KABANATA 60
Ang Pagbabagong-Anyo—Isang Sulyap sa Kaluwalhatian ni Kristo
MATEO 16:28–17:13 MARCOS 9:1-13 LUCAS 9:27-36
PANGITAIN NG PAGBABAGONG-ANYO
NARINIG NG MGA APOSTOL ANG TINIG NG DIYOS
Habang nagtuturo sa rehiyon ng Cesarea Filipos, na mga 25 kilometro mula sa Bundok Hermon, may sinabi si Jesus na ikinagulat ng mga apostol: “Sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na hindi mamamatay hanggang sa makita muna nila ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang Kaharian.”—Mateo 16:28.
Malamang na pinag-isipan ng mga alagad ang ibig sabihin ni Jesus. Mga isang linggo ang lumipas, isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa isang bundok. Malamang na gabi na dahil inaantok na ang tatlong apostol. Habang nananalangin si Jesus, nagbagong-anyo siya. Nakita ng mga apostol na nagliliwanag na gaya ng araw ang kaniyang mukha at ang kaniyang damit ay nagniningning sa kaputian.
Pagkatapos, dalawang imahe ang lumitaw, sina “Moises at Elias.” Kinausap ng mga ito si Jesus tungkol sa kaniyang ‘pag-alis na mangyayari sa Jerusalem.’ (Lucas 9:30, 31) Ang pag-alis na ito ay maliwanag na tumutukoy sa pagkamatay ni Jesus at sa pagkabuhay niyang muli, na binanggit niya kamakailan. (Mateo 16:21) Pinatutunayan ng pag-uusap na ito na di-gaya ng paghimok ni Pedro, ang kahiya-hiyang kamatayan ni Jesus ay isang bagay na hindi dapat iwasan.
Gisíng na gisíng na ang mga apostol at manghang-mangha sa nakikita at naririnig nila. Isa itong pangitain, pero totoong-totoo ito kay Pedro kaya sumali pa siya sa usapan at sinabi: “Rabbi, mabuti at narito kami. Magtayo tayo ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” (Marcos 9:5) Gusto kayang patagalin ni Pedro ang pangitain kaya nag-alok siyang magtayo ng tolda?
Nagsasalita pa si Pedro nang matakpan sila ng isang maliwanag na ulap at makarinig ng isang tinig: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan. Makinig kayo sa kaniya.” Pagkarinig sa tinig ng Diyos, sumubsob sa takot ang mga apostol. Pero sinabi ni Jesus: “Tumayo kayo. Huwag kayong matakot.” (Mateo 17:5-7) Pagtingala nila, si Jesus na lang ang nakita nila. Tapos na ang pangitain. Nang umaraw na at pababa na sila sa bundok, inutusan sila ni Jesus: “Huwag ninyong sabihin ang pangitain kahit kanino hanggang sa buhaying muli ang Anak ng tao.”—Mateo 17:9.
Dahil lumitaw si Elias sa pangitain, nagtanong ang mga apostol: “Bakit sinasabi ng mga eskriba na kailangan munang dumating si Elias?” Sumagot si Jesus: “Dumating na si Elias at hindi nila siya nakilala.” (Mateo 17:10-12) Ang tinutukoy ni Jesus ay si Juan Bautista, na gumanap sa papel na gaya ng kay Elias. Inihanda ni Elias ang daan para kay Eliseo, at si Juan naman para kay Kristo.
Tiyak na napatibay si Jesus at ang mga apostol sa pangitaing iyon! Isang sulyap iyon sa kaluwalhatian ni Kristo sa Kaharian. Gaya ng ipinangako ni Jesus, nakita ng mga alagad “ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang Kaharian.” (Mateo 16:28) Naging “mga saksi [sila] sa kaniyang karingalan” noong nasa bundok sila. Hindi binigyan ang mga Pariseo ng tanda na magpapatunay na si Jesus ang pinili ng Diyos bilang Hari. Pero pinahintulutan ang malalapít na alagad na makita ang pagbabagong-anyo ni Jesus, na garantiyang matutupad ang mga hula tungkol sa Kaharian. Isinulat ni Pedro nang maglaon: “Taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak.”—2 Pedro 1:16-19.