Tularan ang Kanilang Pananampalataya
“Naniniwala Ako”
SARIWA pa sa isipan ni Marta ang larawan ng libingan ng kaniyang kapatid, ang kuweba na sinarhan ng bato. Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Hindi siya makapaniwalang patay na ang minamahal niyang si Lazaro. Apat na araw na itong patay, at ang mga araw na iyon ay parang napakatagal na panahon ng pagdadalamhati at pakikiramay.
Ngayon, nakatayo sa harap ni Marta ang lalaking napakahalaga kay Lazaro. Pagkakita kay Jesus, muli na naman siyang nakadama ng matinding kirot sa kaniyang puso, kasi ang taong ito lamang ang makapagliligtas sana sa kaniyang kapatid. Pero nakasumpong pa rin ng kaaliwan si Marta sa pagkanaroroon ni Jesus sa labas ng bayan ng Betania. Ilang sandali pa lamang niyang kasama si Jesus, pero napatibay na siya dahil sa empatiyang nakita niya sa mga mata nito. Nagbangon si Jesus ng tanong na nakatulong sa kaniya na magpokus sa pananampalataya niya at paniniwala sa pagkabuhay-muli. Sa pag-uusap na ito, namutawi sa labi ni Marta ang isa sa pinakamahalagang pangungusap: “Naniniwala ako na ikaw ang Kristo na Anak ng Diyos, ang Isa na darating sa sanlibutan.”—Juan 11:27.
Si Marta ay isang babaing may malaking pananampalataya. Kaunti lamang ang iniuulat ng Bibliya tungkol sa kaniya, pero may mahahalagang aral tayong matututuhan na magpapalakas sa ating pananampalataya. Tingnan natin ang unang ulat ng Bibliya tungkol kay Marta.
“Nababalisa at Nababagabag”
Mga ilang buwan bago nito, buháy pa at malusog si Lazaro. Dadalaw sa kaniyang tahanan sa Betania ang pinakaimportanteng bisita, si Jesu-Kristo. Di-pangkaraniwan ang pamilya nina Lazaro, Marta, at Maria—tatlong magkakapatid na nasa hustong gulang na pero nakatira pa rin sa iisang bahay. Sinasabi ng ilang mananaliksik na maaaring si Marta ang panganay sa tatlo, yamang tila siya ang nag-aasikaso ng mga bagay-bagay at kung minsan ay unang binabanggit sa kanilang tatlo. (Juan 11:5) Pero hindi natin alam kung nag-asawa ang sinuman sa kanila. Gayunman, naging matalik silang mga kaibigan ni Jesus. Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa Judea, kung saan dumanas siya ng labis na pagsalansang at pagkapoot, sa kanilang tahanan siya tumutuloy. Tiyak na lubha niyang pinahalagahan ang kanilang suporta at ang kapayapaan sa tahanang iyon.
Mapagpatuloy si Marta. Masipag siya at parang hindi nauubusan ng ginagawa, gaya noong dumalaw si Jesus. Nagplano siya agad ng maraming espesyal na pagkain para sa kaniyang kilalang panauhin at marahil, para sa mga kasama nito. Napakahalaga noon ang pagiging mapagpatuloy. Pagdating ng panauhin, siya ay sinasalubong ng halik, inaalisan ng sandalyas upang mahugasan ang paa, at pinapahiran ng mabangong langis sa ulo. (Lucas 7:44-47) Inaasikaso rin nang husto ang kaniyang tutuluyan at pagkain.
Maraming kailangang gawin sina Marta at Maria. Si Maria, na kung minsa’y inaakalang mas sensitibo at palaisip sa dalawa, ay tiyak na tumulong sa kaniyang kapatid. Pero pagdating ni Jesus, naupo na si Maria sa paanan nito. Itinuring ni Jesus na panahon iyon para magturo—at nagturo nga siya! Di-gaya ng mga lider ng relihiyon noon, iginalang ni Jesus ang kababaihan at tinuruan sila tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang tema ng kaniyang ministeryo. Sabik na sabik na nakinig si Maria kay Jesus.
Naguguniguni mo ba ang tensiyong nadarama ni Marta? Sa dami ng pagkaing ihahanda niya at sa lahat ng kailangan pa niyang gawin para sa kaniyang mga bisita, lalo siyang nabalisa at nataranta. Habang paroo’t parito at abalang-abala, nakikita niya ang kaniyang kapatid na nakaupo lamang at hindi tumutulong sa kaniya. Namula ba siya sa inis, nagbuntunghininga nang malakas, o sumimangot? Hindi naman kataka-taka kung ginawa niya iyon, kasi hindi niya kayang gawing mag-isa ang lahat ng gawaing ito!
Hindi na nakapagpigil si Marta, kaya sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, hindi ka ba nababahala na pinababayaan akong mag-isa ng aking kapatid na mag-asikaso sa mga bagay-bagay? Kaya nga sabihin mo sa kaniya na tulungan ako.” (Lucas 10:40) Mabigat na mga pananalita iyon. Ganito isinalin ng marami ang tanong ni Marta: “Panginoon, bale wala ba sa inyo . . . ?” Pagkatapos ay hiniling niya kay Jesus na sabihan si Maria na tulungan siya.
Posibleng nagulat si Marta sa sagot ni Jesus, gaya rin ng maraming mambabasa ng Bibliya. Magiliw niyang sinabi: “Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag tungkol sa maraming bagay. Gayunman, iilang bagay ang kinakailangan, o isa lamang. Sa ganang kaniya, pinili ni Maria ang mabuting bahagi, at hindi ito kukunin sa kaniya.” (Lucas 10:41, 42) Ano ang ibig sabihin ni Jesus? Sinasabi ba niyang materyalistiko si Marta? Hindi ba niya pinahahalagahan ang pagpapagod ni Marta sa paghahanda ng masarap na pagkain?
Hindi naman. Maliwanag na nakita ni Jesus ang maibigin at dalisay na motibo ni Marta. Bukod diyan, hindi iniisip ni Jesus na mali ang saganang pagpapakita ng pagkamapagpatuloy. Kusa siyang dumalo noon sa “malaking piging” na inihanda ni Mateo para sa kaniya. (Lucas 5:29) Hindi ang paghahanda ni Marta ang isyu rito, kundi ang kaniyang mga priyoridad. Masyado siyang nagpokus sa paghahanda ng magarbong pagkain kaya nakaligtaan niya ang pinakamahalagang bagay. Ano ito?
Si Jesus, ang bugtong na Anak ng Diyos na Jehova, ay nasa tahanan nina Marta upang magturo ng katotohanan. Wala nang mas mahalaga pa kaysa rito, kahit na ang masarap na pagkain at paghahanda ni Marta. Tiyak na nalungkot si Jesus dahil napapalampas ni Marta ang pambihirang pagkakataon na mapatibay ang kaniyang pananampalataya. Gayunman, hinayaan siya ni Jesus na magpasiya. Pero walang karapatang magpasiya si Marta para kay Maria.
Kaya may-kabaitang itinuwid ni Jesus si Marta. Magiliw na inulit-ulit ni Jesus ang pangalan ni Marta upang huminahon ito, at tiniyak ni Jesus na hindi niya kailangang ‘mabalisa at mabagabag tungkol sa maraming bagay.’ Ang isa o dalawang putahe ay sapat na, lalo na kapag may espirituwal na piging. Kaya hindi aalisin ni Jesus kay Maria ang “mabuting bahagi” na pinili niya—ang matuto kay Jesus!
Maraming aral na makukuha ang mga tagasunod ni Kristo sa ngayon mula sa nangyari sa tahanan nina Marta. Hindi natin dapat hayaang mahadlangan ng anumang bagay ang pagsapat natin sa ating “espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Bagaman gusto nating tularan ang pagkabukas-palad at kasipagan ni Marta, hindi tayo labis na ‘mababalisa at mababagabag’ sa di-gaanong mahahalagang aspekto ng pagkamapagpatuloy anupat napapalampas na natin ang pinakamahalagang bagay. Nakikihalubilo tayo sa mga kapananampalataya, hindi para maghanda o kumain ng masasarap na pagkain, kundi pangunahin na para magpatibayan at magpalitan ng espirituwal na mga kaloob. (Roma 1:11, 12) Sa gayong nakapagpapatibay na okasyon, baka sapat na ang simpleng pagkain.
Isang Minamahal na Kapatid na Namatay—at Binuhay-muli
Tinanggap ba ni Marta ang pagsaway ni Jesus at natuto mula rito? Oo! Nang banggitin ni apostol Juan ang kapana-panabik na ulat tungkol kay Lazaro, ipinaalaala niya sa atin: “Iniibig nga ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid na babae at si Lazaro.” (Juan 11:5) Mga buwan na ang lumipas mula nang dumalaw si Jesus sa Betania. Maliwanag, hindi nagmukmok si Marta; hindi siya nagkimkim ng sama ng loob kay Jesus. Isinapuso pa nga niya ang maibiging payo ni Jesus. Sa bagay na ito, nagpakita sa atin si Marta ng mahusay na halimbawa. Lahat tayo ay nangangailangan din ng kaunting pagtutuwid kung minsan.
Nang magkasakit si Lazaro, naging abala si Marta sa pag-aalaga sa kaniya. Ginawa niya ang lahat upang guminhawa ito at gumaling. Pero lumala pa ang karamdaman nito. Sa bawat araw at oras, nanatili sa tabi ni Lazaro ang kaniyang mga kapatid upang alagaan siya. Gaano kadalas kayang pinagmasdan ni Marta ang kaawa-awang mukha ng kaniyang kapatid, na inaalaala ang masasaya at malulungkot na mga taon na pinagsamahan nila?
Nang waring wala nang pag-asa si Lazaro, nagpadala ng mensahe sina Marta at Maria kay Jesus, na nangangaral noon sa lugar na mga dalawang araw na paglalakbay ang layo mula sa kanila. Simple lamang ang mensahe nila: “Panginoon, tingnan mo! yaong minamahal mo ay may sakit.” (Juan 11:1, 3) Alam nilang mahal ni Jesus ang kanilang kapatid, at nananampalataya silang gagawin niya ang lahat upang tulungan ang kaniyang kaibigan. Umaasa ba silang darating si Jesus bago pa maging huli ang lahat? Kung gayon, gumuho ang kanilang pag-asa. Namatay si Lazaro.
Nagdalamhati sina Marta at Maria. Inasikaso nila ang mga paghahanda para sa libing at ang maraming bisita mula sa Betania at sa kalapit na mga lugar. Wala pa ring balita tungkol kay Jesus. Tiyak na takang-taka na si Marta kung bakit hindi pa siya dumarating. Sa wakas, apat na araw pagkamatay ni Lazaro, nabalitaan ni Marta na paparating na si Jesus. Kahit nagdadalamhati, lumabas pa rin siya at sinalubong si Jesus nang hindi sinasabi kay Maria.—Juan 11:20.
Nang makita ni Marta ang kaniyang Panginoon, sinabi niya ang ilang araw nang gumugulo sa isipan nila ni Maria: “Panginoon, kung narito ka lamang noon ay hindi sana namatay ang aking kapatid.” Pero buháy pa rin ang pag-asa at pananampalataya ni Marta. Sinabi pa niya: “At gayunman sa kasalukuyan, alam kong gaanuman karaming bagay ang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.” Kaagad na sinabi ni Jesus ang isang bagay na magpapatibay ng kaniyang pag-asa: “Ang iyong kapatid ay babangon.”—Juan 11:21-23.
Inakala ni Marta na ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagkabuhay-muli sa hinaharap, kaya sumagot siya: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:24) Kahanga-hanga ang pananampalataya ni Marta sa turong iyon. Pinabubulaanan ng ilang Judiong lider ng relihiyon na tinatawag na mga Saduceo ang pagkabuhay-muli, bagaman malinaw na itinuturo ito sa Kasulatan. (Daniel 12:13; Marcos 12:18) Pero alam ni Marta na itinuro ni Jesus ang pag-asa ng pagkabuhay-muli at bumuhay pa nga siya ng mga patay. Ngunit di-gaya ng mga ito, apat na araw nang patay si Lazaro. Hindi alam ni Marta kung ano ang mangyayari.
Pagkatapos, bumigkas si Jesus ng di-malilimutang pananalita: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” Oo, binigyan ng Diyos na Jehova ang kaniyang Anak ng awtoridad na bumuhay ng patay sa buong lupa sa hinaharap. Tinanong ni Jesus si Marta: “Pinaniniwalaan mo ba ito?” Saka isinagot ni Marta ang tinalakay sa pasimula ng artikulong ito. Nananampalataya si Marta na si Jesus ang Kristo, o Mesiyas, na siya ang Anak ng Diyos na Jehova, at na inihula ng mga propeta na darating siya sa sanlibutan.—Juan 5:28, 29; 11:25-27.
Pinahahalagahan ba ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ang gayong uri ng pananampalataya? Sinasagot ito ng sumunod na mga pangyayaring nasaksihan ni Marta. Sinundo niya agad si Maria. Nakita niyang lungkot na lungkot si Jesus habang nakikipag-usap kay Maria at sa maraming nagdadalamhating kasama niya. Nakita niyang lumuha si Jesus sa kaniyang matinding pamimighati dahil sa pagkamatay ni Lazaro. Narinig niyang iniutos ni Jesus na alisin ang bato sa libingan ng kaniyang kapatid.—Juan 11:28-39.
Iginiit ni Marta na nangangamoy na ito dahil apat na araw na itong patay. Ipinaalaala sa kaniya ni Jesus: “Hindi ko ba sinabi sa iyo na kung maniniwala ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” Naniwala si Marta, at nakita nga niya ang kaluwalhatian ng Diyos na Jehova. Sa pagkakataong iyon mismo, binigyan ng Diyos ng kapangyarihan ang kaniyang Anak na buhaying-muli si Lazaro! Isip-isipin ang mga sandaling habambuhay nang nakaukit sa alaala ni Marta: Ang utos ni Jesus, “Lazaro, lumabas ka!”; ang mahinang ingay sa kuwebang pinaglibingan kay Lazaro nang bumangon siya at unti-unting lumabas sa pinto ng kuweba na nakabalot pa rin ang katawan; ang utos ni Jesus na ‘kalagan siya at payaunin’; at siyempre, ang tuwang-tuwang pagyakap nina Marta at Maria sa kanilang kapatid. (Juan 11:40-44) Naglaho na ang matinding kalungkutan sa puso ni Marta!
Ipinakikita ng ulat na ito na ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay hindi pangarap lamang. Isa itong nakaaaliw na turo ng Bibliya at napatunayang totoo. Ginagantimpalaan ni Jehova at ng kaniyang Anak ang mga nananampalataya, gaya nina Marta, Maria, at Lazaro. Makakamit mo rin ang gayong gantimpala kung magkakaroon ka ng matibay na pananampalatayang gaya ng kay Marta.a
“Si Marta ay Naglilingkod”
Sa huling pagkakataon, binanggit ng ulat ng Bibliya si Marta. Ito ay sa pasimula ng huling linggo ng buhay ni Jesus sa lupa. Dahil alam ni Jesus ang mga paghihirap na daranasin niya, muli siyang tumuloy kina Marta sa Betania. Mula roon ay lalakad siya nang tatlong kilometro patungong Jerusalem. Habang sina Jesus at Lazaro ay kumakain sa bahay ni Simon na ketongin, binanggit ng ulat: “Si Marta ay naglilingkod.”—Juan 12:2.
Masipag na babae nga! Nang una natin siyang mabasa sa Bibliya, siya ay nagtatrabaho; at sa huling ulat ng Bibliya tungkol sa kaniya, nagtatrabaho pa rin siya, na ginagawa ang kaniyang buong kaya para sa iba. Ang mga kongregasyon ng mga tagasunod ni Kristo sa ngayon ay pinagpala rin ng mga babaing katulad ni Marta—buo ang loob at bukas-palad, na isinasagawa ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Malamang na patuloy na ginawa ito ni Marta. Kumilos siya nang may katalinuhan, yamang mayroon pa siyang daranasing mga pagsubok.
Ilang araw na lamang at babatahin na ni Marta ang kahila-hilakbot na kamatayan ng kaniyang Panginoon, si Jesus. Bukod diyan, ang mga mapagpaimbabaw na pumatay kay Jesus ay determinado ring patayin si Lazaro, yamang napatibay ng kaniyang pagkabuhay-muli ang pananampalataya ng napakarami. (Juan 12:9-11) Sabihin pa, naputol din ang maibiging buklod ng magkakapatid dahil sa kamatayan. Hindi natin alam kung paano o kailan ito nangyari, pero makatitiyak tayo na nakatulong kay Marta ang pananampalataya niya na magbata hanggang sa wakas. Kaya makabubuting tularan ng mga Kristiyano ngayon ang pananampalataya ni Marta.
[Talababa]
a Para makaalam ng higit pa tungkol sa itinuturo ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 11]
Kahit nagdadalamhati, hinayaan ni Marta na tulungan siya ni Jesus na magpokus sa mga bagay na nakapagpapatibay ng pananampalataya
[Larawan sa pahina 12]
Bagaman “nababalisa at nababagabag,” mapagpakumbabang tinanggap ni Marta ang pagtutuwid
[Larawan sa pahina 15]
Ginantimpalaan ang pananampalataya ni Marta kay Jesus nang makita niyang buhaying muli ang kaniyang kapatid