KAIBIGAN
Inilalarawan ng Bibliya ang tunay na kaibigan bilang isa na mas malapít pa kaysa sa isang kapatid, hindi nagbabago sa kaniyang pagkamatapat at pagkapalakaibigan, sumasaklolo sa kaniyang kasamahan kapag may kabagabagan, at nagpapayo rito nang may katapatan. (Kaw 18:24; 17:17; 27:6, 9) Sa kabilang dako, ang mayayaman at ang mga nagbibigay ng mga regalo ay may maraming kaibigan ngunit interesado lamang ang mga ito sa makasariling mga pakinabang na nakukuha nila sa gayong pakikipagkaibigan. (Kaw 14:20; 19:4, 6, 7) Angkop lamang na magpayo si Jesu-Kristo na huwag anyayahan sa hapunan ang mga kaibigang may maigaganti, kundi yaong mga taong walang maigaganti. (Luc 14:12-14) Sa bagay na ito, si Jesus mismo ang nagpakita ng halimbawa anupat tinulungan niya sa espirituwal na paraan yaong mga taong hinahamak. Dahil dito, tinagurian siyang “kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan.” (Mat 11:19) Ngunit sinabi ni Jesus na yaon lamang mga sumusunod sa mga utos niya ang kaniyang tunay na mga kaibigan. Ipinakita niya ang kaniyang pag-ibig sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa kanila at pinasigla niya silang ibigin ang isa’t isa sa gayunding paraan.—Ju 15:12-14.
Tinukoy ng unang-siglong mga Kristiyano ang lahat ng kanilang mga kapananampalataya bilang “mga kaibigan.” (3Ju 14) Gayunman, posible pa rin na ang isa ay maging mas malapít sa ilang miyembro ng kongregasyong Kristiyano kaysa sa iba, maaaring dahil sa mga ugnayang pampamilya, mas malapít na pagsasamahan dahil sa mga kalagayan, magkakaparehong kinalakhan o mga interes, pagkakasundo ng personalidad, o dahil sa maiinam na katangiang Kristiyano na nakita niya sa pakikisama sa kanila. Dahil sa mga katangiang taglay nina Pedro, Santiago, at Juan, sila ang mga alagad na isinama ni Jesus upang magtamasa ng maraming pribilehiyo, gaya noong hayaan niyang masaksihan nila ang tagpo ng pagbabagong-anyo. May kinalaman dito, maaaring may mga bagay na iniisip si Jesus sa hinaharap para sa tatlong lalaking ito, mga bagay na alam niyang doon ay magagamit niya sila upang makapaglingkod sa kaniya.—Mar 9:1-10; 14:32, 33; Luc 8:51.
Bagaman, tulad ni Jesus, ang isang Kristiyano ay nagpapakita ng pag-ibig sa sangkatauhan sa pangkalahatan, marapat lamang na ipamalas niya ang uri ng pag-ibig na para sa kaibigan tangi lamang sa mga kaibigan ng Diyos. Idiniriin ito ng tanong na iniharap kay Haring Jehosapat: “Sa balakyot ba dapat ibigay ang tulong, at yaon bang mga napopoot kay Jehova ang dapat mong ibigin?” (2Cr 19:2) Ang mga taong nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging mga kaaway ng Diyos.—San 4:4.
Ang pinakanamumukod-tanging pagkakaibigan sa pagitan ng mga tao na iniulat sa Hebreong Kasulatan ay yaong kina David at Jonatan. Bagaman si Jonatan ang likas na tagapagmana ng trono ng kaniyang amang si Saul, hindi niya kinapootan si David ni itinuring man niya itong karibal, kundi kinilala niya na si David ang pinapaboran ni Jehova. Kaya naman “ang mismong kaluluwa ni Jonatan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at inibig siya ni Jonatan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” (1Sa 18:1) Pagkamatay ni Jonatan sa isang pakikipagbaka, nanaghoy nang labis-labis si David dahil sa pagkawala ng kaniyang kaibigan, na sinasabi: “Ako ay napipighati dahil sa iyo, kapatid kong Jonatan, naging lubhang kaiga-igaya ka sa akin. Higit na kamangha-mangha ang iyong pag-ibig sa akin kaysa sa pag-ibig ng mga babae.” (2Sa 1:26) Naging posible ang pagkakaibigang ito dahil itinuring ni David at ni Jonatan ang pagkamatapat sa Diyos na Jehova bilang ang pangunahin sa lahat ng iba pang bagay.
Kabaligtaran naman nito, dahil sa katiwalian sa moral noong mga araw ng propetang si Mikas, kinailangan niyang magbabala: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa isang matalik na kaibigan.” (Mik 7:5) Binanggit din ni Jesus na maging ang dating mga kaibigan ng kaniyang mga tagasunod ay magiging kalaban nila at ibibigay sila ng mga ito upang maipapatay.—Luc 21:16; tingnan ang PAG-IBIG.
Kaibigan ng Diyos. Kabilang sa mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos kay Abraham ay ang pribilehiyo at karangalan na tawaging “kaibigan [o, mangingibig] ni Jehova.” Ito ay dahil sa namumukod-tanging pananampalataya ni Abraham, na ipinakita niya sa sukdulang antas nang maging handa siyang ihandog bilang hain ang kaniyang anak na si Isaac.—Isa 41:8, tlb sa Rbi8; 2Cr 20:7; San 2:21-23; tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID.
Sa pamamagitan ng wastong paggamit sa “di-matuwid na kayamanan,” ang isa ay maaaring maging kaibigan ng Diyos na Jehova at ng Kaniyang Anak, na maaaring tumanggap sa kaniya sa “walang-hanggang mga tahanang dako,” gaya ng itinawag-pansin ni Jesu-Kristo sa ilustrasyon niya tungkol sa di-matuwid na katiwala. (Luc 16:1-13) Sa katunayan, tinawag ni Jesus ang mga alagad niya bilang kaniyang mga kaibigan, at samakatuwid ay mga kaibigan din sila ng kaniyang Ama. (Ju 15:13-15; 14:21) Sa Awit 15:1-5, binabalangkas ang mga kahilingan kung paano maaaring maging panauhin sa tolda ni Jehova ang isang tao bilang isa sa Kaniyang mga kaibigan.
Kabaligtaran nito, ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos. (San 4:4; 1Ju 2:15-17) Ang sangkatauhan sa kabuuan ay hiwalay sa Diyos at may pakikipag-alit sa kaniya. Gayunman, posible ang pakikipagkasundo, ngunit sa pamamagitan lamang ni Jesu-Kristo at ng ministeryo ng pakikipagkasundo na ipinagkatiwala ng Diyos sa mga embahador ng kaniyang Anak. Sa katapus-tapusan, tanging ang mga kaibigan ng Diyos ang magtatamasa ng walang-hanggang buhay.—2Co 5:18-20; Apo 21:3, 4; Aw 37:29.
Kaibigan (Kasamahan) ng Hari. Kapag ginagamit ang pananalitang ito, hindi ipinahihiwatig ng Bibliya na may iba pa itong kahulugan bukod pa sa isa na palakaibigan o isang kasamahan. Ni tuwiran man nitong inilalarawan ang espesipikong mga tungkulin ng kaibigan ng hari bilang isang opisyal na titulo. Gayunman, kung ibabatay sa mga kaugalian sa ibang mga lupain, maaaring ang pananalitang ito ay tumutukoy sa isang opisyal ng korte na kapalagayang-loob, isang personal na kaibigan, at isang kasamahan ng hari na kung minsan ay nagpapatupad ng kompidensiyal na mga utos.—Gen 26:26.
Kabilang sa mga dignitaryo sa korte ni Solomon, na nakatala sa 1 Hari 4:1-6, ang dalawang anak ni Natan. Ang isa ay binabanggit na “namamahala sa mga kinatawan,” samantalang ang isa naman, si Zabud, ay tinatawag na “ang kaibigan ng hari.” Noong naghahari ang ama ni Solomon na si Haring David, si Husai na Arkita ang tinutukoy na may ganitong kaugnayan kay Haring David, anupat tinatawag siyang “kaibigan ni David.” Bilang tugon sa kahilingan ni David, bumalik si Husai sa Jerusalem upang biguin ang payo ni Ahitopel nang makipagsabuwatan si Absalom na agawin ang trono.—2Sa 15:32-37; 16:16-19.
Sa sinaunang mga Ehipsiyong hari, may ilang grupo ng “mga kaibigan” ng hari. Ang titulong ito ay hindi tumutukoy sa anumang pantanging katungkulan kundi isa lamang katawagang pandangal para sa mga opisyal na ang tunay na mga tungkulin ay ipinahihiwatig ng iba pang mga titulo. Malimit ding banggitin ang ‘mga kaibigan ng hari’ may kaugnayan sa Imperyo ng Gresya. Doon, ang hari ay sumasangguni sa isang espesipikong lupon na binubuo ng mga kaibigang ito bago siya gumawa ng mga pasiya hinggil sa mahahalagang bagay. Mayroon ding ganitong katungkulan noon sa Persia, Arabia, at Etiopia.
Kaibigan ng Kasintahang Lalaki. Noong sinaunang panahon, isa sa mga lalaking malalapit na kakilala ng kasintahang lalaki ang gumaganap bilang legal na kinatawan ng kasintahang lalaki at may pangunahing pananagutan sa paggawa ng mga kaayusan para sa pag-aasawa. Kung minsan, siya ang nagsasaayos ng pakikipagkasundo sa mga magulang ng kasintahang babae para sa pagpapakasal, anupat naghahatid ng dote sa ama at ng mga kaloob naman sa kasintahang babae. Siya ang itinuturing na namamagitan sa kasintahang babae at sa kasintahang lalaki. Dumarating ang prusisyon ng kasalan sa bahay ng ama ng kasintahang lalaki o sa bahay ng kasintahang lalaki, kung saan ipinagdiriwang ang piging ng kasalan. Doon nagtatagpo ang kasintahang lalaki at ang kasintahang babae. Sa piging, kapag narinig na niyang nagsalita ang kasintahang lalaki sa kasintahang babae, ang kaibigan ng kasintahang lalaki ay naliligayahan, yamang nadarama niyang matagumpay na natapos ang kaniyang tungkulin.—Ju 3:29.
Ipinakilala ni Juan na Tagapagbautismo, na naghanda ng daan para sa Mesiyas, ang unang mga miyembro ng “kasintahang babae” kay Jesu-Kristo, na sa kaniya ay may pakikipagtipan ito. (2Co 11:2; Efe 5:22-27; Apo 21:2, 9) Kaya naman masasabi ni Juan: “Kayo mismo ang nagpapatotoo sa akin na sinabi ko, Hindi ako ang Kristo, kundi, Ako ay isinugo sa unahan ng isang iyon. Siya na may kasintahang babae ay ang kasintahang lalaki. Gayunman, ang kaibigan ng kasintahang lalaki, kapag tumindig ito at narinig siya, ay may malaking kagalakan dahil sa tinig ng kasintahang lalaki. Samakatuwid ang kagalakan kong ito ay nalubos na.” Kung paanong sa puntong ito ay naisagawa na ng kaibigan ng kasintahang lalaki ang kaniyang layunin at hindi na siya isang pangunahing tauhan, sa gayunding paraan ay sinabi ni Juan tungkol sa kaniyang sarili may kaugnayan kay Jesu-Kristo: “Ang isang iyon ay kailangang patuloy na dumami, ngunit ako ay kailangang patuloy na kumaunti.”—Ju 3:27-30.
May binanggit na “mga kaibigan ng kasintahang lalaki” sa Mateo 9:15. Dito ay tinutukoy ang iba pang mga kaibigan na sumama sa prusisyon ng kasalan at na inanyayahan sa piging ng kasalan.