-
Ang Espiritu ni Jehova ang Pumapatnubay sa Kaniyang BayanAng Bantayan—1992 | Setyembre 15
-
-
Kung Papaano Tumutulong ang Espiritu
9. (a) Papaanong ang banal na espiritu ay nagsisilbing “tagatulong”? (b) Papaano natin nalalaman na ang banal na espiritu ay hindi isang persona? (Tingnan ang talababa.)
9 Isang “tagatulong” ang tawag ni Jesu-Kristo sa banal na espiritu. Halimbawa, sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Ako’y hihingi sa Ama at kaniyang bibigyan kayo ng isa pang tagatulong upang sumainyo magpakailanman, ang espiritu ng katotohanan, na hindi matatanggap ng sanlibutan, sapagkat hindi nakikita iyon ni nakikilala man nito. Nakikilala ninyo iyon, sapagkat tumatahan iyon sa inyo at sumasainyo.” Bukod sa iba pang bagay, ang “tagatulong” na iyon ay magiging isang tagapagturo, sapagkat ipinangako ni Kristo: “Ang tagatulong, ang banal na espiritu, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, ang isang ito ang magtuturo ng lahat ng bagay at magpapaalaala sa inyo ng lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” Ang espiritu ay magpapatotoo rin tungkol kay Kristo, at tiniyak sa kaniyang mga alagad: “Sa ikabubuti ninyo kung kaya ako aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, ang tagatulong ay sa anumang paraan hindi paparito sa inyo; ngunit kung ako’y yumaon, siya’y susuguin ko sa inyo.”—Juan 14:16, 17, 26; 15:26; 16:7.a
10. Sa anong mga paraan napatunayang ang banal na espiritu ay isang tagatulong?
10 Mula sa langit, ibinuhos ni Jesus ang ipinangakong banal na espiritu sa kaniyang mga tagasunod nang araw ng Pentecostes noong 33 C.E. (Gawa 1:4, 5; 2:1-11) Bilang isang tagatulong, ang espiritu ay nagbigay sa kanila ng karagdagang unawa sa kalooban at layunin ng Diyos at ipinaunawa sa kanila ang kaniyang makahulang Salita. (1 Corinto 2:10-16; Colosas 1:9, 10; Hebreo 9:8-10) Ang katulong na iyan ay nagkaloob din ng kapangyarihan sa mga alagad ni Jesus upang maging mga saksi sa buong lupa. (Lucas 24:49; Gawa 1:8; Efeso 3:5, 6) Ngayon, ang banal na espiritu ay makatutulong sa isang nag-alay na Kristiyano upang lumaki sa kaalaman kung kaniyang gagamitin ang espirituwal na mga paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Ang espiritu ng Diyos ay makatutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng tibay-loob at lakas na kailangan upang makapagbigay ng patotoo bilang isa sa mga lingkod ni Jehova. (Mateo 10:19, 20; Gawa 4:29-31) Gayunman, ang banal na espiritu ay tumutulong din sa bayan ng Diyos sa mga ibang paraan.
-
-
Ang Espiritu ni Jehova ang Pumapatnubay sa Kaniyang BayanAng Bantayan—1992 | Setyembre 15
-
-
a Bagaman tinutukoy na nasa anyong persona bilang isang “tagatulong,” ang banal na espiritu ay hindi isang persona, sapagkat isang Griegong pambalaking panghalip (isinaling “iyon”) ang ginagamit para sa espiritu. Ang Hebreong panghalip na pambabae ay ginagamit din sa karunungan na nasa anyong persona. (Kawikaan 1:20-33; 8:1-36) Isa pa, ang banal na espiritu ay “ibinuhos,” na hindi magagawa sa isang persona.—Gawa 2:33.
-