Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Katapusang Panalangin sa Silid sa Itaas
PALIBHASA’Y napukaw ng matimyas na pag-ibig sa kaniyang mga apostol, sila’y inihanda ni Jesus para sa kaniyang nalalapit na pagyaon. Bueno, pagkatapos payuhan at aliwin sila sa wakas, ang kaniyang mga mata ay itiningin niya sa langit at hiniling sa kaniyang Ama: “Luwalhatiin mo ang iyong anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng iyong anak, gaya nang ibinigay mo sa kaniya ang kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan niya ng buhay na walang-hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya.”
Isang lubhang nakapupukaw na tema ang ipinasok ni Jesus—buhay na walang-hanggan! Yamang binigyan ng “kapamahalaan sa lahat ng laman,” si Jesus ay makapagkakaloob ng mga kapakinabangan na bunga ng kaniyang inihandog na pantubos sa buong namamatay na sangkatauhan. Gayunman, ang pinagkakalooban niya ng “buhay na walang-hanggan” ay yaon lamang mga may pagsang-ayon ng Ama. Sa pagpapatuloy sa temang ito ng buhay na walang-hanggan, si Jesus ay nagpapatuloy ng kaniyang pananalangin:
“Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” Oo, ang kaligtasan ay depende sa ating pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa kaniyang Anak. Ngunit higit pa ang kailangan kaysa kaalaman lamang na nasa isip.
Kailangang sila’y makilalang lubos ng isang tao, na pinauunlad ang isang may pagkaunawang pakikipagkaibigan sa kanila. Ang mga bagay ay kailangang makilala ng isa gaya ng pagkakilala nila at tingnan ang mga bagay-bagay gaya ng pagtingin nila. At higit sa lahat, kailangang pagsikapan ng isang tao na tularan ang kanilang walang-katulad na mga katangian sa pakikitungo sa iba.
Ang isinunod na sinabi ni Jesus sa panalangin ay: “Niluwalhati kita sa lupa, naganap ko ang gawa na ipinagawa mo sa akin.” Pagkatapos na gawin ang iniatas sa kaniya hanggang sa puntong ito at sa pagtitiwala na siya’y magtatagumpay sa hinaharap, siya’y humiling: “Ama, luwalhatiin mo ako na kasama mo ng kaluwalhatiang taglay ko nang ako’y kasama mo bago naging gayon ang sanlibutan.” Oo, ngayon ay humihiling siya na ibalik siya sa kaniyang dating kaluwalhatian sa langit sa pamamagitan ng isang pagkabuhay-muli.
Tungkol sa kabuuan ng kaniyang pangunahing gawain sa lupa, sinabi ni Jesus: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita.” Ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos, na Jehova, sa kaniyang ministeryo at ipinakita niya ang tamang pagbigkas niyaon, ngunit higit pa ang ginawa niya upang ang pangalan ng Diyos ay mahayag sa kaniyang mga apostol. Kaniya ring pinalawak ang kanilang kaalaman at pagpapahalaga kay Jehova, sa kaniyang personalidad, at sa kaniyang mga layunin.
Sa pagkilala kay Jehova bilang kaniyang Ulo, ang Isa na pinaglilingkuran niya, mapakumbabang sinabi ni Jesus: “Ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap at tunay na nakilala nilang ako’y nanggaling sa iyo bilang iyong kinatawan, at sila’y nagsipaniwalang ako’y sinugo mo.”
Upang ipakita ang pagkakaiba ng kaniyang mga tagasunod at ng natitirang bahagi ng sangkatauhan, sumunod na sinabi ni Jesus: “Idinadalangin ko, hindi ang sanlibutan, kundi yaong mga ibinigay mo sa akin . . . Nang ako’y kasama nila ay iningatan ko sila . . . , at sila’y binantayan ko, at isa man sa kanila’y walang napahamak kundi ang anak ng kapahamakan,” samakatuwid nga, si Judas Iscariote. Sa mismong sandaling ito, si Judas ay patungo na sa kaniyang kasuklam-suklam na misyong ipagkanulo si Jesus. Sa gayon, si Judas ay walang kamalay-malay na tumutupad ng Kasulatan.
“Kinapootan sila ng sanlibutan,” ang pagpapatuloy ng pananalangin ni Jesus. “Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” Ang mga tagasunod ni Jesus ay nasa sanlibutan, ang organisadong lipunang ito ng tao na pinamamahalaan ni Satanas, ngunit sila ay hiwalay sa sanlibutan at kailangang laging manatiling hiwalay dito at sa mga kabalakyutan nito.
“Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan,” ang patuloy pa ni Jesus, “ang salita mo ay katotohanan.” Dito ang kinasihang Kasulatang Hebreo, na dito siya patuloy na sumisipi, ay tinawag ni Jesus na “ang katotohanan.” Ngunit ang kaniyang itinuro sa kaniyang mga alagad at ang kanilang isinulat nang malaunan sa ilalim ng pagkasi bilang ang Kasulatang Griegong Kristiyano ay “ang katotohanan” din naman. Ang katotohanang ito ay maaaring magpabanal sa isang tao, lubusang bumago sa kaniyang buhay, at gawin siyang isang taong hiwalay sa sanlibutan.
“Hindi lamang sila ang idinadalangin [ni Jesus], kundi pati rin sila na mga sumasampalataya [sa kaniya] sa pamamagitan ng kanilang salita.” Samakatuwid ipinananalangin ni Jesus yaong magiging kaniyang mga pinahirang tagasunod at iba pang mga alagad sa hinaharap na titipunin pa sa “isang kawan.” Ano ba ang kaniyang hinihiling para sa lahat ng mga ito? “Upang silang lahat ay maging isa, gaya mo, Ama, na kaisa ko at ako’y kaisa mo, . . . upang sila’y maging isa na gaya naman natin na iisa.”
Si Jesus at ang kaniyang Ama ay hindi literal na iisang persona, ngunit sila’y nagkakaisa sa lahat ng bagay. Si Jesus ay nanalangin na ang kaniyang mga tagasunod ay magtamasa rin sana ng ganitong pagkakaisa upang “makilala ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila’y iyong iniibig na gaya ko na iniibig mo.”
Alang-alang sa kaniyang magiging pinahirang mga tagasunod, si Jesus ay humihiling ngayon sa kaniyang makalangit na Ama. Ng ano? “Ibig kong kung saan ako naroroon, sila man ay dumoon ding kasama ko, upang makita nila ang kaluwalhatian ko na ibinigay mo sa akin, sapagkat ako’y iyong inibig bago natatag ang sanlibutan,” samakatuwid nga, nang maging anak ni Adan at Eva ang kanilang unang supling. Malaon pa bago nangyari iyon, iniibig na ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak na naging si Jesu-Kristo.
Sa pagtatapos ng kaniyang panalangin, muling idiniin ni Jesus: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ko, upang ang pag-ibig na iniibig mo sa akin ay sumakanila at ako’y makaisa nila.” Para sa mga apostol, nasasangkot sa pangalan ng Diyos ang personal na pagkakilala sa pag-ibig ng Diyos. Juan 17:1-26; 10:16; Kawikaan 8:22, 30.
▪ Sa anong diwa binigyan si Jesus ng “kapamahalaan sa lahat ng laman”?
▪ Ano ang ibig sabihin ng pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa kaniyang Anak?
▪ Sa anu-anong paraan ipinahayag ni Jesus ang pangalan ng Diyos?
▪ Ano “ang katotohanan,” at papaano ‘nagpapabanal’ iyon sa isang Kristiyano?
▪ Papaanong ang Diyos, ang kaniyang Anak, at lahat ng mga tunay na mananamba ay iisa?
▪ Kailan “natatag ang sanlibutan”?