Ang mga Kristiyano ay Sumasamba sa Espiritu at Katotohanan
“Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”—JUAN 4:24.
1. Anong uri ng pagsamba ang kalugud-lugod sa Diyos?
MALINAW na ipinaliwanag ng bugtong na Anak ni Jehova, si Jesu-Kristo, ang pagsamba na kalugud-lugod sa kaniyang makalangit na Ama. Habang nagbibigay ng nakaaantig-pusong patotoo sa isang Samaritana sa isang balon malapit sa lunsod ng Sicar, sinabi ni Jesus: “Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; sinasamba namin ang aming nakikilala, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. Gayunpaman, ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:22-24) Paano natin dapat unawain ang mga pananalitang iyon?
2. Saan nakasalig ang pagsamba ng mga Samaritano?
2 Ang mga Samaritano ay may huwad na relihiyosong mga pananaw. Tanging ang unang limang aklat ng Banal na Kasulatan ang tinatanggap nila bilang kinasihan—at ang limang ito na ayon lamang sa kanilang sariling salin, ay tinatawag na Samaritan Pentateuch. Samantalang hindi talaga kilalá ng mga Samaritano ang Diyos, ipinagkatiwala naman sa mga Judio ang kaalaman sa Kasulatan. (Roma 3:1, 2) Maaaring matamo ng tapat na mga Judio at ng iba pa ang lingap ni Jehova. Ngunit ano ang hinihiling nito sa kanila?
3. Ano ang hinihiling upang masamba ang Diyos “sa espiritu at katotohanan”?
3 Upang mapalugdan si Jehova, ano ang kinailangang gawin ng mga Judio, Samaritano, at ng iba pang nabuhay noon? Kinailangan nilang sambahin siya “sa espiritu at katotohanan.” Gayundin naman tayo. Bagaman ang paglilingkod sa Diyos ay dapat na masigla, o masigasig, at udyok ng isang pusong lipos ng pag-ibig at pananampalataya, ang pagsamba sa Diyos sa espiritu ay pantangi nang humihiling na mapasaatin ang kaniyang banal na espiritu at magpaakay tayo rito. Sa pamamagitan ng pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos, ang ating espiritu, o pangkaisipang disposisyon, ay dapat na maging kasuwato ng kaniyang espiritu. (1 Corinto 2:8-12) Upang ang ating pagsamba ay maging kaayaaya kay Jehova, dapat itong iukol sa kaniya ayon sa katotohanan. Dapat na ito’y kasuwato ng isinisiwalat ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga layunin.
Maaaring Masumpungan ang Katotohanan
4. Paano minamalas ng ilan ang katotohanan?
4 Ang ilang estudyante ng pilosopiya ay nagkaroon ng pangmalas na ang ganap na katotohanan ay hindi makakamit ng sangkatauhan. Sa katunayan, ang Swekong awtor na si Alf Ahlberg ay sumulat: “Maraming katanungan sa pilosopiya ang hindi kayang bigyan ng tiyak na kasagutan.” Bagaman sinasabi ng ilan na mayroon lamang relatibong katotohanan, totoo kaya iyon? Hindi gayon ang palagay ni Jesu-Kristo.
5. Bakit dumating si Jesus sa sanlibutan?
5 Gunigunihin natin na tayo ay mga tagapagmasid ng sumusunod na pangyayari: Mga unang buwan noon ng taóng 33 C.E., at si Jesus ay nakatayo sa harap ni Gobernador Poncio Pilato ng Roma. Sinabi ni Jesus kay Pilato: “Dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” Nagtanong si Pilato: “Ano ang katotohanan?” Ngunit hindi na niya hinintay ang karagdagang komento ni Jesus.—Juan 18:36-38.
6. (a) Paano binigyang-katuturan ang “katotohanan”? (b) Anong atas ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?
6 Ang “katotohanan” ay binigyang-katuturan bilang “ang kalipunan ng totoong mga bagay, pangyayari, at impormasyon.” (Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary) Gayunman, si Jesus ba ay nagpatotoo sa pangkalahatang katotohanan? Hindi. Nasa isip niya ang isang espesipikong katotohanan. Inatasan niya ang kaniyang mga tagasunod na ihayag ang katotohanang iyon, sapagkat sinabi niya sa kanila: “Gumawa [kayo] ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Bago ang “katapusan ng sistema ng mga bagay,” ihahayag ng tunay na mga alagad ni Jesus ang “katotohanan ng mabuting balita” sa buong lupa. (Mateo 24:3; Galacia 2:14) Ito ay gagawin bilang katuparan ng mga salita ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Kaya mahalaga na makilala natin yaong mga nagtuturo ng katotohanan sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.
Kung Paano Natin Matututuhan ang Katotohanan
7. Paano mo patutunayan na si Jehova ang Pinagmumulan ng katotohanan?
7 Si Jehova ang Pinagmumulan ng espirituwal na katotohanan. Sa katunayan, tinawag ng salmistang si David si Jehova na “Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5; 43:3) Kinilala ni Jesus na ang salita ng kaniyang Ama ay katotohanan, at kaniya ring inihayag: “Nasusulat sa mga Propeta, ‘At silang lahat ay magiging mga naturuan ni Jehova.’ Bawat isa na nakarinig mula sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin.” (Juan 6:45; 17:17; Isaias 54:13) Kung gayon, maliwanag na yaong mga naghahanap ng katotohanan ay dapat na maturuan ni Jehova, ang Dakilang Tagapagturo. (Isaias 30:20, 21) Kailangang matamo ng mga naghahanap ng katotohanan “ang mismong kaalaman sa Diyos.” (Kawikaan 2:5) At maibiging itinuro o inihatid ni Jehova ang katotohanan sa iba’t ibang paraan.
8. Sa anu-anong paraan itinuro o itinawid ng Diyos ang katotohanan?
8 Halimbawa, ginamit ng Diyos ang mga anghel upang ihatid sa mga Israelita ang Kautusan. (Galacia 3:19) Sa pamamagitan ng mga panaginip, nangako siya ng mga pagpapala sa mga patriyarkang sina Abraham at Jacob. (Genesis 15:12-16; 28:10-19) Nagsalita pa nga ang Diyos mula sa langit, gaya noong bautismuhan si Jesus at narinig ang kapana-panabik na mga salitang ito sa lupa: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Makapagpapasalamat din tayo na itinawid ng Diyos ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkasi sa mga manunulat ng Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) Kung gayon, sa pamamagitan ng pagkatuto mula sa Salita ng Diyos ay maaari tayong magkaroon ng “pananampalataya sa katotohanan.”—2 Tesalonica 2:13.
Ang Katotohanan at ang Anak ng Diyos
9. Paano ginamit ng Diyos ang kaniyang Anak upang isiwalat ang katotohanan?
9 Pantangi nang ginamit ng Diyos ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, upang isiwalat ang katotohanan sa sangkatauhan. (Hebreo 1:1-3) Sa katunayan, walang sinumang tao ang nakapagsalita ng katotohanan na tulad ni Jesus. (Juan 7:46) Maging pagkatapos niyang umakyat sa langit, isiniwalat niya ang katotohanan mula sa kaniyang Ama. Halimbawa, tumanggap si apostol Juan ng “isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan.”—Apocalipsis 1:1-3.
10, 11. (a) Ang katotohanan na ipinangaral ni Jesus ay nauugnay sa ano? (b) Paano ginawang realidad ni Jesus ang katotohanan?
10 Sinabi ni Jesus kay Poncio Pilato na Siya ay dumating sa lupa upang magpatotoo sa katotohanan. Noong panahon ng kaniyang ministeryo, isiniwalat ni Jesus na ang katotohanang iyon ay may kaugnayan sa pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos na si Kristo ang Hari. Ngunit ang pagpapatotoo sa katotohanan ay humihiling nang higit pa kaysa sa pangangaral at pagtuturo lamang ni Jesus. Ginawa ni Jesus na realidad ang katotohanang iyon sa pamamagitan ng pagtupad dito. Alinsunod dito, sumulat si apostol Pablo: “Huwag kayong hatulan ng sinumang tao sa pagkain at pag-inom o may kinalaman sa kapistahan o sa pangingilin ng bagong buwan o ng isang sabbath; sapagkat ang mga bagay na iyon ay isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katunayan ay sa Kristo.”—Colosas 2:16, 17.
11 Ang isang paraan na naging realidad ang katotohanan ay sa pamamagitan ng inihulang kapanganakan ni Jesus sa Betlehem. (Mikas 5:2; Lucas 2:4-11) Ang katotohanan ay naging realidad din nang matupad ang makahulang mga salita ni Daniel tungkol sa paglitaw ng Mesiyas sa dulo ng 69 na ‘mga sanlinggo ng taon.’ Iyon ay naganap nang iharap ni Jesus ang kaniyang sarili sa Diyos sa bautismo at pahiran siya ng banal na espiritu, sa eksaktong panahon, noong 29 C.E. (Daniel 9:25; Lucas 3:1, 21, 22) Ang katotohanan ay lalo pang naging realidad sa pamamagitan ng nagbibigay-liwanag na ministeryo ni Jesus bilang isang tagapaghayag ng Kaharian. (Isaias 9:1, 2, 6, 7; 61:1, 2; Mateo 4:13-17; Lucas 4:18-21) Ito rin ay naging realidad sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli.—Awit 16:8-11; Isaias 53:5, 8, 11, 12; Mateo 20:28; Juan 1:29; Gawa 2:25-31.
12. Bakit masasabi ni Jesus na ‘Ako ang katotohanan’?
12 Yamang ang katotohanan ay nakasentro kay Jesu-Kristo, masasabi niya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Ang mga tao ay napalalaya sa espirituwal na paraan kapag ‘pumanig sila sa katotohanan’ sa pamamagitan ng pagtanggap sa papel ni Jesus sa layunin ng Diyos. (Juan 8:32-36; 18:37) Dahil tinatanggap ng tulad-tupang mga tao ang katotohanan at sumusunod kay Kristo nang may pananampalataya, tatanggap sila ng buhay na walang hanggan.—Juan 10:24-28.
13. Susuriin natin ang maka-Kasulatang katotohanan sa anong tatlong pitak?
13 Ang kalipunan ng katotohanan na ibinigay ni Jesus at ng kaniyang kinasihang mga alagad ay bumubuo sa tunay na pananampalatayang Kristiyano. Kaya yaong mga “masunurin sa pananampalataya” ay “patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (Gawa 6:7; 3 Juan 3, 4) Kung gayon, sino ang mga lumalakad sa katotohanan sa ngayon? Sino talaga ang nagtuturo ng katotohanan sa lahat ng mga bansa? Upang masagot ang mga tanong na iyan, pagtutuunan natin ng pansin ang sinaunang mga Kristiyano at susuriin ang maka-Kasulatang katotohanan na may kaugnayan sa (1) mga paniniwala, (2) paraan ng pagsamba, at (3) personal na paggawi.
Ang Katotohanan at mga Paniniwala
14, 15. Ano ang masasabi mo sa saloobin ng sinaunang mga Kristiyano at ng mga Saksi ni Jehova sa Kasulatan?
14 Ang nasusulat na Salita ni Jehova ay lubos na iginalang ng sinaunang mga Kristiyano. (Juan 17:17) Iyon ang kanilang pamantayan hinggil sa mga paniniwala at mga kaugalian. Si Clement ng Alejandria noong ikalawa at ikatlong siglo ay nagsabi: “Yaong mga nagsisikap na makamit ang kahusayan ay hindi titigil sa kanilang paghahanap sa katotohanan, hanggang sa sila mismo ay makakuha ng maka-Kasulatang katibayan hinggil sa kanilang paniniwala.”
15 Gaya ng sinaunang mga Kristiyano, lubos na iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang Bibliya. Naniniwala sila na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo.” (2 Timoteo 3:16) Kaya isaalang-alang natin ang ilang paniniwala ng sinaunang mga Kristiyano habang binibigyang-pansin ang natutuhan ng makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova dahil ginagamit nila ang Bibliya bilang kanilang pangunahing aklat-aralin.
Ang Katotohanan Tungkol sa Kaluluwa
16. Ano ang katotohanan tungkol sa kaluluwa?
16 Dahil naniwala sila sa sinasabi ng Kasulatan, itinuro ng unang mga Kristiyano ang katotohanan tungkol sa kaluluwa. Alam nila na “ang tao ay naging isang kaluluwang buháy” nang lalangin ito ng Diyos. (Genesis 2:7) Karagdagan pa, kinilala nila na ang kaluluwa ng tao ay namamatay. (Ezekiel 18:4; Santiago 5:20) Alam din nila na ‘ang mga patay ay walang anumang kabatiran.’—Eclesiastes 9:5, 10.
17. Paano mo ipaliliwanag ang pag-asa para sa mga patay?
17 Gayunman, ang sinaunang mga alagad ni Jesus ay may tiyak na pag-asa na ang mga patay na nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying-muli, o ibabalik sa buhay. Ang paniniwalang iyan ay buong liwanag na ipinahayag ni Pablo, na nagsabi: “Ako ay may pag-asa sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Maging nang dakong huli, ang nag-aangking Kristiyano na si Minucius Felix ay sumulat: “Sino ang napakamangmang o napakahangal upang ipaggiitan na ang tao, na inanyuan ng Diyos sa pasimula, ay hindi niya kayang likhaing muli?” Tulad ng mga unang Kristiyano, nanghahawakan ang mga Saksi ni Jehova sa maka-Kasulatang katotohanan tungkol sa kaluluwa ng tao, sa kamatayan, at sa pagkabuhay-muli. Isaalang-alang naman natin ngayon ang pagkakakilanlan ng Diyos at ni Kristo.
Ang Katotohanan at ang Trinidad
18, 19. Bakit masasabi na ang Trinidad ay hindi isang maka-Kasulatang turo?
18 Hindi itinuring ng sinaunang mga Kristiyano ang Diyos, si Kristo, at ang banal na espiritu bilang isang Trinidad. Ganito ang sinasabi ng The Encyclopædia Britannica: “Hindi lumilitaw ang salitang Trinidad, ni ang tuwirang doktrina nito sa Bagong Tipan, ni binalak mang salungatin ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod ang Shema [isang Hebreong panalangin] sa Lumang Tipan: ‘Makinig ka, O Israel: Ang Panginoon nating Diyos ay iisang Panginoon’ (Deut. 6:4).” Hindi sinamba ng mga Kristiyano ang Romanong trinidad o ang iba pang mga diyos. Tinanggap nila ang pananalita ni Jesus na si Jehova lamang ang dapat sambahin. (Mateo 4:10) Karagdagan pa, naniniwala sila sa mga salita ni Kristo: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.” (Juan 14:28) Pinanghahawakan ng mga Saksi ni Jehova ang gayunding mga paniniwala sa ngayon.
19 Naunawaan ng sinaunang mga tagasunod ni Jesus ang maliwanag na pagkakaiba sa pagitan ng Diyos, ni Kristo, at ng banal na espiritu. Sa katunayan, nagbautismo sila ng mga alagad (1) sa pangalan ng Ama, (2) sa pangalan ng Anak, at (3) sa pangalan ng banal na espiritu, hindi sa pangalan ng isang Trinidad. Itinuturo rin ng mga Saksi ni Jehova ang maka-Kasulatang katotohanan at sa gayo’y pinag-iiba ang Diyos, ang kaniyang Anak, at ang banal na espiritu.—Mateo 28:19.
Ang Katotohanan at Bautismo
20. Anong kaalaman ang kailangan ng mga kandidato sa bautismo?
20 Inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad sa pamamagitan ng pagtuturo ng katotohanan sa mga tao. Upang maging kuwalipikado sa bautismo, kailangan nila ang saligang kaalaman sa Kasulatan. Halimbawa, dapat nilang kilalanin ang posisyon at awtoridad ng Ama at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 3:16) Kailangan ding maunawaan ng mga kandidato sa bautismo na ang banal na espiritu ay hindi isang persona kundi ang aktibong puwersa ng Diyos.—Genesis 1:2, talababa.
21, 22. Bakit mo masasabi na ang bautismo ay para sa mga mananampalataya?
21 Binautismuhan lamang ng mga sinaunang Kristiyano ang mga may-kabatiran at nagsising mga indibiduwal na walang-pasubaling nakaalay sa Diyos upang gawin ang kaniyang kalooban. Ang mga Judio at mga proselita na nagtipon sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. ay mayroon nang kaalaman sa Hebreong Kasulatan. Nang marinig nila ang sinabi ni apostol Pedro tungkol kay Jesus na Mesiyas, mga 3,000 ang “yumakap sa kaniyang salita nang buong puso” at “nabautismuhan.”—Gawa 2:41; 3:19–4:4; 10:34-38.
22 Ang bautismong Kristiyano ay para sa mga mananampalataya. Tinanggap ng mga tao sa Samaria ang katotohanan, at “nang maniwala sila kay Felipe, na nagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos at tungkol sa pangalan ni Jesu-Kristo, sila ay nabautismuhan, kapuwa ang mga lalaki at mga babae.” (Gawa 8:12) Bilang isang debotong proselita na may kaalaman kay Jehova, tinanggap muna ng bating na Etiope ang mga sinabi ni Felipe tungkol sa katuparan ng Mesiyanikong hula, at pagkatapos ay nabautismuhan siya. (Gawa 8:34-36) Nang maglaon, sinabi ni Pedro kay Cornelio at sa iba pang mga Gentil na “ang tao na natatakot sa [Diyos] at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya” at na lahat ng naglalagak ng pananampalataya kay Jesu-Kristo ay tumatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan. (Gawa 10:35, 43; 11:18) Ang lahat ng ito ay kasuwato ng utos ni Jesus na ‘gumawa ng mga alagad, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos niya.’ (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8) Nanghahawakan ang mga Saksi ni Jehova sa pamantayan ding iyon, anupat tinatanggap para sa bautismo tangi lamang yaong mga may saligang kaalaman sa Kasulatan at nakapag-alay na sa Diyos.
23, 24. Ano ang tamang paraan ng bautismong Kristiyano?
23 Ang lubusang paglulubog sa tubig ang tamang paraan ng bautismo para sa mga mananampalataya. Matapos bautismuhan si Jesus sa Ilog Jordan, siya ay ‘umahon mula sa tubig.’ (Marcos 1:10) Ang bating na Etiope ay nabautismuhan sa “isang dakong may tubig.” Siya at si Felipe ay “lumusong sa tubig” at pagkatapos ay ‘umahon sila.’ (Gawa 8:36-40) Ang maka-Kasulatang pag-uugnay ng bautismo sa simbolikong paglilibing ay nagpapahiwatig din ng lubusang paglulubog sa tubig.—Roma 6:4-6; Colosas 2:12.
24 Ang The Oxford Companion to the Bible ay nagsasabi: “Ang mga paglalarawan sa espesipikong mga bautismo sa Bagong Tipan ay nagpapahiwatig na ang taong binabautismuhan ay inilulubog sa tubig.” Ayon sa akdang Pranses na Larousse du XXe Siècle (Paris, 1928), “ang unang mga Kristiyano ay tumanggap ng bautismo sa pamamagitan ng paglulubog saanman may masumpungang tubig.” At ang aklat na After Jesus—The Triumph of Christianity ay nagsasabi: “Sa pinakapayak na anyo nito, [ang bautismo] ay humihiling ng pagpapahayag ng pananampalataya ng kandidato, kasunod ng lubusang paglulubog sa tubig sa pangalan ni Jesus.”
25. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
25 Ang nabanggit na mga punto tungkol sa salig-Bibliyang mga paniniwala at mga kaugalian ng unang mga Kristiyano ay mga halimbawa lamang. Maaaring banggitin ang iba pang mga pagkakatulad sa kanilang mga paniniwala at sa mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang karagdagang mga paraan upang makilala yaong mga nagtuturo ng katotohanan sa mga tao.
Paano Mo Tutugunin?
• Anong uri ng pagsamba ang hinihiling ng Diyos?
• Paano naging realidad ang katotohanan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?
• Ano ang katotohanan tungkol sa kaluluwa at sa kamatayan?
• Paano isinasagawa ang bautismong Kristiyano, at ano ang hinihiling sa mga kandidato sa bautismo?
[Larawan sa pahina 16]
Sinabi ni Jesus kay Pilato: ‘Dumating ako upang magpatotoo sa katotohanan’
[Larawan sa pahina 17]
Maipaliliwanag mo ba kung bakit sinabi ni Jesus: ‘Ako ang katotohanan’?
[Larawan sa pahina 18]
Ano ang katotohanan tungkol sa bautismong Kristiyano?