TAGAPAGPALIT NG SALAPI
Isang tao na ang hanapbuhay ay magpalit ng salapi o palitan ang mga barya ng mga baryang iba ang denominasyon. Sa bawat transaksiyon, ang tagapagpalit ng salapi ay tumatanggap ng isang takdang halaga bilang singil. Kaya naman ang salitang Griego na kol·ly·bi·stesʹ (tagapagpalit ng salapi) ay nagmula sa terminong kolʹly·bos, isang maliit na baryang ibinabayad bilang komisyon sa pagpapalit ng salapi. Ang salitang Griego na ker·ma·ti·stesʹ (mangangalakal ng salapi o tagapagpalit ng barya) sa Juan 2:14 ay nauugnay sa kerʹma, isinaling “barya” sa sumunod na talata. Sa Judiong Mishnah, binabanggit ang iba pang mga serbisyong ginagampanan ng mga tagapagpalit ng salapi, gaya ng pag-iingat ng salapi para sa iba at ang pagbabayad ng suweldo kapag ang isa ay nagpakita ng kasulatan para sa pagbabayad ng salapi.—Bava Mezia 3:11; 9:12.
Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, ang taunang buwis sa templo ay dalawang drakma (isang didrakma). (Mat 17:24) Habang ang mga Judio mula sa malalayo at nakapangalat na mga lupain ay pumaparoon sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskuwa at binabayaran nila ang buwis na ito noon, maaaring kinailangan ang mga serbisyo ng mga tagapagpalit ng salapi upang ang mga banyagang salapi ay mapalitan ng salaping tinatanggap bilang pambayad ng buwis sa templo, kung hindi man pambili na rin ng mga hayop na ihahain at ng iba pang mga bagay. Ayon sa Mishnah (Shekalim 1:3), kapag ika-15 ng Adar, o mga isang buwan bago ang Paskuwa, ang mga tagapagpalit ng salapi ay nagbubukas ng kanilang negosyo sa mga probinsiya. Ngunit kapag ika-25 ng Adar, kung kailan nagdaratingan sa Jerusalem ang mga Judio at mga proselita mula sa maraming iba pang mga lupain, pumupuwesto na ang mga tagapagpalit ng salapi sa may lugar ng templo.
Doon nga sa templo, sa dalawang pagkakataon, itiniwarik ni Jesu-Kristo ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng salapi at hinatulan niya sila dahil ginawa nilang “bahay ng pangangalakal” o “yungib ng mga magnanakaw” ang templo. (Ju 2:13-16; Mat 21:12, 13; Mar 11:15-17) Maaaring ipinahihiwatig nito na itinuring ni Jesus na napakataas ng singil ng mga tagapagpalit ng salapi. May kinalaman dito, kapansin-pansin na may mga pagkakataong napakalaki ng kinikita sa pagbebenta ng mga hayop na ihahain. Inilalahad ng Mishnah na may panahon noon na ang halaga ng isang pares na kalapati ay isang ginintuang denar (25 pilak na denar). Dahil dito, naipahayag ni Simeon na anak ni Gamaliel: “Sa harap ng Templong ito! Hindi ko palilipasin ang gabing ito hangga’t hindi nagiging isang [pilak na] denar na lamang ang halaga ng mga iyon.” Nang mismong araw na iyon, ibinaba nang husto ang halaga ng mga iyon.—Keritot 1:7 (isinalin ni H. Danby).