Nagkakaisang Pagsisikap na Marating ang Tunguhing Buhay
“Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—JUAN 17:3.
1. (a) Sa anong okasyong unang sinalita ni Jesus ang tungkol sa “buhay na walang hanggan”? (b) Sino ang maaaring makarating sa tunguhing ito?
SIYA’Y lihim na dumating, walang nakakapansin, sa kalaliman ng gabi. Ito’y si Nicodemo. Ganiyan na lamang ang kaniyang paghanga sa mga himala na ginawa ni Jesus sa Jerusalem noong panahon ng Paskua ng 30 C.E. Sa Pariseong ito, unang-unang binanggit ng Anak ng Diyos ang kaniyang unang napaulat na pagsisiwalat tungkol sa “buhay na walang hanggan,” na dinagdagan pa nito ng nakagagalak na mga salitang ito: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:15, 16) Anong laking pagkakataon ang nakaharap ngayon sa sanlibutan ng sangkatauhan na saklaw ng pantubos! Oo, kahit na ang isang mapagmataas na Pariseo ay maaaring magpakumbaba, upang makarating sa tunguhing iyan.
2. (a) Sa gitna ng anong mga kalagayan muling nagsalita si Jesus tungkol sa “buhay na walang hanggan”? (b) Sino ang maaaring magkamit ng tubig na nagbibigay-buhay?
2 Hindi nalaunan pagkatapos nito, si Jesus ay naglalakbay buhat sa Jerusalem patungo sa Galilea. Siya’y huminto sumandali sa isang balon sa Samaria habang ang kaniyang mga alagad ay humayo upang bumili ng pagkain. Isang babae ang sa darating upang sumalok. Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang sinomang uminom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailanman, ngunit ang tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay magiging isang bukal ng tubig na magbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 4:14) Yamang ang mga Samaritano ay hinahamak-hamak ng mga Judio, bakit nga nagbigay si Jesus ng gayong pag-asa sa babaing ito? Isa pa, gaya ng alam ni Jesus, ang babaing ito ay nagkaroon ng limang asawa at ngayon ay isang kalaguyo lamang ng isang lalaki na hindi naman niya asawa. Datapuwat, gaya ng sinasabi rito ni Jesus, ang nagbibigay-buhay na tubig ng katotohanan ay maaaring makamit kahit na ng mga taong hinamak-hamak sa sanlibutan ng sangkatauhan kung ang mga ito ay magsisisi at maglilinis ng kanilang pamumuhay.—Ihambing ang Colosas 3:5-7.
3. (a) Anong uri ng “pagkain” ang inirerekomenda ni Jesus? (b) Paano natutupad ang Juan 4:34-36?
3 “Buhay na walang hanggan”! At si Jesus ay nagpatuloy na linangin ang temang ito nang ang kaniyang mga alagad ay nagsibalik at himukin siya na kumain. Ganito ang sabi niya sa kanila: “Ang pagkain ko ay gawin ang kalooban niyaong nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” Ano ba ang gawaing iyon? Sinabi ni Jesus: “Itanaw ninyo ang inyong mga mata at malasin ang mga bukid, na mapuputi na upang anihin. Ang mang-aani ay tumatanggap na ng upa at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan.” May pag-asa na hinihintay sa gayong pag-aani, kahit na ang abang mga Samaritano, at iyon ay naging isang nakagagalak na katotohanan, gaya ng ipinakikita ng ulat. (Juan 4:34-36; Gawa 8:1, 14-17) Ang pag-aani ukol sa buhay na walang hanggan ay nagpapatuloy hanggang sa araw na ito, subalit ngayon ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mga alagad ni Jesu-Kristo ay marami pang dapat gawin sa gawaing ito ng Panginoon.—Mateo 13:37, 38; 1 Corinto 15:58.
“Ang Kaloob na Buhay”
4. Paanong sinasagot ni Jesus ang mga Judio kung tungkol sa pangingilin ng Sabbath?
4 Lumipas ang isang taon. Ngayon ay panahon na ng Paskua ng 31 C.E. Gaya ng kaniyang kinaugalian, si Jesus ay naroroon na sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng kapistahan. Subalit ang mga Judio ay nang-usig sa kaniya dahilan sa gumagawa siya ng mahabaging pagpapagaling kung Sabbath. Paano sila sinasagot ni Jesus? Kaniyang sinabi: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako’y patuloy na gumagawa.” Kaya pinagsikapan nilang patayin siya.—Juan 5:17, 18.
5, 6. (a) Anong mahalagang pagkakaisa ang ngayo’y inilalarawan ni Jesus? (b) Sa paanong si Jesus ay “may buhay sa kaniyang sarili”?
5 Gayunman, si Jesus ay nagpatuloy at ipinaliwanag niya ang isang pinakamahalagang pagkakaisa—ang pagkakaisa, o kaisahan, na umiiral sa pagitan niya at ng Ama. Kaniyang sinabi sa mga Judiong iyon: “Sapagkat sinisinta ng Ama ang Anak at sa kaniya’y ipinakikita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa mga ito ang sa kaniya’y ipakikita niya, upang kayo’y magsipanggilalas.” Kaniyang binanggit na siya’y binigyan ng Ama ng pambihirang kapangyarihan, na ang sabi: “Ang dumirinig ng aking salita at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.”—Juan 5:20, 24.
6 Oo, kahit na yaong mga taong “patay” sa paningin ng Diyos dahilan sa kanilang minanang kasalanan ay maaaring “makinig sa tinig ng Anak ng Diyos” at mabuhay. Subalit paano? Ganito ang paliwanag ni Jesus: “Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, gayundin namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili.” Ang mga salitang iyan, na “buhay sa kaniyang sarili,” ay maaari ding isaling, “sa kaniyang sarili ay may kaloob na buhay.” (Juan 5:25, 26, Ref. Bi., talababa) Samakatuwid maaaring bigyan ni Jesus ang mga tao ng isang mainam na katayuan sa harap ng Diyos. Isa pa, maaari niyang buhayin uli at bigyan ng buhay ang mga natutulog sa kamatayan.—Juan 11:25; Apocalipsis 1:18.
7. (a) Ano ang sinasabi ng Awit 36:5, 9 tungkol sa Diyos? (b) Paano ginanti ni Jehova ang kaniyang tapat na Anak?
7 Sa tuwina si Jehova ay may buhay sa kaniyang sarili. Tungkol sa kaniya ay nasusulat: “Nasa iyo ang bukal ng buhay.” (Awit 36:5, 9) Subalit ngayon ay binuhay ng Ama ang kaniyang tapat na Anak buhat sa mga patay bilang “ang mga pang-unang bunga niyaong mga nakatulog sa kamatayan.” Yamang “sa kaniyang sarili ay may kaloob na buhay,” si Jesus ay binigyan ng kapangyarihan na magpatawad ng mga kasalanan, humatol, at bumuhay ng mga patay, na may pag-asang mabuhay magpakailanman.—1 Corinto 15:20-22; Juan 5:27-29; Gawa 17:31.
Isang Maligayang Pagkakaisa
8, 9. (a) Paano nating patuloy na maitataguyod ang tunguhin na buhay na walang hanggan? (b) Ano ang isinasaayos ng Diyos kung tungkol sa buhay na walang hanggan? (c) Sino ang makakabahagi sa mga pagpapalang ito, at paano?
8 Sa gayon, ang alagad ni Jesus na si Judas ay nagpapayo sa atin: “Magsipanatili kayo sa pag-ibig ng Diyos, samantalang inyong hinihintay ang awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo taglay ang tunguhing buhay na walang hanggan.” (Judas 21) Anong pagkahala-halagang tunguhin—buhay na walang hanggan! At ito’y buhay sa kasakdalan, ayon sa kalooban ng ating sakdal na Maylikha at sa kaayusan na kaniyang ginawa sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Doo’y wala na ang pagkabagot na kadalasa’y taglay ng pagpupunyaging mabuhay sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Sa darating na sistema ng mga bagay, ang kalungkutan, sakit, katampalasanan, kalikuan, at maging ang kamatayan man, ay mapaparam na!—Mikas 4:3, 4; 1 Corinto 15:26.
9 Sino ang mga makakabahagi sa katuparan ng mga pangakong ito, at saan? Yaong mga nagsasagawa ng pananampalataya sa hain na inihandog ni Jesus at nilalakipan ng mga gawang kabanalan ang pananampalatayang iyon. Ang mga ito ay nakakaisa ng kanilang mga kapuwa Kristiyano sa buong daigdig sa kaisahan ng pananampalataya.—Santiago 2:24; Efeso 4:16.
10. (a) Sa “administrasyon” ng Diyos, ano ang una munang tinitipon? (b) Pagkatapos ay ano ang susunod na isinasagawa ng “administrasyon”?
10 Sang-ayon sa kaniyang ikinalulugod, nilayon ng Diyos ang “isang administrasyon . . . na tipuning muli ang lahat ng bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at ang mga bagay sa lupa.” (Efeso 1:8-10) Ito ang pangsambahayang kaayusan ng Diyos na nagsisimula sa pagtitipon sa 144,000 mga kasamahang tagapagmana ni Kristo. Ang mga ito ay mga “binili buhat sa sangkatauhan bilang mga pangunang bunga sa Diyos at sa Kordero [si Jesu-Kristo].” Sila’y may bahagi sa “unang [makalangit na] pagkabuhay-muli” upang sila’y makapaglingkod na kasama ni Kristo bilang mga hari at mga saserdote sa loob ng isang libong taon. Pagkatapos, susunod na isasagawa ng administrasyon ng Diyos ay ang pagtitipon sa “mga bagay sa lupa,” pasimula sa walang bilang na “malaking pulutong . . . buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” Ang mga lingkod na ito ng Diyos ay magsisilabas sa “malaking kapighatian” taglay ang pag-asang magtamo ng buhay na walang hanggan sa “isang bagong lupa.”—Apocalipsis 14:1, 4; 20:4, 6; 7:4, 9-17; 21:1, 4.
11. (a) Anong mahalagang ‘pagkakaisa’ ang tinutukoy ng Efeso 1:11? (b) Paano kumakapit ang Juan 15:4, 5 sa mga nasa ‘pagkakaisang’ ito?
11 Ang inianak sa espiritung mga anak ng Diyos, na siyang “mga bagay sa langit,” ay nagtatamasa ng isang napakalapit na kaugnayan kay Jesus at sa kaniyang Ama. Sila’y “itinakda na mga tagapagmana” ng Kaharian kaisa ni Jesus. (Efeso 1:11) Sila’y pinatibay-loob ni Jesus na manatiling kaisa niya, gaya ng mga sanga na nakakabit sa isang puno, upang makapagbunga ng sagana. Maliban sa magpatuloy ang ganitong mahalagang pakikipagkaisa kay Kristo Jesus, ang mga sanga ay “walang magagawang anoman.”—Juan 14:10, 11, 20; 15:4, 5; 1 Juan 2:27.
Ang “mga Ibang Tupa” ay Nakikibahagi Ngayon
12. (a) Ano ang kaugnayan ng “mga ibang tupa” sa “munting kawan”? (b) Paano kumakapit sa bawat isa sa mga grupong ito ang sinasabi ng 1 Juan 2:1-6?
12 Datapuwat, kumusta naman ang angaw-angaw na tulad-tupang mga ibang tao na naibukod buhat sa makasanlibutang “mga kambing” noong nakalipas na 50 mga taon? (Mateo 25:31-40) Ang mga ito ay hindi kabilang sa “munting kawan” ni Jesus na sa kanila ibinibigay ang Kaharian, ngunit bilang “mga ibang tupa,” sila ay nakikisama sa mga ito bilang bahagi ng isang lalong malaking kawan na naglilingkod na kaisa ng Ama at ng Anak. (Lucas 12:32; Juan 10:16) Si apostol Juan ay nagbibigay ng kasiguruhan na si Jesu-Kristo “ay isang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan [samakatuwid nga, yaong sa “munting kawan”], ngunit hindi lamang para sa atin kundi para rin sa buong sanlibutan.” Kaya naman ang “mga ibang tupa” na ito, na tinipon buhat sa sanlibutan ng sangkatauhan, ay maaari ring magtamasa ng isang mahalagang pakikipagkaisa, o pakikisama, sa Diyos at kay Kristo. Ito’y nahahawig sa sinabi pa rin ni Juan na: “Ang sinomang tumutupad ng kaniyang salita, tunay na sa taong ito’y naging sakdal ang pag-ibig ng Diyos. Dahil dito’y nalalaman natin na tayo’y kaisa niya.” Una muna ang “munting kawan” at pagkatapos ay ang “mga ibang tupa” ang obligado na lumakad na gaya ni Jesus.—1 Juan 2:1-6.
13. (a) Sa Juan 17:20, 21, ano ang idinadalangin ni Jesus? (b) Ano ang nagpapakita na ang idinadalangin dito’y hindi lamang ang mga kasamang tagapagmana ni Kristo?
13 Samakatuwid ngayon, ang magkapuwa grupo, makalangit at makalupa, ay ‘kaisa ng Ama at ng Anak’—lubusang kasuwato nila sa pagganap sa gawain ng Diyos. Si Jesus ay nanalangin, “Na silang lahat sana’y [magkaisa], gaya mo, Ama, na kaisa ko at ako’y kaisa mo, upang sila rin naman ay makaisa natin.” Ang kaisahang ito ay hindi limitado ang kahulugan upang kumapit lamang sa sama-samang pagmamana, sapagkat maliwanag na ang mga alagad ni Jesus ay hindi nagiging bahagi ng anomang ‘katawan ni Jehova’ o ‘mga kasamang tagapagmana ni Jehova.’ Sila ay “kaisa” sapagkat sila’y nagpapakita ng nagkakaisang pakikipagtulungan, yamang may isang puso at kaisipan kagaya kapuwa ni Jehova at ni Kristo, samantalang sila’y nagpapatotoo sa sanlibutan ng sangkatauhan.—Juan 17:20, 21.
14. Sa anong natatanging paraan na ang mga nasa makalangit na uri ay kaisa ni Kristo, at ano ang nagpapadama sa kanila nito?
14 Gayunman, ang pinahirang-uring para sa langit ay nagtatamasa na ng pagkakaisang iyan ngayon sa isang natatanging paraan, sapagkat sila’y inaring matuwid na sa buhay, sa pamamagitan ng pagkakapit sa kanila ng bisa ng hain ni Kristo. Samakatuwid, sila ay maaaring maging mga anak sa espiritu na may pag-asang maging mga kasamang tagapagmana ni Kristo Jesus. Kanilang kinikilala ang pag-aampon sa kanila bilang mga anak, na nagsasabi: “Ang espiritu mismo [ang nag-anak sa kanila na aktibong puwersa ng Diyos] ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu [dominanting hilig ng pag-iisip] na tayo ay mga anak ng Diyos.”—Roma 3:23, 24; 5:1; 8:15-18.
15. Ano ang inilalaan ng kasalukuyan at ng hinaharap sa mga may pag-asang mabuhay sa lupa?
15 Para naman sa mga may pag-asang magtamo ng buhay sa lupa, sila ngayon ay inaaring matuwid dahil sa pakikipagkaibigan sa Diyos, gaya rin nina Abraham, Rahab, at mga iba pa noong sinaunang panahon. Sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo, sila ay unti-unting ibabangon tungo sa kasakdalan ng pagkatao, kung kayat pagkatapos ng isang pangkatapusang pagsubok “ang sangnilalang mismo ay palalayain din buhat sa pagkaalipin sa kabulukan at magkakaroon ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:19-21; Santiago 2:21-26) Sa gayon, ang masunuring mga tao ay aariing matuwid ukol sa buhay na walang hanggan sa lupa.—Ihambing ang Juan 10:10; Isaias 9:7; 11:1-9; 35:1-6; 65:17-25.
16. (a) Sa paano ipinakikita ng “munting kawan” at ng “mga ibang tupa” na sila’y ‘nagkakaisa’? (b) Bakit ang Juan 3:3-5 ay kumakapit sa “munting kawan” lamang
16 Bilang mga indibiduwal, yaong kabilang sa “munting kawan” at sa lubhang karamihan ng “mga ibang tupa” ay nagpapakita ng walang katulad na masayang sigasig sa paglilingkod sa Diyos. (Lucas 12:32; Juan 10:16; Tito 2:13, 14) Karamihan ng nabubuhay pang mga pinahiran ay maaaring mas may edad kaysa sa iba ay may lalong malawak na karanasan bilang Kristiyano, subalit ang magkapuwa grupong iyan ay makikitaan ng Kristiyanong personalidad at ng mga bunga ng espiritu. (Efeso 4:24; Galacia 5:22, 23) Gayunman, may pagkakaiba, gaya ng ipinakita ni Jesus kay Nicodemo kahit na bago niya banggitin ang tungkol sa buhay na walang hanggan. Kaniyang sinabi: “Maliban na ang sinoman ay ipanganak na muli, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” (Juan 3:3-5) Kaya muling ipinanganganak sa espiritu ang mga nabautismuhang Kristiyano na tinatawag ng Diyos upang maging kasamang tagapagmana ni Jesus sa kaniyang Kaharian. (1 Corinto 1:9, 26-30) Ang “mga ibang tupa” ay hindi na kailangang ipanganak na muli na kagaya nila, sapagkat ang kanilang tunguhin ay buhay na walang hanggan sa isasauling makalupang Paraiso bilang sakop ng Kaharian.—Mateo 25:34, 46b; Lucas 23:42, 43.
Ang Memoryal—At ang Bagong Tipan
17. (a) Bakit ang lahat ng may tunguhing buhay ay dapat na makipagtipon sa bayan ng Diyos sa Marso 24? (b) Ano ang masasabi natin tungkol sa 1985 selebrasyon ng Memoryal?
17 Marso 24, pagkalubog ng araw ang panahon para ganapin ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang 1986 Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Ang pansin ay itutuon sa pagsasakripisyo ni Jesus ng kaniyang sakdal na katawan at dugo bilang tao, sa ikapagbabangong-puri ng pangalan at layunin ng kaniyang Ama at alang-alang sa makasalanang sangkatauhan. (1 Corinto 11:23-26) Sa ngayon, lahat ng may tunguhing magkamit ng buhay (sa langit man o sa lupa) ay magnanais na makipagtipon kasama ng bayan ng Diyos sa buong daigdig para sa maligayang okasyong ito. Noong 1985 lahat-lahat ay may kabuuang 7,792,109 katao ang gumanap ng gayong pag-aalaala sa kamatayan ni Jesus. Gayunman, yaong mga nakibahagi sa tinapay at alak sa Memoryal, na sumasagisag sa katawan at dugo ni Jesus bilang tao, ay may bilang lamang na 9,051. Bakit kakaunti?
18, 19. (a) Anong mga tipan ang tinutukoy ni Jesus sa Lucas kabanata 22? (b) Sa anong layunin nagsisilbi ang bawat tipan? (c) Gaya ng pagkalarawan kay Moises, paanong si Jesus ay nagsisilbing ang “kaisa-isang tagapamagitan”?
18 Bueno, ano ba ang sinabi ni Jesus nang gabi na itatag niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan? Pagkatapos na ipasa ang tinapay sa kaniyang mga alagad, kaniya namang inialok ang alak sa ganoon ding paraan, na ang sabi: “Ang kopang ito’y nangangahulugan na bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.” Nang bandang huli, siya’y nagpatuloy na nagpaliwanag pa ng dahilan ng pagsasali sa kanila sa bagong tipan, na nagsasabi: “Kayo yaong mga nagsipanatili sa akin sa mga pagsubok sa akin; at ako’y gumagawa ng isang tipan sa inyo, gaya ng aking Ama na gumawa ng isang tipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo’y magsikain at magsiinom sa aking mesa sa aking kaharian, at maupo sa mga trono upang humatol sa labing dalawang tribo ng Israel.”—Lucas 22:19, 20, 28-30.
19 Si propeta Jeremias ay humula tungkol sa bagong tipan, na ang sabi’y sa pamamagitan niyaon ay patatawarin ni Jehova ang kasamaan at kasalanan ng kaniyang bayan upang kanilang “makilala si Jehova” sa isang pinakamatalik na kaugnayan. (Jeremias 31:31, 34) Kung paanong si Moises ay “tagapamagitan” ng tipang Kautusan sa likas na Israel, gayundin na si Jesus ay nagiging “tagapamagitan [nitong] katumbas na lalong mainam na tipan” na ipinakikipagtipan ng Diyos sa espirituwal na “Israel ng Diyos.” Ito’y upang tubusin yaong mga tinawag na maging mga tagapagmana ng kaharian kasama ni Kristo. Sa gayo’y kanilang “tinatanggap ang pangakong walang hanggang mana.” (Galacia 3:19, 20; 6:16; Hebreo 8:6; 9:15; 12:24) Yao’y lalo na sa ganitong diwa ayon sa Bibliya nagsisilbi si Jesu-Kristo bilang ang “kaisa-isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao.”—1 Timoteo 2:5, 6.
20. (a) Sino ang may karapatang makibahagi sa mga emblema ng Memoryal? (b) Bakit nga gayon?
20 Kung gayon, sino ang may karapatang makibahagi sa mga emblema sa Memoryal na tinapay at alak? Wala kundi yaong grupo na tinatanggap ng Diyos sa bagong tipan na nagkabisa dahil sa hain ni Jesus. (Awit 50:5) Ang layunin ng tipang ito ay upang unang ariing ganap ang 144,000 mga kasamang tagapagmana ni Jesus bilang mga tao, upang kanilang maisakripisyo ang kanilang karapatan sa buhay at madala sila sa makalangit na Kaharian. (Roma 4:25; 2 Timoteo 2:10, 12) Subalit kumusta naman ang “mga ibang tupa”?
21. (a) Paanong ang “mga ibang tupa” ay nakikinabang bilang mga tagapagmasid sa selebrasyon ng Memoryal? (b) Sa ano nakatuon ang selebrasyon ng Memoryal, at anong tanong ang bumabangon?
21 Yaong nasa uring “mga ibang tupa” ay wala sa bagong tipan kaya hindi sila nakikibahagi. Gayunman, lahat sila ay saganang nakikinabang sa pamamagitan ng pagdalo sa selebrasyon ng Memoryal bilang gumagalang na mga tagapagmasid. Ang kanilang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay ay tumatalas kasuwato ng mga salita ng panalangin ni Jesus sa kaniyang Ama: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Tandaan, ang selebrasyon ng Memoryal ay nagtutuon ng pansin sa laman at dugo ni Jesus. Ang inihandog na laman at dugo ni Kristo ay lubhang mahalaga sa lahat ng nagsisikap marating ang tunguhing buhay na walang hanggan. Paano nga nagkakatotoo ito kung tungkol sa “mga ibang tupa,” na hindi naman kasali sa bagong tipan at sa gayo’y hindi nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal? Isasaalang-alang natin ito sa susunod na artikulo.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Paano, sa sumusulong na paraan, nagturo si Jesus upang maunawaan ang tungkol sa pag-asang buhay na walang hanggan?
◻ Paanong nagpatuloy ang Diyos may kaugnayan sa pagsasagawa ng kaniyang “administrasyon”?
◻ Bakit masasabi na ang “mga ibang tupa” ay “kaisa” ng Ama, ng Anak, at ng mga kapatid ni Kristo?
◻ Bakit nga ang mga pinahirang Kristiyano lamang ang nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal?
[Larawan sa pahina 13]
Ang “munting kawan” at ang “mga ibang tupa” ay ‘nagkakaisa’—sa paggawa ng gawain ng Diyos na gaya ng ginawa ni Jesus