose. Paano ito matutuloy kapag nalaman ni Jose ang tungkol sa kaniyang pagdadalang-tao? Isa pa, waring napakabigat na pananagutan ang atas na iyon. Dadalhin niya sa kaniyang sinapupunan ang pinakaimportante sa lahat ng nilalang ng Diyos—ang Kaniya mismong minamahal na Anak! Kailangan itong pangalagaan ni Maria habang isa pa lamang itong walang kalaban-labang sanggol at protektahan sa gitna ng masamang daigdig. Talagang isang napakabigat na pananagutan!
Ipinakikita ng Bibliya na maging ang mga lalaking tapat at may matibay na pananampalataya ay nag-aatubili kung minsan na tanggapin ang mabibigat na atas mula sa Diyos. Nagreklamo si Moises na hindi siya masyadong matatas para magsilbing tagapagsalita ng Diyos. (Exodo 4:10) Tumutol si Jeremias ‘sapagkat siya ay bata’ pa para balikatin ang atas na ibinibigay ng Diyos sa kaniya. (Jeremias 1:6) At tinakasan ni Jonas ang kaniyang atas! (Jonas 1:3) Kumusta naman si Maria?
Hindi nalilimutan hanggang sa ngayon ang kaniyang mga pananalita na nagpapakita ng kaniyang ganap na kapakumbabaan at pagkamasunurin. Sinabi niya kay Gabriel: “Narito! Ang aliping babae ni Jehova! Maganap nawa ito sa akin ayon sa iyong kapahayagan.” (Lucas 1:38) Ang isang aliping babae ang pinakamababa sa mga lingkod; ang buong buhay niya ay nasa kamay ng kaniyang panginoon. Ganiyan ang nadama ni Maria sa kaniyang Panginoon, si Jehova. Alam niyang nasa mabuti siyang kalagayan sa mga kamay ni Jehova, na Siya ay matapat sa mga matapat sa Kaniya, at pagpapalain Niya siya sa paggawa niya ng kaniyang buong makakaya sa pagganap sa mabigat na atas na ito.—Awit 18:25.
Kung minsan, hinihilingan tayo ng Diyos na gawin ang isang bagay na sa tingin natin ay parang mahirap gawin o imposible pa nga. Pero ang kaniyang Salita ay nagbibigay sa atin ng maraming dahilan para magtiwala sa kaniya at ipaubaya ang ating sarili sa kaniyang mga kamay gaya ng ginawa ni Maria. (Kawikaan 3:5, 6) Gayon din ba ang gagawin natin? Kung oo, gagantimpalaan niya tayo, anupat bibigyan tayo ng mga dahilan para lalo pang tumibay ang ating pananampalataya sa kaniya.
Pagdalaw kay Elisabet
Napakahalaga kay Maria ng mga sinabi ni Gabriel tungkol kay Elisabet. Sa lahat ng mga babae sa mundo, sino pa nga ba ang higit na makauunawa sa kaniyang kalagayan? Pumunta agad si Maria sa bulubunduking lalawigan ng Juda, na marahil ay mga tatlo o apat na araw na paglalakbay. Nang pumasok siya sa bahay nina Elisabet at Zacarias na saserdote, ginantimpalaan ni Jehova si Maria ng isa pang matibay na ebidensiya para palakasin ang kaniyang pananampalataya. Narinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria at agad niyang naramdaman na ang sanggol sa kaniyang bahay-bata ay lumukso sa tuwa. Napuspos si Elisabet ng banal na espiritu at tinawag niya si Maria na “ina ng aking Panginoon.” Sinabi ng Diyos kay Elisabet na ang anak ni Maria ay magiging kaniyang Panginoon, ang Mesiyas. Bukod diyan, inudyukan siya ng banal na espiritu upang papurihan si Maria sa kaniyang matapat na pagsunod, na sinasabi: “Maligaya rin siya na naniwala.” (Lucas 1:39-45) Oo, lahat ng ipinangako ni Jehova kay Maria ay magkakatotoo!
Bilang tugon, nagsalita si Maria. Ang kaniyang mga pananalita ay iningatan sa Lucas 1:46-55. Ito ang pinakamahabang sinabi ni Maria na iniulat ng Bibliya, at marami itong isinisiwalat tungkol sa kaniya. Makikita rito na siya ay mapagpasalamat at mapagpahalaga nang pinuri niya si Jehova dahil pinagpala siya ng pribilehiyong maging ina ng Mesiyas. Makikita ang lalim ng kaniyang pananampalataya nang sabihin niyang ibinababa ni Jehova ang mga palalo at makapangyarihan at tinutulungan ang mga mabababa at mahihirap na nagsisikap na maglingkod sa kaniya. Isinisiwalat din nito ang lawak ng kaniyang kaalaman. Ayon sa isang pagtantiya, mahigit 20 beses siyang gumawa ng pagtukoy sa Hebreong Kasulatan!
Maliwanag na nagbubulay-bulay si Maria tungkol sa Salita ng Diyos. Pero mapagpakumbaba pa rin siya, anupat mas gusto niyang ang Kasulatan ang magpaliwanag ng kaniyang situwasyon sa halip na magsalita ayon sa kaniyang sariling ideya. Ang anak na lumalaki sa kaniyang sinapupunan noon ay magpapakita rin ng gayong espiritu pagdating ng araw, na sinasabi: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Kaya makabubuting tanungin ang ating sarili: ‘Nagpapakita rin ba ako ng gayong paggalang at pagpipitagan sa Salita ng Diyos? O mas gusto kong sinasabi ang sarili kong mga ideya?’ Maliwanag ang sagot ni Maria.
Nanatili si Maria kasama ni Elisabet sa loob ng tatlong buwan, at tiyak na lubos nilang napatibay ang isa’t isa. (Lucas 1:56) Ipinaaalaala sa atin ng dalawang babaing ito ang kahalagahan ng pagkakaibigan. Kung pipili tayo ng mga kaibigang talagang umiibig sa ating Diyos na si Jehova, tiyak na lalakas ang ating espirituwalidad at lalo tayong mapapalapít sa kaniya. (Kawikaan 13:20) Pero dumating na ang panahon para umuwi si Maria. Ano ang sasabihin ni Jose kapag nalaman nito ang kaniyang kalagayan?
Sina Maria at Jose
Malamang na hindi na naghintay si Maria na mahalata pa ang kaniyang pagdadalang-tao bago kausapin si Jose. Talagang kailangan na niyang kausapin ito. Bago nito, malamang na nag-isip siya kung ano ang magiging reaksiyon ng disente at may-takot sa Diyos na lalaking ito sa kaniyang sasabihin. Magkagayunman, lumapit siya kay Jose at sinabi ang lahat ng nangyari sa kaniya. Gaya ng maaaring maisip mo, nabagabag nang husto si Jose. Gusto niyang paniwalaan ang kaniyang minamahal, pero ang sinabi nito sa kaniya ay hindi pa nangyayari kailanman. Hindi sinasabi ng Bibliya kung ano ang naging kaisipan ni Jose o kung paano siya nangatuwiran. Pero sinasabi nito na nagpasiya siyang diborsiyuhin si Maria, yamang ang mga magkasintahan noon ay itinuturing na kasal na. Pero ayaw niyang mapahiya ito sa madla o maparusahan, kaya nagpasiya siyang makipagdiborsiyo nang palihim. (Mateo 1:18, 19) Tiyak na masakit para kay Maria na makitang naghihirap ang kalooban ng mabait na lalaking ito dahil sa di-inaasahang situwasyong iyon. Pero hindi naghinanakit si Maria.
Hindi hinayaan ni Jehova si Jose na gawin ang sa tingin nito ay pinakamagandang hakbang. Sa isang panaginip, sinabi sa kaniya ng anghel ng Diyos na talagang makahimala ang pagdadalang-tao ni Maria. Tiyak na parang nabunutan ng tinik si Jose! Ginawa na ngayon ni Jose kung ano ang ginagawa ni Maria mula pa noong pasimula—kumilos siya ayon sa pag-akay ni Jehova. Pinakasalan niya si Maria at handa na niyang balikatin ang natatanging pananagutan na pangalagaan ang Anak ni Jehova.—Mateo 1:20-24.
Malaki ang matututuhan ng mga mag-asawa—at ng mga nagbabalak mag-asawa—sa karanasan ng mag-asawang ito na nabuhay 2,000 taon na ang nakalilipas. Habang nakikita ni Jose na ginagampanan ng kaniyang asawa ang mga pananagutan at tungkulin ng isang ina, tiyak na laking pasasalamat niya dahil ginabayan siya ng anghel ni Jehova. Malamang na nakita ni Jose na mahalagang magtiwala kay Jehova kapag gumagawa ng mabibigat na pasiya. (Awit 37:5; Kawikaan 18:13) Tiyak na patuloy siyang naging maingat at mabait sa pagdedesisyon bilang ulo ng pamilya.
Sa kabilang banda, ano ang masasabi natin sa pagiging handa ni Maria na pakasalan si Jose? Bagaman sa pasimula ay nahirapan si Jose na unawain ang sinabi ni Maria, naghintay si Maria kay Jose bilang ang lalaking magiging ulo ng kaniyang pamilya. Tiyak na magandang aral iyon para sa kaniya at gayon din sa mga babaing Kristiyano sa ngayon. Bilang panghuli, malamang na natuto nang malaki kapuwa sina Jose at Maria tungkol sa kahalagahan ng matapat at malayang pag-uusap.
Talagang pinasimulan nina Jose at Maria ang kanilang pag-aasawa sa pinakamahusay na pundasyon. Pareho nilang mahal ang Diyos na Jehova nang higit sa kanino pa man at hangad nilang paluguran siya bilang responsable at mapagmahal na mga magulang. Siyempre pa, saganang pagpapala ang naghihintay sa kanila—at malalaking hamon din. May pagkakataon silang palakihin si Jesus, na magiging ang pinakadakilang tao na nakilala ng daigdig kailanman.
[Larawan sa pahina 17]
Ang pag-ibig sa Diyos ang pinakamahusay na pundasyon sa pag-aasawa