Tubig na Bumabalong Upang Magbigay ng Buhay na Walang Hanggan
“Ang sinumang uminom mula sa tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na kailanman mauuhaw pa, kundi ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging isang bukal ng tubig sa kaniya na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.”—JUAN 4:14.
“WALANG anu-ano, sa likod ng buwan, . . . makikita ang isang kumikinang na hiyas na kulay asul at puti, isang mapusyaw-na-asul na globo, na waring napapalamutian ng puting lace na dahan-dahang umiikot, anupat [ang planetang Lupa ay] unti-unting lumilitaw na parang isang maliit na perlas na nakalutang sa mahiwagang dagat ng karimlan.”—Edgar Mitchell, isang astronot na naglarawan sa lupa nang makita niya ito mula sa kalawakan.
Bakit kaya gayon kakinang ang ating planeta anupat dahil dito, naging makata ang astronot? Ito ay dahil sa tubig na tumatakip sa halos tatlong-kapat na bahagi ng ibabaw ng lupa. Ang totoo, hindi lamang pinagaganda ng tubig ang ating planeta; tinutulungan din nito na manatiling buháy ang mga nilalang sa lupa. Sa katunayan, mga 65 porsiyento ng katawan ng tao ay binubuo ng tubig. Kaya ganito ang sinabi ng Encyclopædia Britannica hinggil sa tubig: “Napakahalaga nito sa buhay anupat kailangan ito sa halos bawat prosesong nagaganap sa mga halaman at hayop.”
Dahil sa mahusay na siklo ng tubig, ang lupa ay hindi kailanman nauubusan ng tubig. “Halos ang bawat patak ng tubig na ginagamit natin ay napupunta sa karagatan,” ang paliwanag ng The World Book Encyclopedia. “Doon ay sumisingaw ang tubig dahil sa init ng araw. Pagkatapos, bumabalik ito sa lupa bilang ulan. Paulit-ulit na ginagamit ang tubig. Hindi ito kailanman nasasaid.” Mga 3,000 taon na ang nakalilipas, ang kahanga-hangang prosesong ito ay inilarawan sa Bibliya: “Ang lahat ng agusang-taglamig ay humuhugos sa dagat, gayunma’y hindi napupuno ang dagat. Sa dakong hinuhugusan ng mga agusang-taglamig, doon bumabalik ang mga iyon upang humugos.” Kamangha-mangha nga ang pagkakalalang sa siklo ng tubig ng lupa!—Eclesiastes 1:7.
Dahil sa kahalagahan ng tubig sa buhay at sa kahanga-hangang paraan kung paano ito inilalaan, hindi tayo dapat magtaka kung bakit binanggit ito sa Bibliya nang mahigit 700 beses. Palibhasa’y ginagamit ito sa paglilinis at pagsustine ng buhay, madalas na tinutukoy ng Bibliya ang tubig sa paglilinis sa espirituwal na diwa.—Isaias 58:11; Juan 4:14.
Kapangyarihan ng Bibliya na Luminis
Dahil sa regular na paliligo at paghuhugas gamit ang tubig, namumukod-tangi ang mga Israelita sa pisikal na kalinisan. Isang kaugalian ang hugasan ang paa ng isang tao kapag pumasok sa isang bahay para kumain. (Lucas 7:44) Bukod sa pagpapanatiling malinis sa kanilang katawan at ari-arian, ginagamit din noon ng mga Israelita ang tubig upang mapanatili ang seremonyal na kalinisan. Dapat na malimit na hugasan ng mga saserdoteng naglilingkod sa tabernakulo ang kanilang sarili at ang kanilang mga damit. (Exodo 30:18-21) Nang maglaon, sa templo sa Jerusalem, gumawa si Solomon ng isang “binubong dagat” na gawa sa tanso at nakapaglalaman ng mahigit 44,000 litro ng tubig. Sapat ang dami ng tubig na ito para masunod ang kahilingan ng Kautusan ng Diyos hinggil sa kalinisan. (2 Cronica 4:2, 6) Ano ang kahulugan ng gayong paggamit ng tubig para sa mga Kristiyano sa ngayon?
Ipinaliwanag ni apostol Pablo na nilinis ni Jesus ang kongregasyong Kristiyano sa “paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita.” Gaya ng tubig na ginagamit sa paglilinis sa pisikal, ang katotohanan sa Salita ng Diyos ay may kapangyarihan upang tulungan tayong maging malinis sa moral at espirituwal. Sa pamamagitan nito, ang mga alagad ni Kristo ay naging “banal at walang dungis.” (Efeso 5:25-27) Kaya ang lahat ng nagnanais na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos ay dapat magsikap na manatiling “walang batik at walang dungis” sa moral at espirituwal. (2 Pedro 3:11, 14) Paano nakatutulong ang Salita ng Diyos upang magawa ito?
Ang mga taong interesadong paluguran ang Diyos na Jehova ay regular na umiinom ng espirituwal na tubig sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya. Kapag ang kaalamang iyon ay nakaantig sa kanilang isip at puso, nagkakaroon sila ng masidhing hangarin na gawin ang iniuutos ng Bibliya: “Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:2.
Ang tumpak na kaalaman hinggil sa kalooban ng Diyos ay nakatutulong sa gayong mga indibiduwal na makita ang mga mantsa at dumi, wika nga, sa kanilang paggawi at pag-iisip. Habang ikinakapit nila ang mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay, ang Salita ng Diyos, gaya ng tubig, ay tutulong sa kanila upang ‘mahugasan silang malinis’ maging sa malulubhang kasalanan.—1 Corinto 6:9-11.
Naranasan ng isang kabataang lalaki sa Espanya ang ganitong pagbabago. “Noong 18 anyos ako, hindi ako masaya sa buhay,” ang sabi ni Alfonso. Naging sugapa siya sa droga at naging pusakal na kriminal. “Marumi ang tingin ko sa aking sarili dahil sa pagtrato ko sa aking katawan at sa ibang tao.
“Napansin ko sa paaralan ang isang kabataang babae na kasing-edad ko at namumukod-tangi sa ibang mga estudyante dahil sa kaniyang malinis na hitsura at moral. Dahil sa kaniyang magandang halimbawa, gusto kong matularan ang kaniyang malinis na pamumuhay. Dumalo ako sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova gaya ng iminungkahi niya. Di-nagtagal, nagsimula akong mag-aral ng Bibliya at nagkaroon ako ng malapít na kaugnayan sa Diyos. Sa loob ng isang taon, nalinis ko ang aking buhay at naging isang bautisadong Saksi. Dahil sa aking malaking pagbabago, maraming magulang sa aming pamayanan ang lumapit sa akin upang humingi ng tulong para sa kanilang mga anak na tin-edyer na naging sugapa sa droga.”
Tubig na Nagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan
Minsan ay binanggit ni Jesus sa isang Samaritanang umiigib ng tubig sa balon ni Jacob ang tungkol sa “tubig na buháy.” Sinabi niya: “Ang sinumang uminom mula sa tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na kailanman mauuhaw pa, kundi ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging isang bukal ng tubig sa kaniya na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 4:10, 14) Ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus na ang “tubig na buháy” ay sumasagisag sa mga paglalaan ng Diyos ukol sa buhay, gaya ng ipinaliwanag sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Sa pamamagitan ng mga paglalaang ito, naging posible para sa mga tao na mabuhay magpakailanman. Ang isang mahalagang bahagi ng makasagisag na tubig na ito ay ang haing pantubos ni Kristo Jesus. Ganito ang paliwanag ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
Lubhang pinahalagahan ni Alfonso, na binanggit kanina, ang “tubig na buháy” mula sa Diyos. Ganito ang sinabi niya tungkol sa mga taong nanatiling kriminal at sugapa sa droga: “Patay na ang kuya ko, pati na rin ang lahat ng dati kong mga kasamahan. Dahil sa kaalaman sa Salita ng Diyos, naiwasan ko ang kinahinatnan nila. Buháy ako dahil sa espirituwal na mga paglalaan ni Jehova.” Bukod diyan, dahil sa kaniyang natutuhan sa Salita ng Diyos, si Alfonso ay umaasa ring mabuhay nang walang hanggan sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.—2 Pedro 3:13.
Isang Paanyaya Para sa Lahat
Sa huling aklat ng Bibliya, inilalarawan doon ang “isang ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal, na umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero.” (Apocalipsis 22:1) Lumalarawan ang ilog na ito sa mga paglalaan ng Diyos upang sa dakong huli ay maging sakdal ang mga tao gaya ng kalagayan nina Adan at Eva noong pasimula.
Pagkatapos ilarawan ang ilog na iyon, binanggit ng ulat ang paanyayang ito: “Ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Sa ngayon, ipinaaabot sa mga tao sa buong lupa ang paanyayang iyan. Taun-taon, ang mga Saksi ni Jehova sa mahigit 235 lupain ay gumugugol ng mahigit isang bilyong oras sa pagtulong sa mga tao na kumuha ng nagbibigay-buhay na kaalaman sa Bibliya.
Nais mo bang uminom ng tubig ng buhay? Sa pamamagitan ng pag-inom ng dalisay na tubig, iyon ay, sa pamamagitan ng pag-aaral at paggamit sa mga paglalaang nagmumula sa ating Maylalang, maaari ka ring mapabilang sa mga “maingat na nag-iimbak para sa kanilang sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.”—1 Timoteo 6:19.
[Blurb sa pahina 14]
Gaya ng tubig na ginagamit sa paglilinis sa pisikal, ang katotohanan sa Bibliya ay may kapangyarihan upang tulungan tayong maging malinis sa moral at espirituwal
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 15]
PINAGKUKUNAN NG TUBIG NOONG PANAHON NG BIBLIYA
Noong panahon ng Bibliya, nagsisikap nang husto ang mga tao upang makahanap ng mapagkukunan ng saganang suplay ng tubig. Sina Abraham at Isaac ay naghukay ng mga balon malapit sa Beer-sheba upang matiyak na may sapat silang tubig para sa kanilang sambahayan at mga kawan.—Genesis 21:30, 31; 26:18.
Kadalasan nang natutuyo ang mabababaw na balon kapag matagal at matindi ang tag-araw. Upang patuloy na makakuha ng tubig, dapat na malalim ang balon. (Kawikaan 20:5) Ang isang balon na masusumpungan sa Lakis ay 44 na metro ang lalim. Ang isa pang balon, na matatagpuan naman sa Gibeon, ay mahigit 25 metro ang lalim at 11 metro ang lapad. Mga 3,000 tonelada ng bato ang kailangang hukayin para magkaroon ng gayon kalalim na balon. Ganito ang sinabi kay Jesus ng Samaritanang nagpunta sa bukal ni Jacob upang umigib ng tubig: “Malalim ang balon.” Malamang na ang tubig doon ay masusumpungan 23 metro sa ilalim ng lupa.—Juan 4:11.
Mayroon ding malalaking imbakang-tubig sa ilalim ng lupa noon sa Gitnang Silangan. Mula Oktubre hanggang Abril, natitipon sa mga imbakang-tubig na ito ang tubig-ulan. Gumawa ang mga tao ng mga lagusan sa gilid ng mga burol para umagos ang tubig patungo sa mga imbakang-tubig. Humuhukay noon ng malalaking imbakang-tubig ang mga Israelita.—2 Cronica 26:10.
Mabigat na trabaho noon, at maging sa ngayon, ang pag-igib ng tubig sa mga balon at imbakang-tubig. Ginagawa noon ng mga babaing gaya ni Rebeka at ng mga anak ni Jetro ang napakahalagang gawaing ito araw-araw para sa kanilang mga pamilya at mga alagang hayop.—Genesis 24:15-20; Exodo 2:16.
[Larawan sa pahina 15]
Si Alfonso ngayon, habang ibinabahagi sa iba ang Salita ng Diyos