Lakas ng Loob na Pinatibay ng Pag-ibig
“Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng pag-iisip.”—2 TIMOTEO 1:7.
1, 2. (a) Dahil sa pag-ibig, maaaring maudyukan ang isa na magpakita ng anong katangian? (b) Bakit natatangi ang lakas ng loob ni Jesus?
ISANG bagong mag-asawa ang sumisisid sa dagat malapit sa isang bayan sa silangang baybayin ng Australia. Paahon na sila nang salakayin ng isang malaking pating ang babae. Sa isang gawang kabayanihan, itinulak ng lalaki ang kaniyang asawa upang siya na lamang ang makagat ng pating. “Ibinigay niya ang kaniyang buhay para sa akin,” ang sabi ng biyuda sa libing ng kaniyang asawa.
2 Oo, maaaring udyukan ng pag-ibig ang mga tao na magpakita ng namumukod-tanging lakas ng loob. Si Jesu-Kristo mismo ang nagsabi: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13) Wala pang 24 na oras matapos sabihin ni Jesus ang mga pananalitang ito, ibinigay niya ang kaniyang buhay, hindi lamang para sa isang tao, kundi para sa sangkatauhan. (Mateo 20:28) Bukod diyan, hindi ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay dahil lamang sa bigla niyang nadama na kailangan niyang gumawa ng kabayanihan. Noon pa ma’y alam na niyang siya ay tutuyain at mamaltratuhin, sisentensiyahan nang di-makatarungan, at papatayin sa isang pahirapang tulos. Inihanda pa nga niya ang kaniyang mga alagad sa pangyayaring ito, na sinasabi: “Narito tayo, yumayaong paahon sa Jerusalem, at ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga punong saserdote at sa mga eskriba, at hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay siya sa mga tao ng mga bansa, at gagawin nila siyang katatawanan at duduraan siya at hahagupitin siya at papatayin siya.”—Marcos 10:33, 34.
3. Ano ang nakatulong kay Jesus upang magkaroon siya ng di-pangkaraniwang lakas ng loob?
3 Ano ang nakatulong kay Jesus upang magkaroon siya ng di-pangkaraniwang lakas ng loob? May malaking papel dito ang pananampalataya at makadiyos na takot. (Hebreo 5:7; 12:2) Ngunit higit sa lahat, ang lakas ng loob ni Jesus ay nag-ugat sa kaniyang pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang kapuwa. (1 Juan 3:16) Kung lilinangin natin ang gayong pag-ibig bukod sa pananampalataya at makadiyos na takot, maipakikita rin natin ang tulad-Kristong lakas ng loob. (Efeso 5:2) Paano natin malilinang ang gayong pag-ibig? Kailangan nating kilalanin ang Pinagmumulan nito.
“Ang Pag-ibig ay Mula sa Diyos”
4. Bakit masasabing si Jehova ang Pinagmumulan ng pag-ibig?
4 Si Jehova ay kapuwa personipikasyon ng pag-ibig at ang Pinagmumulan nito. “Mga minamahal,” ang isinulat ni apostol Juan, “patuloy tayong mag-ibigan sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos, at ang bawat isa na umiibig ay ipinanganak mula sa Diyos at nagtatamo ng kaalaman sa Diyos. Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:7, 8) Kung gayon, maaaring malinang ng isang tao ang tulad-Diyos na pag-ibig tangi lamang kung magiging malapít siya kay Jehova sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman at kung kikilos siya alinsunod sa kaalamang iyan bilang taos-pusong pagsunod sa Kaniya.—Filipos 1:9; Santiago 4:8; 1 Juan 5:3.
5, 6. Ano ang nakatulong sa unang mga tagasunod ni Jesus na malinang ang tulad-Kristong pag-ibig?
5 Sa kaniyang huling panalangin kasama ang kaniyang 11 tapat na apostol, ipinakita ni Jesus ang kaugnayan ng pagkilala sa Diyos at ng paglago sa pag-ibig, na sinasabi: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ito, upang ang pag-ibig na inibig mo sa akin ay mapasakanila at ako ay maging kaisa nila.” (Juan 17:26) Tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na malinang ang uri ng pag-ibig na umiiral sa pagitan niya at ng kaniyang Ama, anupat isiniwalat niya kapuwa sa salita at sa halimbawa kung saan kumakatawan ang pangalan ng Diyos—sa kamangha-manghang mga katangian ng Diyos. Kaya naman, masasabi ni Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:9, 10; 17:8.
6 Ang tulad-Kristong pag-ibig ay bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22) Nang tanggapin ng unang mga Kristiyano ang ipinangakong banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E., hindi lamang nila naalaala ang maraming bagay na itinuro sa kanila ni Jesus kundi lalo pa nilang naunawaan ang kahulugan ng Kasulatan. Ang mas malalim na kaunawaang ito ay maliwanag na nagpasidhi sa kanilang pag-ibig sa Diyos. (Juan 14:26; 15:26) Ang resulta? Kahit manganib ang kanilang buhay, ipinangaral nila ang mabuting balita nang may tapang at sigasig.—Gawa 5:28, 29.
Lakas ng Loob at Pag-ibig na May Gawa
7. Ano ang kinailangang batahin nina Pablo at Bernabe sa kanilang magkasamang paglalakbay bilang mga misyonero?
7 Sumulat si apostol Pablo: “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng pag-iisip.” (2 Timoteo 1:7) Nagsalita si Pablo mula sa sariling karanasan. Isaalang-alang kung ano ang naranasan nila ni Bernabe sa kanilang magkasamang paglalakbay bilang mga misyonero. Nangaral sila sa maraming lunsod, kabilang na ang Antioquia, Iconio, at Listra. Sa bawat lunsod, naging mananampalataya ang ilan, pero ang iba ay naging mabagsik na mga mananalansang. (Gawa 13:2, 14, 45, 50; 14:1, 5) Sa Listra, binato pa nga si Pablo ng nagngangalit na mga mang-uumog, anupat iniwan siya sa pag-aakalang patay na siya! “Gayunman, nang palibutan siya ng mga alagad, siya ay tumindig at pumasok sa lunsod. At nang sumunod na araw ay umalis siyang kasama ni Bernabe patungong Derbe.”—Gawa 14:6, 19, 20.
8. Paano nakita sa lakas ng loob na ipinamalas nina Pablo at Bernabe ang kanilang matinding pag-ibig para sa mga tao?
8 Dahil ba sa pagtatangkang ito sa buhay ni Pablo ay natakot na sila ni Bernabe at sumuko na? Kabaligtaran ang nangyari! Pagkatapos “makagawa ng maraming alagad” sa Derbe, ang dalawang lalaki ay “bumalik . . . sa Listra at sa Iconio at sa Antioquia.” Bakit? Para patibayin ang mga baguhan na manatiling matibay sa pananampalataya. “Kailangan tayong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian,” ang sabi nina Pablo at Bernabe. Maliwanag, ang kanilang lakas ng loob ay nagmula sa kanilang matinding pag-ibig sa “maliliit na tupa” ni Kristo. (Gawa 14:21-23; Juan 21:15-17) Matapos humirang ng matatanda sa bawat katatatag na kongregasyon, ang dalawang kapatid na ito ay nanalangin at “ipinagkatiwala nila ang mga ito kay Jehova na kanilang sinampalatayanan.”
9. Paano tumugon ang matatanda mula sa Efeso sa pag-ibig na ipinakita ni Pablo sa kanila?
9 Dahil si Pablo ay maibigin at malakas ang loob, lubos siyang napamahal sa maraming Kristiyano noon. Alalahanin ang nangyari sa isang pakikipagpulong na isinagawa ni Pablo sa matatanda mula sa Efeso, kung saan gumugol siya ng tatlong taon at nakaranas ng matinding pagsalansang. (Gawa 20:17-31) Matapos niya silang patibayin na pastulan ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa kanila, lumuhod si Pablo kasama nila at nanalangin. Pagkatapos, “nagkaroon ng di-kakaunting pagtangis sa gitna nilang lahat, at sumubsob sila sa leeg ni Pablo at magiliw siyang hinalikan, sapagkat lalo na silang nasaktan sa salitang sinabi niya na hindi na nila makikita ang kaniyang mukha.” Kaylaki nga ng pag-ibig kay Pablo ng mga kapatid na ito! Sa katunayan, nang panahon na para umalis si Pablo at ang kaniyang mga kasama sa paglalakbay, kinailangan nilang ‘humiwalay sa matatanda roon,’ dahil lubhang atubili ang mga ito na payaunin sila.—Gawa 20:36–21:1.
10. Paano ipinakita ng mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon ang pag-ibig na may lakas ng loob para sa isa’t isa?
10 Sa ngayon, ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, matatanda sa kongregasyon at maraming iba pa ay lubhang minamahal dahil sa lakas ng loob na ipinakikita nila alang-alang sa mga tupa ni Jehova. Halimbawa, sa mga bansang winasak ng digmaang sibil o kung saan ipinagbabawal ang pangangaral, isinapanganib ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng kani-kanilang asawa ang kanilang buhay at kalayaan madalaw lamang ang mga kongregasyon. Sa katulad na paraan, maraming Saksi ang nagdusa sa kamay ng mabagsik na mga tagapamahala at ng mga alipores nito dahil tumanggi silang ipagkanulo ang kanilang mga kapuwa Saksi o isiwalat kung saan sila kumukuha ng espirituwal na pagkain. Libu-libong iba pa ang pinag-usig, pinahirapan, at pinatay pa nga dahil ayaw nilang huminto sa pangangaral ng mabuting balita o tumigil sa pakikisama sa mga kapananampalataya sa Kristiyanong mga pagpupulong. (Gawa 5:28, 29; Hebreo 10:24, 25) Tularan nawa natin ang pananampalataya at pag-ibig ng malalakas-ang-loob na mga kapatid na iyon!—1 Tesalonica 1:6.
Huwag Hayaang Lumamig ang Iyong Pag-ibig
11. Sa anu-anong paraan nakikipagdigma si Satanas sa espirituwal na paraan laban sa mga lingkod ni Jehova, at ano ang kailangan nilang gawin?
11 Nang ihagis sa lupa si Satanas, desidido siyang ibunton ang kaniyang galit sa mga lingkod ni Jehova dahil ‘tinutupad nila ang mga utos ng Diyos at nagpapatotoo sila tungkol kay Jesus.’ (Apocalipsis 12:9, 17) Ang isa sa mga taktika ng Diyablo ay pag-uusig. Ngunit madalas na nababaligtad ang resulta ng tusong mga taktikang ito dahil lalong nagiging malapít sa isa’t isa ang bayan ng Diyos sa buklod ng Kristiyanong pag-ibig at pinakikilos nito ang marami sa kanila na maging lalo pang masigasig. Ang isa pang taktika ni Satanas ay ang akitin ang makasalanang hilig ng tao. Upang malabanan ang pakanang ito, kailangan ang naiibang uri ng lakas ng loob dahil ang pakikipaglaban ay sa loob mismo natin, laban sa di-wastong mga pagnanasa mula sa atin mismong ‘mapandaya at mapanganib’ na puso.—Jeremias 17:9; Santiago 1:14, 15.
12. Paano ginagamit ni Satanas “ang espiritu ng sanlibutan” sa pagsisikap niyang pahinain ang ating pag-ibig sa Diyos?
12 Hawak din ni Satanas ang isa pang malakas na sandata—“ang espiritu ng sanlibutan,” samakatuwid nga, ang nangingibabaw na hilig o motibo nito, na tuwirang salungat sa banal na espiritu ng Diyos. (1 Corinto 2:12) Ang espiritu ng sanlibutan ay nagtataguyod ng kasakiman at materyalismo—“ang pagnanasa ng mga mata.” (1 Juan 2:16; 1 Timoteo 6:9, 10) Totoo, hindi naman nakapipinsala ang materyal na mga bagay at salapi sa ganang sarili. Pero kung nangingibabaw ang pag-ibig natin sa mga ito kaysa sa pag-ibig natin sa Diyos, nagwagi si Satanas. Ang kapangyarihan, o “awtoridad,” ng espiritu ng sanlibutan ay nasa pagiging kaakit-akit nito sa makasalanang laman, nasa katusuhan nito, nasa pagiging walang tigil nito, at tulad ng hangin, nasa pagiging laganap nito. Huwag mong hayaang madumhan ng espiritu ng sanlibutan ang iyong puso!—Efeso 2:2, 3; Kawikaan 4:23.
13. Paano maaaring masubok ang ating lakas ng loob para mapanatili ang kalinisan sa moral?
13 Ngunit upang malabanan at maitakwil ang masamang espiritu ng sanlibutan, kailangan ang lakas ng loob para mapanatili ang kalinisan sa moral. Halimbawa, kailangan ang lakas ng loob upang tumayo at lumabas ng sinehan o patayin ang computer o ang TV kapag lumitaw ang mahahalay na larawan. Kailangan ang lakas ng loob upang tanggihan ang nakasasamang panggigipit ng mga kasamahan at putulin ang pakikipag-ugnayan sa masasamang kasama. Gayundin, kailangan ang lakas ng loob upang maitaguyod ang mga kautusan at mga simulain ng Diyos sa kabila ng panunuya, ito man ay mula sa mga kaeskuwela, katrabaho, kapitbahay, o mga kamag-anak.—1 Corinto 15:33; 1 Juan 5:19.
14. Ano ang dapat nating gawin kung nahawa tayo ng espiritu ng sanlibutan?
14 Napakahalaga nga kung gayon na pasidhiin ang ating pag-ibig sa Diyos at sa ating espirituwal na mga kapatid! Maglaan ng panahon para suriin ang iyong mga tunguhin at paraan ng pamumuhay upang makita kung nahawa ka ba ng espiritu ng sanlibutan sa paanuman. Kung nahawa ka nito—kahit bahagya lamang—manalangin kay Jehova na bigyan ka ng lakas ng loob para maalis ito at patuloy na maiwasan. Hindi ipagwawalang-bahala ni Jehova ang gayong taimtim na mga pagsusumamo. (Awit 51:17) Bukod diyan, ang kaniyang espiritu ay di-hamak na mas makapangyarihan kaysa sa espiritu ng sanlibutan.—1 Juan 4:4.
Pagharap sa Personal na mga Pagsubok Nang May Lakas ng Loob
15, 16. Paano tayo matutulungan ng tulad-Kristong pag-ibig upang maharap ang personal na mga pagsubok? Magbigay ng halimbawa.
15 Kabilang sa iba pang mga hamon na kailangang harapin ng mga lingkod ni Jehova ang mga epekto ng di-kasakdalan at pagtanda, na kadalasang humahantong sa pagkakasakit, pagkakaroon ng kapansanan, depresyon, at maraming iba pang problema. (Roma 8:22) Matutulungan tayo ng tulad-Kristong pag-ibig para maharap ang mga pagsubok na ito. Isaalang-alang ang halimbawa ni Namangolwa, na lumaki sa isang pamilyang Kristiyano sa Zambia. Noong siya ay dalawang taóng gulang, nagkaroon siya ng kapansanan. “Masyado akong nabahala sa hitsura ko,” ang sabi niya, “anupat iniisip na baka matakot ang mga tao dahil sa anyo ko. Pero tinulungan ako ng aking espirituwal na mga kapatid na baguhin ang pananaw ko sa mga bagay-bagay. Bilang resulta, napagtagumpayan ko ang labis na pagkabahala sa aking hitsura, at di-nagtagal ay nabautismuhan ako.”
16 Bagaman may silyang de-gulong si Namangolwa, madalas na kailangan niyang maglakad sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay at mga tuhod kapag mabuhangin at di-sementado ang daan. Pero nakikibahagi siya sa ministeryo bilang auxiliary pioneer kahit man lamang dalawang buwan sa loob ng isang taon. Napaluha ang isang may-bahay nang magpatotoo sa kaniya si Namangolwa. Bakit? Dahil labis siyang naantig sa pananampalataya at lakas ng loob ng ating kapatid na babaing ito. Bilang patotoo ng mayamang pagpapala ni Jehova, lima sa mga estudyante sa Bibliya ni Namangolwa ang nabautismuhan na, at ang isa ay naglilingkod bilang matanda sa kongregasyon. “Madalas na sumasakit nang husto ang mga binti ko,” ang sabi niya, “pero hindi ko hinahayaang pahintuin ako nito.” Ang kapatid na ito ay isa lamang sa maraming Saksi sa buong daigdig na mahina ang katawan ngunit makapangyarihan sa espiritu dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Lubha ngang kanais-nais ang gayong mga indibiduwal sa paningin ni Jehova!—Hagai 2:7.
17, 18. Ano ang nakatutulong sa marami na batahin ang sakit at iba pang mga pagsubok? Magbigay ng mga halimbawa sa inyong lugar.
17 Nakasisira rin ng loob, at nakapanlulumo pa nga, ang nagtatagal na sakit. “Sa dinadaluhan kong grupo ng pag-aaral sa aklat,” ang sabi ng isang elder sa kongregasyon, “isang sister ang may diyabetis at sakit sa bato, ang isa naman ay may kanser, dalawa ang may matinding artritis, at ang isa pa ay may lupus at fibromyalgia. Kung minsan ay nasisiraan sila ng loob. Pero dumadalo sila sa lahat ng pagpupulong maliban na lamang kung malubha ang sakit nila o nasa ospital sila. Regular silang lahat sa paglilingkod sa larangan. Dahil sa kanila ay naalaala ko si Pablo, na nagsabi: ‘Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.’ Hinahangaan ko ang kanilang pag-ibig at lakas ng loob. Marahil ang kanilang kalagayan ay nagbibigay sa kanila ng mas malinaw na pokus sa kung ano talaga ang mahalaga sa buhay.”—2 Corinto 12:10.
18 Kung nakikipagpunyagi ka sa kapansanan, sakit, o iba pang problema, “manalangin [ka] nang walang lubay” ukol sa tulong upang hindi ka masiraan ng loob. (1 Tesalonica 5:14, 17) Sabihin pa, malamang na nasisiraan ka ng loob paminsan-minsan, pero sikapin mong magtuon ng pansin sa nakapagpapatibay na espirituwal na mga bagay, lalo na sa ating mahalagang pag-asa hinggil sa Kaharian. “Para sa akin, isang terapi ang ministeryo sa larangan,” ang sabi ng isang sister. Ang pagbabahagi ng mabuting balita sa iba ay nakatutulong sa kaniya na mapanatili ang positibong pananaw sa buhay.
Tinutulungan ng Pag-ibig ang mga Nagkasala na Manumbalik kay Jehova
19, 20. (a) Ano ang maaaring makatulong sa mga nakagawa ng pagkakasala upang magkaroon ng lakas ng loob na manumbalik kay Jehova? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Marami sa mga nanghina sa espirituwal o nakagawa ng pagkakasala ang nahihirapang manumbalik kay Jehova. Ngunit magkakaroon sila ng kinakailangang lakas ng loob kung ang gayong mga indibiduwal ay tunay na magsisisi at panunumbalikin ang kanilang pag-ibig sa Diyos. Isaalang-alang si Mario,a na nakatira sa Estados Unidos. Iniwan ni Mario ang kongregasyong Kristiyano, naging alkoholiko at sugapa sa droga at, pagkalipas ng 20 taon, nabilanggo siya. “Nagsimula akong mag-isip nang husto hinggil sa aking kinabukasan at muling nagbasa ng Bibliya,” ang sabi ni Mario. “Nang maglaon, napahalagahan ko ang mga katangian ni Jehova, lalo na ang kaniyang awa, na madalas kong ipinananalangin. Nang makalabas ako sa bilangguan, iniwasan ko na ang mga dati kong kasama, dumalo ako sa mga Kristiyanong pagpupulong, at naibalik ako sa kongregasyon sa kalaunan. Inaani na ngayon ng aking katawan ang inihasik ko, magkagayunman, mayroon na akong kamangha-manghang pag-asa ngayon. Labis-labis ang pasasalamat ko kay Jehova dahil sa kaniyang habag at kapatawaran.”—Awit 103:9-13; 130:3, 4; Galacia 6:7, 8.
20 Sabihin pa, ang mga nasa situwasyon na katulad ng kay Mario ay kailangang magsikap nang husto upang manumbalik kay Jehova. Ngunit ang kanilang napanumbalik na pag-ibig—resulta ng pag-aaral sa Bibliya, pananalangin, at pagbubulay-bulay—ang magbibigay sa kanila ng kinakailangang lakas ng loob at determinasyon. Napatibay rin si Mario dahil sa pag-asa ukol sa Kaharian. Oo, kasama ang pag-ibig, pananampalataya, at makadiyos na takot, ang pag-asa ay maaaring maging isang malakas na puwersa ukol sa ikabubuti ng ating buhay. Sa susunod na artikulo, higit nating pagtutuunan ng pansin ang mahalagang espirituwal na kaloob na ito.
[Talababa]
a Binago ang pangalan.
Masasagot Mo Ba?
• Paano nakatulong kay Jesus ang pag-ibig upang magkaroon siya ng namumukod-tanging lakas ng loob?
• Paanong ang pag-ibig nina Pablo at Bernabe sa mga kapatid ay nakatulong sa kanila na magkaroon ng natatanging lakas ng loob?
• Anu-anong paraan ang ginagamit ni Satanas para sirain ang Kristiyanong pag-ibig?
• Ang pag-ibig kay Jehova ay makapagbibigay sa atin ng lakas ng loob na batahin ang anong mga pagsubok?
[Larawan sa pahina 23]
Ang pag-ibig ni Pablo sa mga tao ang nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob upang magbata
[Larawan sa pahina 24]
Kailangan ang lakas ng loob upang maitaguyod ang mga pamantayan ng Diyos
[Larawan sa pahina 24]
Namangolwa Sututu