PAGBIBITIN
Sa ilalim ng kautusang ibinigay ni Jehova sa Israel, maaaring ibitin sa tulos ang ilang kriminal matapos silang patayin, bilang “isinumpa ng Diyos,” anupat itinatanghal sa madla bilang isang babalang halimbawa. Ang isang taong patay na ibinitin sa gayong paraan ay ibababa bago gumabi at ililibing; kung iiwan siya sa tulos nang buong magdamag, durungisan nito ang lupa na ibinigay ng Diyos sa mga Israelita. (Deu 21:22, 23) Sinunod ng Israel ang alituntuning ito kahit hindi Israelita ang pinatay.—Jos 8:29; 10:26, 27.
Ang dalawang anak at limang apo ni Saul na ibinigay ni David sa mga Gibeonita upang patayin ay hindi inilibing bago gumabi. Iniwan ang mga ito sa labas mula sa pasimula ng pag-aani ng sebada (Marso-Abril) hanggang noong umulan, maliwanag na hanggang sa matapos ang kapanahunan ng pag-aani. Nang pagkakataong iyon, waring pinahintulutan ang mga Gibeonita na gumamit ng naiibang pamamaraan dahil nakagawa ng pambansang pagkakasala si Haring Saul nang ipapatay niya ang ilang Gibeonita, sa gayon ay nilabag niya ang pakikipagtipan ni Josue sa mga ito ilang siglo bago nito. (Jos 9:15) Dahil dito, pinangyari ng Diyos na dumanas ang lupain ng tatlong-taóng taggutom upang ipakita ang kaniyang galit. Kaya naman, iniwang nakalantad ang mga bangkay ng mga ibinitin hanggang sa ipahiwatig ni Jehova na naglubag na ang kaniyang poot sa pamamagitan ng pagpapaulan upang wakasan ang yugto ng tagtuyot. Nang magkagayon, ipinalibing ni David ang mga buto ng mga lalaking iyon, anupat pagkatapos nito ay “hinayaan ng Diyos na siya ay mapamanhikan alang-alang sa lupain.”—2Sa 21:1-14.
Iniuulat ng salaysay ng aklat ng Esther ang pagbibitin sa ilang tao. Sa bawat pagkakataon, iisang salitang Hebreo (ta·lahʹ, nangangahulugang “ibitin”) ang ginagamit. Espesipikong sinasabi na ang sampung anak ni Haman ay pinatay ng mga Judio, pagkatapos ay ibinitin ang mga ito nang sumunod na araw. (Es 9:7-10, 13, 14) Maliwanag na ang ibang ibinitin ay pinakitunguhan sa gayunding paraan, anupat ang kanilang mga bangkay ay itinaas at inihantad sa publiko sapagkat ang kanilang mga krimen ay mga pagkakasala laban sa hari. (Es 2:21-23; 7:9, 10) Gayunding salitang Hebreo ang ginamit upang tumukoy sa pagbibitin sa punong magtitinapay ni Paraon.—Gen 40:22; 41:13.
Karaniwan nang mas malupit ang mga bansang nakapalibot sa Israel kaysa sa mga Israelita sa kanilang mga paraan ng pagpaparusa at pagdusta sa mga pinatay. Nang mabihag ng mga hukbo ng Babilonya ang Jerusalem, may-kalupitan nilang pinarusahan ang mga taong mahal, anupat ibinitin ang ilan sa mga prinsipe “sa pamamagitan lamang ng kanilang kamay.”—Pan 5:12.
Si Jesu-Kristo ay ibinitin nang buháy, anupat ipinako sa isang tulos, sa utos ng pamahalaang Romano sa Palestina. (Ju 20:25, 27) Ipinaliliwanag ng apostol na si Pablo na napakahalaga sa mga Judio ng paraan ng pagkamatay ni Jesus, sapagkat “sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa na kapalit natin, sapagkat nasusulat: ‘Isinumpa ang bawat tao na nakabayubay sa tulos.’”—Gal 3:13; tingnan ang PAGBABAYUBAY.
Sa dalawang kaso ng pagpapatiwakal na napaulat sa Bibliya, pagbibigti, o pagbibitin ng kanilang sarili, ang pamamaraang ginamit ng mga nagpakamatay. Si Ahitopel, ang traidor na tagapayo ni David ay nagbigti (“ibinitin niya ang kaniyang sarili,” LXX). (2Sa 17:23) Naging makahula ang pagkilos ni Ahitopel hinggil sa isa sa mga apostol ni Jesus na naging traidor, si Hudas Iscariote. (Aw 41:9; Ju 13:18) Nagbigti rin si Hudas. (Mat 27:5) Lumilitaw na ang lubid, o marahil ang isang sanga ng punungkahoy kung saan nagbigti si Hudas, ay naputol, “at nang bumagsak siya nang patiwarik ay maingay na sumambulat ang kaniyang pinakaloob at ang lahat ng kaniyang bituka ay lumuwa.”—Gaw 1:18.