Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ibinigay at Dinala
DAHILAN sa si Pilato’y nabagbag ang kalooban sa tahimik at marangal na iginawi ng pinahihirapang si Jesus, muling sinikap niyang ito’y pawalan, anupa’t ang mga punong saserdote ay lalong nagalit. Sila’y determinado na huwag hayaang ang anuman ay makasagabal sa kanilang balakyot na layunin. Kaya’t muling ipinagsigawan nila: “Ibayubay siya! Ibayubay siya!”
“Kayo na ang kumuha sa kaniya at ibayubay siya,” ang tugon ni Pilato nang may pagkayamot. Laban sa kanilang mga sinabi noon, baka ang mga Judio ay may autoridad na pumatay sa mga kriminal na nakagawa ng relihiyosong mga pagkakasala na may sapat na kabigatan. Nang magkagayon, humigit-kumulang ikalimang beses, ipinahayag ni Pilato na si Jesus ay walang kasalanan, na ang sabi: “Wala akong masumpungang anumang kasalanan sa kaniya.”
Pagkatapos na makita ng mga Judio na ang kanilang makapulitikang paratang ay nabigo na magbunga, sila’y bumalik sa relihiyosong paratang na pamumusong na ginamit mga ilang oras na ang nakalipas nang nililitis si Jesus sa harap ng Sanhedrin. “Kami’y may batas,” ang sabi nila, “at alinsunod sa batas siya’y nararapat mamatay, sapagkat siya’y nagpanggap na anak ng Diyos.”
Ang ganitong bintang ay bago kay Pilato, at siya’y lalong natakot. Sa mga sandaling ito kaniyang natanto na si Jesus ay hindi isang karaniwang tao, gaya ng ipinakita ng panaginip ng kaniyang asawa at ng kapuna-punang lakas ng pagkatao ni Jesus. Subalit “anak ng Diyos”? Batid ni Pilato na si Jesus ay taga-Galilea. Gayunman, posible kaya na siya’y nabuhay na noong nakaraan? Pagkatapos na siya’y ibalik sa palasyo, si Pilato ay nagtanong: “Tagasaan ka ba?”
Si Jesus ay nanatiling walang imik. Una pa roon ay sinabi niya kay Pilato na siya’y isang hari, ngunit ang kaniyang Kaharian ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kahit na palawakin pa ang paliwanag ngayon ay walang magagawang mabuti. Gayunman, nasaktan at napahiya si Pilato dahil sa pagtangging sumagot, at sumiklab ang kaniyang galit kay Jesus kasabay ng pagsasabing: “Hindi ba ako ang kausap mo? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan ako na palayain ka at may kapangyarihan ako na ibayubay ka?”
“Hindi ka magkakaroon ng anumang kapangyarihan laban sa akin maliban sa iyon ay ipagkaloob sa iyo buhat sa itaas,” ang magalang na tugon ni Jesus. Ang tinutukoy niya ay ang pagkakaloob ng Diyos ng autoridad sa mga pinunong tao upang mangasiwa sa takbo ng mga bagay sa lupa. Isinusog pa ni Jesus: “Ito ang dahilan kung bakit ang taong nagbigay sa akin sa iyo ay may lalong malaking kasalanan.” Oo, ang mataas na saserdoteng si Caifas at ang kaniyang mga kasabuwat at si Judas Iscariote ay pawang may lalong mabigat na pananagutan kaysa kay Pilato sa pag-aping ginawa kay Jesus.
Palibhasa’y lalong humanga kay Jesus at sa takot na baka Siya ay may makalangit na pinagmulan, muling sinikap ni Pilato na palayain Siya. Gayunman, si Pilato ay tinanggihan ng mga Judio sa kaniyang hangarin. Kanilang inulit ang kanilang makapulitikang paratang, na may katusuhang nagbanta pa: “Kung palalayain mo ang taong ito, ikaw ay hindi kaibigan ni Cesar. Sinumang taong nagpapanggap na isang hari ay nagsasalita laban kay Cesar.”
Sa kabila ng maselang na mga ibubunga, si Jesus ay dinala ni Pilato sa labas minsan pa. “Narito! Ang inyong hari!” ang kaniyang pamamanhik muli.
“Dalhin siya! Dalhin siya! Ibayubay siya!” ang tugon.
“Ibabayubay ko ba ang inyong hari?” ang tanong ni Pilato sa laki ng kabiguan.
Ang mga Judio ay nayayamot na sa ilalim ng pamamahala ng mga Romano. Talaga nga, kanilang hinahamak ang panunupil sa kanila ng Roma! Subalit, may pagkukunwaring sinabi ng mga punong saserdote: “Wala kaming hari kundi si Cesar.”
Palibhasa’y natatakot na mawala sa kaniyang makapulitikang katungkulan at katanyagan, si Pilato sa wakas ay napadala na rin sa walang lubay, nagbabantang mga kahilingan ng mga Judio. Kaniyang ibinigay na rin si Jesus. Si Jesus ay hinubaran ng mga kawal ng kaniyang kasuotang kulay ube at dinamtan siya ng kaniyang panlabas na mga kasuotan. Habang si Jesus ay dala na upang ibayubay, sa kaniya’y ipinapasan ang kaniyang sariling pahirapang tulos.
Ngayon ay nasa kakalahatian na ng umaga ng Biyernes, Nisan 14; marahil ay malapit nang magtanghali. Nagdurusa na si Jesus maaga noong Huwebes ng umaga, at sunud-sunod na paghihirap ang kaniyang naranasan. Kaya naman, hindi nagtagal at nasaid ang kaniyang lakas sa ilalim ng bigat ng tulos. Kaya isang nagdaraan na nagngangalang Simon na taga-Cirene sa Aprika, ang pinahalili upang dalhin iyon para sa kaniya. Habang sila’y nagpapatuloy ng paglakad, sumusunod naman ang isang lubhang karamihan ng mga tao, kasali na ang maraming babae na nag-iiyakan at nananambitan dahil kay Jesus.
Nang lingunin niya ang mga babae, sinabi ni Jesus: “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan. Kundi, tangisan ninyo ang inyong sarili at ang inyong mga anak; sapagkat, narito! darating ang mga araw na sasabihin ng mga tao, ‘Maligaya ang mga babaing bao, at ang mga bahay-bata na hindi nanganak at ang mga dibdib na hindi nagpasuso!’ Kung magkagayo’y magpapasimulang sabihin nila sa mga bundok, ‘Bagsakan ninyo kami!’ At sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami!’ Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito sa punungkahoy na sariwa, ano kaya ang gagawin kapag ito’y natuyo?”
Ang tinutukoy ni Jesus ay ang punungkahoy ng bansang Judio, na mayroon pa ring bahagyang kasariwaan ng buhay dahilan sa naroroon si Jesus at ang isang nalabi na naniniwala sa kaniya. Subalit pagka ang mga ito ay inalis sa bansa, ang matitira ay isa na lamang punungkahoy na patay sa espirituwal, oo, isang tuyong pambansang organisasyon. Oh anong laking dahilan na tumangis pagka ang mga hukbong Romano, na nagsisilbing mga tagapuksang gagamitin ng Diyos, ay namuksa na sa bansang Judio! Juan 19:6-17; 18:31; Lucas 23:24-31; Mateo 27:31, 32; Marcos 15:20, 21.
◆ Ano ang paratang ng mga pinunong relihiyoso kay Jesus nang hindi magbunga ang kanilang makapulitikang mga paratang?
◆ Bakit marahil si Pilato ay lalong natakot?
◆ Sino ang may lalong mabigat na kasalanan sa nangyari kay Jesus?
◆ Papaano nagawa ng mga saserdote na si Jesus ay ibigay sa kanila ni Pilato upang patayin?
◆ Ano ang sinabi ni Jesus sa mga babae na tumatangis dahil sa kaniya, at ano ang ibig niyang sabihin sa pagbanggit na ang punungkahoy ay “sariwa” at pagkatapos ay “natuyo?”