Palakasin ang Loob ng Isa’t Isa Habang Papalapit ang Araw
“[Kundi] palakasin ang loob ng isa’t isa, at lalo na habang nakikita ninyong palapit nang palapit ang araw.”—HEBREO 10:25.
1, 2. Anong araw ang papalapit, at ano ang dapat na maging saloobin ng bayan ni Jehova?
ANG mga taong sa ngayon ay nakikibahagi sa pag-aanyaya, na ‘Halika at kumuha ng tubig ng buhay,’ ay hindi nagbubukod ng kanilang sarili. Habang ang dakilang araw ng tagumpay ni Jehova ay lumalapit, kanilang ikinakapit ang payo ng Bibliya: “Ating sikaping mapukaw ang bawat isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa, na huwag nating kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, at lalo na habang nakikita ninyo na palapit nang palapit ang araw.”—Hebreo 10:24, 25.
2 Ang Kasulatan ay humuhula tungkol sa “araw” na iyan bilang “araw ni Jehova.” (2 Pedro 3:10) Yamang si Jehova ang Kataas-taasan, ang pinakamakapangyarihang Diyos, walang araw na maaaring makahigit pa sa kaniyang araw. (Gawa 2:20) Iyon ay nangangahulugan ng pagbabangong-puri ng kaniyang pagkasoberano bilang Diyos sa buong sansinukob. Ang araw na iyan ng walang-katulad na kahalagahan ay palapit nang palapit.
3. Papaanong ang araw ni Jehova ay palapit nang palapit para sa mga Kristiyano noong unang siglo, at ano naman kung para sa atin ngayon?
3 Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano noong unang siglo ng ating Panlahatang Panahon na ang araw ni Jehova ay papalapit. Kanilang hinihintay ang pagdating ng araw niya, ngunit noon, ang araw na iyan ay mahigit na 1,900 na mga taon pa ang layo. (2 Tesalonica 2:1-3) Bagaman ganiyan, sila’y kailangang palakasin-loob sapagkat ang araw na iyan ay tiyakang darating, at kung ang mga Kristiyano’y patuloy na susulong taglay ang pananampalataya roon, sila’y papasok sa pinagpalang araw na iyan. (2 Timoteo 4:8) Nang panahong iyon, nakikitang ang araw na iyan ay palapit nang palapit. Kung para sa atin ngayon, ang araw ni Jehova ay tunay ngang malapit na. Lahat ng kahanga-hangang katuparan ng hula ng Bibliya ay nagpapatunay sa nakagagalak na katotohanang ito. Di na magtatagal, ang pangalan ng ating Diyos, si Jehova, ay pakababanalin sa panahong walang-hanggan.—Lucas 11:2.
Pinalakas-Loob ng Banal na Pangalan
4. Sang-ayon sa Apocalipsis 19:6, sino ang magiging Hari, at papaano ang pagkaunawa sa kaniyang pangalan?
4 Sa banal na pangalan ay dapat maging interesado ang buong sangkatauhan. Ang Today’s English Version ay nagsasabi: “Purihin ang Diyos! Sapagkat ang Panginoon, ang ating Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ay Hari!” (Apocalipsis 19:6) Sang-ayon sa ika- 20-siglong salin ng Bibliyang iyan, siya ang Panginoon, ang pinakamakapangyarihang Diyos. Ang bersiyon na iyan, at gayundin ang maraming iba pang modernong bersiyon, ay hindi kakakitaan ng pangalan ng banal na Isa na nagsisimulang magpunò bilang Hari. Gayunman, ang banal na pangalan ay kasali sa ibinulalas na “Hallelujah!” (“Purihin si Jah” o, “Purihin si Jehova”) na matatagpuan sa Revised Standard Version, sa New International Version, at sa salin ni Moffatt ng Apocalipsis 19:6. Sa kalakhang bahagi ng ating Panlahatang Panahon, ang banal na pangalan ay karaniwan nang pinalabo ng kahulugan sa mga salin ng Bibliya. Gayunman, gaya ng makikita natin, ang pangalang iyan ay naging malaking pampalakas-loob sa bayan ng Diyos, sa kapuwa sinauna at modernong panahon.
5, 6. (a) Bakit kinailangang malaman ni Moises ang pangalan ng Diyos na kaniyang kinakatawan? (b) Ano ang tiyak na naging epekto sa mga Israelita nang idiin ni Moises ang banal na pangalan?
5 Ating maaalaala na nang si Moises ay suguin ng Kataas-taasang Diyos sa mga Israelita na alipin sa lupain ng Ehipto, ang tanong na kung sino ang nagsugo sa kaniya ay bumangon sa isip ng mga tao na pinagsuguan kay Moises. Inasahan ni Moises na ang nagdurusang mga mamamayang Judio ay nagnanais makaalam ng pangalan ng Diyos na kaniyang kinakatawan. Tungkol dito ay mababasa natin sa Exodo 3:15: “Sinabi minsan pa ng Diyos kay Moises: ‘Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, “Sinugo ako sa inyo ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, na Diyos ni Abraham, na Diyos ni Isaac at na Diyos ni Jacob.” ’ Ito ang aking pangalan magpakailanman, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng sali’t saling lahi.”
6 Nang ang impormasyong ito ay idiin sa kanila, tiyak na ang mga Israelita’y lumakas na totoo ang loob. Ang kanilang kaligtasan ay tiniyak sa kanila ng tanging tunay na Diyos, si Jehova. At tiyak na nakapagpapalakas-loob ang magkaroon ng pagkakataon na makilala ang Diyos sa panahon na kaniyang ipakikilala ang kahulugan ng kaniyang personal na pangalan—hindi sa paraang may pagmamataas na ibinubukod ang kaniyang sarili!—Exodo 3:13; 4:29-31.
7. (a) Papaano natin malalaman na nakikilala ng mga alagad ni Jesus ang pangalan? (b) Papaano napasaisang-tabi ang pangalan ng Diyos?
7 Ang mga alagad ng Panginoong Jesu-Kristo ay lubhang napalakas-loob ng banal na pangalan, na Jehova, at ng kinakatawan niyaon. (Juan 17:6, 26) Sa panahon ng makalupang ministeryo ni Jesus, tiyak na hindi niya isinaisang-tabi ang banal na pangalan, at hindi niya layunin na ang kaniyang sariling pangalan, na Jesus, ang mauna rito. Pagkatapos lamang magsimula ang inihulang apostasya buhat sa tunay na pananampalatayang Kristiyano napasaisang-tabi ang banal na pangalan, oo, halos naparam na sa mga pag-uusap ng mga Kristiyano. (Gawa 20:29, 30) Minsang ang pangalan ng Anak ng Diyos ay magsimulang gawing lalong prominente, nangingibabaw sa Ama, masusumpungan ng nag-aangking mga Kristiyano na ang kanilang pagsamba sa Ama ay hindi yaong nauukol sa isang persona, kulang ng pampamilyang pagkamalapit sa isa’t isa, kaya’t hindi gaanong nakapagpapalakas-loob.
8. Ano ang patuloy na epekto sa bayan ng Diyos ng pagtanggap sa pangalang mga Saksi ni Jehova?
8 Kaya naman, isang dahilan ng di-masayod na kagalakan nang ang International Bible Students na kaugnay ng Watch Tower Society ay tumanggap sa pangalang mga Saksi ni Jehova noong 1931. Iyon ay hindi lamang nagdudulot-kagalakan kundi totoong nakapagpapalakas-loob. Dahil dito, ang may bagong pangalang mga estudyante ng Bibliya ay makapagpapalakas-loob sa isa’t isa.—Ihambing ang Isaias 43:12.
9. Ano ang pagkakilala ng mga tunay na Kristiyano sa Isa na kanilang sinasaksihan bilang kaniyang mga Saksi?
9 Kaya naman, nakikita ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon na angkop na makilala ang Isa na kanilang sinasaksihan bilang ang kaniyang mga Saksing hinulaan, gaya ng ginawa ni Jesu-Kristo na kanilang Lider nang siya’y narito sa lupa. (Apocalipsis 1:1, 2) Oo, kanilang ipinakikilala siya bilang ang tanging isa na ang pangalan ay Jehova.—Awit 83:18.
Puspos ng Kagalakan at Banal na Espiritu
10-12. (a) Ano ang magiging epekto ng aktibong puwersa sa mga tagasunod ni Jesus? (b) Papaano nais na makitungo sa isa’t isa ang nagagalak na mga Saksi ni Jehova?
10 Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang pamamaalam sa kaniyang mga apostol: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako’y sumasainyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 28:19, 20.
11 Pansinin na ang bago lamang naturuang mga Kristiyano ay kailangang bautismuhan sa pangalan ng banal na espiritu. Ang banal na espiritung ito ay hindi isang persona kundi ang aktibong puwersa ng Diyos na Jehova, na Kaniyang ginagamit sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Noong Pentecostes, ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan ni Jesus, ay nagbuhos ng kaniyang aktibong puwersa sa nag-alay na mga tagasunod ni Jesu-Kristo. (Gawa 2:33) Sila’y napuspos ng banal na espiritung ito, at isa sa mga kapahayagan, o mga bunga, ng banal na espiritu ay kagalakan. (Galacia 5:22, 23; Efeso 5:18-20) Ang kagalakan ay isang nagpapasiglang katangian. Ang mga alagad ay pupuspusin ng kagalakan ng banal na espiritu. Ang panalangin na binigkas ni apostol Pablo ay angkup na angkop: “Harinawang ang Diyos na nagbibigay ng pag-asa ay puspusin kayo ng buong-kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang kayo’y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu.”—Roma 15:13.
12 Puspos ng nagbibigay-kagalakang espiritung ito, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon, kasali na ang “malaking pulutong,” ay magnanais, oo, mapupukaw, na magpalakas-loob sa isa’t isa sa gitna ng napopoot na sistemang ito ng mga bagay. Kaya nga, may binanggit si apostol Pablo na “pagpapalakas-loob sa isa’t isa.”—Apocalipsis 7:9, 10; Roma 1:12; 14:17.
May Lahat ng Dahilan Upang Tayo’y Mapalakas-Loob
13. Anong mga dahilan mayroon tayo na mapalakas-loob at magpalakas-loob sa isa’t isa?
13 Yamang narito sila sa gitna ng sistemang ito ng mga bagay, na kung saan ang mananalansang sa lahat ng bagay na matuwid ay ang pinunò at ang diyos pa nga nito, ang mga Kristiyano’y magnanais na magpalakas-loob sa isa’t isa sa mga nasa loob ng pambuong-daigdig na kongregasyong Kristiyano, na puspos ng banal na espiritu ng Diyos na Jehova. (Hebreo 10:24, 25; Gawa 20:28) Tayo’y may lahat ng dahilan na mapalakas-loob. Oo, anong laki ng ating pasasalamat sa pagkakaroon ng tumpak na kaalaman kay Jehova at sa Kaniyang Anak at sa aktibong puwersa na kanilang ginagamit, samakatuwid baga, ang banal na espiritu! Anong laki ng ating pasasalamat na tayo ay may taglay na pag-asang kanilang ibinibigay! Ang ating pagsamba ay punô kung gayon ng kagalakan. Sinabihan ni apostol Pablo ang mga Kristiyanong kaniyang pinahatdan ng kaniyang liham na sila’y magpalakas-loob sa isa’t isa at magpatibayan sa isa’t isa sa kanilang kabanal-banalang pananampalataya. Kanilang gagawin ito ‘lalo na habang kanilang nakikitang palapit nang palapit ang araw, wika nga.’ Isa pa, pagka ang naturingang Kristiyanismo ay lipulin na ng makapulitikang mga kapangyarihan ng lupang ito, kasali na ang lahat ng iba pang mga huwad na relihiyon, hinihingi ng pagkakataon na tayo’y lalo pa ngang magpalakas-loob sa isa’t isa.
14. Sino ang dapat magpalakas-loob sa isa’t isa, at papaano?
14 Samantalang ang matatanda ang nangunguna sa pagpapalakas-loob sa kawan sa kani-kanilang mga kongregasyon, lahat ng Kristiyano ay kailangang magpalakas-loob sa isa’t isa, gaya ng ipinapayo ng Hebreo 10:25. Ang totoo, ito ay isang kahilingan sa Kristiyano. Kung ikaw ay isang miyembro ng isang kongregasyon, ikaw ba ay nagbibigay ng pampalakas-loob na ito? Marahil ay maitatanong mo, ‘Papaano ko magagawa iyon? Ano ang maaari kong gawin?’ Una, kahit na lamang sa iyong pagkanaroroon sa mga pulong at sa iyong pagtangkilik sa kaayusang Kristiyano, hindi baga lahat ng iba pang mga kapatid na mga lalaki at mga babae ay napalalakas-loob, gaya rin ng kung papaano ka malamang na napalakas-loob nang makita mo ang mga iba na hindi humihinto ng pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon? Sila’y mapalalakas-loob din sa pamamagitan ng iyong halimbawa ng may katapatang pagtitiis. Sa iyong pagpapatuloy sa landasing Kristiyano sa kabila ng mga suliranin at mga kahirapan sa buhay, na kailanma’y hindi humihinto, ikaw ay makapagpapakita ng halimbawa na nagsisilbing inspirasyon.
Labanan ang Panghihina ng Loob na Nagbubuhat sa Diyablo
15. Bakit may “malaking galit” ang Diyablo at laban kanino?
15 Hindi tayo lamang ang mga nakaaalam na malapit na ang araw na iyan ni Jehova. Si Satanas na Diyablo ay nakaaalam din. Ang Apocalipsis 12:12 ay nagsasabi sa atin na ngayo’y nasa kaabahan ang lupa “sapagkat ang Diyablo ay bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” Gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis 12:17, ang kaniyang malaking galit ay nakatutok sa “mga tumutupad ng mga utos ng Diyos at may gawain na pagpapatotoo kay Jesus.” Tiyak iyan—ibig ng Diyablo na manghina ang ating loob! At alam na alam niya kung papaano niya pagsisikapan na gawin ito. Batid niya ang ating mga kahinaan at mga suliranin, at ito ang kaniyang sinasamantala.
16. Bakit ginagamit ni Satanas ang panghihina ng loob bilang isang armas?
16 Bakit ginagamit ng Diyablo ang panghihina ng loob bilang isang armas? Sapagkat ito’y malimit na may nagagawa. Kahit na ang isang tao na nagtiis ng tahasang pananalansang at pag-uusig ay maaaring manghina ang loob. Ibig ni Satanas na tuyain ang Diyos na Jehova at subukin na patunayang maitatalikod niya ang mga tao sa paglilingkod sa Kaniya. (Kawikaan 27:11; ihambing ang Job 2:4, 5; Apocalipsis 12:10.) Kung sakaling magawa niya na ikaw ay masiraan ng loob, baka hilahin ka upang ikaw ay magmabagal sa iyong paglilingkod sa Diyos; maaari pa ngang pangyarihin niya na ikaw ay huminto, maging di-aktibo sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—2 Corinto 2:10, 11; Efeso 6:11; 1 Pedro 5:8.
17. Papaanong ang negatibong mga epekto ng panghihina ng loob ay nakita noong kaarawan ni Moises?
17 Ang negatibong mga epekto ng panghihina ng loob ay mapapansin sa kaso ng mga Israelita sa sinaunang Ehipto. Pagkatapos na kausapin ni Moises si Faraon, ang kanilang mga pasanin at ang kaniyang paniniil sa kanila ay lalo pang pinarami ng malupit na haring iyan. Sinabi ng Diyos kay Moises na bigyan ang mga Israelita ng katiyakan na Kaniyang ililigtas sila, gagawin silang Kaniyang bayan, tutulungan sila na makatakas, at dadalhin sila sa lupaing ipinangako. Ganito ang ipinahayag ni Moises sa mga anak ni Israel. Ngunit ang Exodo 6:9 ay nag-uulat: “Sila’y hindi nakinig kay Moises dahil sa panghihina ng loob at sa mabagsik na pagkaalipin.” Hanggang sa kinumbinsi ni Jehova si Moises at pinalakas ang kaniyang loob, ang ganitong ikinilos nila ay nagpahina pa ng loob kay Moises sa pagnanais na makausap si Faraon gaya ng iniutos sa kaniya.—Exodo 6:10-13.
18. Bakit lubhang kailangan na labanan ng bayan ng Diyos ang panghihina ng loob na likha ng Diyablo?
18 Alam na alam ni Satanas na Diyablo ang negatibong epekto na maidudulot ng panghihina ng loob sa isang lingkod ng Diyos. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 24:10: “Ikaw ba’y nasisiraan ng loob sa araw ng kagipitan? Ang lakas mo ay uunti.” Yamang tayo’y nabubuhay sa dulung-dulo na ng panahon ng kawakasan, tayo ay kailangang maging malakas at matibay sa espirituwal. Sapat na ang tayo’y makipagpunyagi sa ating mga di-kasakdalan, kahinaan, at mga kamalian na maaaring pumigil sa atin; ngunit kung sinisikap ni Satanas na masamantala ang mga kamaliang ito, tayo’y nangangailangan ng tulong.
Sumandal Nang Matatag sa Hain ni Kristo
19. Ano ang tutulong sa atin na daigin ang panghihina ng loob, at bakit?
19 Ang isang malaking tulong sa bagay na ito ay ang pantubos na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Tayo’y maaaring magtagumpay sa pamamagitan ng panghahawakang matatag sa pantubos. Mapanganib na maliitin ang paglalaang ito. Oo, tayo’y magkakamali pa rin, o magkakasala, habang tayo’y di-sakdal. Ngunit tayo’y hindi dapat masiraan ng loob at huminto, sa pagkadama na wala nang pag-asa, at sa gayo’y mahulog sa patibong ni Satanas. Batid natin na tayo’y may isang ganap na hain para sa kasalanan. Ang pantubos ang nakaaalis ng mga kasalanan. Kung tayo’y bahagi ng “malaking pulutong,” tayo’y kailangang magkaroon ng lubos na pananampalataya at pagtitiwala na ating malalabhan ang ating kasuotan at mapapuputi ito sa dugo ng Kordero.—Apocalipsis 7:9, 14.
20. Papaano ipinakikita ng Apocalipsis 12:11 na ang dakilang tagapagpahina ng loob, ang Diyablo, ay maaaring madaig?
20 Sa Apocalipsis 12:10 si Satanas ay tinutukoy na “ang tagapagparatang sa ating mga kapatid . . . na nagpaparatang sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos.” Papaano natin madadaig ang ganiyang balakyot na tagapagparatang at dambuhalang tagapagpahina ng loob? Ang Apoc 12 talatang 11 ng kabanatang iyan ang nagbibigay ng kasagutan: “Siya’y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero at dahil sa salita ng kanilang patotoo, at hindi nila inibig ang kanilang kaluluwa kahit sa harap ng kamatayan.” Kaya’t ang bayan ni Jehova ay kailangang manatiling may lubos na pagtitiwala sa haing pantubos, ang dugo ng Kordero. Panatilihing matatag ang pampatibay-loob na bunga ng pagpapatotoo, palagiang ibinabahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng maaaring bahaginan nito.
21. Papaano tayo sa di-sinasadya’y baka nakikibahagi sa gawain ng Diyablo na pagpapahina ng loob ng ating mga kapatid?
21 Kung minsan, sa di-sinasadya, baka tayo ay nakikibahagi sa gawain ng Diyablo na pagpapahina ng loob ng ating mga kapatid. Sa papaano? Sa pamamagitan ng pagiging totoong mapamintas, totoong mapaghanap, o pagiging labis na matuwid. (Eclesiastes 7:16) Lahat tayo ay may mga pagkukulang at mga kahinaan. Huwag tayong padala sa mga ito na gaya ng Diyablo. Bagkus, tayo’y magsalita ng pampatibay-loob sa ating mga kapatid at sa bayan ni Jehova bilang isang grupong organisado. Ibig nating patuloy na magpalakas-loob sa isa’t isa at sa gayo’y huwag makasira ng loob ng isa’t isa.
Nagpapalakas-Loob Habang Papalapit ang Araw
22, 23. (a) Bakit hindi lamang ang mga matatanda ang hahayaan natin na magbigay ng pampalakas-loob? (b) Papaano mapalalakas-loob ang mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano?
22 Gawin nating matibay na pasiya na laging magpalakas-loob sa isa’t isa habang papalapit ang araw. Magpalakas-loob sa iba sa pamamagitan ng iyong halimbawa ng katapatan at ng mga salitang pang-aliw. Tularan si Jehova at ang Panginoong Jesu-Kristo sa bagay na ito. Huwag mong hayaang ang mga matatanda lamang sa kongregasyon ang magbigay ng pampalakas-loob. Aba, ang matatanda mismo ay nangangailangan ng pampalakas-loob. Sila’y may mga kahinaan at mga di-kasakdalan gaya rin ng iba sa kawan, at sila’y kailangang humarap sa katulad din na mga suliranin sa paglalaan sa kanilang mga pamilya sa isang nabubulok na sanlibutan. Bukod diyan, sila’y mayroon niyaong tinukoy ni Pablo na kabalisahan dahil sa mga kongregasyon. (2 Corinto 11:28, 29) Sila’y puspusang nagpapagal—kailangan nila ang pampalakas-loob.
23 Mabibigyan mo ng malaking pagpapalakas-loob ang mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kanila. Kung magkagayo’y masusunod mo ang payo ng Hebreo 13:17: “Maging masunurin sa mga nangunguna sa inyo at pasakop kayo, sapagkat kanilang patuloy na binabantayan ang inyong mga kaluluwa na parang sila ang magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may paghihinagpis, sapagkat ito’y makapipinsala sa inyo.”
24. Sa panahong ito ng panghihina ng loob, ano ang dapat na ginagawa natin, at bakit?
24 Tayo’y nabubuhay sa isang panahon ng panghihina ng loob. Ang puso ng mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa, gaya ng inihula ni Jesus. (Lucas 21:25, 26) Sa gitna ng napakaraming problema na nagdudulot ng kalumbayan at pagkasira ng loob, inyong “palakasin ang loob ng isa’t isa, at lalo na habang nakikita ninyong palapit nang palapit ang araw.” Sundin ang mabuting payo ni apostol Pablo sa 1 Tesalonica 5:11: “Patuloy na mag-aliwan kayo at magpatibayan sa isa’t isa, gaya ng ginagawa na ninyo.”
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit ang mga Kristiyano ay dapat na magpalakas-loob sa isa’t isa, lalung-lalo na ngayon?
◻ Papaanong ang pagkaalam sa banal na pangalan ay naging pampalakas-loob sa bayan ni Jehova?
◻ Sa anu-anong paraan makapagpapalakas-loob tayo sa isa’t isa?
◻ Bakit kailangang iwasan natin ang pakikibahagi sa gawain ng Diyablo na pagpapahina ng loob ng ating mga kapatid?
[Larawan sa pahina 17]
Ang matatanda ang nangunguna sa pagpapalakas-loob sa kawan sa kani-kanilang mga kongregasyon