Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Nang Buhayin si Lasaro
SI Jesus, pati yaong mga kasama niya, ay sumapit na ngayon sa alaalang libingan ni Lasaro. Sa aktuwal, iyon ay isang yungib na nilagyan ng bato sa may pasukan. “Alisin ninyo ang bato,” ang sabi ni Jesus.
Si Marta ay tumutol, palibhasa’y hindi pa niya nauunawaan kung ano ang layunin ni Jesus. “Panginoon,” aniya, “sa ngayon ay nangangamoy na ang bangkay, sapagkat may apat na araw nang siya’y namamatay.”
Subalit ang tanong ni Jesus: “Di baga sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”
Kaya’t inalis nila ang bato. At itiningin ni Jesus sa itaas ang kaniyang mga mata at nanalangin: “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako’y iyong dininig. At, nalalaman ko na ako’y lagi mong dinirinig; ngunit dahil sa karamihan ng mga taong nakatayo sa palibot ako’y nagsalita, upang sila’y magsisampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin.” Si Jesus ay nanalangin sa harap ng madla upang maalaman ng mga tao na ang gagawin niya sa mismong mga sandaling iyon ay magaganap sa pamamagitan ng kapangyarihang tinanggap sa Diyos. Nang magkagayo’y sumigaw siya nang malakas na tinig: “Lasaro, lumabas ka!”
At sa sandaling iyon, si Lasaro ay lumabas. Ang kaniyang mga kamay at mga paa ay natatalian pa ng mga káyong panlibing, at ang kaniyang mukha ay nababalot ng tela. “Siya’y inyong kalagan at bayaan ninyong siya’y yumaon,” ang sabi ni Jesus.
Nang makita ang himalang iyon, marami sa mga Judio na naparoon upang aliwin si Maria at si Marta ay nanampalataya kay Jesus. Subalit, ang iba ay humayo upang magsumbong sa mga Fariseo ng tungkol sa nangyari. Sila at ang mga pangulong saserdote ay kaagad na nagsaayos ng isang pulong ng mataas na hukumang Judio, ang Sanedrin.
Ang Sanedrin ay binubuo ng mga Fariseo at mga Saduceo, kasali na ang mga pangulong saserdote, ang kasalukuyang mataas na saserdote, si Caifas, at ang dating matataas na saserdote. Ang kanilang panaghoy: “Ano kaya ang gagawin natin, sapagkat ang taong ito’y gumagawa ng maraming tanda? Kung siya’y ating pabayaang gayon, ang lahat ng tao ay sasampalataya sa kaniya, at magsisiparito ang mga Romano at kukunin ang ating lugar at pati ang ating bansa.”
Bagaman inaamin ng mga pinunong relihiyoso na si Jesus ay “gumagawa ng maraming tanda,” ang tanging iniisip nila ay ang kanilang sariling posisyon at autoridad. Ang pagbuhay kay Lasaro ay isang natatanging malakas na dagok sa mga Saduceo, yamang sila ay hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli.
Si Caifas, na marahil isang Saduceo, ay nagsalita na ngayon, na nagsasabi: “Kayo’y walang nalalamang anuman, ni inyong winawari na sa inyo’y nararapat na ang isang tao’y mamatay dahil sa bayan at hindi ang buong bansa ay mapahamak.”
Ang Diyos ang may impluwensiya kay Caifas na sabihin ito, sapagkat nang maglaon ay sumulat si apostol Juan: “Ito nga’y sinabi [ni Caifas] hindi sa kaniyang ganang sarili.” Ang talagang ibig sabihin ni Caifas ay na dapat patayin si Jesus upang mahadlangan Siya sa patuloy pang pagsira sa kanilang mga posisyon ng autoridad at impluwensiya. Subalit, sang-ayon kay Juan, ‘humula si Caifas na si Jesus ay itinalagang mamatay hindi lamang dahil sa bansa, kundi upang ang mga anak ng Diyos ay matipong sama-sama.’ At, tunay, na layunin ng Diyos na ang kaniyang Anak ay mamatay bilang pantubos sa lahat.
Si Caifas ngayon ay nagtagumpay sa pag-impluwensiya sa Sanedrin na gumawa ng mga plano na patayin si Jesus. Subalit si Jesus, na posibleng nakabalita ng mga planong ito mula kay Nicodemo, na isang miyembro ng Sanedrin na palakaibigan sa kaniya, ay lumisan buhat doon. Juan 11:38-54.
◆ Bakit si Jesus ay nanalangin sa harap ng madla bago niya binuhay si Lasaro?
◆ Paano tumugon yaong mga nakakita sa pagbuhay-muling ito?
◆ Ano ang nagsisiwalat sa kabalakyutan ng mga miyembro ng Sanedrin?
◆ Ano ba ang layunin ni Caifas, subalit ano ang kaniyang inihula ayon sa layunin ng Diyos?