ARALIN 18
Kung Paano Makikilala ang mga Tunay na Kristiyano
Napakaraming tao ang nagsasabing Kristiyano sila. Pero iba-iba ang paniniwala nila, at hindi nila isinasabuhay ang mga itinuturo nila. Kaya paano natin malalaman kung sino ang mga tunay na Kristiyano?
1. Ano ang ibig sabihin ng pagiging Kristiyano?
Ang mga Kristiyano ay mga alagad, o tagasunod, ni Jesu-Kristo. (Basahin ang Gawa 11:26.) Paano nila pinapatunayan na mga alagad sila ni Jesus? Sinabi niya: “Kung lagi ninyong susundin ang aking salita, kayo ay talagang mga alagad ko.” (Juan 8:31) Ibig sabihin, dapat sinusunod ng mga tunay na Kristiyano ang mga turo ni Jesus. Laging ginagamit ni Jesus ang Kasulatan kapag nagtuturo. Ganiyan din ang mga tunay na Kristiyano, nakabase sa Bibliya ang mga paniniwala nila.—Basahin ang Lucas 24:27.
2. Paano nagpapakita ng pag-ibig ang mga tunay na Kristiyano?
Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya: “Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.” (Juan 15:12) Paano ipinakita ni Jesus na mahal niya ang mga alagad niya? Nagbigay siya ng panahon sa kanila. Pinatibay at tinulungan din niya sila. Ibinigay pa nga niya ang buhay niya para sa kanila. (1 Juan 3:16) Ipinapakita rin ng mga tunay na Kristiyano ang pag-ibig, hindi lang sa salita kundi sa gawa.
3. Anong gawain ang priyoridad ng mga tunay na Kristiyano?
Inutusan ni Jesus ang mga alagad niya na “ipangaral ang Kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:2) Hindi lang sa mga lugar ng pagsamba nangaral ang mga Kristiyano noon kundi pati na sa mga pampublikong lugar at sa bahay-bahay. (Basahin ang Gawa 5:42; 17:17.) Ipinapangaral din ng mga tunay na Kristiyano ngayon ang mga katotohanan sa Bibliya saanman may tao. Mahal nila ang kanilang kapuwa kaya masaya nilang ginagamit ang oras at lakas nila para sabihin sa iba ang mensahe ng Bibliya na nagbibigay ng pag-asa.—Marcos 12:31.
PAG-ARALAN
Alamin ang pagkakaiba ng mga tunay na Kristiyano sa mga taong hindi sumusunod sa turo at halimbawa ni Jesus.
4. Pinag-aaralan nilang mabuti ang mga katotohanan sa Bibliya
Hindi lahat ng nagsasabing Kristiyano sila ay sumusunod sa mga itinuturo ng Bibliya. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit hindi naituro ng ilang relihiyong Kristiyano ang mga turo ni Jesus?
Itinuro ni Jesus ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Basahin ang Juan 18:37. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ayon kay Jesus, paano natin makikilala ang mga Kristiyanong “nasa panig ng katotohanan”?
5. Ipinapangaral nila ang mga katotohanan sa Bibliya
Bago umakyat si Jesus sa langit, may ipinagawa siya sa mga tagasunod niya, at nagpapatuloy pa rin ito hanggang ngayon. Basahin ang Mateo 28:19, 20 at Gawa 1:8. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Hanggang kailan at hanggang saan ipapangaral ang mabuting balita?
6. Isinasabuhay nila ang mga itinuturo nila
Paano nakumbinsi si Tom na nakita na niya ang mga tunay na Kristiyano? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit nawalan ng gana sa relihiyon si Tom?
Bakit kumbinsido si Tom na nakita na niya ang katotohanan?
Mas mahalaga ang gawa kaysa sa salita. Basahin ang Mateo 7:21. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang mas mahalaga para kay Jesus—ang mga sinasabi nating pinapaniwalaan natin o ang mga ipinapakita ng ginagawa natin?
7. Mahal nila ang isa’t isa
Talaga bang isinasapanganib ng mga Kristiyano ang buhay nila para sa iba? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit handang isapanganib ni Lloyd ang buhay niya para kay Brother Johansson?
Sa tingin mo, tunay ba siyang Kristiyano?
Basahin ang Juan 13:34, 35. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Paano dapat pakitunguhan ng mga alagad ni Jesus (mga tunay na Kristiyano) ang mga hindi nila kalahi?
Paano nila ito ipapakita kapag may digmaan?
MAY NAGSASABI: “Hindi mahalaga kung ano ang relihiyon mo, basta nananampalataya ka kay Jesu-Kristo.”
Anong teksto ang gagamitin mo para ipakitang may kahilingan na dapat sundin ang mga tunay na Kristiyano?
SUMARYO
Sinusunod ng mga tunay na Kristiyano ang mga turo ng Bibliya. Nagpapakita sila ng mapagsakripisyong pag-ibig at ipinapangaral ang mga katotohanan sa Bibliya.
Ano ang Natutuhan Mo?
Saan nakabase ang paniniwala ng mga tunay na Kristiyano?
Anong katangian ang nagpapakilala sa mga tunay na Kristiyano?
Anong gawain ang priyoridad ng mga tunay na Kristiyano?
TINGNAN DIN
Kilalanin ang isang grupo na talagang sumusunod sa halimbawa at turo ni Jesu-Kristo.
Alamin kung paano nakita ng isang dating madre ang “pambuong-daigdig na kapatiran.”
“Ginamit Nila ang Bibliya Para Sagutin ang Bawat Tanong!” (Ang Bantayan, Abril 1, 2014)
Tingnan kung paano ipinapakita ng mga tunay na Kristiyano ang pag-ibig sa mga kapananampalataya nila kapag may sakuna.
Pagtulong sa mga Kapatid Kapag May Sakuna—Video Clip (3:57)
Sinabi ni Jesus kung paano makikilala ang mga tagasunod niya. Paano ito nasunod ng mga Kristiyano noon at ng mga tunay na Kristiyano ngayon?
“Ano ang mga Pagkakakilanlan ng Tunay na Kristiyano?” (Ang Bantayan, Marso 1, 2012)