Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Tatlo sa mga Ebanghelyo ang naglahad sa reklamo tungkol sa pagpapahid kay Jesus ng mamahaling langis. Marami ba sa mga apostol ang nagreklamo, o pangunahin nang si Hudas?
Masusumpungan nating inilahad ang pangyayaring ito sa mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Juan. Waring si Hudas ang nanguna sa pagrereklamo, na sinang-ayunan naman ng ilan sa mga apostol. Inilalarawan ng pangyayaring ito kung bakit makapagpapasalamat tayo sa pagkakaroon ng apat na ulat ng Ebanghelyo. Tumpak ang isinulat ng bawat manunulat, ngunit hindi lahat ay nagbigay ng magkakaparehong detalye. Kung paghahambingin ang magkakatulad na mga ulat, nagkaroon tayo ng mas kumpleto, at mas detalyadong pangmalas sa maraming pangyayari.
Ibinibigay ng ulat sa Mateo 26:6-13 ang lugar—ang tahanan ni Simon na ketongin, sa Betania—ngunit hindi binanggit ang pangalan ng babae na nagpasimulang magbuhos ng mabangong langis sa ulo ni Jesus. Ganito ang sabi ni Mateo: “Sa pagkakita nito ang mga alagad ay nagalit” at nagreklamo na ipinagbili sana ang langis at ang pondo ay ibinigay sa mga dukha.
Ibinilang ng ulat ni Marcos ang karamihan sa mga detalyeng iyon. Ngunit idinagdag niya na binuksan nito ang sisidlan. Naglalaman ito ng mabangong langis na “tunay na nardo,” na maaaring gaya ng inaangkat sa India. Kung tungkol sa reklamo, iniulat ni Marcos na “may ilang nagpahayag ng pagkagalit,” at “lubha silang nayamot sa kaniya.” (Marcos 14:3-9) Kaya ang dalawang ulat ay nagpakita na mahigit sa isang apostol ang kasangkot sa pagrereklamo. Pero paano ba nagsimula ito?
Si Juan, na isang nakasaksi, ay nagdagdag ng mahahalagang detalye. Binanggit niya ang pangalan ng babae—si Maria, kapatid nina Marta at Lazaro. Inilaan din ni Juan ang mga detalyeng ito, na maaari nating ibilang na magkatugma sa halip na magkasalungat: “Pinahiran niya ang mga paa ni Jesus at pinunasan ang kaniyang mga paa ng kaniyang buhok.” Sa pag-uugnay sa mga ulat, makikita natin na inilagay marahil ni Maria ang langis, na tiniyak ni Juan na “tunay na nardo,” sa ulo at mga paa ni Jesus. Si Juan ay napakalapit kay Jesus at mas malamang na magalit sa mga pagwawalang-bahala sa Kaniya. Mababasa natin: “Si Hudas Iscariote, isa sa kaniyang mga alagad, na magkakanulo na sa kaniya, ay nagsabi: ‘Bakit nga ang mabangong langis na ito ay hindi ipinagbili sa tatlong daang denario at ibinigay sa mga taong dukha?’ ”—Juan 12:2-8.
Sabihin pa, si Hudas ay “isa sa kaniyang mga alagad,” ngunit madarama mo ang pagkagalit ni Juan na may isa na nasa posisyong ito ang nagbabalak na ipagkanulo si Jesus. Naobserbahan ng tagapagsalin na si Dr. C. Howard Matheny tungkol sa Juan 12:4: “Ang pandiwaring pangkasalukuyan ‘na halos’ [o, “na mag-”] at ang pangkasalukuyang pawatas ‘na ipagkakanulo na’ [o, “na magkakanulo na”] ay kapuwa nagpapahayag ng sunud-sunod o patuluyang pagkilos. Ito’y nagpapakita na ang pagkakanulo kay Jesus ni Hudas ay hindi isang agad na pagkilos na ginawa sa biglaang paraan sapagkat ito ay pinag-isipan at binalak sa loob ng maraming araw.” Idinagdag ni Juan ang kaunawaan na nagreklamo si Hudas “hindi dahil sa siya ay nababahala sa mga dukha, kundi dahil sa siya ay isang magnanakaw at taglay niya ang kahon ng salapi at dati na niyang kinukuha ang mga salaping inilalagay roon.”
Kung gayon, waring makatuwiran na pinasimulan ng magnanakaw na si Hudas ang pagrereklamo dahil mas marami sana siyang mananakaw kung ang mamahaling langis ay ipinagbili at ilalagay ang mga pondo sa kahon ng salapi na dala-dala niya. Nang maibangon na ni Hudas ang reklamong ito, maaaring nagbulung-bulungan sa pagsang-ayon ang iba pa sa mga apostol sa waring makatuwirang punto. Gayunman, si Hudas ang pasimuno ng reklamo.