KABANATA 91
Binuhay-Muli si Lazaro
ANG PAGBUHAY-MULI KAY LAZARO
BALAK NG SANEDRIN NA PATAYIN SI JESUS
Pagkakita ni Jesus kina Marta at Maria sa Betania, pumunta sila sa libingan ni Lazaro. Isa itong kuweba na may batong nakatakip sa pasukan. “Alisin ninyo ang bato,” ang utos ni Jesus. Nag-alala si Marta: “Panginoon, malamang na nangangamoy na siya dahil apat na araw na siyang patay.” Pero sinabi ni Jesus: “Hindi ba sinabi ko sa iyo na kung maniniwala ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”—Juan 11:39, 40.
Kaya tinanggal ang bato. Tumingala si Jesus at nanalangin: “Ama, nagpapasalamat ako na pinakinggan mo ako. Alam ko na lagi mo akong pinakikinggan; pero nagsasalita ako ngayon dahil sa mga taong naririto, para maniwala sila na isinugo mo ako.” Ipinakikita ng panalanging ito sa mga nandoon na ang gagawin ni Jesus ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Pagkatapos, sumigaw si Jesus: “Lazaro, lumabas ka!” At lumabas nga si Lazaro, nakabalot sa tela ang buong katawan at ang mukha. “Alisin ninyo ang telang nakabalot sa kaniya para makalakad siya,” ang sabi ni Jesus.—Juan 11:41-44.
Marami sa mga Judiong nakiramay kina Maria at Marta ang nakakita sa himalang ito at nanampalataya kay Jesus. Pero ang iba ay pumunta sa mga Pariseo para ibalita ang ginawa ni Jesus. Nagtipon ang mga Pariseo at ang mga punong saserdote ng mataas na hukumang Judio, ang Sanedrin. Kasama rito ang mataas na saserdoteng si Caifas. Sinabi ng ilan sa kanila: “Ano ang gagawin natin? Ang daming tanda na ginagawa ng taong ito. Kung pababayaan lang natin siya, mananampalataya silang lahat sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin ang ating templo at ang ating bansa.” (Juan 11:47, 48) Sa kabila ng mga testimonya ng mga nakakita sa ginawa ni Jesus, hindi masaya ang mga opisyal na ito sa ginagawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Ang mahalaga lang sa kanila ay ang kanilang posisyon at awtoridad.
Ang pagkabuhay-muli ni Lazaro ay malaking sampal sa mga Saduceo, na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. Si Caifas, na isang Saduceo, ay nagsalita: “Wala kayong alam. Hindi ba ninyo nakikita na mas mabuti para sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan kaysa sa buong bansa ang mapahamak?”—Juan 11:49, 50; Gawa 5:17; 23:8.
Dahil isang mataas na saserdote si Caifas, ginamit siya ng Diyos para sabihin ito—“hindi niya ito sariling ideya.” Ang ibig sabihin ni Caifas, dapat patayin si Jesus para hindi tuluyang mawala ang kanilang awtoridad at impluwensiya sa mga tao bilang mga lider ng relihiyon. Pero ito rin ay isang hula na sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, magiging pantubos siya, hindi lang para sa mga Judio, kundi para sa lahat ng “anak ng Diyos na nakapangalat.”—Juan 11:51, 52.
Nagtagumpay si Caifas sa pagsulsol sa Sanedrin na magplanong ipapatay si Jesus. Sinabi kaya ni Nicodemo, isang miyembro ng Sanedrin, ang planong ito sa kaibigan niyang si Jesus? Paano man ito nalaman ni Jesus, lumayo siya sa Jerusalem, at naiwasan ang kamatayan bago ang itinakdang panahon ng Diyos.