Tutugon Ka ba sa Pag-ibig ni Jesus?
“Ang pag-ibig ng Kristo ang pilit na nag-uudyok sa amin.”—2 CORINTO 5:14.
1. Papaano mailalarawan ang pag-ibig ni Jesus?
TUNAY, anong pagkahanga-hanga ng pag-ibig ni Jesus! Pagka ating isinasaalang-alang kung papaano siya nagdusa nang di-mailarawan sa kaniyang paghahandog ng pantubos, na sa pamamagitan lamang nito kakamtin natin ang buhay na walang-hanggan, tiyak na ang ating mga puso ay napupukaw ng pagpapahalaga sa kaniya! Ang Diyos na Jehova at si Jesus mismo ang nagkusa. Sila ang unang umibig sa atin, samantalang tayo’y mga makasalanan pa. (Roma 5:6-8; 1 Juan 4:9-11) Ang pagkakilala sa “pag-ibig ng Kristo,” isinulat ni apostol Pablo, “ay nakahihigit sa kaalaman.” (Efeso 3:19) Oo, ang pag-ibig ni Jesus ay makapupong nangingibaw sa kaalaman na nakuha sa mga paaralan. Iyan ay nakauulos sa anupamang nasaksihan na o naranasan ng mga tao.
2. Ano ang hindi makapipigil kay Jesus sa pag-ibig sa atin?
2 Sa isinulat sa mga Kristiyano sa Roma, si Pablo ay nagtanong: “Sino ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo? Ang kapighatian ba o ang kahapisan o ang pag-uusig o ang gutom o ang kahubaran o ang panganib o ang tabak ba?” Wala sa ganiyang mga bagay ang makapipigil kay Jesus upang ibigin tayo. “Ako’y naniniwalang lubos,” ang patuloy pa ni Pablo, “na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamahalaan, kahit ang mga bagay sa kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alinmang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na Panginoon natin.”—Roma 8:35-39.
3. Ano lamang ang tanging dahilan na makapag-uudyok kay Jesus at sa kaniyang Ama na tayo’y iwanan?
3 Ang pag-ibig ng Diyos na Jehova at ni Jesus sa atin ay ganiyan katindi. Iisang bagay lamang ang makapipigil sa kanila sa pag-ibig sa iyo, at iyan ay ang sariling kusang pagtanggi sa kanilang pag-ibig sa pamamagitan ng pag-ayaw na gawin ang kanilang hinihiling. Isang propeta ng Diyos ang minsan ay nagpaliwanag sa isang hari ng Juda: “Si Jehova ay sumasainyo habang pinatutunayan ninyong kayo ay sumasakaniya; at kung inyong hahanapin siya, kaniyang hahayaang siya’y matagpuan ninyo, ngunit kung siya’y iiwanan ninyo ay iiwanan niya kayo.” (2 Cronica 15:2) Sino ba sa atin ang magnanais na lumayo sa ganiyang kahanga-hanga, maawaing mga kaibigan na gaya ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo?
Ang Wastong Pagtugon sa Pag-ibig ni Jesus
4, 5. (a) Papaano dapat maapektuhan ng pag-ibig ni Jesus sa atin ang kaugnayan natin sa ating mga kapuwa tao? (b) Sino pa ang dapat na maudyukan tayo na ibigin dahilan sa pag-ibig ni Jesus sa atin?
4 Papaano ka ba personal na apektado ng walang-hanggang pag-ibig ni Jesus sa iyo? Papaano ka dapat maapektuhan? Bueno, ipinakita ni Jesus kung papaano dapat na maapektuhan ang ating mga kaugnayan sa mga kapuwa tao ng kaniyang ipinakitang pag-ibig. Pagkatapos na mapakumbabang maglingkod sa kaniyang mga apostol sa pamamagitan ng kaniyang paghuhugas ng kanilang mga paa, sinabi ni Jesus: “Kayo’y binigyan ko ng halimbawa upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.” Kaniyang isinusog: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na kayo ay mag-ibigan sa isa‘t isa; kung papaanong inibig ko kayo, kayo’y ganiyan din mag-ibigan sa isa’t isa.” (Juan 13:15, 34) Natuto ang kaniyang mga alagad, at sila’y napakilos na subuking gawin ang ginawa niya. “Dito’y nakikilala natin ang pag-ibig,” ang isinulat ni apostol Juan, “sapagkat ibinigay ng isang iyan ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa atin; at tayo naman ay nasa ilalim ng obligasyon na ibigay ang ating mga kaluluwa alang-alang sa ating mga kapatid.”—1 Juan 3:16.
5 Sa kabila nito, ating kaliligtaan ang layunin ng buhay at ministeryo ni Jesus kung tayo’y naudyukan ng kaniyang halimbawa na ibigin lamang at pagsilbihan ang mga kapakanan ng mga kapuwa tao. Hindi ba ang pag-ibig ni Jesus ay dapat ding mag-udyok sa atin na ibigin naman siya at lalo na ibigin ang kaniyang Ama, na nagturo sa kaniya ng lahat ng bagay na kaniyang nalalaman? Ikaw ba ay tutugon sa pag-ibig ni Kristo at maglilingkod sa kaniyang Ama na gaya ng kaniyang ginawa?—Efeso 5:1, 2; 1 Pedro 1:8, 9.
6. Papaano naapektuhan si apostol Pablo ng pag-ibig ni Jesus sa kaniya?
6 Isaalang-alang ang kaso ni Saulo, na noong bandang huli ay nakilala bilang si Pablo. Noong una ay pinag-usig niya si Jesus, “sumisilakbo pa ng mga pagbabanta at pagpatay laban sa mga alagad.” (Gawa 9:1-5; Mateo 25:37-40) Nang talagang makilala ni Pablo si Jesus, ganiyan na lang ang kaniyang pasasalamat na siya’y pinatawad kung kaya’t hindi lamang siya handang magdusa alang-alang kay Jesus kundi siya’y handa pa ngang mamatay alang-alang sa kaniya. “Ako’y nabayubay sa tulos na kasama ni Kristo,” isinulat niya. “Hindi na ako ang nabubuhay . . . Oo, ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, na sa akin ay umibig at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin.”—Galacia 2:20.
7. Ano ang dapat tayong pilit na udyukang gawin ng pag-ibig ni Jesus?
7 Anong tinding puwersa sa ating buhay ang pag-ibig na taglay ni Jesus para sa atin! “Ang pag-ibig ng Kristo ang pilit na nag-uudyok sa amin,” ang isinulat ni Pablo sa mga taga-Corinto, ‘na mamuhay hindi na para sa aming sarili, kundi para sa kaniya na namatay alang-alang sa amin at binuhay muli.’ (2 Corinto 5:14, 15) Oo, ang pasasalamat kay Jesus sa pagbibigay ng kaniyang buhay alang-alang sa atin ang dapat mag-udyok sa atin na gawin ang anumang hinihiling niya. Sa ganito lamang paraan mapatutunayan natin na talagang iniibig natin siya. “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos,” ang sabi ni Jesus. “Siya na mayroon ng aking mga utos at tinutupad, ang isang iyan ang umiibig sa akin.”—Juan 14:15, 21; ihambing ang 1 Juan 2:3-5.
8. Papaano naapektuhan ng pag-ibig ni Jesus ang buhay ng maraming mga nagkasala?
8 Sa pagkaalam ng mga utos ni Jesus, ang mga mapakiapid, mga mangangalunya, homoseksuwal, magnanakaw, lasenggo, at mga mangingikil noon sa sinaunang Corinto ay tumugon sa pag-ibig ni Jesus sa pamamagitan ng paghinto sa gayong kinaugaliang mga gawain. Tungkol sa kanila’y sumulat si Pablo: “Kayo’y nahugasan nang malinis, . . . kayo’y inaring matuwid na sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (1 Corinto 6:9-11) Sa katulad na paraan, ang pag-ibig ni Jesus ang pilit na nag-udyok sa marami sa ngayon na gumawa ng malaking mga pagbabago sa kanilang buhay. “Ang tunay na tagumpay ng pagka-Kristiyano ay nakita sa paggawa na mabubuting mga tao niyaong mga naniniwala sa kaniyang mga turo,” ang isinulat ng historyador na si John Lord. “Tayo’y may patotoo sa kanilang walang-kapintasang mga pamumuhay, sa kanilang mga moral na walang maipipintas, sa kanilang pagiging mabubuting mamamayan, at sa kanilang mga katangiang Kristiyano.” Anong laking pagkakaiba ang nagawa ng mga turo ni Jesus!
9. Ano ang nasasangkot sa pakikinig kay Jesus?
9 Tiyak, walang pag-aaral na magagawa ang isang tao ngayon na mas mahalaga pa kaysa buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo. “Masidhing pagmasdan . . . si Jesus,” ang payo ni apostol Pablo. “Oo, pag-isipan ninyong maingat ang isang [iyan].” (Hebreo 12:2, 3) Sa mga sandali ng pagbabagong-anyo ni Jesus, ang Diyos mismo ang nag-utos tungkol sa kaniyang Anak: “Makinig kayo sa kaniya.” (Mateo 17:5) Datapuwat, dapat idiin na sa pakikinig kay Jesus ay higit pa ang kasangkot kaysa pakikinig lamang sa kaniyang sinasabi. Iyon ay nangangahulugan ng pagsunod sa kaniyang mga tagubilin, oo, pagtulad sa kaniya sa pamamagitan ng paggawa ng kaniyang ginawa ayon sa paraan na kaniyang ginamit. Tayo’y tumutugon sa pag-ibig ni Jesus kung ating ginagawa siya na ating modelo, sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa kaniyang mga yapak.
Ang Ibig ni Jesus na Gawin Natin
10. Sino ang sinanay ni Jesus at sa anong layunin?
10 Si Jesus ay isinugo ng Diyos na mangaral tungkol sa Kaharian ng kaniyang Ama, at kaniyang sinanay ang kaniyang mga tagasunod na gawin ang gawain ding iyan. “Pumaroon tayo sa mga iba pang lugar,” ang sabi niya sa kaniyang unang mga alagad, “upang ako’y makapangaral din doon, sapagkat sa ganitong layunin ako sinugo.” (Marcos 1:38; Lucas 4:43) Nang maglaon, pagkatapos na lubusang sanayin ang 12 apostol, sila’y pinagbilinan ni Jesus: “Habang kayo’y naglalakad, mangaral, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’ ” (Mateo 10:7) Makalipas ang mga ilang buwan, pagkatapos sanayin ang 70 pa, kaniyang pinalakad sila na taglay ang utos: “Patuloy na sabihin sa kanila, ‘Ang kaharian ng Diyos ay malapit na sa inyo.’ ” (Lucas 10:9) Maliwanag, ibig ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay maging mga mángangarál at tagapagturo.
11. (a) Papaano gagawa ang mga alagad ni Jesus nang lalong dakilang mga gawa kaysa kaniyang ginawa? (b) Ano ang nangyari sa mga alagad pagkatapos na mamatay si Jesus?
11 Si Jesus ay nagpatuloy ng pagsasanay sa kaniyang mga alagad para sa gawaing ito. Noong huling gabi bago siya namatay, kaniyang pinalakas-loob sila sa mga pananalitang: “Siyang sumasampalataya sa akin, ang isang iyan ay gagawa rin ng mga gawang ginagawa ko; at siya’y gagawa ng mga gawang lalong dakila kaysa mga ito.” (Juan 14:12) Ang mga gawa ng kaniyang mga tagasunod ay magiging lalong dakila kaysa kaniyang ginawa sapagkat sa kanilang ministeryo sila ay makararating sa lalong maraming mga tao sa isang lalong malaking lugar at sa isang lalong mahabang panahon. Ngunit, pagkatapos na mamatay si Jesus, ang kaniyang mga alagad ay napahinto sa gawain dahilan sa takot. Sila’y nagsipagtago at hindi na nagpatuloy sa gawaing na kaniyang pinagsanayan sa kanila na gawin. Ang iba ay nagbalik pa nga sa hanapbuhay na pamamalakaya. Gayunman, sa isang di-malilimot na paraan, kaniyang itinimo sa pitong ito, pati na rin sa lahat ng kaniyang mga tagasunod, ang ibig niya na gawin nila.
12. (a) Anong himala ang ginawa ni Jesus sa Dagat ng Galilea? (b) Maliwanag na ano ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang tanungin si Pedro kung Siya ba’y iniibig niya “nang higit kaysa mga ito”?
12 Si Jesus ay nag-anyong isang tao at napakita doon sa Dagat ng Galilea. Ang pitong apostol ay namamalakaya noon ngunit sila’y walang nahuling anumang isda sa buong magdamag. Buhat sa dalampasigan ay humiyaw si Jesus: “Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at kayo’y makasusumpong ng ilan.” Nang ang lambat ay makahimalang napunô ng isda hanggang sa halos mapupunit na, natalos ng mga taong nasa bangka na si Jesus pala ang nasa dalampasigan, at sila’y nagmamadaling naparoon sa dako na kaniyang pinaghihintayan sa kanila. Pagkatapos na hainan sila ng almusal, si Jesus, malamang na nakatanaw sa maraming isdang nahuli, ay nagtanong kay Pedro: “Simon na anak ni Juan, ako ba’y iniibig mo nang higit kaysa mga ito?” (Juan 21:1-15) Walang alinlangan na ang ibig sabihin ni Jesus ay, Ikaw ba’y higit na mahilig sa hanapbuhay na pamamalakaya kaysa gawaing pangangaral na inihanda ko na gawin mo?
13. Papaano matinding itinimo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang paraan ng kung papaano sila tutugon sa kaniyang pag-ibig?
13 Si Pedro ay tumugon: “Oo, Panginoon, nalalaman mo na kita’y iniibig.” Sumagot si Jesus: “Pakanin mo ang aking mga kordero.” Sa ikalawa ay nagtanong si Jesus: “Simon na anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Tumugon muli si Pedro, tiyak na taglay ang lalong matinding kasiguruhan: “Oo, Panginoon, nalalaman mo na kita’y iniibig.” Nag-utos muli si Jesus: “Alagaan mo ang aking maliliit na tupa.” Sa ikatlo ay nagtanong si Jesus: “Simon na anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Ngayon ay talagang nalumbay si Pedro. Mga ilang araw lamang bago noon, makaitlong ikinaila niya na kilala niya si Jesus, kaya marahil ay kaniyang iniisip na nagdududa si Jesus sa kaniyang katapatan. Kaya naman, sa ikatlo, si Pedro ay tumugon, marahil na parang namamanhik: “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay; batid mo na kita’y iniibig.” Simple lang ang sagot ni Jesus: “Pakanin mo ang aking maliliit na tupa.” (Juan 21:15-17) Pagdududahan ba kung ano ang nais ni Jesus na gawin ni Pedro at ng kaniyang mga kasama? Anong tindi ng kaniyang pagkatimo niyaon sa kanila—at gayon din sa kaninuman na magiging kaniyang mga alagad sa ngayon—na kung kanilang iniibig siya, sila’y makikibahagi sa gawaing paggawa ng mga alagad!
14. Sa iba pang mga pagkakataon, papaano ipinakita ni Jesus kung papaano dapat tumugon sa kaniyang pag-ibig ang kaniyang mga alagad?
14 Mga ilang araw pagkatapos ng pag-uusap na iyon sa tabing-dagat, si Jesus ay napakita sa isang bundok sa Galilea at nagtagubilin sa isang masayang kombensiyon ng mga 500 tagasunod: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20; 1 Corinto 15:6) Isip-isipin iyon! Mga lalaki, babae, at mga bata ang tumanggap ng utos ding ito. Pagkatapos, mga ilang saglit lang bago umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo’y magiging mga saksi ko . . . sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Pagkatapos ng lahat ng tagubiling ito, hindi nga kataka-taka, mga ilang taon pagkaraan, sinabi ni Pedro: “Sa amin ay iniutos [ni Jesus] na mangaral sa mga tao at magbigay ng isang lubusang pagpapatotoo.”—Gawa 10:42.
15. Ano ang hindi mapag-aalinlanganan?
15 Hindi mapag-aalinlanganan kung papaano tayo dapat tumugon sa pag-ibig ni Jesus. Gaya ng sinabi niya sa kaniyang mga apostol: “Kung inyong tutupdin ang aking mga utos, kayo’y mananatili sa aking pag-ibig . . . Kayo ay aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.” (Juan 15:10-14) Ang tanong ay, Ikaw ba’y magpapakita ng pagpapahalaga sa pag-ibig ni Jesus sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang utos na makibagi sa gawaing paggawa ng mga alagad? Totoo, baka ito ay hindi madali para sa iyo dahil sa iba’t ibang mga kadahilanan. Ngunit hindi rin naman ito naging madali para kay Jesus. Isaalang-alang ang mga pagbabago na kinailangan niyang gawin.
Tularan ang Halimbawa ni Jesus
16. Anong kahanga-hangang halimbawa ang ipinakita ni Jesus?
16 Ang bugtong na Anak ng Diyos ay nagtamasa ng isang nakahihigit na posisyon sa makalangit na kaluwalhatian na nakatataas sa lahat ng mga anghel. Tunay na siya’y mayaman! Subalit kaniyang kusang iniwan ang gayong posisyon, ipinanganak na isang miyembro ng isang maralitang pamilya, at lumaking napaliligiran ng mga taong may sakit at namamatay. Kaniyang ginawa ito alang-alang sa atin, gaya ng ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Nalalaman ninyo ang di-sana nararapat na kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na bagaman siya’y mayaman siya’y nagpakadukha alang-alang sa inyo, upang sa pamamagitan ng kaniyang karukhaan ay magsiyaman kayo.” (2 Corinto 8:9; Filipos 2:5-8) Anong inam na halimbawa! Anong laking pagtatanghal ng pag-ibig! Walang sinuman na nag-iwan nang higit o nagdusa nang higit alang-alang sa iba. At walang sinuman na dahil sa kaniya’y naging posible para sa iba na magtamasa ng lalong dakilang mga kayaman, oo, ang buhay na walang-hanggan sa kasakdalan!
17. Anong landas ang nakaharap sa atin, at ano ang kapakinabangan ng pagsunod dito?
17 Ating matutularan ang halimbawa ni Jesus at tayo’y makapagdudulot ng ganoon ding kapakinabangan sa iba. Paulit-ulit, tinawagan ni Jesus ang mga tao na maging kaniyang mga tagasunod. (Marcos 2:14; Lucas 9:59; 18:22) Sa katunayan, si Pedro ay sumulat: “Sa ganitong hakbang kayo tinawag, dahil sa si Kristo nga ay nagbata alang-alang sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.” (1 Pedro 2:21) Ikaw ba ay tutugon sa pag-ibig ni Kristo kahit na iyon ay mangahulugan ng pagdurusa upang makapaglingkod sa kaniyang Ama gaya ng ginawa niya? Anong laking kapakinabangan ang idudulot sa iba ng ganiyang hakbang! Oo, sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesus, sa lubusang pagkakapit ng mga turo na kaniyang tinanggap buhat sa kaniyang Ama, “ililigtas mo ang iyong sarili at gayundin ang mga nakikinig sa iyo.”—1 Timoteo 4:16.
18. (a) Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus tungkol sa kaniyang saloobin sa pakikitungo sa mga tao? (b) Papaano tumugon ang mga tao sa personalidad ni Jesus?
18 Upang lubusang matulungan ang mga tao, kailangan ding magkaroon tayo ng ganoon ding saloobin na gaya ng kay Jesus sa pakikitungo sa kanila. Isang hula ang nagsabi tungkol sa kaniya: “Siya’y maaawa sa dukha at sa maralita.” (Awit 72:13) Mapapansin ng kaniyang mga tagasunod na si Jesus ay “nakadama ng pag-ibig” sa mga taong kaniyang nakausap at talagang ibig niyang tulungan sila. (Marcos 1:40-42; 10:21) “Sa pagkakita niya sa mga karamihan,” ang sabi ng Bibliya, “siya’y nahabag sa kanila, sapagkat sila ay pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.” (Mateo 9:36) Maging ang pusakal na mga makasalanan ay nakadama ng kaniyang pag-ibig at naakit sa kaniya. Sa pamamagitan ng tono ng kaniyang boses, mahinhing kilos, at paraan ng pagtuturo, sila ay naging palagay-loob. Kaya naman, maging ang hamak na mga maniningil ng buwis at mga patutot ay naging tagasunod niya.—Mateo 9:9-13; Lucas 7:36-38; 19:1-10.
19. Papaano tinularan ni Pablo si Jesus, at ano ang resulta ng paggawa rin natin ng gayon?
19 Ang mga alagad ni Jesus noong unang siglo ay tumulad sa kaniyang maibiging halimbawa. Si Pablo ay sumulat sa ilan sa kanila na kaniyang pinaglingkuran: “Naging malumanay kami sa inyo, tulad ng isang nagpapasusong ina na nagmamahal sa kaniyang sariling mga anak . . . Tulad ng isang ama sa kaniyang mga anak, bawat isa sa inyo’y patuloy na pinangaralan namin, at inaliw at kami’y nagpatotoo sa inyo.” (1 Tesalonica 2:7-11) Nadarama ba ninyo ang ganiyan ding tunay na pagkabahala para sa mga taong nasa inyong teritoryo na nadarama ng mapagmahal na mga magulang para sa kanilang minamahal na mga anak? Ang pagpapakita ng gayong pagkabahala sa pamamagitan ng tono ng inyong boses, ng ibinabadya ng inyong mukha, at sa inyong mga ikinikilos ay makaaakit ng mga taong tulad-tupa sa balita ng Kaharian.
20, 21. Ano ang ilan sa modernong-panahong mga halimbawa ng mga taong sumunod sa halimbawa ng pag-ibig ni Jesus?
20 Isang maginaw na araw sa Espanya, dalawang Saksi ang nakatagpo sa isang nakasaklay na matandang babae na ang bahay ay napakalamig dahilan sa naubusan ng kahoy na panggatong. Kaniyang hinihintay ang kaniyang anak na lalaki sa pagbabalik galing sa trabaho upang magsibak pa. Ang mga Saksi ang nagsibak ng kahoy, at nag-iwan din sila ng ilang magasin upang kaniyang mabasa. Nang bumalik ang anak, ganiyan na lang ang kaniyang paghanga sa maibiging pagmamalasakit ng mga Saksi sa kaniyang ina kung kaya’t kaniyang binasa ang literatura, siya’y nagsimulang mag-aral ng Bibliya, nabautismuhan, at di-nagtagal ay pumasok na sa ministeryo ng pagpapayunir.
21 Sa Australia may mag-asawang nagpaliwanag sa dumadalaw ng mga Saksi na sila’y walang pera upang mapakain ang kanilang pamilya. Ang mag-asawang Saksi ay umalis at namili ng mga groseri, mayroon pang pinamiling mga kendi para sa mga bata. Ang mga magulang ay napaiyak na lamang, at sinabing sila’y totoong nawalan na ng pag-asa kung kaya’t nagbalak silang magpatiwakal. Kapuwa sila nagsimulang mag-aral ng Bibliya, at ang asawang babae ay nabautismuhan kamakailan. Isang babae sa Estados Unidos na may maling palagay sa mga Saksi ni Jehova ang nag-ulat pagkatapos na makausap niya ang isa sa kanila: “Talagang wala akong natatandaan tungkol sa aming pinag-usapan, ngunit ang aking natatandaan ay napakabait niya sa akin, at siya’y lubhang mapagpatuloy at mapagpakumbaba. Talagang naakit ako sa kaniya bilang isang tao. Aking pinakamamahal siya bilang isang kaibigan hanggang sa araw na ito.”
22. Pagkatapos suriin ang buhay ni Jesus, ano ang ating masasabi tungkol sa kaniya?
22 Pagka tayo tumugon sa pag-ibig ni Jesus sa pamamagitan ng paggawa ng gawain na kaniyang ginawa ayon sa paraan na kaniyang sinunod, anong kahanga-hangang mga pagpapala ang tatamasahin natin! Ang kadakilaan ni Jesus ay maliwanag na makikita at nag-uumapaw. Tayo’y nahihikayat na ulit-ulitin ang mga salita ng gobernador Romanong si Poncio Pilato: “Narito! Ang tao!” Oo, tunay nga, “Ang tao,” ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman.—Juan 19:5.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Gaano kadakila ang pag-ibig ni Jesus?
◻ Ang pag-ibig ni Jesus ay dapat mag-udyok sa atin na ibigin sino, at na tayo’y pilit na udyukan ng kaniyang pag-ibig na gawin ang ano?
◻ Anong gawain ang ibig ni Jesus na gawin natin?
◻ Papaanong si Jesus ay mayaman, at bakit siya naging dukha?
◻ Papaano dapat nating tularan si Jesus sa paraan ng kaniyang paglilingkod sa mga tao?
[Larawan sa pahina 15]
Si Jesus ang nagpakita ng halimbawa ng pag-ibig
[Larawan sa pahina 17]
Matinding ipinakita ni Jesus kung papaano dapat magpakita ng pag-ibig sa kaniya ang kaniyang mga alagad