Ihayag ng Lahat ang Kaluwalhatian ni Jehova
“Mag-ukol kayo kay Jehova ng kaluwalhatian at lakas. Mag-ukol kayo kay Jehova ng kaluwalhatiang nararapat sa kaniyang pangalan.”—AWIT 96:7, 8.
1, 2. Saan nagmumula ang papuring iniuukol kay Jehova, at sinu-sino ang hinihimok na makisali rito?
SI David, ang anak ni Jesse, ay lumaki bilang isang binatilyong pastol sa kapaligiran ng Betlehem. Malamang na madalas niyang masdan ang pagkalawak-lawak at mabituing kalangitan sa katahimikan ng gabi habang binabantayan ang mga kawan ng kaniyang ama sa malungkot na mga pastulang iyon ng tupa! Walang alinlangan, naalaala niya ang gayong malilinaw na larawan nang kathain at awitin niya, sa ilalim ng pagkasi ng banal na espiritu ng Diyos, ang magagandang pananalita sa ika-19 na Awit: “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan. Sa buong lupa ay lumabas ang kanilang pising panukat, at ang kanilang mga pananalita ay hanggang sa dulo ng mabungang lupain.”—Awit 19:1, 4.
2 Bagaman walang pananalita, walang mga kataga, at walang tinig, ang langit na nilalang ni Jehova sa kagila-gilalas na paraan ay naghahayag ng kaniyang kaluwalhatian, araw-araw, gabi-gabi. Hindi humihinto ang sangnilalang sa paghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos, at nakapanliliit na muni-munihin na itinatanghal ang tahimik na patotoong ito sa “buong lupa” para makita ng lahat ng naninirahan dito. Gayunman, hindi sapat ang tahimik na patotoo ng sangnilalang. Hinihimok ang tapat na mga tao na sumali sa pagpapatotoo na ginagamit ang kanilang tinig. Sinabi ng isang di-pinanganlang salmista sa tapat na mga mananamba ang kinasihang mga salitang ito: “Mag-ukol kayo kay Jehova ng kaluwalhatian at lakas. Mag-ukol kayo kay Jehova ng kaluwalhatiang nararapat sa kaniyang pangalan.” (Awit 96:7, 8) Yaong mga may malapít na kaugnayan kay Jehova ay nananabik na tumugon sa paghimok na iyan. Subalit ano ba ang nasasangkot sa pag-uukol ng kaluwalhatian sa Diyos?
3. Bakit nag-uukol ng kaluwalhatian sa Diyos ang mga tao?
3 Hindi lamang mga salita ang kailangan dito. Ang mga Israelita noong panahon ni Isaias ay lumuwalhati sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga labi, ngunit ang karamihan ay hindi taimtim. Sa pamamagitan ni Isaias, sinabi ni Jehova: “Lumapit ang bayang ito sa pamamagitan ng kanilang bibig, at niluwalhati nila ako sa pamamagitan lamang ng kanilang mga labi, at lubusan nilang inilayo sa akin ang kanilang puso.” (Isaias 29:13) Anumang papuri na binigkas ng gayong mga indibiduwal ay walang kabuluhan. Upang maging makabuluhan, ang papuri ay dapat magmula sa pusong lipos ng pag-ibig kay Jehova at sa taimtim na pagkilala sa kaniyang natatanging kaluwalhatian. Si Jehova lamang ang Maylalang. Siya ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang Isa na Makatarungan, ang pinakalarawan ng pag-ibig. Siya ang pinagmumulan ng ating kaligtasan at ang karapat-dapat na Soberano na sa kaniya ay nararapat magpasakop ang lahat ng nabubuhay sa langit at sa lupa. (Apocalipsis 4:11; 19:1) Kung talagang pinaniniwalaan natin ang mga bagay na ito, luwalhatiin natin siya nang buong puso.
4. Anong mga tagubilin ang ibinigay ni Jesus hinggil sa kung paano luluwalhatiin ang Diyos, at paano natin matutupad ang mga ito?
4 Sinabi sa atin ni Jesu-Kristo kung paano luluwalhatiin ang Diyos. Sinabi niya: “Ang aking Ama ay naluluwalhati rito, na patuloy kayong namumunga ng marami at pinatutunayan ninyong kayo ay aking mga alagad.” (Juan 15:8) Paano tayo namumunga nang marami? Una, sa pamamagitan ng buong-pusong pakikibahagi sa pangangaral ng “mabuting balita ng kaharian” at sa gayo’y nakikisali sa lahat ng nilalang sa ‘pagsasaysay’ sa “di-nakikitang mga katangian” ng Diyos. (Mateo 24:14; Roma 1:20) Bukod dito, sa ganitong paraan ay may bahagi tayong lahat—tuwiran man o di-tuwiran—sa paggawa ng bagong mga alagad na nagpaparami sa koro na pumupuri sa Diyos na Jehova. Ikalawa, nililinang natin ang mga bungang iniluluwal sa atin ng banal na espiritu at sinisikap na tularan ang napakahuhusay na katangian ng Diyos na Jehova. (Galacia 5:22, 23; Efeso 5:1; Colosas 3:10) Bilang resulta, ang ating araw-araw na paggawi ay lumuluwalhati sa Diyos.
“Sa Buong Lupa”
5. Ipaliwanag kung paano idiniin ni Pablo ang pananagutan ng mga Kristiyano na luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang pananampalataya sa iba.
5 Idiniin ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma ang pananagutan ng mga Kristiyano na luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang pananampalataya sa iba. Ang isang pangunahing tema ng aklat ng Roma ay na tanging ang mga nananampalataya kay Jesu-Kristo ang maliligtas. Sa kabanata 10 ng kaniyang liham, ipinakita ni Pablo na ang likas na Israel noong kaniyang panahon ay nagsisikap pa ring magtamo ng matuwid na katayuan sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusang Mosaiko, gayong “si Kristo ang wakas ng Kautusan.” Kaya naman, sinabi ni Pablo: “Kung hayagan mong sinasabi yaong ‘salita sa iyong sariling bibig,’ na si Jesus ay Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na ibinangon siya ng Diyos mula sa mga patay, ikaw ay maliligtas.” Mula noong panahong iyon, “[wala nang naging] pagkakaiba ang Judio at ang Griego, sapagkat may iisang Panginoon sa lahat, na mayaman sa lahat niyaong mga tumatawag sa kaniya. Sapagkat ‘ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’ ”—Roma 10:4, 9-13.
6. Paano ikinapit ni Pablo ang Awit 19:4?
6 Pagkatapos, makatuwirang itinanong ni Pablo: “Paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? Paano naman sila mananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral?” (Roma 10:14) Tungkol sa Israel, sinabi ni Pablo: “Hindi lahat sa kanila ay sumunod sa mabuting balita.” Bakit hindi sumunod ang Israel? Ang kanilang hindi pagtugon ay bunga ng kawalan ng pananampalataya, hindi ng kawalan ng pagkakataon. Ipinakikita ito ni Pablo sa pamamagitan ng pagsipi sa Awit 19:4 at pagkakapit nito sa Kristiyanong gawaing pangangaral sa halip na sa tahimik na patotoo ng sangnilalang. Sinabi niya: “Aba, sa katunayan, ‘sa buong lupa ay lumabas ang kanilang tinig, at hanggang sa mga dulo ng tinatahanang lupa ang kanilang mga pananalita.’ ” (Roma 10:16, 18) Oo, kung paanong ang walang-buhay na nilalang ay lumuluwalhati kay Jehova, ang unang-siglong mga Kristiyano ay nangaral ng mabuting balita ng kaligtasan saanman at sa gayon ay pinuri ang Diyos “sa buong lupa.” Sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas, inilarawan din ni Pablo kung gaano kalawak lumaganap ang mabuting balita. Sinabi niya na naipangaral ang mabuting balita “sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.”—Colosas 1:23.
Masisigasig na Saksi
7. Ayon kay Jesus, ano ang pananagutan ng mga Kristiyano?
7 Malamang na isinulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga taga-Colosas pagkalipas ng mga 27 taon mula nang mamatay si Jesu-Kristo. Paano lumaganap ang gawaing pangangaral hanggang sa Colosas sa gayon lamang kaikling panahon? Nangyari ito dahil naging masisigasig ang unang-siglong mga Kristiyano, at pinagpala ni Jehova ang kanilang sigasig. Inihula ni Jesus na magiging aktibong mángangarál ang kaniyang mga tagasunod nang sabihin niya: “Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.” (Marcos 13:10) Sa hulang iyon, idinagdag ni Jesus ang utos na nakaulat sa huling mga talata ng Ebanghelyo ni Mateo: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Di-nagtagal matapos umakyat sa langit si Jesus, sinimulang tuparin ng kaniyang mga tagasunod ang mga salitang iyon.
8, 9. Ayon sa Mga Gawa, paano tumugon ang mga Kristiyano sa mga utos ni Jesus?
8 Pagkatapos ng pagbubuhos ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E., ang unang ginawa ng matapat na mga tagasunod ni Jesus ay ang humayo at mangaral, anupat sinasabi sa mga pulutong sa Jerusalem ang “tungkol sa mariringal na mga bagay ng Diyos.” Napakabisa ng kanilang pangangaral, at “mga tatlong libong kaluluwa” ang nabautismuhan. Ang mga alagad ay patuloy na pumuri sa Diyos nang hayagan at may kasigasigan, na nagbunga naman ng mabuti.—Gawa 2:4, 11, 41, 46, 47.
9 Di-nagtagal ay napansin ng mga lider ng relihiyon ang mga gawain ng mga Kristiyanong iyon. Palibhasa’y nabagabag sa pagkatahasan nina Pedro at Juan, inutusan nila ang dalawang apostol na huminto sa pangangaral. Tumugon ang mga apostol: “Hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” Pagkatapos pagbantaan at palayain, nagbalik sina Pedro at Juan sa kanilang mga kapatid, at ang lahat ay sama-samang nanalangin kay Jehova. Lakas-loob nilang hiniling kay Jehova: “Ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuloy na salitain ang iyong salita nang buong katapangan.”—Gawa 4:13, 20, 29.
10. Anong pagsalansang ang nagsimulang mahayag, at paano tumugon ang tunay na mga Kristiyano?
10 Ang panalanging iyan ay kasuwato ng kalooban ni Jehova, gaya ng naging maliwanag nang maglaon. Ang mga apostol ay inaresto at pagkatapos ay makahimalang pinalaya ng isang anghel. Sinabi ng anghel sa kanila: “Humayo kayo, at, pagtayo ninyo sa templo, patuloy ninyong salitain sa mga tao ang lahat ng mga pananalita tungkol sa buhay na ito.” (Gawa 5:18-20) Dahil sumunod ang mga apostol, patuloy silang pinagpala ni Jehova. Kaya naman, “bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42) Maliwanag, lubos na walang nagawa ang determinadong pagsalansang upang pahintuin ang mga tagasunod ni Jesus sa hayagang pag-uukol ng kaluwalhatian sa Diyos.
11. Ano ang saloobin ng sinaunang mga Kristiyano sa gawaing pangangaral?
11 Di-nagtagal ay inaresto si Esteban at pinagbabato hanggang sa mamatay. Ang pagpaslang sa kaniya ay pumukaw ng matinding pag-uusig sa Jerusalem, at ang lahat ng mga alagad maliban sa mga apostol ay napilitang mangalat. Sila ba’y nasiraan ng loob dahil sa pag-uusig? Hinding-hindi. Mababasa natin: “Yaong mga nangalat ay lumibot sa lupain na ipinahahayag ang mabuting balita ng salita.” (Gawa 8:1, 4) Ang sigasig na iyon sa paghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ay nakita nang paulit-ulit. Sa Gawa kabanata 9, mababasa natin na ang Pariseong si Saul ng Tarso, samantalang naglalakbay patungong Damasco upang pasimulan ang pag-uusig sa mga alagad ni Jesus doon, ay nakakita ng isang pangitain tungkol kay Jesus at nabulag. Sa Damasco, makahimalang pinagaling ni Ananias ang pagkabulag ni Saul. Ano ang unang ginawa ni Saul—na nang maglaon ay nakilala bilang si apostol Pablo? Sinasabi ng ulat: “Sa mga sinagoga ay kaagad niyang pinasimulang ipangaral si Jesus, na ang Isang ito ang Anak ng Diyos.”—Gawa 9:20.
Ang Bawat Isa ay Nakibahagi sa Pangangaral
12, 13. (a) Ayon sa mga istoryador, ano ang kapansin-pansin sa sinaunang kongregasyong Kristiyano? (b) Paano nakakasuwato ng aklat ng Mga Gawa at ng mga salita ni Pablo ang mga sinabi ng mga istoryador?
12 Kinikilala nang malawakan na ang bawat isa sa sinaunang kongregasyong Kristiyano ay nakibahagi sa gawaing pangangaral. Tungkol sa mga Kristiyano noong mga araw na iyon, sumulat si Philip Schaff: “Ang bawat kongregasyon ay samahan ng mga misyonero, at ang bawat mananampalatayang Kristiyano ay misyonero.” (History of the Christian Church) Sinabi ni W. S. Williams: “Ang pangkalahatang patotoo ay na ang lahat ng mga Kristiyano sa sinaunang Simbahan, lalo na yaong may karismatikong kaloob [mga kaloob ng espiritu], ay nangaral ng ebanghelyo.” (The Glorious Ministry of the Laity) Iginiit pa niya: “Ang pangangaral ay hindi kailanman nilayon ni Jesu-Kristo na maging pantanging pribilehiyo ng iilang may tungkulin sa ministeryo.” Maging si Celsus, isang sinaunang kaaway ng Kristiyanismo, ay sumulat: “Ang mga manggagawa ng lana, sapatero, mangungulti, ang pinakamangmang at pinakakaraniwan sa sangkatauhan, ay masisigasig na mángangarál ng ebanghelyo.”
13 Ipinakikita ng makasaysayang ulat ng Mga Gawa na tumpak ang mga pangungusap na iyon. Noong Pentecostes 33 C.E., pagkatapos ng pagbubuhos ng banal na espiritu, hayagang ipinahayag ng lahat ng mga alagad, mga lalaki at babae, ang mariringal na mga bagay ng Diyos. Pagkatapos ng pag-uusig na sumiklab pagkaraang patayin si Esteban, ang lahat ng mga Kristiyano na nangalat ay malawakang nagpalaganap ng mabuting balita. Pagkalipas ng mga 28 taon, sumulat si Pablo sa lahat ng Hebreong Kristiyano, hindi lamang sa kakaunting uring klero, nang sabihin niya: “Sa pamamagitan niya ay lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Sa paglalarawan sa kaniyang sariling pangmalas sa gawaing pangangaral, sinabi ni Pablo: “Ngayon, kung ipinapahayag ko ang mabuting balita, hindi dahilan iyon upang maghambog ako, sapagkat ang pangangailangan ay iniatang sa akin. Tunay nga, sa aba ko kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!” (1 Corinto 9:16) Maliwanag, gayundin ang nadama ng lahat ng tapat na mga Kristiyano noong unang siglo.
14. Ano ang kaugnayan ng pananampalataya at pangangaral?
14 Sa katunayan, ang isang tunay na Kristiyano ay kailangang makibahagi sa gawaing pangangaral dahil hindi ito maihihiwalay sa pananampalataya. Sinabi ni Pablo: “Sa pamamagitan ng puso ang isa ay nananampalataya ukol sa katuwiran, ngunit sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10) Isang maliit na grupo lamang ba sa loob ng kongregasyon—tulad ng isang uring klero—ang nananampalataya at sa gayon ay sila lamang ang may pananagutang mangaral?a Siyempre, hindi! Ang lahat ng tunay na Kristiyano ay naglilinang ng buháy na pananampalataya sa Panginoong Jesu-Kristo at napakikilos na gumawa ng pangmadlang pagpapahayag ng pananampalatayang iyan sa iba. Kung hindi gayon, ang kanilang pananampalataya ay patay. (Santiago 2:26) Dahil ipinakita ng lahat ng matapat na Kristiyano noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon ang kanilang pananampalataya sa ganitong paraan, narinig ang isang malakas na sigaw ng papuri sa pangalan ni Jehova.
15, 16. Magbigay ng mga halimbawa upang ipakita na sumulong ang gawaing pangangaral sa kabila ng mga problema.
15 Noong unang siglo, pinagpala ni Jehova ng paglago ang kaniyang bayan sa kabila ng mga suliranin sa loob at labas ng kongregasyon. Halimbawa, iniuulat ng Gawa kabanata 6 ang di-pagkakasundo ng mga nakumberteng nagsasalita ng Hebreo at ng mga nakumberteng nagsasalita ng Griego. Nilutas ng mga apostol ang problemang ito. Bilang resulta, mababasa natin: “Ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na lubhang dumami sa Jerusalem; at isang malaking pulutong ng mga saserdote ang nagsimulang maging masunurin sa pananampalataya.”—Gawa 6:7.
16 Nang maglaon, nagkaroon ng mga tensiyon sa pulitika sa pagitan ni Haring Herodes Agripa ng Judea at ng mga taong-bayan ng Tiro at Sidon. Ang mga naninirahan sa mga lunsod na iyon ay humiling ng pakikipagpayapaan na lubhang ikinalugod ni Herodes, at bilang tugon ay bumigkas siya ng pangmadlang pahayag. Ang nagkatipong pulutong ay nagsimulang sumigaw: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng tao!” Kaagad-agad, sinaktan ng anghel ni Jehova si Herodes Agripa, at namatay siya “sapagkat hindi niya ibinigay sa Diyos ang kaluwalhatian.” (Gawa 12:20-23) Tiyak na nakagitla ito sa mga umaasa sa mga taong tagapamahala! (Awit 146:3, 4) Subalit patuloy na niluwalhati ng mga Kristiyano si Jehova. Dahil dito, “ang salita ni Jehova ay patuloy na lumalago at lumalaganap” sa kabila ng gayong kawalang-katatagan sa pulitika.—Gawa 12:24.
Noon at Ngayon
17. Noong unang siglo, sa anong gawain sumali ang parami nang paraming bilang ng mga tao?
17 Oo, ang pandaigdig na kongregasyong Kristiyano noong unang siglo ay binubuo ng masisigasig at aktibong mga tagapuri ng Diyos na Jehova. Ang lahat ng matapat na Kristiyano ay nakibahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Ang ilan ay nakatagpo ng mga tumutugon at, gaya ng sabi ni Jesus, tinuruan ang mga ito na sumunod sa lahat ng mga bagay na iniutos niya. (Mateo 28:19, 20) Bilang resulta ay lumago ang kongregasyon, at parami nang paraming indibiduwal ang sumali sa sinaunang hari na si David sa pag-uukol ng papuri kay Jehova. Ipinahayag ng lahat ang kagaya niyaong kinasihang mga salita: “Pinupuri kita, O Jehova na aking Diyos, nang aking buong puso, at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang takda, sapagkat malaki ang iyong maibiging-kabaitan sa akin.”—Awit 86:12, 13.
18. (a) Anong pagkakaiba ang napansin sa pagitan ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano at ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon? (b) Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
18 Dahil dito, ang mga salita ng propesor sa teolohiya na si Allison A. Trites ay nakapupukaw ng kaisipan. Sa paghahambing sa makabagong-panahong Sangkakristiyanuhan at sa unang-siglong Kristiyanismo, sinabi niya: “Ang mga simbahan sa ngayon ay karaniwan nang lumalago dahil sa paglagong biyolohikal (kapag ang mga bata na kabilang sa lokal na simbahan ay gumawa ng personal na pagpapahayag ng pananampalataya) o dahil sa paglagong dulot ng paglipat (kapag ang isang baguhan ay lumipat sa ibang lokal na parokya upang doon umugnay). Subalit sa Mga Gawa, ang paglago ay bunga ng pagkumberte, sapagkat pinasisimulan pa lamang noon ng kongregasyon ang gawain nito.” Nangangahulugan ba ito na ang tunay na Kristiyanismo ay hindi na lumalago sa paraang dapat mangyari rito ayon sa sinabi ni Jesus? Hindi naman. Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay kasinsigasig ng mga Kristiyano noong unang siglo sa lahat ng paraan sa hayagang pag-uukol ng papuri sa Diyos. Makikita natin ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang mga salitang Tagalog na “klero” at “klerigo” ay nagmula talaga sa salitang Griego na kleʹros, na pangunahin nang nangangahulugang “takdang bahagi” o “mana.” Sa 1 Pedro 5:2, 3, ang kleʹros ay ikinapit sa lahat ng “kawan ng Diyos” bilang mana ng Diyos.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Sa anu-anong paraan natin niluluwalhati ang Diyos?
• Sa ano ikinapit ni Pablo ang Awit 19:4?
• Ano ang kaugnayan ng pananampalataya at pangangaral?
• Ano ang kapansin-pansin sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano?
[Larawan sa pahina 8, 9]
Palaging nagpapatotoo ang langit sa kaluwalhatian ni Jehova
[Credit Line]
Courtesy of Anglo-Australian Observatory, photograph by David Malin
[Mga larawan sa pahina 10]
May malapit na kaugnayan ang gawaing pangangaral at panalangin