Paano Ka Mananalangin Para Pakinggan Ka ng Diyos?
Si Jehova ang Diyos na “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Puwede natin siyang kausapin kahit saan at kahit kailan, malakas man ito o hindi. Gusto ni Jehova na tawagin natin siyang “Ama,” at siya talaga ang pinakamabuting Ama para sa atin. (Mateo 6:9) Mahal tayo ni Jehova kaya tinuruan niya tayo kung paano dapat manalangin.
MANALANGIN SA DIYOS NA JEHOVA SA PANGALAN NI JESUS
“Kung hihingi kayo sa Ama ng anuman, ibibigay niya iyon sa inyo sa pangalan ko.”—Juan 16:23.
Malinaw ang sinabing iyan ni Jesus. Gusto ni Jehova na manalangin tayo, hindi sa pamamagitan ng mga imahen, santo, anghel, o sa mga ninuno, kundi sa pangalan ni Jesu-Kristo. Kapag nananalangin tayo sa Diyos sa pangalan ni Jesus, ipinapakita natin na pinapahalagahan natin ang ginawa ni Jesus para sa atin. “Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko,” ang sabi ni Jesus.—Juan 14:6.
MANALANGIN MULA SA PUSO
“Ibuhos ninyo sa kaniya ang laman ng puso ninyo.”—Awit 62:8.
Kapag mananalangin tayo kay Jehova, makipag-usap sa kaniya na parang nakikipag-usap sa isang maibiging ama. Imbes na basahin o sabihin ang isang kabisadong panalangin, dapat tayong makipag-usap sa kaniya nang may paggalang at mula sa puso.
MANALANGIN AYON SA KALOOBAN NG DIYOS
“Anuman ang hingin natin ayon sa kalooban niya ay ibibigay niya.”—1 Juan 5:14.
Mababasa sa Bibliya kung ano ang gagawin ng Diyos na Jehova para sa atin at kung ano ang dapat nating gawin para sa kaniya. Para pakinggan ng Diyos ang mga panalangin natin, dapat tayong manalangin “ayon sa kalooban niya.” Kailangan nating mag-aral ng Bibliya para makilala siya. Kung gagawin natin iyon, matutuwa ang Diyos na pakinggan ang mga panalangin natin.
ANO ANG PUWEDE NATING IPANALANGIN?
Ipanalangin ang mga Pangangailangan Mo. Puwede nating ipanalangin sa Diyos ang mga kailangan natin—pagkain, damit, at tirahan. Puwede rin tayong humingi ng karunungan para makapagpasiya tayo nang tama, at ng lakas para makayanan natin ang mga problema. Puwede nating ipanalangin sa Diyos na magkaroon tayo ng pananampalataya, na patawarin tayo, at na tulungan niya tayo.—Lucas 11:3, 4, 13; Santiago 1:5, 17.
Ipanalangin ang Iba. Natutuwa ang mga magulang kapag nakikita niyang nagmamahalan ang mga anak niya. Iyan din ang gusto ni Jehova na gawin ng mga tao. Kaya tama lang na ipanalangin mo ang asawa mo, ang mga anak, kapamilya, at kaibigan mo. Isinulat ng alagad na si Santiago: “Ipanalangin ninyo ang isa’t isa.”—Santiago 5:16.
Magpasalamat. Tungkol sa ating Maylalang, sinasabi ng Bibliya: “Gumawa siya ng mabuti at binigyan kayo ng ulan mula sa langit at mabubungang panahon at saganang pagkain, at pinasaya niya nang lubos ang puso ninyo.” (Gawa 14:17) Kung iisipin natin ang lahat ng ginawa ng Diyos para sa atin, mapapakilos tayo nito na pasalamatan siya sa panalangin. At maipapakita natin na talagang nagpapasalamat tayo sa kaniya kung susundin natin siya.—Colosas 3:15.
MAGHINTAY AT LAGING MANALANGIN
Minsan, baka nalulungkot tayo kasi parang hindi agad sinasagot ang mga panalangin natin kahit mula ito sa puso. Ibig bang sabihin, walang pakialam ang Diyos sa atin? Hindi! Pansinin ang mga karanasan na nagpapakita na minsan, kailangan lang nating magpatuloy sa pananalangin.
Inamin ni Steve, na nabanggit kanina: “Kung ’di dahil sa panalangin, nawalan na ako ng pag-asa na maging masaya.” Ano ang nakatulong kay Steve? Nag-aral siya ng Bibliya at natutuhan niya na mahalagang manalangin at patuloy na gawin iyon. “Nagpasalamat ako sa Diyos sa panalangin dahil sa suporta na natanggap ko mula sa mga kaibigan ko,” ang sabi ni Steve. “Talagang napakasaya ko na ngayon.”
Kumusta naman si Jenny na nakaramdam na hindi karapat-dapat pakinggan ng Diyos ang mga panalangin niya? Sinabi niya: “No’ng panahong nararamdaman ko na wala akong silbi, humingi ako ng tulong sa Diyos para maintindihan ko ang nararamdaman ko.” Paano iyon nakatulong sa kaniya? “Nakatulong sa akin ang pakikipag-usap sa Diyos na magkaroon ng tamang pananaw sa sarili—na kahit hinahatulan ko ang sarili ko, hindi ako hinahatulan ng Diyos. Natulungan din ako nito na huwag sumuko at magpatuloy sa buhay.” Ang resulta? “Dahil sa panalangin, nakita ko na si Jehova ay isang tunay, mapagmahal, at mapagmalasakit na Diyos, Ama, at Kaibigan. Lagi siyang nandiyan at handang tumulong hangga’t ginagawa ko ang mga bagay na gusto niya.”
Ano naman ang nangyari kay Isabel? Nang mabuntis siya, sinabi ng doktor na may kapansanan ang magiging anak niya. Parang gumuho ang mundo niya. May mga nagpayo pa nga sa kaniya na ipalaglag na ang bata. “Parang hindi ko na kaya ang bigat at sakit na nararamdaman ko.” Ano ang ginawa niya? “Paulit-ulit akong nanalangin para tulungan ako ng Diyos,” ang sabi niya. Ipinanganak ni Isabel si Gerard, at mayroon itong kapansanan. Naramdaman ba ni Isabel na sinagot ng Diyos ang panalangin niya? Oo! Pero paano? “Kapag nakikita ko ang anak ko, na 14-na-taóng gulang na ngayon, at nag-e-enjoy sa buhay kahit may kapansanan siya,” ang sabi ni Isabel, “na-realize ko na si Gerard ang sagot sa mga panalangin ko. Siya ang pinakamagandang regalo ng Diyos na Jehova para sa akin.”
Dahil sa mga karanasang ito, malinaw na totoo ang sinasabi ng salmista: “Pakikinggan mo ang kahilingan ng maaamo, O Jehova. Patatatagin mo ang puso nila at pakikinggan silang mabuti.” (Awit 10:17) Napakagandang dahilan para patuloy tayong manalangin!
Mababasa sa Bibliya ang maraming panalangin ni Jesus. Ang pinakakilaláng panalangin niya ay ang itinuro niya sa kaniyang mga alagad. Ano ang matututuhan natin sa panalanging ito?