Kabilang Ka ba sa mga Iniibig ng Diyos?
“Siya na nagtataglay ng aking mga utos at tumutupad sa mga iyon, ang isang iyon ang siyang umiibig sa akin. Siya naman na umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama.”—JUAN 14:21.
1, 2. (a) Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa sangkatauhan? (b) Ano ang pinasimulan ni Jesus noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E.?
INIIBIG ni Jehova ang kaniyang nilalang na mga tao. Sa katunayan, iniibig niya ang sanlibutan ng sangkatauhan nang “gayon na lamang . . . anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Habang papalapit ang panahon ng pagdiriwang sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, ang tunay na mga Kristiyano ay dapat na maging palaisip higit kailanman na ‘inibig tayo [ni Jehova] at isinugo ang kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.’—1 Juan 4:10.
2 Noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E., si Jesus at ang kaniyang 12 apostol ay nagtipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskuwa, na inaalaala ang pagkaligtas ng mga Israelita mula sa Ehipto. (Mateo 26:17-20) Pagkaraang ipagdiwang ang kapistahang ito ng mga Judio, pinayaon ni Jesus si Hudas Iscariote at pinasimulan ang isang pang-alaalang hapunan na magiging Kristiyanong Memoryal ng kamatayan ni Kristo.a Ginagamit ang walang pampaalsang tinapay at pulang alak bilang mga emblema, o mga sagisag, ng kaniyang pisikal na katawan at dugo, pinangyari ni Jesus na magsama-sama ang 11 nalalabing apostol sa salu-salong ito. Ang mga detalye kung paano niya ito isinagawa ay ibinibigay ng mga manunulat ng Magkakatulad na Ebanghelyo na sina Mateo, Marcos, at Lucas at ng apostol na si Pablo, na siyang tumawag dito na “hapunan ng Panginoon.”—1 Corinto 11:20; Mateo 26:26-28; Marcos 14:22-25; Lucas 22:19, 20.
3. Sa anong mahahalagang paraan hindi katulad ng iba ang ulat ni apostol Juan tungkol sa huling mga oras ni Jesus kasama ang kaniyang mga alagad sa silid sa itaas?
3 Kapansin-pansin, walang binanggit si apostol Juan na pagpapasa ng tinapay at alak, marahil dahil noong panahong isulat niya ang kaniyang ulat ng Ebanghelyo (mga 98 C.E.), ang pamamaraan ay alam na alam na ng unang mga Kristiyano. (1 Corinto 11:23-26) Gayunman, sa ilalim ng pagkasi, si Juan lamang ang nagbigay sa atin ng ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa sinabi at ginawa ni Jesus noong bago Niya pasimulan at karaka-raka pagkatapos Niyang pasimulan ang Memoryal ng Kaniyang kamatayan. Ang kapana-panabik na mga detalyeng ito ay binubuo ng di-kukulangin sa limang kabanata ng Ebanghelyo ni Juan. Maliwanag na ipinakikita ng mga ito kung anong uri ng mga indibiduwal ang iniibig ng Diyos. Suriin natin ang Juan kabanata 13 hanggang 17.
Matuto Mula sa Huwarang Pag-ibig ni Jesus
4. (a) Paano idiniin ni Juan ang nangingibabaw na tema ng pakikipagpulong ni Jesus sa kaniyang mga alagad nang pasimulan niya ang Memoryal? (b) Ano ang isang mahalagang dahilan kung bakit iniibig ni Jehova si Jesus?
4 Ang pag-ibig ay isang nangingibabaw na tema sa lahat ng mga kabanatang ito na naglalaman ng payo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod noong siya ay magpaalam. Sa katunayan, ang iba’t ibang anyo ng salitang “pag-ibig” ay 31 beses na lumilitaw roon. Ang matinding pag-ibig ni Jesus sa kaniyang Ama, si Jehova, at sa kaniyang mga alagad ay kitang-kita sa mga kabanatang ito. Ang pag-ibig ni Jesus kay Jehova ay maaaring mahinuha mula sa lahat ng mga ulat ng Ebanghelyo hinggil sa kaniyang buhay, ngunit tanging si Juan ang nag-ulat na malinaw na sinabi ni Jesus: “Iniibig ko ang Ama.” (Juan 14:31) Sinabi rin ni Jesus na iniibig siya ni Jehova at ipinaliwanag niya kung bakit. Sinabi niya: “Kung paanong inibig ako ng Ama at inibig ko kayo, manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo ay mananatili sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng Ama at nananatili sa kaniyang pag-ibig.” (Juan 15:9, 10) Oo, iniibig ni Jehova ang kaniyang Anak dahil sa walang-pasubaling pagsunod nito. Kay-inam na aral nga para sa lahat ng tagasunod ni Jesu-Kristo!
5. Paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang mga alagad?
5 Ang matinding pag-ibig ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ay idiniriin sa mismong simula ng ulat ni Juan tungkol sa huling pakikipagpulong ni Jesus sa mga apostol. Inilahad ni Juan: “Sa dahilan ngang alam niya bago pa ang kapistahan ng paskuwa na dumating na ang kaniyang oras upang umalis siya sa sanlibutang ito patungo sa Ama, si Jesus, yamang inibig niya ang mga sariling kaniya na nasa sanlibutan, ay umibig sa kanila hanggang sa wakas.” (Juan 13:1) Sa di-malilimot na gabing iyon, binigyan niya sila ng isang di-malilimutang aral sa maibiging paglilingkod sa iba. Hinugasan niya ang kanilang mga paa. Ito ay isang bagay na dapat sana’y handang gawin ng bawat isa sa kanila para kay Jesus at para sa kanilang mga kapatid, ngunit hindi nila ito ginawa. Ginampanan ni Jesus ang hamak na atas na ito at pagkatapos ay sinabi sa kaniyang mga alagad: “Kung ako, bagaman Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo rin ay dapat na maghugas ng mga paa ng isa’t isa. Sapagkat nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo ay dapat din ninyong gawin.” (Juan 13:14, 15) Ang tunay na mga Kristiyano ay dapat na maging handa at maligayang maglingkod sa kanilang mga kapatid.—Mateo 20:26, 27, talababa sa Ingles; Juan 13:17.
Sundin ang Bagong Utos
6, 7. (a) Anong mahalagang detalye ang ibinibigay ni Juan may kinalaman sa pagpapasimula ng Memoryal? (b) Anong bagong utos ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at ano ang bago rito?
6 Ang ulat ni Juan tungkol sa nangyari sa silid sa itaas noong gabi ng Nisan 14 ang tanging espesipikong bumabanggit sa pag-alis ni Hudas Iscariote. (Juan 13:21-30) Ipinahihiwatig ng pagtutugma sa mga ulat ng Ebanghelyo na pagkatapos umalis ang traidor na ito ay saka lamang sinimulan ni Jesus ang Memoryal ng Kaniyang kamatayan. Pagkatapos ay lubusan siyang nakipag-usap sa kaniyang tapat na mga apostol, anupat binigyan sila ng payo at mga tagubilin noong siya ay mamaalam. Habang inihahanda natin ang ating sarili sa pagdalo sa Memoryal, dapat tayong maging lubhang interesado sa sinabi ni Jesus noong okasyong iyon, at lalo na dahil tiyak na nais nating mapabilang sa mga iniibig ng Diyos.
7 Ang mismong unang tagubilin na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad pagkatapos simulan ang Memoryal ng kaniyang kamatayan ay isang bagay na bago. Ipinahayag niya: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Ano ang bago sa utos na ito? Pagkaraan ng ilang sandali nang gabing iyon, niliwanag ni Jesus ang mga bagay-bagay, sa pagsasabing: “Ito ang aking utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:12, 13) Iniutos ng Kautusang Mosaiko sa mga Israelita na ‘ibigin ang kanilang kapuwa gaya ng kanilang sarili.’ (Levitico 19:18) Ngunit higit pa ang nasasangkot sa utos ni Jesus. Kailangang ibigin ng mga Kristiyano ang isa’t isa na gaya ng pag-ibig ni Kristo sa kanila, anupat handang isakripisyo ang mismong buhay nila alang-alang sa kanilang mga kapatid.
8. (a) Ano ang nasasangkot sa mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig? (b) Paano ipinamamalas ng mga Saksi ni Jehova ang mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig sa ngayon?
8 Ang kapanahunan ng Memoryal ay isang angkop na panahon upang suriin ang ating sarili, bilang indibiduwal at bilang isang kongregasyon, upang makita kung talagang taglay natin ang pagkakakilanlang tanda na ito ng tunay na Kristiyanismo—ang tulad-Kristong pag-ibig. Ang gayong mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig ay maaaring mangahulugan, at kung minsan ay nangangahulugan, na isasapanganib ng isang Kristiyano ang kaniyang buhay sa halip na ipagkanulo ang kaniyang mga kapatid. Subalit kadalasan, nasasangkot dito ang ating pagiging handa na isakripisyo ang ating personal na mga kapakanan upang matulungan at mapaglingkuran ang ating mga kapatid at ang iba. Si apostol Pablo ay isang mainam na halimbawa sa bagay na ito. (2 Corinto 12:15; Filipos 2:17) Ang mga Saksi ni Jehova ay kilalá sa buong daigdig sa kanilang mapagsakripisyo-sa-sariling espiritu, anupat tinutulungan ang kanilang mga kapatid at ang kanilang kapuwa at nagpapagal upang maipaabot ang katotohanan sa Bibliya sa kanilang kapuwa.b—Galacia 6:10.
Mga Kaugnayan na Dapat Pakaingatan
9. Upang mapanatili ang ating napakahalagang kaugnayan sa Diyos at sa kaniyang Anak, naliligayahan tayo na gawin ang ano?
9 Wala nang magiging mas mahalaga pa sa atin kundi ang ibigin ni Jehova at ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus. Gayunman, upang makamit at madama ang pag-ibig na ito, mayroon tayong dapat gawin. Noong huling gabing iyon kasama ang kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Siya na nagtataglay ng aking mga utos at tumutupad sa mga iyon, ang isang iyon ang siyang umiibig sa akin. Siya naman na umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at iibigin ko siya at malinaw na ipakikita sa kaniya ang aking sarili.” (Juan 14:21) Yamang pinakaiingatan natin ang ating kaugnayan sa Diyos at sa kaniyang Anak, may-kagalakan nating sinusunod ang kanilang mga utos. Kasali rito ang bagong utos na magpakita ng mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig at gayundin ang utos na ibinigay ni Kristo pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli na “mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo,” anupat sinisikap na “gumawa ng mga alagad” sa mga tumatanggap sa mabuting balita.—Gawa 10:42; Mateo 28:19, 20.
10. Anong napakahalagang mga kaugnayan ang bukás sa mga pinahiran at sa “ibang mga tupa”?
10 Di-nagtagal nang gabing iyon, bilang tugon sa itinanong sa kaniya ng tapat na apostol na si Hudas (Tadeo), sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay umiibig sa akin, tutuparin niya ang aking salita, at iibigin siya ng aking Ama, at paroroon kami sa kaniya at maninirahang kasama niya.” (Juan 14:22, 23) Kahit na nasa lupa pa, ang mga pinahirang Kristiyano, na tinawag upang magharing kasama ni Kristo sa langit, ay may higit na matalik na kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang Anak. (Juan 15:15; 16:27; 17:22; Hebreo 3:1; 1 Juan 3:2, 24) Ngunit ang kanilang mga kasamahang “ibang mga tupa,” na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa, ay may napakahalagang kaugnayan din sa kanilang “isang pastol,” si Jesu-Kristo, at sa kanilang Diyos, si Jehova, kung mapatutunayan na masunurin sila.—Juan 10:16; Awit 15:1-5; 25:14.
“Hindi Kayo Bahagi ng Sanlibutan”
11. Anong seryosong babala ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad?
11 Sa panahong iyon ng huling pakikipagpulong sa kaniyang tapat na mga alagad bago ang kaniyang kamatayan, nagbigay si Jesus ng isang seryosong babala: Kung ang isang tao ay iniibig ng Diyos, siya ay kapopootan ng sanlibutan. Ipinahayag niya: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alam ninyo na napoot ito sa akin bago ito napoot sa inyo. Kung kayo ay bahagi ng sanlibutan, kagigiliwan ng sanlibutan ang sa kaniya. Ngunit sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ay napopoot sa inyo ang sanlibutan. Isaisip ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo, Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo; kung tinupad nila ang aking salita, tutuparin din nila ang sa inyo.”—Juan 15:18-20.
12. (a) Bakit nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad na kapopootan sila ng sanlibutan? (b) Ano ang makabubuting isaalang-alang ng lahat habang papalapit ang Memoryal?
12 Ibinigay ni Jesus ang babalang ito upang ang 11 apostol na ito at ang lahat ng tunay na Kristiyano pagkatapos nila ay hindi masiraan ng loob at sumuko dahil sa pagkapoot ng sanlibutan. Sinabi pa niya: “Sinalita ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo matisod. Ititiwalag kayo ng mga tao mula sa sinagoga. Sa katunayan, ang oras ay dumarating na ang bawat isa na pumapatay sa inyo ay mag-aakalang nag-ukol siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos. Ngunit gagawin nila ang mga bagay na ito sapagkat hindi nila nakilala ang Ama o ako man.” (Juan 16:1-3) Ipinaliliwanag ng isang leksikon sa Bibliya na ang anyo ng pandiwa na isinalin dito na “matisod” ay nangangahulugang “pangyarihin na ang isang tao ay magduda at tumalikod sa isa na dapat niyang pagtiwalaan at sundin; pangyarihing humiwalay.” Habang papalapit ang panahon ng pagdiriwang sa Memoryal, makabubuti na muni-munihin ng lahat ang landasin ng buhay ng mga tapat na tao, noon at ngayon, at tularan ang kanilang halimbawa ng katatagan sa ilalim ng pagsubok. Huwag mong hayaang italikod ka kay Jehova at kay Jesus ng pagsalansang o ng pag-uusig, kundi maging determinado na magtiwala at sumunod sa kanila.
13. Ano ang hiniling ni Jesus alang-alang sa kaniyang mga tagasunod sa isang panalangin sa kaniyang Ama?
13 Sa kaniyang pansarang panalangin bago lisanin ang silid sa itaas na iyon sa Jerusalem, sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama: “Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita, ngunit ang sanlibutan ay napoot sa kanila, sapagkat hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan. Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14-16) Makatitiyak tayo na binabantayan ni Jehova yaong mga umiibig sa kaniya, upang palakasin sila habang nanatili silang hiwalay sa sanlibutan.—Isaias 40:29-31.
Manatili sa Pag-ibig ng Ama at sa Pag-ibig ng Anak
14, 15. (a) Sa ano itinulad ni Jesus ang kaniyang sarili, bilang kabaligtaran ng anong ‘mababang-uring punong ubas’? (b) Sino ang “mga sanga” ng “tunay na punong ubas”?
14 Sa panahon ng kaniyang masinsinang pakikipag-usap sa kaniyang tapat na mga alagad noong gabi ng Nisan 14, itinulad ni Jesus ang sarili niya sa “tunay na punong ubas,” bilang kabaligtaran ng ‘mababang-uring punong ubas’ ng di-tapat na Israel. Sinabi niya: “Ako ang tunay na punong ubas, at ang aking Ama ang tagapagsaka.” (Juan 15:1) Maraming siglo bago nito, iniulat ni propeta Jeremias ang mga salitang ito ni Jehova sa kaniyang taksil na bayan: “Itinanim kita bilang piling punong ubas na pula . . . Kaya paano ka nagbago sa akin at naging mababang-uring mga supang ng banyagang punong ubas?” (Jeremias 2:21) At ang propetang si Oseas ay sumulat: “Ang Israel ay punong ubas na nabubulok. Patuloy siyang nagluluwal ng bunga para sa kaniyang sarili. . . . Ang kanilang puso ay naging mapagpaimbabaw.”—Oseas 10:1, 2.
15 Sa halip na magluwal ng mga bunga ng tunay na pagsamba, ang Israel ay nahulog sa apostasya at nagluwal ng bunga para sa sarili nito. Tatlong araw bago ang kaniyang huling pakikipagpulong sa kaniyang tapat na mga alagad, sinabi ni Jesus sa mapagpaimbabaw na mga lider na Judio: “Sinasabi [ko] sa inyo, Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mateo 21:43) Ang bagong bansang iyon ay ang “Israel ng Diyos,” na binubuo ng 144,000 pinahirang Kristiyano at itinulad sa “mga sanga” ng “tunay na punong ubas,” si Kristo Jesus.—Galacia 6:16; Juan 15:5; Apocalipsis 14:1, 3.
16. Hinimok ni Jesus ang 11 tapat na apostol na gawin ang ano, at ano ang masasabi sa tapat na nalabi sa panahong ito ng kawakasan?
16 Sinabi ni Jesus sa 11 apostol na naroroong kasama niya sa silid sa itaas na iyon: “Ang bawat sanga sa akin na hindi namumunga ay inaalis niya, at ang bawat isa na namumunga ay nililinis niya, upang mamunga iyon nang higit pa. Manatili kayong kaisa ko, at ako na kaisa ninyo. Kung paanong ang sanga ay hindi makapamumunga sa ganang sarili malibang manatili ito sa punong ubas, sa gayunding paraan ay hindi rin naman kayo makapamumunga, malibang manatili kayong kaisa ko.” (Juan 15:2, 4) Ipinakikita ng makabagong kasaysayan ng bayan ni Jehova na ang tapat na nalabi ng mga pinahirang Kristiyano ay nanatiling kaisa ng kanilang Ulo, si Kristo Jesus. (Efeso 5:23) Sila ay nilinis at pinungusan. (Malakias 3:2, 3) Sapol noong 1919, nagluwal sila ng saganang bunga ng Kaharian, una ay ang ibang mga pinahirang Kristiyano at, mula noong 1935, ang dumaraming “malaking pulutong” na mga kasamahan.—Apocalipsis 7:9; Isaias 60:4, 8-11.
17, 18. (a) Anong mga salita ni Jesus ang tumutulong sa mga pinahiran at sa ibang mga tupa upang manatili sa pag-ibig ni Jehova? (b) Paano tayo matutulungan ng pagdalo sa Memoryal?
17 Sa lahat ng mga pinahirang Kristiyano at sa kanilang mga kasamahan, kumakapit ang karagdagang mga salita ni Jesus: “Ang aking Ama ay naluluwalhati rito, na patuloy kayong namumunga ng marami at pinatutunayan ninyong kayo ay aking mga alagad. Kung paanong inibig ako ng Ama at inibig ko kayo, manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo ay mananatili sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng Ama at nananatili sa kaniyang pag-ibig.”—Juan 15:8-10.
18 Tayong lahat ay nagnanais na manatili sa pag-ibig ng Diyos, at pinakikilos tayo nito na maging mabungang mga Kristiyano. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng paggamit sa bawat pagkakataon upang mangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian.’ (Mateo 24:14) Ginagawa rin natin ang ating buong makakaya upang maipamalas “ang mga bunga ng espiritu” sa ating personal na buhay. (Galacia 5:22, 23) Ang pagdalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay magpapatibay sa atin sa ating determinasyon na gawin ito, sapagkat mapaaalalahanan tayo tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos at ni Kristo sa atin.—2 Corinto 5:14, 15.
19. Anong karagdagang tulong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Pagkaraang masimulan ang Memoryal, ipinangako ni Jesus na magpapadala ang kaniyang Ama ng “katulong, ang banal na espiritu” sa kaniyang tapat na mga tagasunod. (Juan 14:26) Susuriin sa susunod na artikulo kung paano tinutulungan ng espiritung ito ang mga pinahiran at ang ibang mga tupa na manatili sa pag-ibig ni Jehova.
[Mga talababa]
a Para sa taóng 2002, ayon sa salig-Bibliyang pagtaya, ang Nisan 14 ay magsisimula sa paglubog ng araw, Huwebes, Marso 28. Sa gabing iyon, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay magtitipon upang alalahanin ang kamatayan ng Panginoon, si Jesu-Kristo.
b Tingnan ang aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, kabanata 19 at 32.
Mga Tanong sa Repaso
• Anong praktikal na aral hinggil sa maibiging paglilingkod ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad?
• Ang kapanahunan ng Memoryal ay isang angkop na panahon ng pagsusuri sa sarili may kaugnayan sa ano?
• Bakit hindi tayo dapat matisod sa babala ni Jesus tungkol sa pagkapoot at pag-uusig ng sanlibutan?
• Sino ang “tunay na punong ubas”? Sinu-sino ang “mga sanga,” at ano ang inaasahan sa kanila?
[Larawan sa pahina 15]
Binigyan ni Jesus ang kaniyang mga apostol ng di-malilimutang aral sa maibiging paglilingkod
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Sinusunod ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang utos na magpakita ng mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig