Ituon ang Pansin sa mga Nagawa Na ni Jehova Para sa Iyo
HINDI pa natatagalan matapos buhaying muli si Jesus, dalawa sa kaniyang mga alagad ang naglalakad mula sa Jerusalem patungong Emaus. “Habang nag-uusap sila at nagtatalo,” ayon sa Ebanghelyo ni Lucas, “si Jesus mismo ay lumapit at nagsimulang lumakad na kasama nila; ngunit ang kanilang mga mata ay napipigilan upang hindi siya makilala.” Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila: “‘Ano itong mga bagay na pinagtatalunan ninyo sa isa’t isa habang kayo ay naglalakad?’ At huminto sila na may malulungkot na mukha.” Bakit kaya sila nalulungkot? Iniisip ng mga alagad na palalayain na ni Jesus ang Israel mula sa pamumuno ng mga Gentil, pero hindi nangyari ang kanilang inaasahan. Sa halip, pinatay si Jesus. Iyan ang dahilan kung bakit sila nalulungkot.—Luc. 24:15-21; Gawa 1:6.
Nagpaliwanag si Jesus sa dalawang alagad. “Pasimula kay Moises at sa lahat ng mga Propeta ay binigyang-kahulugan niya sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan.” Totoo naman, maraming mahalaga at nakapagpapatibay na pangyayari ang naganap noong panahon ng ministeryo ni Jesus! Habang nakikinig sila sa kaniya, ang kanilang kalungkutan ay napalitan ng kagalakan. Kinagabihan, sinabi nila: “Hindi ba nagniningas ang ating mga puso habang nagsasalita siya sa atin sa daan, habang lubusan niyang binubuksan ang Kasulatan sa atin?” (Luc. 24:27, 32) Ano ang matututuhan natin sa naging reaksiyon ng mga alagad ni Jesus?
Ano ang Epekto Kapag ang Inaasam Natin ay Hindi Pa Natutupad?
Malungkot ang dalawang alagad na iyon dahil ang mga inaasahan nila ay hindi pa nagaganap. Naranasan nila ang sinasabi sa Kawikaan 13:12: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” Maaaring ganiyan din ang nadarama ng ilan sa atin na matagal nang tapat na naglilingkod kay Jehova. Baka iniisip nilang dapat sana’y nangyari na ang “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21; Apoc. 7:14) Natural lang naman na makadama ng lungkot kung minsan kapag ang inaasam ay hindi pa natutupad.
Pero alalahanin na nanumbalik ang kagalakan ng dalawang alagad nang tulungan sila ni Jesus na magtuon ng pansin sa mga hulang natupad na, anupat ang ilan ay naganap noon mismong panahon nila. Kung doon din tayo magtutuon ng pansin, mapananatili natin ang ating kagalakan at mapaglalabanan ang pagkasira ng loob. Sinabi ni Michael na isang makaranasang elder: “Huwag magtuon ng pansin sa mga hindi pa ginagawa ni Jehova. Sa halip, ituon ang pansin sa mga nagawa na niya.” Napakaganda ngang payo!
Ang mga Nagawa Na ni Jehova
Pag-isipan ang ilang kamangha-manghang bagay na nagawa na ni Jehova. Sinabi ni Jesus: “Siya na nananampalataya sa akin, ang isa ring iyon ay gagawa ng mga gawa na aking ginagawa; at siya ay gagawa ng mga gawa na mas dakila kaysa sa mga ito.” (Juan 14:12) Ngayon higit kailanman, isinasagawa ng mga lingkod ng Diyos ang pinakadakilang mga gawang Kristiyano. Mahigit nang pitong milyon katao ang umaasam na makaligtas sa malaking kapighatian. Isipin iyan, ngayon lang nangyari na gayon karaming lingkod ni Jehova ang aktibo sa napakaraming lupain sa buong mundo! Oo, pinangyari ni Jehova na matupad ang hula ni Jesus tungkol sa “mga gawa na mas dakila kaysa sa mga ito.”
Ano pa ang nagawa na ni Jehova para sa atin? Gumawa siya ng paraan para ang tapat-pusong mga tao ay makalabas mula sa masamang sanlibutan tungo sa espirituwal na paraisong ginawa niya. (2 Cor. 12:1-4) Bulay-bulayin ang ilang pitak ng paraisong iyon na inilaan sa atin. Halimbawa, tingnan ang iyong aklatan o ang aklatan sa Kingdom Hall. Buklatin ang Watch Tower Publications Index, o i-browse ang Watchtower Library. Pakinggan ang rekording ng isang drama sa Bibliya. Sariwain sa isip ang mga narinig mo at nakita sa isang katatapos na kombensiyon. Isipin din ang ating masayang pakikipagsamahan sa mga kapatid. Napakabukas-palad ni Jehova sa paglalaan sa atin ng saganang espirituwal na pagkain at ng maibiging kapatiran—isa ngang espirituwal na paraiso!
Sinabi ng salmistang si David: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin.” (Awit 40:5) Oo, kung itutuon natin ang pansin sa kamangha-manghang mga bagay na nagawa na ni Jehova para sa atin at bubulay-bulayin ang pagmamahal niya sa atin, mapatitibay tayong magbata habang buong-puso tayong naglilingkod sa ating makalangit na Ama, si Jehova.—Mat. 24:13.
[Larawan sa pahina 31]
Tinulungan ni Jesus ang mga alagad na ituon ang pansin sa mga nagawa na ni Jehova para sa kanila
[Mga larawan sa pahina 32]
Sariwain sa isip ang mga narinig mo at nakita sa isang katatapos na kombensiyon