Sundin ang Halimbawa ni Jesus ng Maka-Diyos na Debosyon
“Ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito ay sadyang dakila nga: ‘Siya [si Jesus] ay nahayag sa laman.’”—1 TIMOTEO 3:16.
1. (a) Anong tanong ang hindi sinagot sa loob ng mahigit na 4,000 taon? (b) Kailan at papaano ibinigay ang sagot?
IYON ay isang tanong na hindi sinagot sa loob ng mahigit na 4,000 taon. Sapol nang ang unang tao, si Adan, ay hindi na magpatuloy sa katapatan, ang tanong ay: Papaano maaaring makita sa gitna ng sangkatauhan ang maka-Diyos na debosyon? Sa wakas, noong unang siglo C.E., nang dumating sa lupa ang Anak ng Diyos, naibigay ang sagot. Sa bawat kaisipan, salita, at gawa, ipinakita ni Jesu-Kristo ang kaniyang personal na kaugnayan kay Jehova. Sa ganoo’y inalisan niya ng lambong ang ‘banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon,’ na ipinakikita ang paraan upang ang nag-alay na mga tao ay manatili sa gayong debosyon.—1 Timoteo 3:16.
2. Sa pagsunod sa maka-Diyos na debosyon, bakit dapat nating pag-isipang maingat ang halimbawa ni Jesus?
2 Sa pagsunod sa maka-Diyos na debosyon bilang nag-alay, bautismadong mga Kristiyano, makabubuting ating “pag-isipang maingat” ang halimbawa ni Jesus. (Hebreo 12:3) Bakit? May dalawang dahilan. Una, ang halimbawa ni Jesus ay makatutulong sa atin na paunlarin ang maka-Diyos na debosyon. Kilala ni Jesus ang kaniyang Ama nang higit kaysa kanino pa man. (Juan 1:18) At ganiyan na lang kainam tinularan ni Jesus ang mga lakad at mga katangian ni Jehova kung kaya’t kaniyang nasabi: “Ang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Sa pamamagitan ng buhay at ministeryo ni Jesus, kung gayon, tayo’y maaaring magkamit ng isang lalong matinding pagpapahalaga sa malumanay na mga katangian ni Jehova, sa ganoo’y pinatitibay ang ating personal na kaugnayan sa ating mapagmahal na Maylikha. Ikalawa, ang halimbawa ni Jesus ay makatutulong sa atin sa pagpapakita ng maka-Diyos na debosyon. Siya ang nagpakita ng sakdal na halimbawa ng asal na nagpapakilala ng maka-Diyos na debosyon. Sa ganoo’y makabubuting pag-isipan natin kung papaanong ating maaaring ‘isakbat si Kristo,’ alalaong baga, gawin natin siya na isang parisan, tularan ang kaniyang halimbawa.—Roma 13:14.
3. Sa ating kaayusan ng personal na pag-aaral ng Bibliya ay dapat makasali ang ano, at bakit?
3 Hindi lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus ay naisulat at naingatan hanggang ngayon. (Juan 21:25) Samakatuwid, ang mga bagay na kinasihang maisulat ay lalo nang dapat makapukaw ng ating pantanging interes. Sa kaayusan ng personal na pag-aaral ng Bibliya ay dapat samakatuwid makasali ang regular na pagbabasa ng mga paglalahad ng Ebanghelyo ng buhay ni Jesus. Subalit kung ibig nating ang gayong pagbabasa ay tumulong sa atin sa ating pagsunod sa maka-Diyos na debosyon, tayo’y kailangang gumasta ng panahon na magbulay-bulay nang may pagpapahalaga sa ating nabasa. Tayo’y kailangan ding maging listo sa pagtanaw sa kabila pa roon ng mga bagay na nakikita.
Ang Anak ay Katulad ng Ama
4. (a) Ano ang nagpapakita na si Jesus ay isang taong may mainit at matinding damdamin? (b) Anong kusang pagkilos ang ginawa ni Jesus sa pakikitungo sa iba?
4 Isaalang-alang ang isang halimbawa. Si Jesus ay isang taong may mainit at matinding damdamin. Pansinin buhat sa Marcos 10:1, 10, 13, 17, at Mark 10:35 na mga taong sarisari ang edad at karanasan ang naging palagay-loob sa paglapit sa kaniya. Hindi miminsan, na kaniyang kinalong ang mga bata. (Marcos 9:36; 10:16) Bakit nga ba ang mga tao, maging ang mga bata, ay naging palagay-loob kung kapiling nila si Jesus? Dahilan sa kaniyang taimtim, tunay na interes sa kanila. (Marcos 1:40, 41) Ito’y mahahalata sa bagay na malimit na siya ang nagkukusa ng paglapit sa iba na nangangailangan ng tulong. Sa gayon, ating mababasa na kaniyang “natanaw” ang biyuda ng Nain na may namatay na anak na inilalabas. Nang magkagayo’y “lumapit” siya at binuhay-muli ang binata, at walang binabanggit na may sinuman na humiling sa kaniya na gawin iyon. (Lucas 7:13-15) Siya rin naman, bagaman hindi hinihilingan na gawin iyon, ang kusang nagpagaling sa isang babaing baldado at sa isang lalaking namamanas.—Lucas 13:11-13; 14:1-4.
5. Ang mga paglalahad na ito tungkol sa ministeryo ni Jesus ay nagtuturo sa atin ng ano tungkol sa mga katangian at mga lakad ni Jehova?
5 Pagka nagbabasa ka ng tungkol sa ganiyang mga pangyayari, huminto ka at tanungin ang iyong sarili: ‘Yamang lubusang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama, ano ba ang sinasabi sa akin ng mga paglalahad na ito tungkol sa mga katangian at mga lakad ni Jehova?’ Ang mga ito ay dapat magbigay sa atin ng katiyakan na si Jehova ay isang Diyos na may mainit at matinding damdamin. Ang tindi ng kaniyang namamalaging interes sa sangkatauhan ay nagpakilos sa kaniya sa kusang pakikitungo sa kanila. Hindi na kailangang siya’y piliting ibigay ang kaniyang Anak bilang “isang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28; Juan 3:16) Siya’y humahanap ng mga pagkakataon upang “magkaroon ng kaugnayan” sa mga maglilingkod sa kaniya nang dahil sa pag-ibig. (Deuteronomio 10:15) Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang mga mata [ni Jehova] ay nagsisiyasat sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa kanila na ang puso ay sakdal sa harap niya.”—2 Cronica 16:9.
6. Ano ang resulta pagka ating binubulay-bulay ang mainit at matinding damdamin ni Jehova gaya ng ipinakita ng kaniyang Anak?
6 Ang pagbubulay-bulay sa ganitong paraan sa mainit at matinding damdamin ni Jehova, gaya ng ipinakita ng kaniyang Anak, ay aantig sa iyong puso, lilipusin iyon ng lalong malaking pagpapahalaga sa Kaniyang malumanay at kaakit-akit na mga katangian. Ito, sa kabilang banda, ay maglalapit sa iyo sa kaniya. Ikaw ay mapakikilos na buong layang lapitan siya sa panalangin sa lahat ng panahon at sa lahat ng mga kalagayan. (Awit 65:2) Ito ang magpapatibay ng iyong personal na kaugnayan sa kaniya.
7. Pagkatapos bulay-bulayin ang init at matinding damdamin ni Jehova, ano ang dapat mong itanong sa iyong sarili, at bakit?
7 Alalahanin, kung gayon, na sa maka-Diyos na debosyon ay kasangkot ang higit pa kaysa damdamin lamang ng pagsamba. Isang iskolar sa Bibliya na si R. Lenski ang nagsabi, dito’y “kasali ang ating buong mapitagan, sumasambang saloobin at ang mga kilos na bunga nito.” (Amin ang italiko.) Kaya pagkatapos bulay-bulayin ang mainit at matinding damdamin ni Jehova gaya ng ipinakita ni Jesus, tanungin ang iyong sarili: ‘Papaano ko lalong matutularan si Jehova sa ganitong bagay? Ako ba ay itinuturing ng iba na madaling lapitan?’ Kung ikaw ay isang magulang, ikaw ay kailangang madaling lapitan ng iyong mga anak. At kung ikaw ay isang matanda sa kongregasyon, tunay na dapat na madali kang lapitan. Kung gayon, ano ang tutulong upang ikaw ay maging lalong madaling lapitan? Ang mainit at matinding damdamin. Iyong paunlarin ang isang taimtim, tunay na interes sa iba. Kung talagang may interes ka sa iba at handa kang ibigay ang iyong sarili alang-alang sa kanila, kanilang madadama ito at sila’y magiging malapít sa iyo.
8. (a) Ano ang dapat mong isaisip samantalang iyong binabasa ang mga paglalahad sa Bibliya tungkol kay Jesus? (b) Ano ang ating natututuhan tungkol kay Jehova buhat sa mga paglalahad na tinukoy sa talababa?
8 Samantalang binabasa mo ang mga paglalahad sa Bibliya tungkol kay Jesus, laging isaisip na maaari kang matuto ng marami tungkol kay Jehova bilang isang persona buhat sa mga bagay na sinabi at ginawa ni Jesus.a At pagka ang iyong pagpapahalaga sa mga katangian ni Jehova, gaya ng nabanaag kay Jesus, ang nagpapakilos sa iyo na magsikap na maging lalong katulad Niya, iyong pinatutunayan ang iyong maka-Diyos na debosyon.
Pagkakapit ng Maka-Diyos na Debosyon sa Pakikitungo sa mga Miyembro ng Pamilya
9, 10. (a) Papaanong ang pag-ibig at pagkabahala ni Jesus sa kaniyang ina, si Maria, ay ipinakita mga ilang saglit lamang bago siya namatay? (b) Bakit, malamang, ang pangangalaga kay Maria ay ipinagkatiwala ni Jesus kay apostol Juan at hindi sa isa sa kaniyang sariling mga kapatid sa laman?
9 Ang buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo ay nagsisiwalat nang malaki tungkol sa kung papaano ipakikita ang maka-Diyos na debosyon. Isang nakababagbag-damdaming halimbawa ang nasusulat sa Juan 19:25-27, na kung saan ating mababasa: “Datapuwat, sa tabi ng pahirapang tulos ni Jesus ay nakatayo ang kaniyang ina at ang kapatid na babae ng kaniyang ina; si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. Pagkakita nga ni Jesus sa kaniyang ina at sa alagad na kaniyang iniibig [si Juan] na nakatayo sa malapit, sinabi niya sa kaniyang ina: ‘Babae, narito! Ang iyong anak!’ Pagkatapos ay sinabi niya sa alagad: ‘Narito! Ang iyong ina!’ At buhat ng oras na iyon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.”
10 Gunigunihin iyan! Mga ilang saglit lamang bago niya isinuko ang kaniyang makalupang buhay, ang pag-ibig at pagkabahala ni Jesus ang nag-udyok sa kaniya na ang pangangalaga sa kaniyang ina, si Maria, (malamang na isang biyuda na noon) ay ipagkatiwala sa kaniyang iniibig na apostol na si Juan. Ngunit bakit kay Juan at hindi sa isa sa sariling mga kapatid ni Jesus sa laman? Sapagkat ang iniisip ni Jesus ay hindi lamang ang pisikal, materyal na mga pangangailangan ni Maria kundi lalong higit ang kaniyang espirituwal na kapakanan. At si apostol Juan (posible na pinsan ni Jesus) ay napatunayan sa kaniyang pananampalataya, samantalang walang nagpapahiwatig na ang mga kapatid ni Jesus sa laman ay mga mananampalataya na noon.—Mateo 12:46-50; Juan 7:5.
11. (a) Sang-ayon kay Pablo, papaanong ang isang Kristiyano ay makapagkakapit ng maka-Diyos na debosyon sa kaniyang sariling sambahayan? (b) Bakit ang tunay na Kristiyano ay naglalaan para sa kaniyang matatanda nang mga magulang?
11 Ngayon, papaanong ito ay isang pagpapakita ng maka-Diyos na debosyon? Si apostol Pablo ay nagpapaliwanag: “Igalang mo ang mga babaing balo na talagang mga biyuda. Ngunit kung ang sinumang biyuda ay may mga anak o mga apo, ang mga ito’y hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.” (1 Timoteo 5:3, 4) Ang paggalang sa mga magulang sa pamamagitan ng pagsustento sa kanila kung kinakailangan ay, gaya ng sabi ni Pablo, isang pagpapakita ng maka-Diyos na debosyon. Sa papaano nga? Si Jehova, ang Tagapagtatag ng kaayusang pampamilya, ay may utos sa mga anak na igalang ang kani-kanilang magulang. (Efeso 3:14, 15; 6:1-3) Samakatuwid, kinikilala ng tunay na Kristiyano na ang pag-aasikaso sa gayong pananagutang pampamilya ay hindi lamang nagpapakita ng pag-ibig sa mga magulang ng isang tao kundi nagpapakilala rin ng paggalang sa Diyos at pagsunod sa kaniyang mga utos.—Ihambing ang Colosas 3:20.
12. Papaano mo maikakapit ang maka-Diyos na debosyon sa pakikitungo sa matatanda nang mga magulang, at ano ang dapat na maging motibo?
12 Kung gayon, papaano mo maikakapit ang maka-Diyos na debosyon sa pakikitungo sa mga miyembro ng pamilya? Tunay na ito’y nangangailangan ng pagsasaayos upang mapangalagaan ang espirituwal at materyal na pangangailangan ng matatanda nang mga magulang, gaya ng ginawa ni Jesus. Ang hindi paggawa ng gayon ay nagpapakita ng kakulangan ng maka-Diyos na debosyon. (Ihambing ang 2 Timoteo 3:2, 3, 5.) Ang nag-alay na Kristiyano ay gumagawa ng paglalaan ukol sa kaniyang nangangailangang mga magulang hindi lamang dahilan sa kaniyang kabaitan o tungkulin niya iyon kundi dahilan sa iniibig niya ang kaniyang pamilya, at kaniyang kinikilala ang mataas na pagtingin ni Jehova sa pag-aasikaso sa gayong pananagutan. Samakatuwid, ang kaniyang pag-aaruga sa matatanda nang mga magulang ay isang kapahayagan ng maka-Diyos na debosyon.b
13. Papaano maikakapit ng isang amang Kristiyano ang maka-Diyos na debosyon sa pakikitungo sa kaniyang pamilya?
13 Ang maka-Diyos na debosyon ay maikakapit sa sambahayan sa iba pang mga paraan. Halimbawa, ang isang amang Kristiyano ay may pananagutan na maglaan sa kaniyang pamilya sa paraang materyal, emosyonal, at espirituwal. Samakatuwid, bukod sa paglalaan ng materyal na sustento, siya’y mapagmahal na nagsasaayos ng isang regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Siya’y nag-iiskedyul ng panahon upang palagiang makibahagi sa ministeryo sa larangan kasama ng kaniyang pamilya. Siya ay timbang, kinikilala niya ang kanilang pangangailangan ng pamamahinga at paglilibang din. At siya’y matalinong nagsasaayos ng kung anong mga bagay ang dapat na unahin, hindi pinapayagang ang gawain sa kongregasyon ay maging dahilan upang maging pabaya siya sa kaniyang pamilya. (1 Timoteo 3:5, 12) Bakit niya ginagawa ang lahat ng ito? Hindi lamang dahil sa pagkadama na tungkulin niya ito kundi dahil sa pag-ibig sa kaniyang pamilya. Kaniyang kinikilala na minamahalaga ni Jehova ang pag-aasikaso sa pamilya ng isang tao. Sa gayong pagtupad sa kaniyang pananagutan bilang asawa at ama, ikinakapit niya ang maka-Diyos na debosyon.
14. Papaanong ang isang asawang babaing Kristiyano ay makapagpapakita ng maka-Diyos na debosyon sa tahanan?
14 Ang mga asawang babaing Kristiyano ay may pananagutan ding magkapit ng maka-Diyos na debosyon sa tahanan. Papaano? Sinasabi ng Bibliya na ang isang babae ay dapat “magpasakop” sa kaniyang asawa at dapat magkaroon ng “taimtim na paggalang” sa kaniya. (Efeso 5:22, 33) Kahit na hindi isang sumasampalataya ang kaniyang asawang lalaki, siya ay “kailangang pasakop” sa kaniya. (1 Pedro 3:1) Ang babaing Kristiyano ay nagpapakita ng gayong pagpapasakop sa pamamagitan ng pagsuporta sa kaniyang asawa sa desisyon na kaniyang ginagawa habang ang mga ito ay hindi salungat sa mga kautusan ng Diyos. (Gawa 5:29) At bakit nga niya tinatanggap ang ganitong papel na kailangang gampanan? Hindi lamang dahil sa iniibig niya ang kaniyang asawang lalaki kundi lalo na dahilan sa kaniyang kinikilala na iyon ay “nararapat sa nasa Panginoon”—samakatuwid nga, iyon ay kaayusan ng Diyos para sa pamilya. (Colosas 3:18) Ang kaniyang malugod na pagpapasakop sa kaniyang asawang lalaki ay isang kapahayagan kung gayon ng kaniyang maka-Diyos na debosyon.
“Sa Ganitong Dahilan Ako’y Naparito”
15. Sa anong mahalagang paraan nagpakita si Jesus ng maka-Diyos na debosyon?
15 Isa sa mahalagang mga paraan na ginamit ni Jesus upang maipakita ang maka-Diyos na debosyon ay ang ‘paghahayag ng mabuting balita ng kaharian ng Diyos.’ (Lucas 4:43) Pagkatapos na siya’y bautismuhan sa Jordan noong 29 C.E., ang sumunod na tatlo at kalahating mga taon ay ginugol ni Jesus sa puspusang pagsasagawa ng pinakamahalagang gawaing ito. “Sa ganitong dahilan ako’y naparito,” ang paliwanag niya. (Marcos 1:38; Juan 18:37) Subalit papaano ito isang pagpapakita ng kaniyang maka-Diyos na debosyon?
16, 17. (a) Ano ang nagpakilos kay Jesus upang lubusang maging abala sa pangangaral at pagtuturo? (b) Bakit ang ministeryo ni Jesus ng pangangaral at pagtuturo ay isang pagpapakita ng kaniyang maka-Diyos na debosyon?
16 Alalahanin na kasangkot sa maka-Diyos na debosyon ang pamumuhay sa paraan na nakalulugod sa Diyos dahil sa iniibig mo siya at ikaw ay may matinding pagpapahalaga sa kaniyang kaibig-ibig na mga katangian. Kung gayon, ano nga ang nagpakilos kay Jesus upang ang kaniyang mga huling taon sa lupa ay gugulin sa puspusang pangangaral at pagtuturo? Isa ba lamang pagkadama na iyon ay isang tungkulin o obligasyon? Walang alinlangan na siya’y may pagmamalasakit sa mga tao. (Mateo 9:35, 36) At kaniyang lubusang natalos na sa pamamagitan ng pagkapahid sa kaniya ng banal na espiritu ay hinirang at sinugo siya na ganapin ang kaniyang ministeryo. (Lucas 4:16-21) Gayunman, ang kaniyang mga motibo ay lalong matitindi.
17 “Iniibig ko ang Ama,” ang malinaw na sabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol noong huling gabi ng kaniyang buhay dito sa lupa. (Juan 14:31) Ang pag-ibig na iyan ay nakasalig sa isang napakalalim, malawak na kaalaman sa mga katangian ni Jehova. (Lucas 10:22) Palibhasa’y pinakikilos ng isang pusong inantig ng matinding pagpapahalaga, si Jesus ay nakasumpong ng kaluguran sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Awit 40:8) Ito ang kaniyang “pagkain”—lubhang kailangan sa buhay, lubhang katakam-takam. (Juan 4:34) Siya’y nagpakita ng sakdal na halimbawa ng isa na ‘hinanap muna ang kaharian’ sa halip na ang sarili ang unahin. (Mateo 6:33) Kaya iyon ay hindi lamang tumutukoy sa kung ano ang kaniyang ginawa o gaano ang nagawa niya kundi kung bakit niya ginawa iyon kung kaya ang kaniyang ministeryo ng pangangaral at pagtuturo ay isang kapahayagan ng kaniyang maka-Diyos na debosyon.
18. Bakit ang pagkakaroon ng kaunting bahagi sa ministeryo ay hindi laging isang katunayan ng maka-Diyos na debosyon?
18 Papaano natin matutularan ang halimbawa ng “modelo,” si Jesus, sa bagay na ito? (1 Pedro 2:21) Lahat ng tumutugon sa paanyaya ni Jesus na “pumarito kayo upang maging alagad ko” ay may banal na pagkasugo na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian at gumawa ng mga alagad. (Lucas 18:22; Mateo 24:14; 28:19, 20) Ito ba’y nangangahulugan na sa pagkakaroon ng kaunting bahagi sa pangangaral ng mabuting balita, tayo ay sumusunod na sa maka-Diyos na debosyon? Hindi laging gayon. Kung tayo ay lumalahok sa ministeryo na parang pinagkagawian lamang o upang makagawa lamang nang bahagya, o upang makalugod lamang sa mga miyembro ng pamilya o sa mga iba pa, iyon ay mahirap masabing isang ‘gawang dahil sa maka-Diyos na debosyon.’—2 Pedro 3:11.
19. (a) Ano ang kailangang maging pangunahing dahilan para sa ginagawa natin sa ministeryo? (b) Ano ang resulta pagka ang motibong nagpakilos sa atin ay ang malalim ang pagkakaugat na pag-ibig sa Diyos?
19 Tulad ni Jesus, ang ating mga motibo ay kailangang may lalong malalim na pagkakaugat. Sinabi ni Jesus: “Iibigin mo si Jehova mong Diyos nang iyong buong puso [mga emosyon, naisin, at damdamin ng panloob na pagkatao] at nang iyong buong kaluluwa [iyong buhay at buong pagkatao] at nang iyong buong isip [iyong sangkap ng talino] at ng iyong buong lakas.” Dito, isang maunawaing eskriba ang nagsusog: “Ito . . . ay makapupong mahalaga kaysa lahat ng buong handog na susunugin at mga hain.” (Marcos 12:30, 33, 34) Kaya hindi lamang ang ating ginagawa ang may halaga kundi pati rin kung bakit natin ginagawa iyon. Ang isang malalim ang pagkakaugat na pag-ibig sa Diyos na kasangkot ang bawat himaymay natin ang kailangang maging pangunahing dahilan sa ating ginagawa sa ministeryo. Kung magkagayon, tayo’y hindi makukontento sa bahagyang bahaging magagawa natin, kundi tayo ay pakikilusin ng motibong ipakita ang lalim ng ating maka-Diyos na debosyon sa pamamagitan ng paggawa ng ating pinakamagaling na magagawa. (2 Timoteo 2:15) Kasabay nito, kung pag-ibig sa Diyos ang ating motibo, tayo’y hindi magiging mapintasin, na ang ating ministeryo ay inihahambing sa ministeryo ng iba.—Galacia 6:4.
20. Papaano tayo lubusang makikinabang sa halimbawa ni Jesus ng pagsunod sa maka-Diyos na debosyon?
20 Anong laki ng ating pasasalamat na isiniwalat sa atin ni Jehova ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon! Sa maingat na pag-aaral ng mga bagay na sinabi at ginawa ni Jesus at sa pagsusumikap na tularan siya, tayo’y matutulungan na paunlarin at ipakita ang maka-Diyos na debosyon nang lalong higit pa. Tayo’y saganang pagpapalain ni Jehova samantalang sinusunod natin ang halimbawa ni Jesus sa pagsunod sa maka-Diyos na debosyon bilang nag-alay, bautismadong mga Kristiyano.—1 Timoteo 4:7, 8.
[Mga talababa]
a Bilang ilan pang karagdagang halimbawa, isaalang-alang ang ating natutuhan tungkol kay Jehova buhat sa sumusunod na mga paglalahad: Mateo 8:2, 3; Marcos 14:3-9; Lucas 21:1-4; at Juan 11:33-36.
b Para sa lubos na pagtalakay sa mga bagay na kasangkot sa pagkakapit ng maka-Diyos na debosyon sa pakikitungo sa matatanda nang mga magulang, tingnan Ang Bantayan, Hunyo 1, 1987, pahina 13-18.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sa pagsunod sa maka-Diyos na debosyon, bakit dapat nating isaalang-alang ang halimbawa ni Jesus?
◻ Ano ba ang ating matututuhan tungkol kay Jehova buhat sa mainit at matinding damdamin na ipinakitang halimbawa ni Jesus?
◻ Papaano tayo makapagpapakita ng maka-Diyos na debosyon sa pakikitungo sa mga miyembro ng pamilya?
◻ Ano ang kailangang maging motibo natin upang ang ating ministeryo ay maging isang kapahayagan ng maka-Diyos na debosyon?
[Larawan sa pahina 21]
Ang isang amang Kristiyano ay may pananagutang paglaanan ang kaniyang pamilya sa paraang materyal, emosyonal, at espirituwal
[Larawan sa pahina 23]
“Ngunit kung ang sinumang biyuda ay may mga anak o mga apo, ang mga ito’y . . . patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno.”