PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Juan 14:6—“Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay”
“Sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.’”—Juan 14:6, Bagong Sanlibutang Salin.
“Sumagot si Jesus, ‘Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.’”—Juan 14:6, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Juan 14:6
Kung gusto ng isang tao na sambahin ang Ama, ang Diyos na Jehova,a dapat niyang kilalanin ang mahalagang papel ni Jesus.
“Ako ang daan.” Sa tulong ni Jesus, makalalapit sa Diyos ang mga tao. Halimbawa, kung mananalangin tayo sa Diyos, dapat nating gawin iyon sa pangalan ni Jesus. (Juan 16:23, 24) Dahil sa kamatayan ni Jesus, naging posible na magkaroon ang mga tao ng magandang kaugnayan sa Diyos. (Roma 5:8-11) Nagbigay din si Jesus ng halimbawa ng paggawi para sa mga taong gustong mapasaya ang Diyos.—Juan 13:15.
“Ako . . . ang katotohanan.” Palaging nagsasabi ng katotohanan si Jesus, at namuhay rin siya ayon dito. (1 Pedro 2:22) Puwedeng matuto ang isang tao tungkol sa Diyos kung makikinig siya kay Jesus. (Juan 8:31, 32) Si Jesus din “ang katotohanan” dahil tinupad niya ang mga hula sa Bibliya. Dahil sa kaniya, naging totoo ang mga pangako ng Diyos.—Juan 1:17; 2 Corinto 1:19, 20; Colosas 2:16, 17.
“Ako . . . ang buhay.” Ibinigay ni Jesus ang buhay niya para ang mga nananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16, 36) Siya rin “ang buhay” para sa mga namatay na, dahil bubuhayin niya silang muli.—Juan 5:28, 29; 11:25.
“Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Kung gusto ng isang tao na magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos, dapat niyang kilalanin ang mahalagang papel ni Jesus. Dapat siyang manalangin sa Diyos sa pangalan ni Jesus para ipakitang kinikilala niya ang awtoridad ni Jesu-Kristo. (Juan 15:16) Kinikilala rin niya na posible lang ang kaligtasan dahil kay Jesus.—Gawa 4:12; Filipos 2:8-11.
Konteksto ng Juan 14:6
Sa Juan kabanata 13 hanggang 17, mababasa ang payo ni Jesus sa 11 niyang tapat na apostol noong gabi bago siya mamatay. Sa kabanata 14, pinatibay ni Jesus ang mga alagad niya na manampalataya sa kaniya at sa kaniyang Ama, at pinasigla rin niya ang mga ito na mahalin at sundin sila. (Juan 14:1, 12, 15-17, 21, 23, 24) Ipinaalám din niya sa kanila ang malapít na kaugnayan niya sa kaniyang Ama. (Juan 14:10, 20, 28, 31) Kahit malapit na siyang bumalik sa langit, tiniyak ni Jesus sa mga alagad niya na hindi niya sila iiwan. (Juan 14:18) Pinangakuan din niya sila ng “katulong,” at sinabing ito “ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko.” (Juan 14:25-27) Sa tulong ng mga ito at ng iba pang paraan, inihanda ni Jesus ang mga tagasunod niya sa mga pagsubok na mapapaharap sa kanila.