KABANATA 119
Si Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
AALIS SI JESUS PARA MAGHANDA NG LUGAR
PINANGAKUAN NIYA ANG MGA ALAGAD NG ISANG KATULONG
MAS DAKILA ANG AMA KAYSA KAY JESUS
Sa silid sa itaas, pagkatapos ng hapunan ng memoryal, pinatibay ni Jesus ang mga apostol: “Huwag mabagabag ang mga puso ninyo. Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin.”—Juan 13:36; 14:1.
May sinabi si Jesus sa tapat na mga apostol para hindi sila mag-alala sa pag-alis niya: “Maraming tirahan sa bahay ng Ama ko . . . Kapag nakaalis ako at nakapaghanda ng lugar para sa inyo, babalik ako at isasama ko kayo sa aking bahay, para kung nasaan ako ay nandoon din kayo.” Pero hindi nila naintindihan na tungkol sa pagpunta sa langit ang sinasabi niya. Nagtanong si Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”—Juan 14:2-5.
“Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay,” ang sagot ni Jesus. Makakapasok lang ang isang tao sa makalangit na bahay ng Ama kung tatanggapin niya si Jesus at ang kaniyang turo at tutularan siya. Sinabi ni Jesus: “Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”—Juan 14:6.
Si Felipe, na nakikinig nang mabuti, ay nagsabi: “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama at sapat na iyon sa amin.” Tila gusto ni Felipe ng tanda ng presensiya ng Diyos, gaya ng sa pangitain nina Moises, Elias, at Isaias. Pero higit pa sa mga pangitaing iyon ang nasa harapan ng mga apostol. Itinampok ito ni Jesus sa sinabi niya: “Nakasama na ninyo ako nang mahabang panahon, pero hindi mo pa rin ba ako kilala, Felipe? Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” Lubusang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama, at yamang nakasama nila si Jesus, para na rin nilang nakita ang Ama. Siyempre, mas dakila ang Ama kaysa sa Anak, at makikita ito sa sinabi ni Jesus: “Ang mga sinasabi ko sa inyo ay hindi mula sa sarili ko.” (Juan 14:8-10) Nakita ng mga apostol na kinikilala ni Jesus na ang mga itinuturo niya ay galing sa kaniyang Ama.
Nakita ng mga apostol ang mga himala ni Jesus at narinig ang pangangaral niya tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sinabi ngayon ni Jesus: “Ang nananampalataya sa akin ay gagawa rin ng mga ginagawa ko; at ang mga gagawin niya ay makahihigit sa mga ito.” (Juan 14:12) Hindi ibig sabihin ni Jesus na hihigitan nila ang mga himala niya. Pero makapangangaral at makapagtuturo sila nang mas mahabang panahon, sa mas malalayong lugar, at sa mas maraming tao.
Aalis si Jesus, pero hindi niya sila pababayaan. Nangako siya: “Kung hihingi kayo ng anuman sa pangalan ko, ibibigay ko iyon.” Sinabi pa niya: “Hihiling ako sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong para makasama ninyo magpakailanman, ang espiritu ng katotohanan.” (Juan 14:14, 16, 17) Tiniyak niya sa kanila na tatanggap sila ng banal na espiritu, na magiging katulong nila. Nangyari iyan noong araw ng Pentecostes.
“Sandali na lang,” ang sabi ni Jesus, “at hindi na ako makikita ng mundo, pero makikita ninyo ako dahil nabubuhay ako at mabubuhay kayo.” (Juan 14:19) Hindi lang magpapakita si Jesus sa kanila matapos siyang buhaying muli kundi sa kalaunan, sila rin ay bubuhayin niyang muli bilang espiritu sa langit para makasama niya.
Isang simpleng katotohanan ang binanggit ngayon ni Jesus: “Ang nagmamahal sa akin ay ang tumatanggap sa mga utos ko at sumusunod sa mga iyon. At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng Ama ko, at mamahalin ko siya at lubusan kong ipapakilala sa kaniya ang sarili ko.” Nagtanong ang apostol na si Hudas, na tinatawag ding Tadeo: “Panginoon, bakit sa amin mo na lang lubusang ipapakilala ang sarili mo at hindi na sa sangkatauhan?” Sumagot si Jesus: “Kung ang sinuman ay nagmamahal sa akin, tutuparin niya ang aking salita, at iibigin siya ng aking Ama . . . Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita.” (Juan 14:21-24) Di-tulad ng kaniyang mga tagasunod, hindi kinilala ng mga tao si Jesus bilang ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.
Pag-alis ni Jesus, paano maaalala ng mga alagad ang lahat ng itinuro niya sa kanila? Sinabi ni Jesus: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko, ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.” Nakita na ng mga alagad ang kapangyarihan ng banal na espiritu kaya napatibay sila ng sinabi ni Jesus. Idinagdag ni Jesus: “Ang kapayapaang ibinibigay ko sa inyo ay mananatili sa inyo. . . . Huwag kayong mag-alala o matakot.” (Juan 14:26, 27) Kaya hindi dapat matakot ang mga alagad—papatnubayan sila at poprotektahan ng Ama ni Jesus.
Malapit nang makita ang katibayan ng proteksiyon ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Ang tagapamahala ng mundo ay dumarating, at wala siyang kontrol sa akin.” (Juan 14:30) Nakontrol ng Diyablo si Hudas. Pero hindi kayang kontrolin ni Satanas si Jesus dahil wala siyang kahinaan na puwedeng gamitin ni Satanas para italikod siya sa Diyos. At hindi rin magagamit ng Diyablo ang kamatayan para hadlangan si Jesus. Bakit? Sinabi ni Jesus: “Ginagawa ko ang mismong iniutos sa akin ng Ama.” Nakatitiyak siyang bubuhayin siyang muli ng kaniyang Ama.—Juan 14:31.