Ang Dalawang Pinakadakilang Kapahayagan ng Pag-ibig na Ginawa Kailanman
“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay . . . magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—JUAN 3:16.
1. Ano ang ibig sabihin ng pangungusap na “Ang Diyos ay pag-ibig”?
“ANG Diyos ay pag-ibig.” Makalawang binigkas ni apostol Juan ang pangungusap na iyan. (1 Juan 4:8, 16) Oo, ang Diyos na Jehova ay maibigin sa paraan na siya rin ay marunong, makatarungan, at makapangyarihan. At, siya AY pag-ibig. Siya ang larawan, ang pinakasagisag, ng pag-ibig. Maitatanong mo sa iyong sarili: ‘Alam ko ba kung bakit iyan ang katotohanan? Maipapaliwanag ko bang malinaw sa kaninuman, na sinusuhayan ng ebidensiya o mga halimbawa na Siya ay pag-ibig? At ano ang kaugnayan niyan sa ating buhay at mga gawain?’
2. Ang Diyos ay nagbigay ng anong nakikitang mga kapahayagan ng kaniyang pag-ibig?
2 Anong laking pag-ibig ang ipinakita ng Diyos na Jehova sa kaniyang mga nilalang na tao sa lupa! Bulay-bulayin ang lubos na kagandahan at nagagawa ng ating mga mata, ang kababalaghan ng ating malalakas na buto, ang lakas ng ating mga kalamnan, at ang nadarama natin pagka tayo’y humipo. May dahilan tayo na bigkasin ang nadama ng salmista: “Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan.” Isaalang-alang, din naman, ang malalawak na mga bundok, ang mapayapang mga sapa na may malilinaw na katubigan, ang mga bukid ng mga bulaklak kung tagsibol, at ang maningning na mga paglubog ng araw. “Anong pagkasari-sari ng iyong mga gawa, Oh Jehova! Ginawa mo itong lahat sa iyong karunungan. Ang lupa ay puno ng iyong kayamanan.”—Awit 139:14; 104:24.
3, 4. Anong mga halimbawa ang ipinakikita ng Kasulatang Hebreo tungkol sa mga kapahayagan ng Diyos ng kaniyang pag-ibig?
3 Ang mga kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos ay hindi huminto nang maghimagsik ang kaniyang unang mga nilalang na tao. Halimbawa, si Jehova ay nagpakita ng pag-ibig nang payagan niyang ang mag-asawang iyon ay mag-anak na maaaring makinabang sa paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang “binhi” na ipinangako. (Genesis 3:15) Nang malaunan, kaniyang pinapaghanda si Noe ng isang daong para sa ikaliligtas ng lahi ng tao at iba pang mga nilalang sa lupa. (Genesis 6:13-21) Pagkatapos ay nagpakita siya ng dakilang pag-ibig kay Abraham, na nakilala bilang kaibigan ni Jehova. (Genesis 18:19; Isaias 41:8) Sa pagsagip sa mga inapo ni Abraham buhat sa pagkaalipin sa Ehipto, ang Diyos ay nagpakita ng higit pang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig, gaya ng mababasa natin sa Deuteronomio 7:8: “Dahil sa iniibig kayo ni Jehova . . . kung kaya inilabas kayo ni Jehova sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.”
4 Bagaman ang mga Israelita ay patuloy na nagpakita ng kawalang utang-na-loob at paulit-ulit na naghimagsik, hindi naman sila karaka-raka itinakuwil ng Diyos. Bagkus, ang may pag-ibig na pakiusap niya sa kanila ay: “Manumbalik kayo buhat sa inyong masasamang lakad, sapagkat bakit kayo mamamatay, Oh sambahayan ni Israel?” (Ezekiel 33:11) Datapuwat, kahit na si Jehova ang pinakasagisag ng pag-ibig, siya ay makatuwiran din naman at marunong. Ang panahon ay dumating nang ang kaniyang mapaghimagsik na bayan ay umabot sa sukdulan ng kaniyang mahabang-panahong pagtitiis! Sila’y humantong sa punto na “wala nang paggaling,” kaya kaniyang pinahintulutan na sila’y maging mga bihag sa Babilonya. (2 Cronica 36:15, 16) Nagkagayunman ay hindi rin huminto magpakailanman ang pag-ibig ng Diyos. Pinapangyari niya na pagkalipas ng 70 taon isang nalabi sa kanila ang pinayagan na bumalik sa kanilang sariling lupain. Pakisuyong basahin ang Awit 126 at tingnan kung ano ang saloobin tungkol dito ng mga nagsibalik.
Paghahanda Para sa Kaniyang Pinakadakilang Kapahayagan ng Pag-ibig
5. Bakit masasabi na ang pagsusugo ng kaniyang Anak sa lupa ay isang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos?
5 Lumakad ang kasaysayan hanggang sa panahon ng pagbibigay ni Jehova ng pinakadakilang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig. Tunay na iyon ay isang mapagsakripisyong pag-ibig. Bilang paghahanda rito, ang buhay ng kaniyang bugtong na Anak ay pinapangyari ng Diyos na mapalipat mula sa dako na pinamumuhayan ng mga espiritu sa langit tungo sa bahay-bata ng birheng Judio na si Maria. (Mateo 1:20-23; Lucas 1:26-35) Guni-gunihin ang natatanging matalik na kaugnayan ni Jehova at ng kaniyang Anak. Mababasa natin tungkol sa buhay ni Jesus bago naging tao sa ilalim ng simbolong karunungan bilang isang persona: “Ako’y nasa siping [ng Diyos] gaya ng isang dalubhasang manggagawa, at nangyaring ako ang isa na lalong higit na kinagigiliwan niya sa araw-araw, palibhasa ako’y nagagalak na lagi sa harap niya.” (Kawikaan 8:30, 31) Kaya hindi ka ba sasang-ayon na ang pag-alis lamang ng Kaniyang bugtong na Anak sa Kaniyang piling ay isang sakripisyo para kay Jehova?
6. Bilang magulang anong interes ang tiyak na ipinakita ni Jehova sa maagang buhay ni Jesus?
6 Walang alinlangan, si Jehova ay nagmasid na taglay ang matindi at malaking interes sa paglaki ng kaniyang anak magmula sa paglilihi sa kaniya hanggang sa lumaki. Ang banal na espiritu ng Diyos ang lumukob kay Maria upang walang anuman na makapinsala sa lumalaking binhi. Pinapangyari ni Jehova na si Jose at si Maria ay pumaroon sa Bethlehem para sa sensus upang doon isilang si Jesus bilang katuparan ng Mikas 5:2. Sa pamamagitan ng isang anghel, si Jose ay binigyang babala ng Diyos tungkol sa pakana ni Haring Herodes na pagpatay, kaya si Jose at ang kaniyang pamilya ay tumakas sa Ehipto hanggang sa mamatay si Herodes. (Mateo 2:13-15) Tiyak na nagpatuloy ang Diyos sa kaniyang interes sa progreso ni Jesus. Anong laking kaluguran para sa Diyos na masdan ang 12-anyos na si Jesus samantalang nanggigilalas ang mga guro at ang mga iba pa sa templo sa pagsagot niya sa mga katanungan!—Lucas 2:42-47.
7. Anong tatlong pagpapahayag ang patotoo na interesado ang Diyos sa ministeryo ni Jesus?
7 Labingwalong taon ang nakalipas si Jehova noon ay nagmamasid nang si Jesus ay lumapit kay Juan Bautista upang pabautismo. Nang magkagayo’y may kagalakang isinugo niya ang kaniyang banal na espiritu kay Jesus at nagsabi: “Ito ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.” (Mateo 3:17) Ang sinumang amang Kristiyano ay maaaring guni-gunihin kung gaanong kalugud-lugod para sa Diyos na subaybayan ang ministeryo ni Jesus at tingnan kung paano lahat ng papuri ay kaniyang iniukol sa kaniyang makalangit na Ama. Minsan ang ilan sa mga apostol ni Jesus ay isinama niya sa pag-akyat sa isang mataas na bundok. Doon ay pinapangyari ni Jehova na si Kristo’y magkaroon ng isang kahima-himalang kaningningan, at sinabi ng Ama: “Ito ang aking Anak, ang minamahal ko, na lubos kong kinalulugdan; makinig kayo sa kaniya.” (Mateo 17:5) Pinapangyari ni Jehova na marinig ng makaitlo ang kaniyang tinig bilang sagot sa panalangin ni Jesus na luwalhatiin ng Diyos ang kaniyang sariling pangalan. Sinabi ni Jehova: “Niluwalhati ko na at luluwalhatiin ko pa uli.” Maliwanag na ito’y sinalita unang-una alang-alang kay Jesus, sapagkat ang ibang mga kasama niya ay nag-akala na isang anghel ang nagsalita, samantalang inakala naman ng iba na iyon ay isang kulog.—Juan 12:28, 29.
8. Ano ang konklusyon mo tungkol sa pag-ibig ng Diyos?
8 Ano ang konklusyon mo buhat sa maikling repasong ito ng mga ikinilos ng Diyos may kinalaman sa kaniyang Anak at sa kaniyang interes dito? Maliwanag nga na mahal na mahal ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak. Samantalang isinasaisip iyan, at sa pagpapahalaga kung ano ang madarama ng halos sinumang magulang na tao kung tungkol sa kaniyang kaisa-isang anak, talakayin natin ang susunod na naganap—ang sakripisyong kamatayan ni Jesus.
Ang Pinakadakilang Kapahayagan ng Pag-ibig
9, 10. Ano ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, at nagbibigay-diin sa anong patotoo ng Kasulatan?
9 Ipinakikita ng Bibliya na ang ating makalangit na Ama ay may empatiya. Mababasa natin sa Isaias 63:9 tungkol sa kaniyang bayang Israel: “Sa lahat nilang kadalamhatian ay nagdadalamhati siya. At ang kaniyang sariling personal na mensahero ang nagligtas sa kanila. Sa kaniyang pag-ibig at sa kaniyang pagkaawa ay kaniyang tinubos sila, at kaniyang kinilik sila at kinalong sila lahat ng mga araw noong lumipas na panahon.” Di lalo pang nagdalamhati si Jehova nang kaniyang marinig at makita si Jesus sa kaniyang “matinding pagtangis at mga luha.” (Hebreo 5:7) Ganiyan nanalangin si Jesus sa halamanan ng Getsemane. Siya’y ginawang isang preso, idinaan sa isang kunwa-kunwariang paglilitis, ginulpi at hinagupit, at isang koronang tinik ang ipinatong sa kaniyang ulo. Tandaan, lahat ng ito ay pinagmamasdan ng kaniyang maibiging Ama. Kaniya ring nakita na napadapa si Jesus dahil sa bigat ng kaniyang pinapasang tulos at kaniyang minamasdan ang kaniyang Anak nang sa wakas ito’y ibayubay na sa tulos na iyon. Huwag nating kalilimutan na maaari sanang hinadlangan ng Diyos ang pagdurusang ito ng kaniyang minamahal na Anak. Subalit pinahintulutan ni Jehova na magdusa si Jesus ng gayong sukdulan. Yamang ang Diyos ay may damdamin, ang pagkasaksi niya ng mga pangyayaring ito walang alinlangan ay siyang sanhi ng pinakamasakit na kaniyang naranasan o mararanasan pa.
10 Sa liwanag ng lahat ng binanggit na, makikita natin kung gaanong katindi ang kahulugan ng sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) May nahahawig na kahulugan ang mga salita ni Juan, ang mahal na apostol ni Jesus: “Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin, sapagkat ang kaniyang bugtong na Anak ay sinugo ng Diyos sa sanlibutan . . . bilang isang pampalubag-loob na hain ukol sa ating mga kasalanan.”—1 Juan 4:9, 10.
11. Paano idiniriin ni apostol Pablo ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos?
11 Kung gayon, mauunawaan mo kung bakit, sa Roma 5:6-8, ay idiniin ni apostol Pablo ang dakilang pag-ibig ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pananalitang: “Nang tayo’y mahihina pa ay namatay si Kristo alang-alang sa mga taong makasalanan sa takdang panahon. Sapagkat bahagya nang ang sinuman ay mamamatay alang-alang sa isang taong matuwid; bagaman alang-alang sa isang mabuting tao marahil ay may mangangahas mamatay. Subalit ipinadarama ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin sa paraan na, samantalang mga makasalanan pa tayo noon, si Kristo ay namatay alang-alang sa atin.” Tunay, sa pagpayag na ang kaniyang bugtong na Anak ay pumarito sa lupa, magdusa, at mamatay ng isang pinakaabang kamatayan, ang Diyos na Jehova ay nagpakita ng pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig.
Ang Ikalawang Pinakadakilang Kapahayagan ng Pag-ibig
12, 13. (a) Sa paanong ang kapahayagan ni Jesus ng pag-ibig ay walang katulad? (b) Paano itinawag-pansin ni Pablo ang dakilang pag-ibig ni Jesus?
12 ‘Marahil,’ itatanong mo, ‘ano ang susunod na pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig?’ Sinabi ni Jesu-Kristo: “Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13) Totoo, sa buong kasaysayan ng sangkatauhan, mayroong mga taong nagsakripisyo ng kanilang buhay alang-alang sa iba. Subalit ang buhay nila ay isang limitado lamang na buhay; sa malao’t madali sila ay mamamatay rin. Subalit, si Jesu-Kristo ay isang sakdal na tao na may karapatan sa buhay. Hindi siya nakaharap sa minanang kamatayan gaya natin at ng lahat ng iba pang mga tao; wala rin namang sinuman na maaaring puwersahang kumitil ng buhay ni Jesus nang hindi niya ipinahihintulot iyon. (Juan 10:18; Hebreo 7:26) Alalahanin ang kaniyang mga salita: “Inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama upang padalhan ako sa mga sandaling ito ng mahigit na labindalawang pulutong ng mga anghel?”—Mateo 26:53; Juan 10:17, 18.
13 Lalo pa nating mauunawaan ang pag-ibig na kasangkot sa ginawa ni Jesus kung ating titingnan ng ganito: Iniwan niya ang isang maluwalhating buhay bilang isang espiritung nilalang sa langit na kung saan namumuhay siya bilang matalik na kasama at kamanggagawa ng pansansinukob na Soberano at Haring walang hanggan. At, dahilan sa walang pag-iimbot na pag-ibig, ginawa ni Jesus ang gaya ng sinasabi sa atin ni apostol Pablo: “Bagaman siya’y nasa anyong Diyos, hindi [niya] pinag-isipan na mang-agaw, samakatuwid nga, upang makapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubaran niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at naparito na kawangis ng mga tao. Higit diyan, nang siya’y nasa anyong tao na, nagpakababa siya at nagmasunurin hanggang kamatayan, oo, ang kamatayan sa isang pahirapang tulos.”—Filipos 2:6-8.
14. Paano nagpatotoo ang propetang si Isaias tungkol sa dakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos?
14 Hindi baga iyan ay isang kapahayagan ng pag-ibig? Tunay nga—pangalawa lamang sa taglay ng Diyos na Jehova, ang kaniyang makalangit na Ama. Ang makahulang pananalita ng Isaias kabanata 53 ang nagpapatotoo sa lahat ng pinagtiisan ni Jesus: “Siya’y hinamak at itinakuwil ng mga tao, isang taong ukol sa mga hirap at bihasa sa karamdaman. . . . Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman; at ang ating mga hirap ay kaniyang pinasan. Ngunit siya’y ating itinuring na gaya ng salot, sinaktan ng Diyos at pinighati. Ngunit siya’y sinugatan dahil sa ating pagsalangsang; siya’y binugbog dahil sa ating mga kasamaan. . . . Dahilan sa kaniyang mga sugat ay nagsigaling tayo. . . . Kaniyang ibinuhos ang kaniyang kaluluwa sa mismong kamatayan.”—Isaias 53:3-5, 12.
15, 16. Na iyon ay isang sakripisyo para kay Jesus ay makikita buhat sa anong mga pananalita niya?
15 Dahilan sa lahat ng mga bagay na kaugnay ng kaniyang kamatayan, si Jesus ay nanalangin sa halamanan ng Getsemane: “Ama ko, kung baga maaari, nawa’y lumampas sa akin ang sarong ito. Gayunman, huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ayon sa ibig mo.” (Mateo 26:39) Ano ba ang hinihiling ni Jesus nang bigkasin niya ang mga salitang iyon? Nais ba niyang umatras sa pagiging “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan”? (Juan 1:29) Hindi maaaring magkagayon, sapagkat sa tuwina’y sinasabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na siya’y magdurusa at mamamatay, anupa’t binanggit pa niya kung anong uri ng kamatayan ang daranasin niya. (Mateo 16:21; Juan 3:14) Samakatuwid ay iba ang nasa isip ni Jesus nang siya’y manalangin ng ganiyan.
16 Walang alinlangan na ang pinag-iisipan noon ni Jesus ay ang paratang na pamumusong na nakini-kinita niyang ibabangon laban sa kaniya, ang pinakamasamang krimen na posibleng magawa ng isang Judio. Bakit siya mababahala tungkol sa isang paratang na walang katotohanan? Sapagkat ang kaniyang kamatayan sa ilalim ng ganoong kalagayan ay magdadala ng kasiraan sa kaniyang makalangit na Ama. Oo, ang walang kapintasang Anak ng Diyos, na umibig sa katuwiran at napoot sa kalikuan at naparito sa lupa upang luwalhatiin ang pangalan ng kaniyang Ama, ay papatayin ngayon ng sariling bayan ng Diyos bilang isang mamumusong sa Diyos na Jehova.—Hebreo 1:9; Juan 17:4.
17. Bakit ang uri ng kamatayan na nakaharap noon kay Jesus ay nagpatunay na isang mahigpit na pagsubok sa kaniya?
17 Maaga-aga sa kaniyang ministeryo sinabi ni Jesus: “Oo, ako’y may bautismo na ibabautismo sa akin, at anong laki ng aking pagkabagabag hangga’t hindi ito natatapos!” (Lucas 12:50) Ngayon ay nasa tugatog na ang bautismong ito. Marahil iyan ang dahilan kung bakit ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo nang siya’y manalangin. (Lucas 22:44) Isa pa, mayroong mabigat na pasanin na nakaatang sa kaniyang mga balikat nang gabing iyon, isang pasanin na hindi natin kayang maunawaan. Batid niya na kailangang siya’y magpatunay na tapat sapagkat kung siya’y uurong, anong laking dagok iyon sa mukha ni Jehova! Sasabihin ni Satanas na siya’y tama at mali ang Diyos na Jehova. Subalit anong laking dagok sa mukha ni Satanas na Diyablo ang nadama niya dahilan sa si Jesus ay nagpatunay na tapat hanggang kamatayan! Sa ganoon ay pinatunayan niyang si Satanas ay isang imbi, pusakal, at dambuhalang sinungaling.—Kawikaan 27:11.
18. Bakit nasa matinding pagsubok si Jesus noong gabing iyon?
18 Ang Diyos na Jehova ay mayroong malaking pagtitiwala sa katapatan ng kaniyang Anak kung kaya’t kaniyang inihula na si Jesus ay magpapatunay na tapat. (Isaias 53:9-12) Subalit alam din ni Jesus na ang pasanin na pananatili sa integridad ay sa kaniya nakaatang. Posible rin na siya’y umurong. Posible na siya’y magkasala. (Lucas 12:50) Ang kaniyang sariling walang hanggang buhay at pati ng sa buong sangkatauhan ay nakataya noong gabing iyon. Anong tinding pagsubok niyaon! Kung si Jesus ay nanghina at nagkasala, hindi na siya maaaring humingi ng awa salig sa isa pang sakripisyo, gaya ng maaari nating gawin bilang di-sakdal na mga nilalang.
19. Ano ang naisakatuparan ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang walang pag-iimbot na hakbangin?
19 Tunay nga, ang pagtitiis ni Jesus noong Nisan 14, 33 C.E., ang pinakadakilang kapahayagan ng walang imbot na pag-ibig na ginawa kailanman ng sinumang tao, pangalawa lamang sa taglay ng Diyos na Jehova. At anong dakilang mga bagay ang kaniyang natupad para sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan! Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan siya’y naging “ang Kordero ng Diyos na umaalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29) Kaniyang binuksan ang daan para sa 144,000 ng kaniyang mga tagasunod-yapak na magiging mga hari at mga saserdote at magpupunong kasama niya sa loob ng isang libong taon. (Apocalipsis 20:4, 6) Gayundin, ang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” sa ngayon ay nakikinabang sa hain ni Jesus at makakaasa na maligtas sa katapusan ng matandang sistemang ito ng mga bagay. Ang mga ito ang unang magtatamasa ng mga pagpapala ng isang makalupang Paraiso. Walang alinlangan na nariyan din ang bilyun-bilyong mga tao na bubuhaying-muli bilang resulta ng sinabi ni Jesus. Sila rin naman ay magkakaroon ng pagkakataon na tamasahin ang walang katapusang buhay sa makalupang paraiso. (Apocalipsis 7:9-14; Juan 10:16; 5: 28, 29) Oo, “gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga ito ay naging Oo sa pamamagitan niya,” samakatuwid baga, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—2 Corinto 1:20.
20. Paano tayo dapat tumugon sa dalawang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig na ipinakita ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo?
20 Tunay na angkop na angkop na tayo ay magpakita ng pagpapahalaga sa lahat ng ginawa ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo alang-alang sa atin sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng pinakadakilang mga kapahayagang ito ng pag-ibig. Utang natin sa kanila ang gayong pagpapahalaga, at upang tayo’y tunay na makinabang nang lubusan, kailangang ipahayag natin ang gayong pagpapahalaga. Ang sumusunod na artikulo ang magpapakita ng ilan sa pinakamagagaling na paraan na magagamit natin upang gawin ito.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong mga kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos ang nakikita ng lahat ng tao?
◻ Paano natin nalalaman na napighati si Jehova nang kaniyang makita na nagdurusa ang kaniyang Anak?
◻ Paanong ang kamatayan ni Jesus alang-alang sa sangkatauhan ay may pagkakaiba sa kamatayan ng mga ibang tao na nagsakripisyo ng kanilang buhay?
◻ Paano tayo dapat maapektuhan ng pag-ibig na ipinakita sa atin ni Jehova at ni Jesus?