ANAS
[mula sa Heb., nangangahulugang “Nagpapakita ng Lingap; Magandang-loob”].
Mataas na saserdote noong mga 6 o 7 C.E. na inatasan ni Quirinio, ang Romanong gobernador ng Sirya, at naglingkod hanggang noong mga 15 C.E. (Luc 2:2) Samakatuwid, si Anas ang mataas na saserdote noong mamangha sa 12-taóng-gulang na si Jesus ang rabinikong mga guro sa templo. (Luc 2:42-49) Si Anas ay inalis ni Prokurador Valerius Gratus sa pagiging mataas na saserdote. Bagaman hindi na niya hawak ang opisyal na titulo, maliwanag na mayroon pa rin siyang malaking kapangyarihan at impluwensiya bilang dating mataas na saserdote at isang pinagpipitaganang miyembro ng herarkiyang Judio. Lima sa kaniyang mga anak, gayundin ang kaniyang manugang na si Caifas, ang humawak sa katungkulan ng mataas na saserdote. Dahil sa kaniyang prominenteng posisyon, si Anas ay angkop na tinutukoy sa Kasulatan bilang isa sa mga punong saserdote. (Mat 26:3; Luc 3:2) Nang arestuhin si Jesus, dinala muna siya kay Anas para pagtatanungin at pagkatapos ay ipinadala siya kay Caifas para litisin. (Ju 18:13) Nangunguna ang pangalan ni Anas sa talaan ng pangunahing mga kalaban ng mga apostol ni Jesu-Kristo.—Gaw 4:6.
Ang mayaman at makapangyarihang sambahayan ni Anas ay mula sa tribo ni Levi, at ang pagtitinda ng mga inihahaing hayop sa bakuran ng templo ay isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan nila, anupat sapat na dahilan ito upang naisin nila na patayin si Jesus, yamang dalawang beses na nitong nilinis ang templo, na ginawa nilang “yungib ng mga magnanakaw.” (Ju 2:13-16; Mat 21:12, 13; Mar 11:15-17; Luc 19:45, 46) Malamang na napoot din si Anas kay Jesus at sa mga apostol nito dahil sa turo ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli, sa pagbabangon kay Lazaro bilang buháy na katibayan ng turong iyon, at sa pangangaral at pagtuturo ng mga apostol hinggil sa doktrina ring iyon, sapagkat kung si Anas ay talagang isang Saduceo, hindi siya naniniwala sa pagkabuhay-muli.—Gaw 23:8; ihambing ang 5:17.