Sundin ang Liwanag ng Sanlibutan
“Ang sumusunod sa akin . . . ay magkakaroon ng liwanag ng buhay.”—JUAN 8:12.
1. Gaano kahalaga ang liwanag?
ANO ang magagawa natin kung walang liwanag? Gunigunihin ang paggising sa araw-araw ng santaon sa 24 na oras ng kadiliman. Gunigunihin ang isang daigdig na walang kulay, sapagkat kung walang liwanag ay walang kulay. Oo, kung hindi umiral ang liwanag, hindi rin tayo iiral! Bakit hindi? Sapagkat, sa proseso ng photosynthesis, ang sariwang mga pananim ay gumagamit ng liwanag upang gumawa ng pagkaing kinakain natin—mga butil, gulay, at bungang-kahoy. Totoo, kung minsan tayo’y kumakain ng karne ng mga hayop. Subalit ang mga hayop na iyon ay kumakain ng mga pananim o iba pang mga hayop na nabubuhay sa mga pananim. Sa ganoon, ang ating pisikal na buhay ay lubusang depende sa liwanag.
2. Ano ang makapangyarihang mga bukal ng liwanag, at ano ang sinasabi nito sa atin tungkol kay Jehova?
2 Ang ating liwanag ay nanggagaling sa araw, na isang bituin. Samantalang ang ating araw ay nagbibigay ng napakaraming liwanag, ito ay isa lamang bituin na may katamtamang laki. Marami ang mas malalaki. At ang grupo ng mga bituin na ating kinalalagyan, ang Milky Way galaxy, ay mayroong mahigit na isang daang bilyon na bituin. Bukod dito, may di-mabilang na bilyun-bilyong mga galaksi sa uniberso. Anong pagkarami-raming bituin! Anong napakaraming liwanag ang nanggagaling sa mga ito! Anong makapangyarihang bukal ng liwanag si Jehova, na lumalang ng lahat ng iyan! Ang Isaias 40:26 ay nagsasabi: “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo. Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan. Dahilan sa kasaganaan ng dinamikong kalakasan, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, walang nawawalang isa man sa kanila.”
Isa Pang Uri ng Liwanag
3. Gaano kahalaga ang espirituwal na liwanag na nanggagaling kay Jehova?
3 Si Jehova ay siya ring Bukal ng isa pang uri ng liwanag, na nagpapangyaring magkaroon tayo ng espirituwal na pangitain, espirituwal na kaliwanagan. Ganito ang kahulugang ibinibigay ng isang diksiyunaryo sa “paliwanagin”: “Bigyan ng kaalaman: turuan; bigyan ng espirituwal na matalinong unawa.” Ang kahulugang ibinibigay nito sa “naliwanagan” ay: “pinalaya sa kawalang-alam at maling impormasyon.” Ang espirituwal na kaliwanagan buhat kay Jehova ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Iyan ang nagpapangyari sa atin na makilala kung sino ang Diyos at kung ano ang kaniyang mga layunin. “Ang Diyos ang siyang nagsabi: ‘Sumikat ang liwanag buhat sa kadiliman,’ at siya’y sumikat sa ating mga puso upang paliwanagin ang mga ito sa maluwalhating kaalaman sa Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Kristo.” (2 Corinto 4:6) Sa gayon, ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos ang nagpapalaya sa atin buhat sa kawalang-alam at maling impormasyon. Sinabi ni Jesus: “Inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:32.
4, 5. Papaano nagsisilbing liwanag sa ating buhay ang kaalaman buhat kay Jehova?
4 Si Jehova, ang Bukal ng tunay na espirituwal na kaliwanagan, ay “sakdal sa kaalaman.” (Job 37:16) At, ang Awit 119:105 ay nagsasabi tungkol sa Diyos: “Ang iyong salita ay ilawan sa aking paa, at tanglaw sa aking daan.” Kaya kaniyang mabibigyan ng espirituwal na liwanag hindi lamang ang susunod na hakbang ng ating buhay, kundi pati na rin ang daang nasa unahan. Kung wala iyan, ang buhay ay makakatulad ng pagmamaneho ng kotse sa isang paliku-likong daan sa isang bundok sa isang gabing madilim na walang mga ilaw sa kotse o saanman. Ang espirituwal na liwanag mula sa Diyos ay maihahambing sa liwanag na nanggagaling sa dalawang ilaw sa unahan ng kotse. Ang liwanag ay tumatanglaw sa daan upang makita natin kung saan talaga tayo pupunta.
5 Ipinakikita ng hula sa Isaias 2:2-5 na sa panahon natin ay tinitipon ng Diyos sa lahat ng bansa ang mga taong nagnanais ng espirituwal na kaliwanagan upang sila’y matuto at makapagsagawa ng tunay na pagsamba. Ang talatang 3 ay nagsasabi: “Tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.” Ang talatang 5 ay nag-aanyaya sa mga humahanap ng katotohanan: “Halikayo at tayo’y lumakad sa liwanag ni Jehova.”
6. Sa wakas saan tayo aakayin ng liwanag na nanggagaling kay Jehova?
6 Sa gayon, si Jehova ang bukal ng dalawang uri ng liwanag na kailangan para sa buhay: ang pisikal at ang espirituwal. Ang pisikal na liwanag ay tumutulong sa ating pisikal na katawan upang manatiling buháy ngayon, marahil nang mga 70 o 80 taon humigit-kumulang. Subalit ang espirituwal na liwanag ay umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso. Ito’y gaya ng sinabi ni Jesus sa panalangin sa Diyos: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Ang Sanlibutan ay Nasa Espirituwal na Kadiliman
7. Bakit kailangan natin ng espirituwal na kaliwanagan ngayon higit kailanman?
7 Ngayon ay nangangailangan tayo ng higit na espirituwal na liwanag kaysa noong nakaraan. Ang mga hula gaya ng Mateo kabanata 24 at 2 Timoteo kabanata 3 ay nagpapakita na tayo’y malapit na sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Ang mga ito at iba pang mga hula ay tungkol sa kakila-kilabot na mga bagay na nagaganap sa ating kapanahunan, na ipinaaalam sa atin na tayo’y nasa “mga huling araw.” Bilang katuparan ng gayong mga hula, ang siglong ito ay nakaranas ng napakaraming kalamidad. Nakasisindak ang dami ng krimen at karahasan. Sa mga digmaan ay napahamak ang mahigit na isang daang milyong buhay. Ang mga sakit, tulad halimbawa ng kinatatakutang AIDS, ay unti-unting lumalaganap sa milyun-milyong katao, mga 160,000 ang nangamatay na dahil sa AIDS sa Estados Unidos lamang. Ang buhay pampamilya ay nagkawatak-watak at ang kalinisang-asal sa sekso ay itinuturing na matandang-uso.
8. Anong kalagayan ang nakaharap ngayon sa sangkatauhan, at bakit?
8 Ang dating kalihim-pangkalahatan ng Nagkakaisang mga Bansa na si Javier Pérez de Cuéllar ay nagsabi: “Labis-labis na pinatutunayan ng kalagayan ng daigdig na [sinisira] ng karalitaan ang pagkakaisa ng mga lipunan.” Kaniyang binanggit na “mahigit na isang bilyong katao ngayon ang namumuhay sa lubos na karalitaan” at “ito’y nakapagpalubha sa mga pinagmumulan ng mararahas na pag-aalitan.” Itong “grabeng mga kahirapan,” aniya, “ay humahadlang sa lunas na maibibigay ng mga pamahalaan.” At ang pangulo ng isang maimpluwensiyang organisasyon ay nagsabi: “Ang pangunahing suliraning nakaharap sa lipunan ay yaong bagay na ito’y naging mahirap pamahalaan.” Anong pagkatotoo nga ng mga salita ng Awit 146:3: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao na hindi makapagliligtas.”
9. Sino ang may pinakamalaking pananagutan sa kadiliman na tumatakip sa sangkatauhan, at sino ang makapag-aalis sa atin ng impluwensiyang ito?
9 Ang kalagayan sa ngayon ay gaya ng inihula ng Isaias 60:2: “Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng pusikit na dilim ang mga bayan.” Ang kadilimang ito na tumatakip sa lubhang karamihan ng mga tao sa lupa ay dahilan sa hindi nila pagtanggap sa espirituwal na liwanag na nagbubuhat kay Jehova. At ang pinakaugat na pinagmumulan ng espirituwal na kadiliman ay si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo, ang pangunahing mga kaaway ng Diyos ng liwanag. Sila “ang pansanlibutang mga tagapamahala ng kadilimang ito.” (Efeso 6:12) Gaya ng sinasabi ng 2 Corinto 4:4, and Diyablo “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” na “bumulag sa isip ng mga di-sumasampalataya, upang sa kanila’y huwag sumikat ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos.” Walang pamamahala ng tao ang makapag-aalis sa sanlibutan ng impluwensiya ni Satanas. Tanging ang Diyos lamang.
“Isang Dakilang Liwanag”
10. Papaano inihula ni Isaias na sa ating kaarawan ang liwanag ay sisikat sa sangkatauhan?
10 Gayunman, samantalang pusikit na kadiliman ang tumatakip sa karamihan ng tao, ang Salita ng Diyos ay humula rin sa Isaias 60:2, 3: “Sisikat sa iyo si Jehova, at makikita sa iyo ang kaniya mismong kaluwalhatian. At ang mga bansa ay tiyak na paroroon sa iyong liwanag.” Ito ay kasuwato ng Isaias kabanata 2, na nangakong ang maliwanag, tunay na pagsamba kay Jehova ay matatatag sa mga huling araw na ito at, gaya ng sinasabi ng mga Isa 2 talatang 2 at 3, “dadagsa roon ang lahat ng bansa. At maraming bayan ang tiyak na paparoon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova,’ ” samakatuwid nga, sa kaniyang itinaas na tunay na pagsamba. Kaya bagaman ang sanlibutan ay kontrolado ni Satanas, ang liwanag buhat sa Diyos ay sumisikat at pinalalaya ang marami buhat sa kadiliman.
11. Sino ang magiging pinakatanyag sa pagpapasikat ng liwanag buhat kay Jehova, at papaano siya nakilala ni Simeon?
11 Ang Isaias 9:2 ay humula na may susuguin ang Diyos upang magpasikat ng kaniyang liwanag sa sanlibutan. Iyon ay nagsasabi: “Ang bayan na lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag. Silang nagsisitahan sa lupain ng lilim ng kamatayan, sa kanila sumikat ang liwanag.” Ang “dakilang liwanag” na ito ay ang Tagapagsalita ni Jehova, si Jesu-Kristo. Sinabi ni Jesus: “Ako ang liwanag ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay sa anumang paraan hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng liwanag ng buhay.” (Juan 8:12) Ito ay alam na ng iba kahit noon pa nang isang sanggol pa lamang si Jesus. Ang Lucas 2:25 ay nagsasabi na ang isang lalaking nagngangalang Simeon ay “matuwid at masipag sa kabanalan” at “sumasakaniya ang banal na espiritu.” Nang makita ni Simeon ang sanggol na si Jesus, sa panalangin ay sinabi niya sa Diyos: “Nakita ng aking mga mata ang iyong paraan ng pagliligtas na iyong inihanda sa paningin ng lahat ng mga bayan, isang ilaw upang alisin ang lambong sa mga bansa.”—Lucas 2:30-32.
12. Kailan at papaano pinasimulan ni Jesus ang pag-aalis ng lambong ng kadilimang tumatakip sa mga tao?
12 Pinasimulan kaagad ni Jesus na alisin ang lambong ng kadiliman mula sa sangkatauhan pagkatapos ng kaniyang bautismo. Sa Mateo 4:12-16 ay sinasabing ito ang katuparan ng Isaias 9:1, 2, na bumanggit tungkol sa “dakilang liwanag” na magsisimulang sumikat sa mga taong lumalakad sa espirituwal na kadiliman. Ang Mateo 4:17 ay nagsasabi: “Mula noon ay nagpasimulang mangaral si Jesus at magsabing: ‘Magsisi kayo, kayong mga tao, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.’ ” Sa pangangaral tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ang mga tao ay binigyang-liwanag ni Jesus tungkol sa mga layunin ng Diyos. Siya ang “nagdala ng liwanag sa buhay at ng walang pagkasira sa pamamagitan ng mabuting balita.”—2 Timoteo 1:10.
13. Paano inilarawan ni Jesus ang kaniyang sarili, at bakit niya magagawa ang gayon nang buong katiyakan?
13 Buong-katapatang pinasikat ni Jesus ang liwanag ng Diyos. Sinabi niya: “Ako’y naparito bilang isang ilaw sa sanlibutan, upang ang bawat sumasampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. . . . Hindi ako nagsalita mula sa aking sarili, kundi ang Ama na nagsugo sa akin ang nagbigay sa akin ng isang utos tungkol sa kung ano ang dapat sabihin at kung ano ang dapat salitain. At, nalalaman ko na ang kaniyang utos ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 12:44-50.
“Sa Pamamagitan Niya ay Buhay”
14. Papaano ipinakikilala si Jesus sa Juan 1:1, 2?
14 Oo, isinugo ni Jehova sa lupa ang kaniyang Anak upang maging isang ilaw na magpapakita sa mga tao ng daan patungo sa buhay na walang-hanggan. Pansinin kung papaano ito itinatampok sa Juan 1:1-16. Sa mga Juan 1 talatang 1 at 2 ay mababasa: “Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos. Ang isang ito ang sa pasimula ay kasama ng Diyos.” Dito si Jesus bago maging tao ay tinatawag ni Juan sa titulong “Salita.” Ito’y nagpapakilala ng tungkulin na kaniyang ginampanan bilang Tagapagsalita ng Diyos na Jehova. At sa pagsasabi ni Juan na “sa pasimula pa’y naroon na ang Salita,” ito’y nangangahulugan na ang Salita ay siyang pasimula ng mga gawang paglalang ni Jehova, “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Apocalipsis 3:14) Ang kaniyang pangunahing posisyon sa gitna ng mga nilalang ng Diyos ay nagbibigay ng tunay na saligan para sa tawag sa kaniya na “isang diyos,” isang makapangyarihan. Sa Isaias 9:6 ay tinatawag siya na “Makapangyarihang Diyos,” bagaman hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
15. Anong karagdagang impormasyon ang ibinibigay sa atin ng Juan 1:3-5 tungkol kay Jesus?
15 Ang Juan 1:3 ay nagsasabi: “Lahat ng bagay ay umiral sa pamamagitan niya, at kung hindi sa pamamagitan niya ay walang isa mang bagay na iiral.” Ang Colosas 1:16 ay nagsasabi na “sa pamamagitan niya lahat ng iba pang mga bagay ay nilalang sa langit at sa ibabaw ng lupa.” Ang Juan 1:4 ay nagsasabi na “sa pamamagitan niya ay buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.” Samakatuwid sa pamamagitan ng Salita, lahat ng iba pang anyo ng buhay ay nangalalang; gayundin sa pamamagitan ng kaniyang Anak, pinapangyari ng Diyos na ang makasalanan, namamatay na sangkatauhan ay magtamo ng buhay na walang-hanggan. Tiyak na si Jesus ang isang makapangyarihan na tinatawag sa Isaias 9:2 na “isang dakilang liwanag.” At ang Juan 1:5 ay nagsasabi: “Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman, ngunit hindi ito nadaig ng kadiliman.” Ang liwanag ay kumakatawan sa katotohanan at katuwiran, na kabaligtaran ng kadiliman, na kumakatawan sa kamalian at kasamaan. Sa gayo’y ipinakikita ni Juan na ang liwanag ay hindi madaraig ng kadiliman.
16. Papaano tinukoy ni Juan na Tagapagbautismo ang lawak ng gawain ni Jesus?
16 Ngayon si Juan ay nangangatuwiran sa Juan 1 talatang 6 hanggang 9: “Naparito ang isang tao na sugo mula sa Diyos: ang kaniyang pangalan ay Juan [ang Tagapagbautismo]. Ito’y naparitong isang saksi, upang kaniyang patotohanan ang liwanag, upang sa pamamagitan niya ay magsisampalataya ang lahat ng uri ng mga tao. Hindi [si Juan] ang liwanag na iyon, ngunit pumarito upang kaniyang patotohanan ang liwanag na iyon [si Jesus]. Ang tunay na ilaw na nagbibigay liwanag sa bawat uri ng tao ay paparito na sa sanlibutan.” Ang tinukoy ni Juan ay ang darating na Mesiyas at ang kaniyang mga tagasunod ay kaniyang ibinaling sa Kaniya. Nang takdang panahon, lahat ng uri ng tao ay binigyan ng pagkakataon na tanggapin ang liwanag. Samakatuwid si Jesus ay hindi naparito para lamang sa kapakinabangan ng mga Judio kundi sa kapakinabangan ng lahat ng tao—mayaman o mahirap, anuman ang kanilang lahi.
17. Ano ang sinasabi sa atin ng Juan 1:10, 11 tungkol sa espirituwal na kalagayan ng mga Judio noong kaarawan ni Jesus?
17 Nagpapatuloy ang mga Juan 1 talatang 10 at 11: “Siya’y nasa sanlibutan, at ang sanlibutan ay umiral sa pamamagitan niya, ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Siya’y naparito sa sariling kaniya, subalit siya’y hindi tinanggap ng kaniyang sariling mga kababayan.” Si Jesus, bago siya naging tao, ang isa na sa pamamagitan niya nilalang ang sanlibutan ng sangkatauhan. Subalit, nang naririto pa sa lupa, siya ay tinanggihan ng karamihan ng kaniyang sariling mga kababayan, ang mga Judio. Ayaw nila na ang kanilang kasamaan at pagpapaimbabaw ay mahayag. Mas gusto pa nila ang kadiliman sa halip na ang liwanag.
18. Papaano ipinakikita ng Juan 1:12, 13 na ang ilan ay maaaring maging mga anak ng Diyos na may natatanging mana?
18 Sinasabi ni Juan sa mga Juan 1 talatang 12 at 13: “Datapuwat, ang mga sa kaniya’y nagsitanggap, sila’y pinagkalooban niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos, sapagkat sila’y sumasampalataya sa kaniyang pangalan; at sila’y ipinanganak, hindi sa dugo ni sa kalooban man ng laman ni sa kalooban man ng tao, kundi ng Diyos.” Ipinakikita ng mga talatang ito na sa simula, ang mga tagasunod ni Jesus ay hindi mga anak ng Diyos. Bago naparito si Kristo sa lupa, ang gayong pagiging mga anak o ang makalangit na pag-asa ay hindi pa bukás sa mga tao. Subalit sa bisa ng haing pantubos ni Kristo na kanilang sinampalatayanan, ang ilang tao ay inampon upang maging mga anak at nagkaroon ng pag-asa sa buhay bilang mga hari na kasama ni Kristo sa makalangit na Kaharian ng Diyos.
19. Bakit si Jesus ang nasa pinakamagaling na kalagayan na magpasikat ng liwanag ng Diyos, gaya ng ipinakikita sa Juan 1:14?
19 Ang Juan 1 talatang 14 ay nangangatuwiran: “Kaya ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin, at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak ng isang ama.” Nang nasa lupa, nakita kay Jesus ang kaluwalhatian ng Diyos na tangi lamang gaya ng sa panganay na Anak ng Diyos. Samakatuwid, sa isang natatanging paraan, siya ang nasa pinakamagaling na kalagayan upang magsiwalat sa Diyos at sa Kaniyang mga layunin sa mga tao.
20. Ayon sa pagkasulat sa Juan 1:15, ano ang sinasabi sa atin ni Juan na Tagapagbautismo tungkol kay Jesus?
20 Sumunod, si apostol Juan ay sumusulat sa Juan 1 talatang 15: “Si Juan [ang Tagapagbautismo] ay nagpatotoo tungkol sa kaniya, oo, siya’y aktuwal na sumigaw—ito ang siyang nagsabi niyaon—na sinasabi: ‘Ang pumaparitong nasa hulihan ko ay magiging una sa akin, sapagkat siya’y umiiral na bago pa ako.’ ” Si Juan na Tagapagbautismo ay ipinanganak mga anim na buwan bago isinilang si Jesus bilang isang tao. Subalit si Jesus ay gumawa ng higit pang mga bagay kaysa kay Juan, kung kaya siya’y nauna kay Juan sa lahat ng bagay. At inamin naman ni Juan na umiral na si Jesus bago sa kaniya, yamang si Jesus ay umiiral na bago naging tao.
Mga Kaloob Buhat kay Jehova
21. Bakit sinasabi ng Juan 1:16 na tayo’y tumanggap ng “labis-labis na di-sana-nararapat na awa”?
21 Ang Juan 1:16 ay nangangatuwiran: “Sapagkat sa kaniyang kapuspusan ay nagsitanggap tayong lahat, samakatuwid nga, ng labis-labis na di-sana-nararapat na awa.” Bagaman ang mga tao ay ipinanganganak na makasalanan dahilan sa pagmamana niyaon mula kay Adan, layunin ni Jehova ang puksain ang balakyot na sistemang ito, ang pagkaligtas ng milyun-milyon tungo sa bagong sanlibutan, ang pagkabuhay-muli ng mga patay, at ang pag-aalis sa kasalanan at kamatayan, na ang resulta’y buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso. Lahat ng mga pagpapalang ito ay di-sana-nararapat, mga regalong hindi pinaghihirapan ng makasalanang mga tao. Ito’y mga kaloob buhat kay Jehova sa pamamagitan ni Kristo.
22. (a) Ano ang pinapangyayari ng pinakadakilang kaloob ng Diyos? (b) Anong paanyaya ang ibinibigay sa atin sa huling aklat ng Bibliya?
22 Ano ang pinakadakilang kaloob na nagpapangyari sa lahat ng ito? “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Sa gayon, ang tumpak na kaalaman sa Diyos at sa kaniyang Anak, “ang Punong Ahente ng buhay,” ay kailangan para sa mga nagnanais ng espirituwal na liwanag at buhay na walang-hanggan. (Gawa 3:15) Kaya naman ang huling aklat ng Bibliya ay nagbibigay ng ganitong paanyaya sa lahat ng umiibig sa katotohanan at nagnanais ng buhay: “ ‘Halika!’ At ang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang nauuhaw ay pumarito; ang may ibig ay kumuhang walang-bayad ng tubig ng buhay.”—Apocalipsis 22:17.
23. Ano ang gagawin ng tulad-tupang mga tao pagka sila’y lumapit sa liwanag?
23 Ang mapagpakumbaba, tulad-tupang mga tao ay hindi lamang lalapit sa liwanag ng sanlibutan kundi susunod sa liwanag na iyan: “Nagsisisunod sa kaniya ang mga tupa, sapagkat nakikilala nila ang kaniyang tinig [ang taginting ng katotohanan].” (Juan 10:4) Oo, sila’y nalulugod na “sundan nang maingat ang kaniyang mga hakbang” sapagkat batid nila na ang paggawa ng gayon ay mangangahulugan ng buhay na walang-hanggan para sa kanila.—1 Pedro 2:21.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong dalawang uri ng liwanag ang nanggagaling kay Jehova?
◻ Bakit ang espirituwal na kaliwanagan ay napakahalaga sa ngayon?
◻ Sa anong paraan “isang dakilang liwanag” si Jesus?
◻ Ano ang sinasabi sa atin tungkol kay Jesus ng Juan kabanata 1?
◻ Anong mga kaloob ang umaagos sa mga nagsisisunod sa liwanag ng sanlibutan?
[Larawan sa pahina 10]
Tinawag ni Simeon si Jesus na “isang liwanag sa pag-aalis ng lambong sa mga bansa”