Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Si Jesus ay Nagbibigay ng Aral Tungkol sa Pagpapakumbaba
PAGKATAPOS pagalingin ang batang inalihan ng demonyo sa rehiyon na malapit sa Cesarea Filipos, nais ni Jesus na bumalik sa Capernaum. Gayunman, ibig niyang siya’y mag-isa lamang na kasama ang kaniyang mga alagad sa paglalakbay na pabalik doon upang kaniyang higit na maihanda sila ukol sa kaniyang kamatayan at sa kanilang mga pananagutan pagkatapos. “Ang Anak ng tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao,” ang paliwanag niya sa kanila, “at siya’y papatayin nila, ngunit, bagaman siya’y pinatay, siya ay babangon makalipas ang tatlong araw.”
Bagama’t mas maaga rito’y binanggit ni Jesus ang tungkol dito, at aktuwal na nakita ng tatlong apostol ang pagbabagong-anyo na doo’y pinag-usapan ang kaniyang “pagyao,” ang kaniyang mga tagasunod ay wala pa ring unawa tungkol sa bagay na iyan. Bagama’t wala sa kanila ang nagkaila na siya’y papatayin, gaya ng ginawa ni Pedro una pa rito, sila’y natatakot na magtanong pa sa kaniya tungkol dito.
Sa wakas ay dumating sila sa Capernaum, na naging isang tahanang dako ni Jesus sa panahon ng kaniyang ministeryo. Ito rin ang sariling bayan ni Pedro at ng ilan pang mga apostol. Doon, mga lalaking nangungulekta ng buwis sa templo ang lumapit kay Pedro. Marahil sa pagtatangka na isangkot si Jesus sa isang suliranin ng hindi pagsunod sa kaugalian doon, sila’y nagtanong: “Ang inyo bang guro ay hindi nagbabayad ng dalawang drakma na buwis [sa templo]?”
“Oo,” ang tugon ni Pedro.
Marahil hindi nagtagal noon at dumating sa bahay si Jesus, at alam niya ang nangyari. Kaya kahit na bago nabanggit ni Pedro ang bagay na iyon, si Jesus ay nagtanong: “Ano sa palagay mo, Simon? Ang mga hari sa lupa kanino ba sila tumatanggap ng kabayaran o buwis por ulo? Buhat sa kanilang mga anak o buhat sa mga estranghero?”
“Buhat sa mga estranghero,” ang tugon ni Pedro.
“Talaga naman, ang mga anak ay libre sa buwis,” ang sabi ni Jesus. Yamang ang Ama ni Jesus ang siyang Hari ng sansinukob, ang Isa na sinasamba sa templo, hindi talagang isang kahilingan ng batas na ang Anak ng Diyos ay magbayad ng buwis sa templo. “Subalit upang tayo’y huwag nilang katisuran,” ang sabi ni Jesus, “pumaroon ka sa dagat, ihulog mo ang kawil, at kunin mo ang unang isdang lumitaw at, pagka naibuka mo na ang kaniyang bibig, masusumpungan mo ang isang siklo [apat na drakma]. Kunin mo at ibigay mo iyon sa kanila para sa akin at sa iyo.”
Nang ang mga alagad ay magkasama-sama pagkatapos na sila’y magbalik sa Capernaum, marahil sa bahay ni Pedro, ang tanong nila ay: “Sino bang talaga ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Alam ni Jesus kung ano ang nag-udyok sa kanila upang magtanong nang ganito, palibhasa’y alam niya kung ano ang nagaganap noon sa gitna nila sa kanilang pagbabalik galing sa Cesarea Filipos. Kaya’t ang tanong niya: “Ano ba ang inyong pinagtatalunan doon sa daan?” Napahiya ang mga alagad kung kaya’t sila’y hindi umimik, sapagkat ang pinagtatalunan nila ay kung sino baga ang lalong dakila.
Pagkaraan ng halos tatlong taon ng pagtuturo ni Jesus, hindi baga kapani-paniwala na ang mga alagad ay magkakaroon ng gayong pagtatalo? Bueno, isinisiwalat nito ang matinding impluwensiya ng di-kasakdalan ng tao, at gayundin ng relihiyosong impluwensiya sa kanila ng nakaraan. Ang relihiyong Judio na kinalakhan ng mga alagad ay nagdiriin sa kahalagahan ng posisyon o ranggo sa lahat ng pakikitungo. Gayundin, marahil si Pedro, dahilan sa pinangakuan ni Jesus na tatanggap ng “mga susi” sa Kaharian, ay nakadama na siya’y nakahihigit sa iba. Si Santiago at si Juan din naman ay marahil nagkaroon ng ganoon ding mga ideya dahilan sa pinagpala sila na masaksihan nila ang pagbabagong-anyo ni Jesus.
Ano man ang totoo, si Jesus ay nagpakita ng isang matinding pagtatanghal upang maituwid ang kanilang niloloob. Tinawag niya ang isang bata, inilagay sa gitna nila, inakbayan, at ang sabi niya: “Malibang kayo’y mangagbalik-loob at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit. Kung gayon, sinumang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit; at sinumang tumanggap sa isa sa ganitong maliit na bata sa aking pangalan ay ako ang tinatanggap.”
Anong kahanga-hangang paraan ng pagtutuwid sa kaniyang mga alagad! Si Jesus ay hindi nagagalit sa kanila at tinatawag silang mga hambog, masasakim, o mga ambisyoso. Hindi, kundi kaniyang ipinaghahalimbawa ang kaniyang nagtutuwid na turo sa pamamagitan ng paggamit sa maliliit na bata, na karaniwan nang mahihinhin, walang mga ambisyon, at karamihan ay hindi nag-iisip ng ranggo sa gitna nila. Sa ganoo’y ipinakita ni Jesus na kailangan ng kaniyang mga alagad na paunlarin ang gayong uri ng mga katangian na makikita sa mapagpakumbabang mga bata. Bilang pagtatapos ay sinabi ni Jesus: “Sinumang nagpapakababa sa gitna ninyong lahat ang siyang dakila.” Mateo 17:22-27; 18:1-5; Marcos 9:30-37; Lucas 9:43-48.
◆ Sa pagbabalik sa Capernaum, anong turo ang inuulit ni Jesus, at paano iyon tinanggap?
◆ Bakit si Jesus ay hindi obligado na bayaran ang buwis sa templo, ngunit bakit niya binayaran iyon?
◆ Marahil ano ang sanhi ng pagtatalu-talo ng mga alagad, at paano sila itinuwid ni Jesus?