KABANATA 31
“Lumapit Kayo sa Diyos, at Lalapit Siya sa Inyo”
1-3. (a) Ano ang maaaring matutuhan natin tungkol sa likas na katangian ng tao sa pamamagitan ng pagmamasid sa ugnayan ng mga magulang at ng kanilang sanggol? (b) Ano ang nangyayari kapag may nagpapakita sa atin ng pag-ibig, at anong mahalagang tanong ang maitatanong natin sa ating sarili?
GUSTONG-GUSTONG makita ng mga magulang na ngumingiti ang kanilang bagong silang na sanggol. Palagi nilang inilalapit dito ang kanilang mukha, habang malambing na kinakausap at nginingitian ito. Nananabik silang makita ang reaksiyon ng sanggol. At mayamaya, narito—lumitaw ang mga biloy sa pisngi ng sanggol, kumibot ang mga labi nito, at sumilay ang isang matamis na ngiti. Sa munting paraan, ang ngiting iyon ay waring nagpapahayag ng pagmamahal, ang pasimula ng pag-ibig ng sanggol bilang tugon sa pag-ibig ng kaniyang mga magulang.
2 Ang pagngiti ng sanggol ay nagpapaalaala sa atin ng isang mahalagang bagay tungkol sa likas na katangian ng tao. Ang ating karaniwang tugon sa pag-ibig ay pag-ibig. Gayon nga ang pagkalalang sa atin. (Awit 22:9) Habang tayo’y lumalaki, nalilinang ang ating kakayahang tumugon sa pag-ibig. Marahil ay naaalaala mo pa mula sa iyong pagkabata kung paano ipinapakita ng iyong mga magulang, kamag-anak, o kaibigan ang kanilang pag-ibig sa iyo. Sa iyong puso, ang pagmamahal ay nag-ugat, sumibol, at lumago na siyang nag-uudyok sa iyo upang kumilos. Ipinakita mo ang iyong pag-ibig bilang sukli. Ganiyan din ba ang nangyayari sa iyong kaugnayan sa Diyos na Jehova?
3 Ang Bibliya ay nagsasabi: “Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Sa Seksiyon 1 hanggang 3 ng aklat na ito, ipinaalaala sa iyo na ang Diyos na Jehova ay gumagamit ng kaniyang kapangyarihan, ng kaniyang katarungan, at ng kaniyang karunungan sa maiibiging paraan para sa iyong kapakinabangan. At sa Seksiyon 4, nakita mo na tuwiran niyang ipinamalas ang kaniyang pag-ibig sa sangkatauhan—at sa iyo mismo—sa kahanga-hangang mga paraan. Bumabangon ngayon ang isang tanong. Sa katunayan, masasabing ito ang pinakamahalagang tanong na maitatanong mo sa iyong sarili: ‘Paano ko kaya tutugunin ang pag-ibig ni Jehova?’
Ang Kahulugan ng Pag-ibig sa Diyos
4. Sa anong paraan nalilito ang mga tao tungkol sa kahulugan ng pag-ibig sa Diyos?
4 Alam na alam ni Jehova, ang Tagapagpasimula ng pag-ibig, na ang pag-ibig ay may malakas na kapangyarihan upang mapalitaw ang pinakamabuting katangian sa iba. Kaya naman sa kabila ng patuloy na paghihimagsik ng di-tapat na sangkatauhan, nakatitiyak pa rin siyang may ilang tao na tutugon sa kaniyang pag-ibig. At milyon-milyon nga naman ang tumutugon. Gayunman, nakalulungkot sabihing nililito ng mga relihiyon ng tiwaling sanlibutang ito ang mga tao tungkol sa kahulugan ng pag-ibig sa Diyos. Napakaraming tao ang nagsasabing iniibig nila ang Diyos, subalit para sa kanila, ang gayong pag-ibig ay waring isa lamang damdaming ipinahahayag sa mga salita. Ang pag-ibig sa Diyos ay maaaring magsimula sa ganiyang paraan, kung paanong ang pag-ibig ng isang sanggol sa kaniyang mga magulang ay maaaring unang maipakita sa pamamagitan ng isang ngiti. Subalit para sa mga taong nasa hustong gulang na, higit pa riyan ang nasasangkot sa pag-ibig.
5. Paano binibigyang-kahulugan ng Bibliya ang pag-ibig sa Diyos, at bakit nakaaakit sa atin ang kahulugang iyan?
5 Ipinaliliwanag ni Jehova ang kahulugan ng pag-ibig sa kaniya. Ang kaniyang Salita ay nagsasabi: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos: Sundin natin ang mga utos niya.” Kung gayon, ang pag-ibig sa Diyos ay kailangang ipakita sa gawa. Totoo, marami ang hindi naaakit sa ideya ng pagsunod. Subalit may kabaitang sinasabi pa ng talata ring iyon: “Ang mga utos [ng Diyos] ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Ang mga kautusan at mga simulain ni Jehova ay dinisenyo upang tayo’y makinabang, hindi upang tayo’y siilin. (Isaias 48:17, 18) Ang Salita ng Diyos ay lipos ng mga simulaing tumutulong sa atin upang lalong mapalapít sa kaniya. Paano? Repasuhin natin ang tatlong pitak ng ating kaugnayan sa Diyos. Ang mga ito’y may kinalaman sa pakikipag-usap, pagsamba, at pagtulad.
Pakikipag-usap kay Jehova
6-8. (a) Sa anong mga paraan tayo nakikinig kay Jehova? (b) Paano natin magagawang buháy ang Kasulatan kapag binabasa natin ito?
6 Ang Kabanata 1 ay nagsimula sa tanong na, “Maguguniguni mo bang ikaw ay nakikipag-usap sa Diyos?” Naunawaan natin na ito’y hindi isang kathang-isip lamang. Talagang nagkaroon ng ganiyang pakikipag-usap si Moises. Kumusta naman tayo? Hindi ito ang panahon upang isugo ni Jehova ang kaniyang mga anghel upang makipag-usap sa mga tao. Subalit si Jehova ay may napakagagaling na paraan ng pakikipag-usap sa atin sa ngayon. Paano tayo makikinig kay Jehova?
7 Sa dahilang “ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos,” nakikinig tayo kay Jehova sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita, ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Kaya nga hinimok ng salmista ang mga lingkod ni Jehova na gawin ang gayong pagbabasa “araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Ang paggawa nito ay nangangailangan ng ating buong pagsisikap. Subalit sulit naman ang lahat ng ganiyang pagsisikap. Tulad ng nakita natin sa Kabanata 18, ang Bibliya ay gaya ng isang mahalagang liham para sa atin mula sa ating Ama sa langit. Kaya ang pagbabasa nito ay hindi dapat ituring na isang pabigat. Dapat na gawin nating buháy ang Kasulatan kapag binabasa natin ito. Paano natin ito magagawa?
8 Ilarawan sa isip ang mga salaysay sa Bibliya habang nagbabasa ka. Sikaping ituring na aktuwal na mga tao ang mga tauhan sa Bibliya. Sikaping unawain ang kanilang pinagmulan, kalagayan, at motibo. Pagkatapos, pag-isipang mabuti ang iyong binasa, habang tinatanong mo ang iyong sarili nang ganito: ‘Ano ang itinuturo sa akin ng ulat na ito tungkol kay Jehova? Alin sa mga katangian niya ang aking nakikita? Anong simulain ang nais ni Jehova na matutuhan ko, at paano ko ito maikakapit sa aking buhay?’ Magbasa, magbulay-bulay, at magkapit—sa paggawa mo nito, ang Salita ng Diyos ay magiging buháy sa iyo.—Awit 77:12; Santiago 1:23-25.
9. Sino ang “tapat at matalinong alipin,” at bakit mahalagang tayo ay matamang makinig sa “alipin” na iyan?
9 Nakikipag-usap din sa atin si Jehova sa pamamagitan ng “tapat at matalinong alipin.” Gaya ng inihula ni Jesus, isang maliit na grupo ng mga lalaking Kristiyano na pinahiran ang inatasang maglaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” sa maliligalig na huling araw na ito. (Mateo 24:45-47) Kapag nagbabasa tayo ng mga literaturang inihanda upang tulungan tayong magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Bibliya at kapag tayo’y dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at mga kombensiyon, tayo’y pinakakain ng aliping iyan sa espirituwal na paraan. Dahil sa ito ay alipin ni Kristo, may karunungan nating ikinakapit ang mga salita ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.” (Lucas 8:18) Tayo ay matamang nakikinig sapagkat kinikilala natin ang tapat na alipin bilang isa sa mga paraan ni Jehova ng pakikipag-usap sa atin.
10-12. (a) Bakit ang panalangin ay isang kahanga-hangang kaloob mula kay Jehova? (b) Paano tayo makapananalangin sa paraang nakalulugod kay Jehova, at bakit tayo makatitiyak na pinahahalagahan niya ang ating mga panalangin?
10 Subalit kumusta naman ang pakikipag-usap sa Diyos? Maaari ba tayong makipag-usap kay Jehova? Nakakatakot ngang isipin iyan. Kung susubukan mong lapitan ang pinakamakapangyarihang pinuno sa inyong lupain upang ipakipag-usap ang isang bagay na ikinababahala mo, ano kaya ang magiging tsansa mong makausap siya? Sa ilang kaso, baka sa mismong balak pa lamang ay mapanganib na! Noong panahon nina Esther at Mardokeo, ang isang tao ay maaaring ipapatay kung lalapit sa Persianong monarka nang walang imbitasyon mula sa hari. (Esther 4:10, 11) Gunigunihin mo ngayon ang paglapit sa Kataas-taasang Panginoon ng uniberso, na kung ihahambing sa kaniya, kahit ang pinakamakapangyarihan sa mga tao “ay gaya [lamang] ng mga tipaklong.” (Isaias 40:22) Dapat ba nating labis na ipangamba ang paglapit sa kaniya? Hindi!
11 Si Jehova ay naglaan ng isang bukás, ngunit simpleng paraan ng paglapit sa kaniya—ang panalangin. Maging ang isang musmos ay makapananalangin kay Jehova nang may pananampalataya, kapag ginagawa ito sa pangalan ni Jesus. (Juan 14:6; Hebreo 11:6) Gayunman, ang panalangin ay nagpapangyari din sa atin na maipaabot ang ating pinakamasalimuot at personal na mga iniisip at niloloob—maging ang masasakit na bagay na hindi mabigkas ng ating mga labi. (Roma 8:26) Walang maidudulot na kabutihan ang pagsisikap na pahangain si Jehova sa pamamagitan ng mahuhusay at mapalabok na pananalita o mahahaba at maliligoy na panalangin. (Mateo 6:7, 8) Magkagayunman, hindi tayo nililimitahan ni Jehova kung gaano kahaba tayo maaaring makipag-usap sa kaniya o kung gaano kadalas. Inaanyayahan pa nga tayo ng kaniyang Salita na ‘laging manalangin.’—1 Tesalonica 5:17.
12 Tandaan na si Jehova lamang ang tinatawag na “Dumirinig ng panalangin,” at siya’y nakikinig taglay ang tunay na empatiya. (Awit 65:2) Pinagtitiisan lang ba niya ang panalangin ng kaniyang tapat na mga lingkod? Hindi, tunay na kinalulugdan niya ang mga ito. Inihahambing ng kaniyang Salita ang gayong mga panalangin sa insenso, anupat ang pagsunog sa mga ito ay nagpapailanlang ng mabango at nakagiginhawang usok. (Awit 141:2; Apocalipsis 5:8; 8:4) Hindi ba’t nakaaaliw isipin na ang ating taimtim na mga panalangin ay pumapailanlang din at nakalulugod sa Kataas-taasang Panginoon? Kaya kung nais mong mapalapít kay Jehova, dalasan mo ang mapagpakumbabang pananalangin sa kaniya araw-araw. Ibuhos mo ang laman ng iyong puso sa kaniya; sabihin mong lahat ang nais mong sabihin. (Awit 62:8) Ibahagi mo ang iyong mga álalahanín, ang iyong kagalakan, ang iyong pasasalamat, at ang iyong papuri sa iyong Ama sa langit. Bilang resulta, lalong titibay ang buklod na nag-uugnay sa inyong dalawa.
Pagsamba kay Jehova
13, 14. Ano ang kahulugan ng sambahin si Jehova, at bakit angkop lamang na gawin natin ito?
13 Kapag tayo ay nakikipag-usap sa Diyos na Jehova, hindi lamang tayo basta nakikinig at nagsasalita na gaya ng sa isang kaibigan o kamag-anak. Aktuwal na sumasamba tayo kay Jehova, nag-uukol sa kaniya ng matinding paggalang na sadyang nararapat sa kaniya. Ang tunay na pagsamba ang siya nating buong buhay. Ito ang paraan upang maihayag natin kay Jehova ang ating buong-kaluluwang pag-ibig at debosyon, at ito ang dahilan kung kaya nagkakaisa ang lahat ng tapat na nilalang ni Jehova, sa langit man o sa lupa. Sa isang pangitain, narinig ni apostol Juan ang isang anghel na naghahayag ng utos na ito: “Sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at lupa at dagat at mga bukal ng tubig.”—Apocalipsis 14:7.
14 Bakit dapat nating sambahin si Jehova? Isipin na lamang ang mga katangiang tinalakay na natin, gaya ng kabanalan, kapangyarihan, pagpipigil sa sarili, katarungan, lakas ng loob, awa, karunungan, kapakumbabaan, pag-ibig, pagkamahabagin, katapatan, at kabutihan. Nakita natin na si Jehova ay kinasusumpungan ng pinakatugatog, ng pinakamataas na maaabot na pamantayan, ng bawat mahalagang katangian. Kung pipilitin nating unawain ang kabuoan ng kaniyang mga katangian, mahihinuha natin na siya ay higit pa sa isang dakila at kahanga-hangang Persona. Siya ay maningning sa kaluwalhatian, di-masukat ang kataasan niya kaysa sa atin. (Isaias 55:9) Walang alinlangan, si Jehova ang may karapatan bilang ating Kataas-taasan, at talagang karapat-dapat siya sa ating pagsamba. Kung gayon, paano natin sasambahin si Jehova?
15. Paano natin masasamba si Jehova “sa espiritu at katotohanan,” at anong oportunidad ang maidudulot sa atin ng mga Kristiyanong pagpupulong?
15 Si Jesus ay nagsabi: “Ang Diyos ay Espiritu, at ang mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Iyan ay nangangahulugan ng pagsamba kay Jehova taglay ang isang pusong lipos ng pananampalataya at pag-ibig, na ginagabayan ng kaniyang espiritu. Nangangahulugan din ito ng pagsambang kasuwato ng katotohanan, ng tumpak na kaalamang masusumpungan sa Salita ng Diyos. Tayo ay may napakagandang oportunidad na sumamba kay Jehova “sa espiritu at katotohanan” kailanma’t tayo ay nakikipagtipon sa ating mga kapuwa mananamba. (Hebreo 10:24, 25) Kapag tayo ay umaawit ng papuri kay Jehova, nagkakaisa sa pananalangin sa kaniya, at nakikinig at nakikibahagi sa mga talakayan tungkol sa kaniyang Salita, ipinahahayag natin ang ating pag-ibig sa kaniya taglay ang dalisay na pagsamba.
Ang mga Kristiyanong pagpupulong ay kasiya-siyang mga okasyon upang sumamba kay Jehova
16. Ano ang isa sa pinakamahalagang utos na iniatang sa tunay na mga Kristiyano, at bakit tayo nakadarama ng obligasyon na sundin ito?
16 Sumasamba rin tayo kay Jehova kapag ipinakikipag-usap natin sa iba ang tungkol sa kaniya, anupat pinupuri siya sa harap ng madla. (Hebreo 13:15) Sa katunayan, ang pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ni Jehova ay isa sa pinakamahalagang utos na iniatang sa tunay na mga Kristiyano. (Mateo 24:14) May kasabikan tayong sumusunod sapagkat iniibig natin si Jehova. Kapag iniisip natin kung paano ‘binubulag ng diyos ng sistemang ito,’ si Satanas na Diyablo, ang isip ng “mga di-sumasampalataya,” anupat nagpapasimuno ng mga mapanirang kasinungalingan tungkol kay Jehova, hindi ba’t gustong-gusto nating maglingkod bilang mga Saksi ng ating Diyos, upang ituwid ang gayong paninirang-puri? (2 Corinto 4:4; Isaias 43:10-12) At kapag binubulay-bulay natin ang mga kahanga-hangang katangian ni Jehova, hindi ba’t nag-uumapaw ang ating pananabik na sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya? Tunay ngang wala nang hihigit pang dakilang pribilehiyo kaysa sa ginagawa nating pagtulong sa iba na makilala at ibigin ang ating Ama sa langit.
17. Ano ang nasasaklaw sa ating pagsamba kay Jehova, at bakit tayo dapat sumamba nang may integridad?
17 Higit pa rito ang nasasaklaw sa pagsamba natin kay Jehova. Apektado nito ang bawat pitak ng ating buhay. (Colosas 3:23) Kung talagang tinatanggap natin si Jehova bilang ang Kataas-taasang Panginoon, sisikapin nga nating gawin ang kaniyang kalooban sa lahat ng bagay—sa ating buhay pampamilya, sa ating sekular na trabaho, sa ating pakikitungo sa iba, sa ating paglilibang. Sisikapin nating paglingkuran si Jehova “nang buong puso,” nang may integridad. (1 Cronica 28:9) Walang dako sa gayong pagsamba ang isang nababahaging puso o isang dobleng pamumuhay—ang nagkukunwaring paglilingkod kay Jehova habang lihim na nagpapatuloy sa malubhang kasalanan. Imposible sa may integridad ang gayong pagkukunwari; kasuklam-suklam ito sa may pag-ibig. Makatutulong din ang makadiyos na pagkatakot. Ipinapakita ng Bibliya na ang mga tao lamang na may gayong paggalang kay Jehova ang puwedeng maging matalik na kaibigan niya.—Awit 25:14.
Pagtulad kay Jehova
18, 19. Bakit makatotohanang isipin na posibleng matularan kahit ng di-perpektong mga tao ang Diyos na Jehova?
18 Bawat seksiyon ng aklat na ito ay tinatapos sa isang kabanata tungkol sa kung paano ‘tutularan ang Diyos, bilang minamahal na mga anak.’ (Efeso 5:1) Mahalagang tandaan na kahit tayo ay makasalanan, posible pa ring matularan natin ang perpektong paraan ni Jehova sa paggamit ng kapangyarihan, sa pagsasagawa ng katarungan, sa pagkilos nang may karunungan, at sa pagpapakita ng pag-ibig. Paano natin malalaman na talagang posibleng matularan ang Makapangyarihan-sa-Lahat? Tandaan, ang kahulugan ng pangalan ni Jehova ay nagtuturo sa atin na kaya niyang maging anumang piliin niya upang isakatuparan ang kaniyang mga layunin. Nararapat lamang na hangaan natin ang kakayahang iyan, subalit imposible nga kayang matularan siya? Hindi.
19 Tayo ay ginawa ayon sa larawan ng Diyos. (Genesis 1:26) Kaya naman, ang mga tao ay hindi katulad ng iba pang mga nilalang sa lupa. Tayo ay hindi lamang basta nauudyukan ng likas na paggawi, ng mga namana, o ng mga bagay na nasa ating kapaligiran. Tayo ay binigyan ni Jehova ng isang mahalagang kaloob—ang kalayaang magpasiya. Sa kabila ng ating mga limitasyon at pagiging di-perpekto, malaya tayong pumili kung magiging ano tayo. Bukod pa riyan, tandaan na ayon sa kahulugan ng pangalan ng Diyos, kaya niyang pangyarihin ang mga mananamba niya na maging anumang piliin niya. Gusto mo bang maging isang maibigin, marunong, makatarungang tao na gumagamit ng kapangyarihan sa tumpak na paraan? Sa tulong ng espiritu ni Jehova, maaari kang magkagayon mismo! Isip-isipin na lamang ang kabutihang maidudulot mo kung iyan ang gagawin mo.
20. Anong kabutihan ang magagawa natin kapag tinularan natin si Jehova?
20 Mapalulugdan mo ang iyong Ama sa langit, anupat mapasasaya ang kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Maaari mo pa nga siyang ‘lubusang mapalugdan’ sapagkat alam niya ang iyong mga limitasyon. (Colosas 1:9, 10) At habang patuloy ka sa paglilinang ng mabubuting katangian bilang pagtulad sa iyong minamahal na Ama, tatanggap ka ng magandang pribilehiyo. Sa isang madilim na sanlibutang hiwalay sa Diyos, ikaw ay magiging isang tagapagdala ng liwanag. (Mateo 5:1, 2, 14) Tutulong kang palaganapin sa lupa ang ilang sinag ng maluwalhating personalidad ni Jehova. Kay laking karangalan!
“Lumapit Kayo sa Diyos, at Lalapit Siya sa Inyo”
21, 22. Anong walang-katapusang paglalakbay ang naghihintay sa lahat ng umiibig kay Jehova?
21 Ang simpleng payo na nakaulat sa Santiago 4:8 ay higit pa sa isang tunguhin lamang. Ito ay isang paglalakbay. Habang tayo ay nananatiling tapat, hindi kailanman matatapos ang paglalakbay na iyan. Hindi tayo kailanman titigil na mapalapít nang mapalapít kay Jehova. Sa katunayan, laging mayroon pang matututuhan tungkol sa kaniya. Huwag nating isipin na naituro na ng aklat na ito ang lahat ng dapat nating matutuhan tungkol kay Jehova. Aba, halos nagsisimula pa lamang tayo sa pagtalakay sa lahat ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa ating Diyos! At kahit ang Bibliya mismo ay hindi makapagsasabi sa atin ng lahat ng dapat nating malaman tungkol kay Jehova. Ipinalalagay ni apostol Juan na kung ang lahat ng ginawa ni Jesus sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa ay isusulat, “hindi magkakasya sa mundo ang mga isinulat na balumbon.” (Juan 21:25) Kung ito ay totoo sa Anak, lalo nang totoo ito sa Ama!
22 Mabuhay man tayo nang walang hanggan, hindi pa rin matatapos ang matututuhan natin tungkol kay Jehova. (Eclesiastes 3:11) Kung gayon, isipin na lamang ang kinabukasang naghihintay sa atin. Kahit daan-daan, libo-libo, milyon-milyon, bilyon-bilyong taon na tayong nabubuhay sa panahong iyon, higit pa ang ating malalaman tungkol sa Diyos na Jehova. Subalit maiisip pa rin natin na napakarami pang kahanga-hangang bagay na matututuhan natin. Masasabik tayong matuto pa nang higit, sapagkat patuloy tayong magkakaroon ng dahilan upang madama ang gaya ng nadama ng salmista, na umawit: “Nakakabuti ang paglapit sa Diyos.” (Awit 73:28) Ang buhay na walang hanggan ay magiging makabuluhan at makulay sa paraang hindi natin malirip—at ang laging magiging pinakakasiya-siyang bahagi nito ay ang patuluyang pagiging higit na malapít kay Jehova.
23. Hinihimok kang gawin ang ano?
23 Tugunin mo sana ang pag-ibig ni Jehova ngayon, sa pamamagitan ng pag-ibig sa kaniya nang iyong buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. (Marcos 12:29, 30) Maging tapat at matatag sana ang iyong pag-ibig. Makita sana sa lahat ng iyong desisyon sa araw-araw, mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki, ang gumagabay na simulain—na palagi mong pipiliin ang daan na aakay sa iyo tungo sa isang mas matibay na kaugnayan sa iyong Ama sa langit. Higit sa lahat, lalo ka sanang mapalapít kay Jehova, at lalo sana siyang mapalapít sa iyo—magpakailan-kailanman!