‘Hindi Bahagi ng Sanlibutan’
“Ang sanlibutan ay napoot sa kanila, sapagkat hindi sila bahagi ng sanlibutan.”—JUAN 17:14.
Ang Kahulugan Nito: Dahil hindi bahagi ng sanlibutan, si Jesus ay neutral sa mga alitan noon sa lipunan at pulitika. “Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito,” ang sabi niya, “lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” (Juan 18:36) Hinimok din niya ang kaniyang mga tagasunod na iwasan ang mga saloobin, pagsasalita, at pagkilos na hinahatulan ng Salita ng Diyos.—Mateo 20:25-27.
Ang Ginawa ng Unang mga Kristiyano: Ayon sa manunulat tungkol sa relihiyon na si Jonathan Dymond, ang unang mga Kristiyano ay “tumangging makilahok sa [digmaan]; anuman ang maging resulta, ito man ay pagdusta, o pagkabilanggo, o kamatayan.” Mas minabuti pa nilang magdusa kaysa sa ikompromiso ang kanilang neutral na paninindigan. Ibang-iba rin ang kanilang pamantayang moral. Sinabi sa mga Kristiyano: “Sa dahilang hindi kayo patuloy na tumatakbong kasama nila sa landasing ito sa gayunding pusali ng kabuktutan, sila ay nagtataka at patuloy na nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa inyo.” (1 Pedro 4:4) Isinulat naman ng istoryador na si Will Durant na ang mga Kristiyano ay “nakaliligalig sa mahilig-sa-kalayawang paganong sanlibutan . . . dahil sa kanilang pagiging relihiyoso at disente.”
Sino sa Ngayon ang Nagpapamalas ng Pagkakakilanlang Ito? Tungkol sa pagiging neutral ng mga Kristiyano, sinabi ng New Catholic Encyclopedia: “Ang pagtangging humawak ng sandata ay labag sa moral.” Ayon sa isang artikulo sa Reformierte Presse, pinatunayan ng isang report ng African Rights, isang organisasyon sa karapatang pantao, na may partisipasyon nga ang lahat ng relihiyon sa pag-uubusan ng lahi sa Rwanda noong 1994, “maliban sa mga Saksi ni Jehova.”
Habang tinatalakay ang tungkol sa Nazi Holocaust, isang titser sa high school ang malungkot na nagsabing “walang grupo o organisasyon ng karaniwang mga mamamayan ang nagsalita laban sa mga kasinungalingan, kalupitan, at kabuktutan.” Matapos kumonsulta sa United States Holocaust Memorial Museum, isinulat niya: “Alam ko na ngayon ang sagot.” Nalaman niyang ang mga Saksi ni Jehova ay nanindigan para sa kanilang mga paniniwala sa kabila ng malupit na pagtrato sa kanila.
Kumusta naman ang kanilang moralidad? “Ang karamihan sa mga adultong Katoliko sa ngayon ay tutol sa mga turo ng simbahan tungkol sa mga isyung gaya ng pagsasama [at] pagtatalik bago ang kasal,” ang sabi ng magasing U.S. Catholic. Sinipi nito ang isang diyakono na nagsabi: “Napakalaking porsiyento—sa palagay ko’y mahigit 50 porsiyento—ang nagsasama na bago pa man ikasal.” Sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica na ang mga Saksi ni Jehova ay “mahigpit na sumusunod sa isang mataas na pamantayang moral sa personal na paggawi.”