PAGHAHANDA
Isang pangalang itinawag sa araw bago ang lingguhang Sabbath, kung kailan naghahanda ang mga Judio para sa Sabbath.
Nang magsimulang maglaan si Jehova ng manna sa ilang, iniutos niya na dobleng dami nito ang titipunin sa ikaanim na araw, yamang ang bayan ay hindi dapat magtipon ng manna kapag Sabbath, o sa ikapitong araw. Kaya bilang paghahanda para sa lingguhang Sabbath, ang mga Judio ay nagtitipon ng ekstrang manna at niluluto o pinakukuluan nila iyon. (Exo 16:5, 22-27) Nang maglaon, “ang araw bago ang sabbath” ay tinawag na “Paghahanda,” gaya ng paliwanag ni Marcos. (Mar 15:42) (Kahawig nito, sa wikang Aleman, ang Samstag [Sabado] ay tinatawag ding Sonnabend [sa literal, “Sun evening”] o “gabi bago mag-Linggo [Sonntag].”) Ang araw ng Paghahanda ng mga Judio ay nagtatapos sa paglubog ng araw na sa ngayon ay tinatawag na Biyernes, kung kailan nagsisimula naman ang Sabbath, yamang para sa mga Judio, ang isang araw ay mula sa gabi hanggang sa gabi.
Kapag araw ng Paghahanda, inihahanda ng mga tao ang kanilang kakainin para sa susunod na araw, ang Sabbath, at tinatapos nila ang iba pang apurahang gawain na dapat nilang gawin bago ang Sabbath. (Exo 20:10) Itinakda ng Kautusan na ang katawan ng isang taong pinatay at ibinitin sa isang tulos ay “hindi dapat manatili nang buong magdamag sa tulos.” (Deu 21:22, 23; ihambing ang Jos 8:29; 10:26, 27.) Yamang si Jesus at yaong mga ibinayubay kasama niya ay nasa mga tulos noong hapon ng Paghahanda, mahalaga sa mga Judio na madaliin ang kanilang kamatayan kung kinakailangan upang mailibing ang mga ito bago lumubog ang araw. Lalo pa nga’t ang araw na malapit nang magsimula paglubog ng araw ay isang regular na Sabbath (ang ikapitong araw ng sanlinggo) at isa ring Sabbath dahil noon ay Nisan 15 (Lev 23:5-7), samakatuwid ay isa itong ‘dakilang’ Sabbath. (Ju 19:31, 42; Mar 15:42, 43; Luc 23:54) Sinipi ni Josephus ang isang batas ni Cesar Augusto na nagsasabing ang mga Judio ay hindi obligadong humarap sa hukuman ‘sa Sabbath o sa araw ng paghahanda para rito (Bisperas ng Sabbath) pagkatapos ng ikasiyam na oras,’ anupat nagpapahiwatig na nagsisimula silang maghanda para sa Sabbath sa ikasiyam na oras ng Biyernes.—Jewish Antiquities, XVI, 163 (vi, 2).
May kinalaman sa umagang iyon nang litisin si Jesus at iharap siya kay Pilato, na naganap noong umagang bahagi ng Nisan 14 (palibhasa’y nagsimula ang araw ng Paskuwa noong nagdaang gabi), sinasabi ng Juan 19:14: “Ngayon ay paghahanda na ng paskuwa.” (NW, KJ, Da) Ipinapalagay ng ilang komentarista na nangangahulugan ito ng “paghahanda para sa paskuwa,” at gayon nga ang pagkakasalin dito ng ilang salin. (AT, We, CC) Gayunman, ipahihiwatig nito na hindi pa naipagdiriwang ang Paskuwa, gayong tuwirang ipinakikita ng mga ulat ng Ebanghelyo na naipagdiwang na ito ni Jesus at ng mga apostol noong nagdaang gabi. (Luc 22:15; Mat 26:18-20; Mar 14:14-17) Lubusang tinupad ni Kristo ang mga tuntunin ng Kautusan, kabilang na rito ang kahilingang ipagdiwang ang Paskuwa tuwing Nisan 14. (Exo 12:6; Lev 23:5; tingnan ang PASKUWA.) Ang araw ng paglilitis at pagpatay kay Jesus ay maaaring malasin bilang ang ‘paghahanda ng paskuwa’ sa diwa na iyon ang paghahanda para sa pitong-araw na Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa na nagsimula naman noong sumunod na araw. Dahil magkatabi ang mga ito sa kalendaryo, ang buong kapistahan mismo ay kadalasang isinasama sa terminong “Paskuwa.” At ang araw pagkaraan ng Nisan 14 ay laging isang Sabbath; karagdagan pa, noong 33 C.E., ang Nisan 15 ay pumatak sa regular na Sabbath, anupat ang araw na iyon ay isang “dakila” o dobleng Sabbath.