Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pagpapakumbaba Noong Huling Paskuwa
SI Pedro at si Juan, na tumanggap ng tagubilin buhat kay Jesus, ay dumating na sa Jerusalem upang gumawa ng mga paghahanda para sa Paskuwa. Si Jesus, waring kasama ang sampung iba pang mga apostol, ay dumating nang bandang huli noong hapon. Ang araw ay palubog na samantalang si Jesus at ang kaniyang mga kasamahan ay pababa na sa Bundok ng Olibo at tatawid sa Libis ng Kidron. Ito ang huling pagmamasid ni Jesus sa siyudad samantalang araw hanggang sa pagkatapos na siya’y buhaying-muli.
Hindi nagtagal at si Jesus at ang kaniyang mga kasamahan ay dumating sa siyudad at sila’y naparoon sa tahanan kung saan ipagdiriwang nila ang Paskuwa. Sila’y umakyat sa hagdan patungo sa malaking silid sa itaas, na kung saan nadatnan nila na nagawa na ang lahat ng paghahanda para sa kanilang sarilinang pagdiriwang ng Paskuwa. Ang okasyong ito’y inasam-asam ni Jesus, gaya ng kaniyang sinasabi: “Pinakahahangad kong kanin na kasalo ninyo ang kordero ng paskuwang ito bago ako maghirap.”
Sa pagsunod sa kinaugalian na, apat na saro ng alak ang iniinom ng mga nakikibahagi sa Paskuwa. Pagkatapos tanggapin ang marahil ikatlong saro, si Jesus ay nagpapasalamat at nagsasabi: “Kunin ninyo ito at inyong ipagpasa-pasa sa inyu-inyo; sapagkat sinasabi ko sa inyo, Mula ngayon ay hindi na ako iinom ng bunga ng ubas hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos.”
Samantalang sila’y kumakain pa, tumindig si Jesus, nag-alis ng kaniyang kasuotang panlabas, kumuha ng isang tuwalya, at isang palanggana ang pinunô ng tubig. Pangkaraniwan, isasaayos ng maybahay na hugasan ang mga paa ng mga panauhin. Ngunit yamang nang okasyong ito ay wala roon ang maybahay, si Jesus ang nag-aasikaso ng ganitong personal na serbisyo. Sinuman sa mga apostol ay maaari sanang nagsamantala sa pagkakataon na gawin iyon; subalit, maliwanag na dahil sa mayroong medyo magkakaribal pa sa gitna nila, sino man ay hindi gumawa niyaon. Ngayon sila ay napahiya nang simulan na ni Jesus na hugasan na ang kanilang mga paa.
Nang dumating si Jesus sa kaniya, si Pedro ay tumutol: “Huwag mong huhugasan kailanman ang aking mga paa.”
“Maliban sa hugasan kita, hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin,” ang sabi ni Jesus.
“Panginoon,” ang tugon ni Pedro, “hindi ang mga paa ko lamang, kundi pati aking mga kamay at aking ulo.”
“Ang napaliguan na,” ang sagot ni Jesus, “ay walang kailangang hugasan maliban ang kaniyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. At kayong mga lalaki ay malilinis na, ngunit hindi ang lahat.” Kaniyang sinasabi ito sapagkat batid niya na si Judas Iscariote ay nagpaplano na ipagkanulo siya.
Nang mahugasan na ni Jesus ang paa ng lahat ng 12, kasali na ang mga paa ng magkakanulo sa kaniya, si Judas, kaniyang isinuot ang kaniyang panlabas na kasuotan at humilig uli sa mesa. Pagkatapos ay kaniyang itinanong: “Nalalaman baga ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag ninyo akong, ‘Guro,’ at, ‘Panginoon,’ at tama ang inyong sabi, sapagkat gayon nga ako. Samakatuwid, kung ako, na Panginoon at Guro, ay naghuhugas ng inyong mga paa, kayo man ay nararapat ding maghugas ng mga paa ng isa’t isa. Sapagkat kayo’y pinagpakitaan ko ng halimbawa, na, kung papaano ang ginawa ko sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon, ni ang sinugo man ay dakila kaysa nagsugo sa kaniya. Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maliligaya kayo kung ginagawa ninyo.”
Anong gandang aral ng mapakumbabang paglilingkod! Ang mga apostol ay hindi dapat maghangad ng pinakamataas na dako, sa pag-aakalang sila’y totoong importante kung kaya’t sila’y dapat laging paglingkuran ng iba. Kailangang tularan nila ang halimbawang ipinakita ni Jesus. Ito’y hindi isang rituwal na paghuhugas ng paa. Hindi, kundi ito’y isang kusang paglilingkod nang walang pagtatangi, gaano man kababa o di-kalugud-lugod ang isang gawain. Mateo 26:20, 21; Marcos 14:17, 18; Lucas 22:14-18; 7:44; Juan 13:1-17.
◆ Ano ang di-karaniwan tungkol sa pagmamasid ni Jesus sa Jerusalem habang siya’y pumapasok upang magdiwang ng Paskuwa?
◆ Samantalang ginaganap ang Paskuwa, maliwanag na anong saro ang ipinapasa ni Jesus sa 12 apostol pagkatapos bumigkas ng isang pagpapala?
◆ Anong personal na serbisyo ang kinaugaliang ibigay sa mga panauhin nang naririto si Jesus sa lupa, at bakit iyon hindi ginawa noong Paskuwa na ipinagdiwang ni Jesus at ng mga apostol?
◆ Ano ba ang layunin ni Jesus sa pagsasagawa ng mababang uri ng paglilingkod na paghuhugas sa mga paa ng kaniyang mga apostol?