BUGTONG NA ANAK
Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay binibigyang-katuturan ng mga leksikograpo bilang “kaisa-isa sa uri nito, tangi,” o “ang tanging miyembro ng isang pamilya o uri.” (Greek-English Lexicon of the New Testament ni Thayer, 1889, p. 417; Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott, Oxford, 1968, p. 1144) Ang terminong ito ay ginagamit upang ilarawan ang kaugnayan kapuwa ng mga anak na lalaki at ng mga anak na babae sa kanilang mga magulang.
Ang Kasulatan ay may binabanggit na “bugtong na anak na lalaki” ng isang babaing balo na nakatira sa lunsod ng Nain, “bugtong na anak na babae” ni Jairo, at “bugtong na anak” ng isang lalaki na pinagaling ni Jesus mula sa pag-ali ng isang demonyo. (Luc 7:11, 12; 8:41, 42; 9:38) Ginagamit naman ng Griegong Septuagint ang mo·no·ge·nesʹ upang tumukoy sa anak na babae ni Jepte, na tungkol sa kaniya ay nasusulat: “At totoong siya ang kaisa-isang anak. Bukod sa kaniya ay wala siyang anak na lalaki ni anak na babae man.”—Huk 11:34.
Paulit-ulit na inilalarawan ng apostol na si Juan ang Panginoong Jesu-Kristo bilang ang bugtong na Anak ng Diyos. (Ju 1:14; 3:16, 18; 1Ju 4:9) Hindi ito tumutukoy sa kapanganakan niya bilang tao ni sa kaniya mismo bilang ang tao na si Jesus. Bilang ang Loʹgos, o Salita, “ang isang ito nang pasimula ay kasama ng Diyos,” kahit noong “bago pa [umiral] ang sanlibutan.” (Ju 1:1, 2; 17:5, 24) Noong panahong iyon bago siya naging tao, inilalarawan siya bilang ang “bugtong na Anak” na isinugo ng kaniyang Ama “sa sanlibutan.”—1Ju 4:9.
Inilalarawan siya bilang may “kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak mula sa isang ama,” ang isa na tumatahan sa “dakong dibdib ng Ama.” (Ju 1:14, 18) Wala nang iba pang mas malapít, mas matalik, o mas maibigin at magiliw na ugnayan sa pagitan ng isang ama at ng kaniyang anak kaysa sa ugnayang ito.—Tingnan ang DIBDIB, DAKONG.
Ang mga anghel sa langit ay mga anak ng Diyos kung paanong si Adan ay “anak ng Diyos.” (Gen 6:2; Job 1:6; 38:7; Luc 3:38) Ngunit ang Loʹgos, na nang maglaon ay tinawag na Jesus, ang siyang “bugtong na Anak ng Diyos.” (Ju 3:18) Siya ang kaisa-isa sa kaniyang uri, ang kaisa-isa na tuwirang nilalang ng Diyos mismo nang walang ibang nilalang na namagitan o tumulong. Siya ang kaisa-isang ginamit ng Diyos na kaniyang Ama upang pangyarihing umiral ang lahat ng iba pang nilalang. Siya ang panganay at ang pangunahin sa lahat ng iba pang mga anghel (Col 1:15, 16; Heb 1:5, 6), na sa Kasulatan ay tinatawag na “mga tulad-diyos” o “mga diyos.” (Aw 8:4, 5) Dahil dito, ayon sa ilan sa pinakamatatanda at pinakamahuhusay na manuskrito, ang Panginoong Jesu-Kristo ay wastong ilarawan bilang “ang bugtong na diyos [sa Gr., mo·no·ge·nesʹ the·osʹ].”—Ju 1:18, NW, Ro, Sp.
Bilang pagsuporta sa konseptong Trinitaryo na “Diyos Anak,” binabaligtad sa ilang salin ang pariralang mo·no·ge·nesʹ the·osʹ at isinasalin ito bilang “Diyos na bugtong na anak.” Ngunit sinasabi ni W. J. Hickie sa kaniyang Greek-English Lexicon to the New Testament (1956, p. 123) na mahirap maintindihan kung bakit isinasalin ng mga tagapagsaling iyon ang mo·no·ge·nesʹ hui·osʹ bilang “ang bugtong na Anak,” ngunit isinasalin naman nila ang mo·no·ge·nesʹ the·osʹ bilang “Diyos na bugtong na anak,” sa halip na “ang bugtong na Diyos.”
Tinukoy ni Pablo si Isaac bilang ang “bugtong na anak” ni Abraham (Heb 11:17), bagaman naging anak din ni Abraham si Ismael kay Hagar at nagkaroon siya ng iba pang mga anak kay Ketura. (Gen 16:15; 25:1, 2; 1Cr 1:28, 32) Gayunman, ang tipan ng Diyos ay itinatag lamang sa pamamagitan ni Isaac, ang kaisa-isang anak ni Abraham sa pamamagitan ng pangako ng Diyos, at ang kaisa-isa ring anak ni Sara. (Gen 17:16-19) Bukod diyan, noong panahong ihandog ni Abraham si Isaac, ito ang kaisa-isang anak sa sambahayan ng kaniyang ama. Noon ay wala pang anak si Ketura, at mga 20 taon nang nakaalis si Ismael, na noon ay tiyak na may asawa na at ulo ng sarili niyang sambahayan.—Gen 22:2.
Kaya batay sa iba’t ibang pangmalas may kinalaman sa pangako at sa tipan, na mga bagay na tinalakay ni Pablo sa kaniyang liham sa mga Hebreo, si Isaac ang bugtong na anak ni Abraham. Dahil dito, iniuugnay ni Pablo ang “mga pangako” at ang “bugtong na anak” sa “‘iyong binhi’ . . . sa pamamagitan ni Isaac.” (Heb 11:17, 18) Anuman ang pangmalas ni Josephus tungkol dito, tinukoy rin niya si Isaac bilang ang “kaisa-isang anak” ni Abraham.—Jewish Antiquities, I, 222 (xiii, 1).