FEATURE
Ang Probinsiya ng Galilea
ANG Galilea, na nasa hilagang Palestina, ay isang probinsiyang maunlad at matao noong panahon ng Bibliya. Hanggang sa ngayon, ang heograpikong kaanyuan nito ay kaakit-akit—ang malalim at asul na Dagat ng Galilea, ang baku-bakong hilagaang kalupaan, at ang matatabang kapatagan. (Larawan sa ibaba) Sa magandang rehiyong ito ginugol ni Jesus ang kalakhang bahagi ng kaniyang buhay sa lupa, yamang pinalaki siya sa lunsod ng Nazaret sa Galilea.—Mat 2:21-23; Luc 2:51, 52.
Ang pagsasaka, pagpapastol, at pangingisda ay karaniwang mga hanapbuhay ng mga taga-Galilea, at ipinahihiwatig ito sa maraming talinghaga ni Jesus. Ang karaniwang mga taga-Galilea na masisikap at masisipag ay hinahamak ng mga Pariseo at mga punong saserdote sa Jerusalem. Dahil sa naiibang punto ng mga taga-Galilea, madali silang makilala ng kanilang mga kapuwa Judio.—Mat 26:73.
Sa Galilea naganap ang ilan sa namumukod-tanging mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus. Sa isang gilid ng bundok sa Capernaum, binigkas ni Jesus ang kaniyang bantog na Sermon sa Bundok. (Mat 5:1, 2) Dito sa Galilea, makahimala niyang pinagaling ang maraming tao.—Mar 1:32-34; 6:53-56; Ju 4:46-54.
Paano tinanggap sa Galilea ang pangangaral at mga himala ni Jesus? Nang mangaral siya sa Nazaret na kaniyang sariling bayan, noong pasimula ay ‘namangha ang mga tao sa kaakit-akit na mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig.’ Ngunit matapos silang ihambing ni Jesus sa mga Israelita noong mga araw ni Elias at Eliseo, tinangka nilang patayin siya. (Luc 4:22-30) Gayunman, sa pangkalahatan ay napakahusay ng pagtugon ng mga taga-Galilea sa ministeryo ni Jesus. Kaya naman, ang una niyang mga alagad ay kinuha niya mula sa mga taga-Galilea, at ang lahat ng kaniyang mga apostol (posibleng maliban kay Hudas Iscariote) ay mga taga-Galilea. (Mat 4:18-22; Luc 6:12-16) Ang grupo ng mga 120 alagad na tumanggap ng banal na espiritu noong araw ng Pentecostes 33 C.E. ay mga taga-Galilea.—Gaw 1:15; 2:1-7.