ARALING ARTIKULO 18
Matitisod Ka Ba Dahil kay Jesus?
“Maligaya ang hindi nakakakita sa akin ng ikatitisod.”—MAT. 11:6, tlb.
AWIT 54 “Ito ang Daan”
NILALAMANa
1. Nang una mong sabihin sa iba ang mensahe ng Bibliya, anong reaksiyon nila ang ikinagulat mo?
NATATANDAAN mo ba nang una mong ma-realize na nakita mo na ang katotohanan? Ang mga turo ng Bibliya na natututuhan mo ay napakalinaw—kasinlinaw ng kristal! Akala mo, tatanggapin ng lahat ang natututuhan mo. Sigurado kang dahil sa mensahe ng Bibliya, magkakaroon sila ng masayang buhay ngayon at magandang pag-asa sa hinaharap. (Awit 119:105) Kaya agad-agad mong sinabi sa lahat ng kaibigan mo at kamag-anak ang mga natutuhan mo. Pero ano ang nangyari? Nagulat ka, kasi marami ang hindi naniwala sa sinabi mo.
2-3. Noong panahon ni Jesus, ano ang naging reaksiyon ng marami tungkol sa kaniya?
2 Hindi tayo dapat magtaka kapag tinanggihan ng iba ang mensaheng ipinapangaral natin. Noong panahon ni Jesus, marami ang hindi tumanggap sa kaniya kahit gumawa siya ng mga himala na nagpapatunay na sinusuportahan siya ng Diyos. Halimbawa, binuhay niyang muli si Lazaro—isang himala na hindi maitatanggi ng mga kumakalaban sa kaniya. Pero hindi pa rin kinilala ng mga Judiong lider na si Jesus ang Mesiyas. Gusto pa nga nilang patayin si Jesus at si Lazaro!—Juan 11:47, 48, 53; 12:9-11.
3 Alam ni Jesus na marami ang hindi maniniwalang siya ang Mesiyas. (Juan 5:39-44) Sinabi niya sa isang grupo ng mga alagad ni Juan Bautista: “Maligaya ang hindi nakakakita sa akin ng ikatitisod.” (Mat. 11:2, 3, 6, tlb.) Bakit napakaraming hindi naniwala kay Jesus?
4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
4 Sa artikulong ito at sa susunod na artikulo, susuriin natin ang ilang dahilan kung bakit marami ang hindi nanampalataya kay Jesus noong unang siglo. Tatalakayin din natin kung bakit hinahayaan ng marami ngayon na matisod sila. Higit sa lahat, aalamin natin kung bakit puwede tayong magkaroon ng matibay na pananampalataya kay Jesus para hindi tayo matisod.
(1) PINAGMULAN NI JESUS
5. Bakit kaya inisip ng ilan na imposibleng si Jesus ang inihulang Mesiyas?
5 Marami ang natisod dahil sa pinagmulan ni Jesus. Aminado silang mahusay magturo si Jesus at nakakagawa siya ng mga himala. Pero para sa kanila, anak lang siya ng isang hamak na karpintero. At mula siya sa Nazaret, isang lunsod na posibleng minamaliit noon. Kahit si Natanael, na naging alagad ni Jesus, ay nagsabi noong una: “Mayroon bang anumang mabuti na puwedeng manggaling sa Nazaret?” (Juan 1:46) Posibleng mababa ang tingin ni Natanael sa lunsod na pinagmulan ni Jesus. O baka iniisip niya ang hula sa Mikas 5:2, na nagsasabing ang Mesiyas ay ipapanganak sa Betlehem, hindi sa Nazaret.
6. Ano sana ang nakatulong sa mga tao noong panahon ni Jesus para matukoy nilang si Jesus ang Mesiyas?
6 Ano ang sinasabi ng Kasulatan? Inihula ni propeta Isaias na hindi magbibigay-pansin ang mga kaaway ni Jesus “sa mga detalye ng pinagmulan” ng Mesiyas. (Isa. 53:8) Marami sa mga detalyeng iyon ang inihula. Kung pinag-aralan lang nilang mabuti ang lahat ng impormasyon, nalaman sana nilang si Jesus ay ipinanganak sa Betlehem at inapo ni Haring David. (Luc. 2:4-7) Kaya ipinanganak si Jesus sa lugar na inihula sa Mikas 5:2. Ano ang naging problema? Napakabilis nilang gumawa ng konklusyon kahit hindi pa nila alam ang lahat ng detalye. Dahil dito, natisod sila.
7. Bakit marami sa ngayon ang hindi nakikinig sa bayan ni Jehova?
7 Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Sa kabuoan, ordinaryo lang ang bayan ni Jehova; itinuturing sila ng marami na “hindi nakapag-aral at pangkaraniwan.” (Gawa 4:13) Iniisip ng ilan na hindi puwedeng magturo ang bayan ng Diyos tungkol sa Bibliya dahil hindi naman sila nakapagtapos sa mga kilaláng teolohikal na paaralan. Sinasabi naman ng iba na ang mga Saksi ni Jehova ay “relihiyon ng mga Amerikano,” kahit na mga 1 lang sa 7 Saksi ni Jehova ang nakatira sa United States. May mga nagsasabi rin na hindi naniniwala ang mga Saksi kay Jesus. Sa paglipas ng mga taon, tinawag silang mga “Komunista,” “espiya ng Amerika,” at “ekstremista.” Dahil hindi alam o tinatanggap ng mga nakarinig ng mga kuwentong ito kung ano talaga ang totoo, natisod sila.
8. Ayon sa Gawa 17:11, ano ang dapat gawin ng mga tao kung gusto nilang matukoy kung sino ang mga lingkod ng Diyos ngayon?
8 Paano maiiwasan ng isa na matisod? Kailangang alamin ng mga tao kung ano ang totoo. Iyan ang ginawa ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas. Maingat niyang sinaliksik ‘ang lahat ng bagay mula sa pasimula at nakuha ang tumpak na impormasyon.’ Gusto niyang “matiyak [ng mga mambabasa] kung gaano katotoo” ang mga narinig nila tungkol kay Jesus. (Luc. 1:1-4) Ang mga Judio sa sinaunang Berea ay gaya ni Lucas. Nang una nilang marinig ang mabuting balita tungkol kay Jesus, tiningnan nila ang Hebreong Kasulatan para makasigurong totoo ang narinig nila. (Basahin ang Gawa 17:11.) Ganiyan din ang dapat gawin ng mga tao ngayon. Dapat nilang ikumpara sa sinasabi ng Kasulatan ang itinuturo sa kanila ng bayan ng Diyos. Kailangan din nilang pag-aralan ang mga nagawa ng bayan ni Jehova sa panahon natin. Kung gagawa sila ng tamang “background check,” hindi sila basta manghuhusga o maniniwala sa mga sabi-sabi.
(2) TUMANGGI SI JESUS NA GUMAWA NG MGA TANDA NA HINIHINGI NG MGA TAO
9. Ano ang nangyari nang tumanggi si Jesus na magpakita ng isang tanda mula sa langit?
9 Noong panahon ni Jesus, may mga hindi nakontento sa kamangha-manghang mga turo niya. Gusto pa nilang patunayan ni Jesus na siya ang Mesiyas at magpakita siya ng “isang tanda mula sa langit.” (Mat. 16:1) Posibleng dahil ito sa maling pagkaintindi nila sa Daniel 7:13, 14. Pero hindi pa iyon ang itinakdang panahon ni Jehova para matupad ang hulang iyan. Sa mga itinuturo pa lang ni Jesus, dapat sana ay nakumbinsi na silang siya ang Mesiyas. Nang tumanggi siyang ibigay ang tanda na hinihingi nila, natisod sila.—Mat. 16:4.
10. Paano tinupad ni Jesus ang isinulat ni Isaias tungkol sa Mesiyas?
10 Ano ang sinasabi ng Kasulatan? Tungkol sa Mesiyas, isinulat ni propeta Isaias: “Hindi siya sisigaw o maglalakas ng kaniyang tinig, at hindi niya iparirinig sa lansangan ang tinig niya.” (Isa. 42:1, 2) Sa pagmiministeryo ni Jesus, hindi niya hinangad na mapunta sa kaniya ang atensiyon ng mga tao. Hindi siya nagtayo ng magagarbong templo, nagsuot ng espesyal na kasuotang panrelihiyon, o nag-utos na lagyan ng mariringal na titulo ang pangalan niya. Noong nililitis si Jesus, hindi siya gumawa ng tanda para pahangain si Haring Herodes, mangahulugan man iyon ng buhay niya. (Luc. 23:8-11) Bago nito, gumawa rin naman si Jesus ng ilang himala, pero ang pinakamahalaga sa kaniya ay ang pangangaral ng mabuting balita. “Ito ang dahilan kung bakit ako dumating,” ang sabi niya sa mga alagad niya.—Mar. 1:38.
11. Ano ang maling mga ideya ng marami sa ngayon?
11 Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Sa ngayon, marami ang humahanga sa naglalakihang katedral na may mamahaling artwork, sa mga lider ng relihiyon na may mariringal na titulo, at sa mga seremonya na nakalimutan na ng marami ang pinagmulan at kahulugan. Pero may natututuhan ba tungkol sa Diyos at sa mga layunin niya ang mga nagpupunta sa kanilang relihiyosong pagtitipon? Ang mga dumadalo sa ating mga Kristiyanong pagpupulong ay natututo tungkol sa mga hinihiling sa atin ni Jehova at kung paano mamumuhay ayon sa kalooban niya. Ang ating mga Kingdom Hall ay malinis, praktikal, at hindi magarbo. Ang mga nangunguna ay hindi nagsusuot ng espesyal na kasuotang panrelihiyon at hindi gumagamit ng matatayog na titulo. Galing sa Salita ng Diyos ang ating mga turo at paniniwala. Pero natitisod pa rin ang marami kasi para sa kanila, napakasimple ng ating paraan ng pagsamba at ang itinuturo natin ay iba sa gusto nilang marinig.
12. Ayon sa Hebreo 11:1, 6, saan dapat nakabatay ang ating pananampalataya?
12 Paano natin maiiwasang matisod? Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Nagkakaroon lang ng pananampalataya kapag narinig ang mensahe; at naririnig ang mensahe kapag may nagsalita tungkol kay Kristo.” (Roma 10:17) Kaya nakabatay ang ating pananampalataya sa pag-aaral sa Kasulatan, hindi sa pakikibahagi sa di-makakasulatang mga seremonyang panrelihiyon, gaano man kagandang tingnan ang mga ito. Dapat tayong magkaroon ng matibay na pananampalataya batay sa tumpak na kaalaman, dahil “kung walang pananampalataya, imposibleng mapalugdan nang lubos ang Diyos.” (Basahin ang Hebreo 11:1, 6.) Kaya hindi na natin kailangang makakita ng kamangha-manghang tanda mula sa langit para patunayang natagpuan na natin ang katotohanan. Ang pag-aaral nang mabuti sa mga turo ng Bibliya na nakakapagpatibay ng pananampalataya ay sapat na para makumbinsi tayo at maalis ang anumang pagdududa.
(3) MARAMI SA TRADISYON NG MGA JUDIO ANG HINDI SINUNOD NI JESUS
13. Bakit marami ang galit kay Jesus?
13 Noong panahon ni Jesus, nagtataka ang mga alagad ni Juan Bautista dahil hindi nag-aayuno ang mga alagad ni Jesus. Ipinaliwanag ni Jesus na walang dahilan para mag-ayuno sila hangga’t buháy pa siya. (Mat. 9:14-17) Pero nagalit pa rin kay Jesus ang mga Pariseo at ang iba pang kumakalaban sa kaniya dahil hindi siya sumusunod sa kanilang mga kaugalian at tradisyon. Nagalit sila nang magpagaling siya sa araw ng Sabbath. (Mar. 3:1-6; Juan 9:16) Ipinagmamalaki nilang sinusunod nila ang kautusan tungkol sa Sabbath, pero okey lang sa kanila na magnegosyo sa templo. Nagalit sila nang kondenahin sila ni Jesus dahil dito. (Mat. 21:12, 13, 15) At galit na galit ang mga pinangaralan ni Jesus sa sinagoga sa Nazaret nang gumamit siya ng mga halimbawa mula sa kasaysayan ng Israel na nagpapakitang makasarili sila at walang pananampalataya. (Luc. 4:16, 25-30) Dahil iba sa inaasahan nila ang ginawa ni Jesus, marami ang natisod.—Mat. 11:16-19.
14. Bakit kinondena ni Jesus ang mga tradisyon ng tao na hindi kaayon ng Kasulatan?
14 Ano ang sinasabi ng Kasulatan? Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Lumalapit sa akin ang bayang ito sa pamamagitan ng bibig nila, at pinararangalan nila ako sa pamamagitan ng mga labi nila, pero malayong-malayo ang puso nila sa akin; at ang pagkatakot nila sa akin ay batay sa mga utos ng tao na itinuro sa kanila.” (Isa. 29:13) Tama lang na kondenahin ni Jesus ang mga tradisyon ng tao na hindi kaayon ng Kasulatan. Ang mga higit na nagpapahalaga sa mga batas at tradisyon ng tao kaysa sa Kasulatan ay nagtatakwil kay Jehova at sa isinugo niya bilang Mesiyas.
15. Bakit ayaw ng marami sa mga Saksi ni Jehova?
15 Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Marami ang nagagalit dahil hindi nagse-celebrate ang mga Saksi ni Jehova ng di-makakasulatang mga tradisyon gaya ng birthday at Christmas. Nagagalit naman ang iba dahil hindi nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa mga selebrasyong makabayan o hindi nila sinusunod ang mga kaugalian sa patay na hindi naaayon sa Salita ng Diyos. Natitisod sila, kasi baka iniisip nilang ang paraan ng pagsamba nila sa Diyos ang tama. Pero hindi nila mapapasaya ang Diyos kung mas pipiliin nilang sundin ang mga tradisyon ng tao kaysa sa malinaw na mga turo ng Bibliya.—Mar. 7:7-9.
16. Ayon sa Awit 119:97, 113, 163-165, ano ang dapat nating gawin at ang dapat nating iwasan?
16 Paano natin maiiwasang matisod? Dapat nating palalimin ang pag-ibig sa mga kautusan at prinsipyo ni Jehova. (Basahin ang Awit 119:97, 113, 163-165.) Kapag iniibig natin si Jehova, iiwasan natin ang anumang tradisyong hindi niya sinasang-ayunan. Hindi natin hahayaang may makahadlang sa pag-ibig natin kay Jehova.
(4) HINDI BINAGO NI JESUS ANG GOBYERNO NG TAO
17. Ano ang inaasahan ng marami noong panahon ni Jesus na ikinatisod nila?
17 Noong panahon ni Jesus, gusto ng ilan na magkaroon agad ng pagbabago sa gobyerno ng tao. Inaasahan nilang papalayain sila ng Mesiyas mula sa malupit na pamamahala ng Roma. Pero nang subukan nilang gawing hari si Jesus, tumanggi siya. (Juan 6:14, 15) Ang iba naman—kasama na ang mga saserdote—ay nag-alala na baka baguhin ni Jesus ang gobyerno at magalit ang mga Romano, na nagbigay ng kapangyarihan at awtoridad sa mga saserdoteng iyon. Dahil nababahala sila tungkol sa politika, maraming Judio ang natisod.
18. Anong mga hula sa Bibliya tungkol sa Mesiyas ang binale-wala ng marami?
18 Ano ang sinasabi ng Kasulatan? Maraming hula ang nagsasabing magiging matagumpay na Mandirigma ang Mesiyas, pero ipinapakita ng ibang mga hula na mamamatay muna siya para sa ating kasalanan. (Isa. 53:9, 12) Kaya bakit mali ang inaasahan nila? Noong panahon ni Jesus, binale-wala ng marami ang anumang hula na hindi nangangako ng agarang solusyon sa mga problema nila.—Juan 6:26, 27.
19. Ano ang inaasahan ng marami sa ngayon na ikinatisod nila?
19 Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Marami sa ngayon ang natitisod dahil neutral tayo pagdating sa politika. Inaasahan nilang boboto tayo sa eleksiyon. Pero para kay Jehova, kung pipili tayo ng isang taong lider na mamamahala sa atin, itinatakwil natin Siya. (1 Sam. 8:4-7) Iniisip din nila siguro na dapat tayong magtayo ng paaralan at ospital at magkawanggawa. Natitisod sila dahil nakapokus tayo sa pangangaral, hindi sa paglutas sa kasalukuyang problema ng mundo.
20. Gaya ng idiniin ni Jesus sa Mateo 7:21-23, saan tayo dapat nakapokus?
20 Paano natin maiiwasang matisod? (Basahin ang Mateo 7:21-23.) Dapat na nakapokus tayo sa gawaing iniutos ni Jesus. (Mat. 28:19, 20) Hindi tayo dapat mailihis ng mga isyu sa politika at lipunan ng sanlibutang ito. Mahal natin ang mga tao at iniisip natin ang mga problema nila, pero alam natin na ang pinakamagandang paraan ng pagtulong sa kapuwa ay ang turuan sila tungkol sa Kaharian ng Diyos at tulungan silang maging kaibigan ni Jehova.
21. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
21 Sa artikulong ito, tinalakay natin ang apat na dahilan kung bakit marami ang natisod noong unang siglo kung kaya tinanggihan nila si Jesus. Puwede ring iyan ang maging dahilan para tanggihan ng ilan sa ngayon ang mga tagasunod ni Jesus. Pero ang mga iyan lang ba ang dapat nating iwasan? Hindi. Sa susunod na artikulo, may apat na dahilan pa tayong tatalakayin. Maging determinado sana tayong huwag matisod at mapanatiling matibay ang ating pananampalataya!
AWIT 56 Manindigan Ka sa Katotohanan
a Si Jesus ang pinakadakilang Guro na nabuhay sa lupa, pero natisod sa kaniya ang karamihan noong panahon niya. Bakit? Tatalakayin natin sa artikulong ito ang apat na dahilan. Tatalakayin din natin kung bakit marami sa ngayon ang natitisod sa sinasabi at ginagawa ng tunay na mga tagasunod ni Jesus. Higit sa lahat, aalamin natin kung bakit puwede tayong magkaroon ng matibay na pananampalataya kay Jesus para hindi tayo matisod.
b LARAWAN: Sinasabi ni Felipe kay Natanael na lumapit kay Jesus.
c LARAWAN: Ipinapangaral ni Jesus ang mabuting balita.
d LARAWAN: Pinapagaling ni Jesus ang isang lalaking may tuyot na kamay habang nakatingin ang mga kumakalaban sa kaniya.
e LARAWAN: Mag-isang umaakyat si Jesus sa bundok.