SOBERANYA
Pagiging kataas-taasan sa pamamahala o kapangyarihan; ang pamumuno o pamamahala ng isang panginoon, hari, emperador, o ng sinumang kagaya nito; ang kapangyarihang umuugit sa pamahalaan ng isang estado.
Madalas lumitaw sa Hebreong Kasulatan ang salitang ʼAdho·naiʹ, at ang pananalitang ʼAdho·naiʹ Yehwihʹ ay lumilitaw roon nang 285 beses. Ang ʼAdho·naiʹ ay anyong pangmaramihan ng ʼa·dhohnʹ, na nangangahulugang “panginoon.” Ang anyong pangmaramihan na ʼadho·nimʹ ay maaaring ikapit sa mga tao sa simpleng pangmaramihan, gaya ng “mga panginoon.” Ngunit ang terminong ʼAdho·naiʹ na walang iba pang hulapi ay laging ginagamit sa Kasulatan para sa Diyos, anupat ang anyong pangmaramihang ito ay nagpapahiwatig ng kadakilaan o karingalan. Karaniwan itong isinasalin bilang “Panginoon.” Kapag lumilitaw ito kasama ng pangalan ng Diyos (ʼAdho·naiʹ Yehwihʹ), gaya halimbawa sa Awit 73:28, ang pananalitang iyon ay isinasaling “Panginoong DIYOS” (AT, KJ, RS); “Panginoong Diyos” (Dy [72:28]); “Panginoong Jehova” (Yg); “Soberanong Panginoong Jehova” (NW). Sa Awit 47:9; 138:5; 150:2, ginamit ni Moffatt ang salitang “soberano,” ngunit hindi upang isalin ang ʼAdho·naiʹ.
Ang salitang Griego na de·spoʹtes ay nangangahulugang isa na nagtataglay ng kataas-taasang awtoridad, o lubos na pagmamay-ari at di-masusupil na kapangyarihan. (Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, 1981, Tomo 3, p. 18, 46) Isinasalin ito bilang “panginoon” at “may-ari,” at kapag ginagamit sa tuwirang pagtawag sa Diyos ay isinasalin ito bilang “Panginoon” (KJ, Yg, at iba pa), “Tagapamahala ng lahat” (Kx), “Soberanong Panginoon” (NW), sa Lucas 2:29, Gawa 4:24, at Apocalipsis 6:10. Sa huling teksto, ang Knox, The New English Bible, Moffatt, at ang Revised Standard Version ay kababasahan ng “Soberanong Panginoon”; ang salin ni Young at ang Kingdom Interlinear naman ay kababasahan ng “panginoon.”
Samakatuwid, bagaman ang mga tekstong Hebreo at Griego ay walang hiwalay na salita para sa “soberano,” ang diwa nito ay nakapaloob sa mga salitang ʼAdho·naiʹ at de·spoʹtes kapag ginagamit ang mga ito sa Kasulatan upang tumukoy sa Diyos na Jehova, anupat ipinahihiwatig ang kadakilaan ng kaniyang pagkapanginoon.
Ang Soberanya ni Jehova. Ang Diyos na Jehova ang Soberano ng sansinukob (“soberano ng sanlibutan,” Aw 47:9, Mo) dahil siya ang Maylalang, ang Diyos, at ang Makapangyarihan-sa-lahat. (Gen 17:1; Exo 6:3; Apo 16:14) Siya ang May-ari ng lahat ng bagay at ang Pinagmumulan ng lahat ng awtoridad at kapangyarihan, ang Kataas-taasang Tagapamahala. (Aw 24:1; Isa 40:21-23; Apo 4:11; 11:15) Umawit ang salmista tungkol sa kaniya: “Itinatag ni Jehova nang matibay ang kaniyang trono sa mismong langit; at ang kaniyang paghahari ay nagpupuno sa lahat.” (Aw 103:19; 145:13) Tinukoy ng mga alagad ni Jesus ang Diyos sa panalangin: “Soberanong Panginoon, ikaw ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa.” (Gaw 4:24, NW; Mo) Sa bansang Israel, ang Diyos mismo ang may hawak ng tatlong sangay ng pamahalaan—panghukuman, pambatasan, at tagapagpaganap. Sinabi ng propetang si Isaias: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas, si Jehova ang ating Hari; siya ang magliligtas sa atin.” (Isa 33:22) Sa Deuteronomio 10:17, isang natatanging paglalarawan sa Diyos bilang Soberano ang ibinigay ni Moises.
Bilang Soberano, si Jehova ang may karapatan at awtoridad na mag-atas ng pananagutang mamahala. Si David ay ginawang hari ng Israel, at tinutukoy sa Kasulatan ang ‘kaharian ni David’ na para bang kaniya ang kahariang iyon. Ngunit kinilala ni David na si Jehova ang dakilang Soberanong Tagapamahala, sa pagsasabing: “Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kalakasan at ang kagandahan at ang kagalingan at ang dangal; sapagkat ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay sa iyo. Sa iyo ang kaharian, O Jehova, ang Isa rin na nagtataas ng iyong sarili bilang ulo ng lahat.”—1Cr 29:11.
Ang Makalupang mga Tagapamahala. Ang mga tagapamahala ng mga bansa sa lupa ay nakapamumuno sa limitadong paraan dahil sa pahintulot ng Soberanong Panginoong Jehova. Ang awtoridad ng pulitikal na mga pamahalaan ay hindi mula sa Diyos, samakatuwid nga, hindi sila namamahala dahil sa anumang awtoridad o kapangyarihan na ipinagkaloob Niya. Ipinakikita sa Apocalipsis 13:1, 2 na ang mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay ay tumatanggap ng ‘kaniyang kapangyarihan at ng kaniyang trono at dakilang awtoridad’ mula sa Dragon, si Satanas na Diyablo.—Apo 12:9; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.
Kaya bagaman pinahintulutan ng Diyos na magpuno ang iba’t ibang pamamahala ng tao sa nakalipas na mga panahon, ang isa sa kanilang makapangyarihang mga hari, matapos niyang mapatunayan na si Jehova ang Soberano batay sa naging karanasan niya, ay naudyukang magsabi: “Ang kaniyang pamamahala ay isang pamamahala hanggang sa panahong walang takda at ang kaniyang kaharian ay sa sali’t salinlahi. At ang lahat ng tumatahan sa lupa ay itinuturing lamang na walang kabuluhan, at ginagawa niya ang ayon sa kaniyang sariling kalooban sa gitna ng hukbo ng langit at ng mga tumatahan sa lupa. At walang sinumang umiiral ang makapipigil sa kaniyang kamay o makapagsasabi sa kaniya, ‘Ano ang ginagawa mo?’”—Dan 4:34, 35.
Alinsunod dito, hangga’t pinahihintulutan ng Diyos na magpuno ang gawang-taong mga pamahalaan, ang utos ng apostol na si Pablo sa mga Kristiyano ay dapat sundin: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.” Pagkatapos ay itinawag-pansin ng apostol na kapag ang gayong mga pamahalaan ay nagpaparusa sa isa na gumagawa ng masama, ang ‘nakatataas na awtoridad’ o tagapamahala (bagaman hindi isang tapat na mananamba ng Diyos) ay di-tuwirang gumaganap bilang lingkod ng Diyos sa partikular na tungkuling ito, anupat nagpapamalas ng poot sa nagsasagawa ng masama.—Ro 13:1-6.
Hinggil sa ‘paglalagay ng Diyos sa gayong mga awtoridad sa kanilang relatibong mga posisyon,’ ipinahihiwatig ng Kasulatan na hindi ito nangangahulugan na ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang ito o na sinusuportahan niya ang mga ito. Sa halip, minamaniobra niya ang mga ito kaayon ng kaniyang mabuting layunin at kaugnay ng kaniyang kalooban may kinalaman sa kaniyang mga lingkod sa lupa. Sinabi ni Moises: “Nang ang Kataas-taasan ay magbigay ng mana sa mga bansa, nang paghiwa-hiwalayin niya ang mga anak ni Adan, itinatag niya ang hangganan ng mga bayan na isinasaalang-alang ang bilang ng mga anak ni Israel.”—Deu 32:8.
Ang Anak ng Diyos Bilang Hari. Matapos bumagsak ang huling hari na umupo sa “trono ni Jehova” sa Jerusalem (1Cr 29:23), ang propetang si Daniel ay binigyan ng pangitain kung saan inilalarawan ang paghirang sa mismong Anak ng Diyos bilang Hari sa hinaharap. Malinaw na makikita ang posisyon ni Jehova, ang Sinauna sa mga Araw, nang ipagkaloob niya sa kaniyang Anak ang pamamahala. Sinasabi ng ulat: “Patuloy akong nagmasid sa mga pangitain sa gabi, at, hayun! dumarating na kasama ng mga ulap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao; at sa Sinauna sa mga Araw ay nakaparoon siya, at inilapit nila siya sa harap ng Isang iyon. At sa kaniya ay may ibinigay na pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya. Ang kaniyang pamamahala ay isang pamamahalang namamalagi nang walang takda na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” (Dan 7:13, 14) Kung ihahambing ang tekstong ito sa Mateo 26:63, 64, makikita natin na si Jesu-Kristo ang “anak ng tao” sa pangitain ni Daniel. Nakaparoon siya sa presensiya ni Jehova at binigyan siya ng pamamahala.—Ihambing ang Aw 2:8, 9; Mat 28:18.
Hinamon ang Soberanya ni Jehova. Ang kabalakyutan ay umiiral sa halos lahat ng taon na ipinamalagi ng tao sa lupa batay sa ipinakikita ng kronolohiya ng Bibliya. Dumaranas ng kamatayan ang buong sangkatauhan, at dumarami ang mga kasalanan sa Diyos. (Ro 5:12, 15, 16) Yamang binabanggit ng Bibliya na binigyan ng Diyos ang tao ng sakdal na pasimula, bumabangon ang mga tanong: Paano nagsimula ang kasalanan, di-kasakdalan, at kabalakyutan? At bakit pinahintulutan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na magpatuloy ang mga bagay na ito sa loob ng maraming siglo? Ang mga sagot ay masusumpungan sa isang hamon sa soberanya ng Diyos na nagbangon ng isang napakahalagang usapin na nagsasangkot sa sangkatauhan.
Kung ano ang nais ng Diyos sa mga naglilingkod sa kaniya. Sa paglipas ng mga siglo, pinatunayan ng Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang mga salita at gawa, na siya ay isang Diyos ng pag-ibig at ng di-sana-nararapat na kabaitan, anupat naggagawad ng sakdal na katarungan at kahatulan, at nagpapakita ng awa sa mga nagsisikap na maglingkod sa kaniya. (Exo 34:6, 7; Aw 89:14; tingnan ang AWA, KAAWAAN; KATUWIRAN.) Pinagpapakitaan niya ng kabaitan kahit ang walang utang na loob at balakyot. (Mat 5:45; Luc 6:35; Ro 5:8) Nalulugod siyang gamitin ang kaniyang soberanya sa maibiging paraan.—Jer 9:24.
Alinsunod dito, ang uri ng mga taong nais niyang mamalagi sa kaniyang sansinukob ay mga taong naglilingkod sa kaniya dahil sa pag-ibig sa kaniya at sa maiinam niyang katangian. Dapat nilang ibigin ang Diyos una sa lahat, at pangalawa ay ang kanilang kapuwa. (Mat 22:37-39) Dapat nilang ibigin ang soberanya ni Jehova; dapat nila itong naisin at mas piliin kaysa sa alinpamang iba. (Aw 84:10) Kahit posible silang maging independiyente, dapat na ipasiya pa rin nilang piliin ang Kaniyang soberanya dahil alam nilang ang kaniyang pamamahala ang pinakamahusay, pinakamatuwid, at pinakamabuti. (Isa 55:8-11; Jer 10:23; Ro 7:18) Ang gayong mga tao ay naglilingkod sa Diyos hindi lamang dahil sa takot sa kaniyang napakalaking kapangyarihan ni dahil sa mapag-imbot na kadahilanan kundi dahil sa pag-ibig sa kaniyang katuwiran, katarungan, at karunungan at dahil sa kaalaman nila hinggil sa kadakilaan at maibiging-kabaitan ni Jehova. (Aw 97:10; 119:104, 128, 163) Ibinubulalas nila kasama ng apostol na si Pablo: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan! Sapagkat ‘sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, o sino ang naging kaniyang tagapayo?’ O, ‘Sino ang unang nagbigay sa kaniya, anupat dapat itong gantihan sa kaniya?’ Sapagkat mula sa kaniya at sa pamamagitan niya at para sa kaniya ang lahat ng bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.”—Ro 11:33-36.
Nakilala ng gayong mga tao ang Diyos, at ang tunay na pagkakilala sa kaniya ay nangangahulugan na iibigin nila siya at mangungunyapit sila sa kaniyang soberanya. Sumulat ang apostol na si Juan: “Ang bawat isa na nananatiling kaisa niya ay hindi namimihasa sa kasalanan; walang sinuman na namimihasa sa kasalanan ang nakakita sa kaniya o nakakilala man sa kaniya.” At, “Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” (1Ju 3:6; 4:8) Kilala ni Jesus ang kaniyang Ama nang higit kaninuman. Sinabi niya: “Ang lahat ng bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama, at walang sinuman ang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, ni may sinumang lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinuman na sa kaniya ay nais ng Anak na isiwalat siya.”—Mat 11:27.
Isang kaso ng pagkabigong maglinang ng pag-ibig at pagpapahalaga. Kaayon nito, nang ibato ang hamon laban sa soberanya ni Jehova, nanggaling ito sa isa na nagtatamasa ng mga kapakinabangang dulot ng soberanya ng Diyos ngunit hindi nagpahalaga sa kaniyang pagkakilala sa Diyos at hindi naglinang nito upang mapalalim ang pag-ibig niya sa Diyos. Siya ay isang espiritung nilalang ng Diyos, isang anghel. Nang ilagay sa lupa ang mag-asawang tao na sina Adan at Eva, nakakita siya ng oportunidad upang salakayin ang soberanya ng Diyos. Una, tinangka niya (na naging matagumpay naman) na italikod si Eva, pagkatapos ay si Adan, mula sa pagpapasakop sa soberanya ng Diyos. Hinangad niyang magtatag ng isang karibal na soberanya.
Kung tungkol kay Eva, ang taong unang nilapitan, walang alinlangang hindi niya pinahalagahan ang kaniyang Maylalang at Diyos, at hindi niya sinamantala ang kaniyang oportunidad na makilala ang Diyos. Nakinig siya sa tinig ng isang nakabababa, sa wari’y ang serpiyente, ngunit sa katunayan ay ang mapaghimagsik na anghel. Hindi ipinahihiwatig ng Bibliya na nagulat si Eva nang marinig niyang magsalita ang serpiyente. Ngunit sinasabi ng ulat na ang serpiyente “ang pinakamaingat sa lahat ng maiilap na hayop sa parang na ginawa ng Diyos na Jehova.” (Gen 3:1) Hindi binabanggit kung kumain ito ng ipinagbabawal na bunga ng “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” at pagkatapos ay nagkunwaring naging marunong at nakapagsalita. Ang mapaghimagsik na anghel, gamit ang serpiyente sa pakikipag-usap kay Eva, ay nagharap sa kaniya (gaya ng inakala niya) ng oportunidad na maging independiyente, na ‘maging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama,’ at nagtagumpay sa pagkumbinsi sa kaniya na hindi siya mamamatay.—Gen 2:17; 3:4, 5; 2Co 11:3.
Si Adan, na hindi rin nagpakita ng pagpapahalaga at pag-ibig sa kaniyang Maylalang at Tagapaglaan nang magkaroon ng paghihimagsik sa loob ng kaniyang sambahayan, at hindi matapat na nanindigan sa panig ng kaniyang Diyos nang siya’y masubok, ay nagpadala sa panghihikayat ni Eva. Maliwanag na nawalan siya ng pananampalataya sa Diyos at sa Kaniyang kakayahan na maglaan ng lahat ng mabubuting bagay para sa Kaniyang matapat na lingkod. (Ihambing ang sinabi ni Jehova kay David matapos itong magkasala may kaugnayan kay Bat-sheba, sa 2Sa 12:7-9.) Waring naghinanakit din si Adan kay Jehova, gaya ng ipinahihiwatig ng tugon niya nang tanungin siya tungkol sa kaniyang maling pagkilos: “Ang babae na ibinigay mo upang maging kasama ko, siya ang nagbigay sa akin ng bunga mula sa punungkahoy kung kaya ako kumain.” (Gen 3:12) Hindi niya pinaniwalaan ang kasinungalingang sinabi ng Serpiyente na hindi siya mamamatay, na pinaniwalaan naman ni Eva, ngunit kapuwa sina Adan at Eva ay tahasang tumahak sa landasin ng pagsasarili, na isang paghihimagsik laban sa Diyos.—1Ti 2:14.
Hindi masasabi ni Adan na, “Ako ay sinusubok ng Diyos.” Sa halip, ang simulaing ito ang kumakapit: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.” (San 1:13-15) Sa gayon ay ginamit ng tatlong rebelde—ang anghel, si Eva, at si Adan—ang kalayaang magpasiya na ibinigay sa kanila ng Diyos upang lumihis mula sa kawalang-kasalanan tungo sa landasin ng sinasadyang pagkakasala.—Tingnan ang KASAKDALAN; KASALANAN.
Ang usapin. Ano ba ang hinamon dito? Sino ba ang dinusta at siniraang-puri ng hamong ito ng anghel na nang maglaon ay tinawag na Satanas na Diyablo, isang hamon na sinuportahan naman ni Adan sa pamamagitan ng kaniyang mapaghimagsik na pagkilos? Ito ba’y tungkol sa pagiging kataas-taasan ni Jehova, ang pag-iral ng kaniyang soberanya? Nanganib ba ang soberanya ng Diyos? Hindi naman, sapagkat si Jehova ang may kataas-taasang awtoridad at kapangyarihan, at walang sinuman sa langit o sa lupa ang makaaagaw nito sa kaniya. (Ro 9:19) Kung gayon, tiyak na ang hamon ay hinggil sa pagiging lehitimo, pagiging nararapat, at pagiging matuwid ng soberanya ng Diyos—kung ang kaniyang soberanya ay ginagamit niya sa paraan na nararapat, matuwid, at sa ikabubuti ng kaniyang mga sakop, o hindi. Ang isang indikasyon nito ay ang paraan ng paglapit ng Serpiyente kay Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” Dito, ipinahiwatig niya na ang gayong bagay ay hindi makatuwiran—na ang Diyos ay masyadong mahigpit, anupat nagkakait ng isang bagay na nararapat lang na ibigay sa mag-asawa.—Gen 3:1.
Ano ang “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama”?
Nang kumain sina Adan at Eva ng bunga ng “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama,” ipinakita nila ang kanilang paghihimagsik. Bilang Soberano ng Sansinukob, karapatan ng Maylalang na magbigay ng kautusan may kinalaman sa punungkahoy, sapagkat si Adan, yamang siya’y isang taong nilalang at hindi isang soberano, ay may mga limitasyon, at kailangan niyang kilalanin ang katotohanang ito. Upang magkaroon ng pansansinukob na kapayapaan at pagkakaisa, dapat kilalanin at suportahan ng lahat ng matatalinong nilalang ang soberanya ng Maylalang. Maipamamalas ni Adan ang pagkilala niya sa katotohanang ito sa pamamagitan ng pag-iwas na kumain ng bunga ng punungkahoy na iyon. Bilang ama ng lahat ng mga taong mabubuhay sa lupa, dapat siyang maging masunurin at matapat, kahit sa kaliit-liitang bagay. Nasasangkot ang simulaing ito: “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami, at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.” (Luc 16:10) May kakayahan si Adan na magpakita ng sakdal na pagkamasunurin. Maliwanag na walang anumang likas na masama sa mismong bunga ng punungkahoy. (Hindi seksuwal na pagsisiping ang ipinagbawal, sapagkat inutusan ng Diyos ang mag-asawa na ‘punuin ang lupa.’ [Gen 1:28] Ang ipinagbawal ay ang bunga ng isang tunay na punungkahoy, gaya ng sinasabi ng Bibliya.) Ang isinasagisag ng punungkahoy ay malinaw na tinutukoy sa isang talababa sa Genesis 2:17, sa The Jerusalem Bible (1966):
“Ang pagkakilalang ito ay isang pribilehiyo na inirereserba ng Diyos sa kaniyang sarili, at nais namang makuha ng tao, sa pamamagitan ng pagkakasala, 3:5, 22. Kaya hindi ito nangangahulugan ng pagiging omnisyente, na hindi tinataglay ng taong nagkasala; ni ito man ay ang pagkabatid kung ano ang kasuwato ng moralidad, sapagkat taglay na iyon ng tao bago siya nagkasala at hindi iyon maaaring ipagkait ng Diyos sa isang matalinong nilalang. Ito ay ang kakayahang magpasiya para sa kaniyang sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama at kumilos kaayon niyaon, isang pag-aangkin ng lubusang kasarinlan sa moral na nagpapahiwatig na hindi niya kinikilala ang kaniyang katayuan bilang isa na nilalang. Ang unang kasalanan ay isang pagsalakay sa soberanya ng Diyos, isang kasalanang bunga ng kapalaluan.”
Pinaratangan ng pagiging makasarili ang mga lingkod ng Diyos. Ang isa pang aspekto ng usapin ay masusumpungan sa sinabi ni Satanas sa Diyos tungkol sa Kaniyang tapat na lingkod na si Job. Sinabi ni Satanas: “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan? Hindi ka ba naglagay ng bakod sa palibot niya at sa palibot ng kaniyang sambahayan at sa palibot ng lahat ng kaniyang pag-aari sa buong paligid? Ang gawa ng kaniyang mga kamay ay iyong pinagpala, at ang kaniyang mga alagang hayop ay lumaganap sa lupa. Ngunit, upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo ang lahat ng kaniyang pag-aari at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.” Ipinaratang din niya: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 1:9-11; 2:4) Samakatuwid, pinaratangan ni Satanas si Job na diumano’y hindi ito taimtim na naglilingkod sa Diyos, anupat masunurin ito sa Diyos dahil lamang sa pansariling mga pakinabang. Sa gayon ay siniraang-puri ni Satanas ang Diyos may kaugnayan sa Kaniyang soberanya, at ang mga lingkod ng Diyos naman may kaugnayan sa katapatan nila sa soberanyang iyon. Sa diwa ay sinabi niya na walang sinumang tao sa lupa ang mananatiling tapat sa soberanya ni Jehova kung pahihintulutan siyang ilagay ang tao sa pagsubok.
Pinahintulutan ni Jehova na maiharap ang usapin. Gayunman, hindi iyon dahil hindi siya tiyak na ang kaniyang soberanya ay matuwid. Wala siyang kailangang patunayan sa kaniyang sarili. Dahil sa pag-ibig niya sa kaniyang matatalinong nilalang, nagbigay siya ng panahon upang malutas ang usapin. Pinahintulutan niyang subukin ni Satanas ang mga tao, sa harap ng buong sansinukob. At binigyan niya ng pribilehiyo ang kaniyang mga nilalang na patunayang sinungaling ang Diyablo, at alisin ang kasiraang-puri hindi lamang mula sa pangalan ng Diyos kundi mula rin sa kanilang pangalan. Si Satanas, taglay ang kaniyang egotistikong saloobin, ay ‘ibinigay sa isang di-sinang-ayunang kalagayan ng isip.’ Sa paraan ng paglapit niya kay Eva, maliwanag na may pagkakasalungatan sa kaniyang pangangatuwiran. (Ro 1:28) Sapagkat pinararatangan niya ang Diyos ng pagiging di-makatarungan at di-matuwid sa paggamit ng soberanya at, kasabay naman nito, maliwanag na inaasahan niya na magiging makatarungan ang Diyos: Waring iniisip niya na uubligahin ng Diyos ang Kaniyang sarili na pahintulutan siyang manatiling buháy kung mapatutunayan niya ang kaniyang paratang hinggil sa kawalang-katapatan ng mga nilalang ng Diyos.
Ang paglutas sa usapin ay napakahalaga. Sa katunayan, ang kalutasan ng usapin ay napakahalaga sa lahat ng nabubuhay may kinalaman sa kaugnayan nila sa soberanya ng Diyos. Sapagkat kapag nalutas na ang gayong usapin, hindi na iyon kailangang ibangong muli. Lumilitaw na ninais ni Jehova na lubusang ipaalam at ipaunawa ang lahat ng katanungang nauugnay sa usaping ito. Ipinakikita ng naging pagkilos ng Diyos na siya’y hindi nagbabago, itinatampok nito ang kaniyang soberanya, ipinakikita nito sa lahat ng pumipili sa kaniyang soberanya na ito’y talagang kanais-nais, at ikinikintal nito sa kanila ang pagtitiwala sa soberanyang iyon.—Ihambing ang Mal 3:6.
Isang usaping moral. Kung gayon, ang usapin ay hindi tungkol sa kapangyarihan, o likas na kalakasan; ito ay pangunahin nang isang usaping moral. Gayunman, dahil ang Diyos ay hindi nakikita at dahil ginagawa ni Satanas ang lahat upang bulagin ang pag-iisip ng mga tao, kung minsan ay kinukuwestiyon ang kapangyarihan ni Jehova o maging ang Kaniyang pag-iral. (1Ju 5:19; Apo 12:9) Nagkaroon ng maling mga ideya ang mga tao hinggil sa dahilan ng pagtitiis at kabaitan ng Diyos at sila mismo ay lalong naging mapaghimagsik. (Ec 8:11; 2Pe 3:9) Dahil dito, kailangan ang pananampalataya, kasama ang pagdurusa, upang mapaglingkuran ang Diyos nang may katapatan. (Heb 11:6, 35-38) Gayunpaman, nilayon ni Jehova na ihayag sa lahat ang kaniyang soberanya at ang kaniyang pangalan. Sinabi niya kay Paraon sa Ehipto: “Ang totoo, sa dahilang ito ay pinanatili kitang buháy, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong lupa.” (Exo 9:16) Sa katulad na paraan, nagbigay ang Diyos ng panahon sa sanlibutang ito at sa diyos nito, si Satanas na Diyablo, upang umiral at magpatuloy sa kanilang kabalakyutan, at nagtakda Siya ng panahon para puksain sila. (2Co 4:4; 2Pe 3:7) Ganito ang makahulang panalangin ng salmista: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Aw 83:18) Si Jehova mismo ay sumumpa: “Sa akin ay luluhod ang bawat tuhod, ang bawat dila ay susumpa, na nagsasabi, ‘Tiyak na kay Jehova ang buong katuwiran at lakas.’”—Isa 45:23, 24.
Kung hanggang saan umabot ang usapin. Hanggang saan ang saklaw ng usapin? Yamang ang tao ay nahikayat na magkasala, at yamang may isang anghel na nagkasala, ang usapin ay umabot at sumaklaw sa makalangit na mga nilalang ng Diyos, maging sa bugtong na Anak ng Diyos, ang Isa na pinakamalapít sa Diyos na Jehova. Ang Isang ito, na laging gumagawa ng mga bagay na nakalulugod sa kaniyang Ama, ay tiyak na sabik na sabik na maglingkod ukol sa pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova. (Ju 8:29; Heb 1:9) Pinili siya ng Diyos para sa atas na ito, anupat isinugo siya sa lupa, kung saan ipinanganak siya bilang isang sanggol na lalaki sa pamamagitan ng birheng si Maria. (Luc 1:35) Sakdal siya, at pinanatili niya ang gayong kasakdalan at kawalang-kapintasan sa buong buhay niya, maging hanggang sa isang kahiya-hiyang kamatayan. (Heb 7:26) Sinabi niya bago siya mamatay: “Ngayon ay may paghatol sa sanlibutang ito; ngayon ay palalayasin ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” Gayundin: “Ang tagapamahala ng sanlibutan ay dumarating. At wala siyang kapangyarihan sa akin.” (Ju 12:31; 14:30) Walang kapangyarihan si Satanas na sirain ang katapatan ni Kristo, at hinatulan siyang bigo, anupat handa nang mapalayas. ‘Dinaig ni Jesus ang sanlibutan.’—Ju 16:33.
Si Jesu-Kristo, Tagapagbangong-puri ng pagiging matuwid ng soberanya ni Jehova. Kaya sa lubusang sakdal na paraan, pinatunayan ni Jesu-Kristo na ang Diyablo ay sinungaling, anupat lubos na sinasagot ang tanong na, May tao ba na mananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng anumang pagsubok? Dahil dito, si Jesus ay inatasan ng Soberanong Diyos upang maging Tagatupad ng Kaniyang mga layunin, ang isa na gagamitin upang lipulin ang kabalakyutan, at pati ang Diyablo, mula sa sansinukob. Ang awtoridad na ito ay gagamitin niya, at ‘luluhod ang bawat tuhod at ang bawat dila ay hayagang kikilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.’—Fil 2:5-11; Heb 2:14; 1Ju 3:8.
Sa pamumunong ipinagkaloob sa Anak, mamamahala siya sa pangalan ng kaniyang Ama, anupat ‘papawiin’ niya ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan na sumasalansang sa soberanya ni Jehova. Isinisiwalat ng apostol na si Pablo na pagkatapos nito, ihahandog ni Jesu-Kristo ang pinakamalaking parangal sa soberanya ni Jehova, sapagkat “kapag ang lahat ng bagay ay naipasakop na sa kaniya, kung magkagayon ay magpapasakop din mismo ang Anak sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.”—1Co 15:24-28.
Ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis na pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, kung kailan ibabagsak niya ang lahat ng awtoridad na magtatangkang maging karibal ng soberanya ni Jehova, ang Diyablo ay pakakawalan sa loob ng maikling panahon. Sisikapin niyang muling ibangon ang usapin, ngunit hindi na pahihintulutang magtagal ang isang bagay na nalutas na. Si Satanas at ang mga sumusunod sa kaniya ay lubusang lilipulin.—Apo 20:7-10.
May mga iba pa na nasa panig ni Jehova. Bagaman nailaan na ng katapatan ni Kristo ang kumpletong katibayan na sumusuporta sa panig ng Diyos hinggil sa usapin, ang iba ay pinahihintulutan ding makibahagi rito. (Kaw 27:11) Ang mga epekto ng landasin ni Kristo bilang tagapag-ingat ng katapatan, pati na ng kaniyang sakripisyong kamatayan, ay itinawag-pansin ng apostol: “Sa pamamagitan ng isang gawa ng pagbibigay-katuwiran ang resulta sa lahat ng uri ng mga tao ay ang pagpapahayag sa kanila na matuwid para sa buhay.” (Ro 5:18) Si Kristo ay ginawang Ulo ng “katawan” o ng kongregasyon (Col 1:18), na ang mga miyembro ay nakikibahagi sa kaniyang kamatayan taglay ang katapatan, at nagagalak siya na makibahagi sila sa kaniya bilang mga kasamang tagapagmana, bilang mga kasamang hari sa kaniyang pamamahala sa Kaharian. (Luc 22:28-30; Ro 6:3-5; 8:17; Apo 20:4, 6) Ang makadiyos na mga tao noong sinaunang panahon, na naghihintay sa paglalaan ng Diyos, ay nanatiling tapat, bagaman di-sakdal ang kanilang katawan. (Heb 11:13-16) At marami pa ang magluluhod ng kanilang tuhod sa dakong huli taglay ang taos-pusong pagkilala sa matuwid at karapat-dapat na soberanya ng Diyos. Gaya ng sinabi sa makahulang awit ng salmista: “Ang bawat bagay na may hininga—purihin nito si Jah. Purihin ninyo si Jah!”—Aw 150:6.